Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ano ang Kaharian ng Diyos?
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
    • 7. Mas nakakahigit ang mga batas ng Kaharian ng Diyos

      Gumagawa ng batas ang mga gobyerno para makinabang at maprotektahan ang mga mamamayan nito. Mayroon ding mga batas ang Kaharian ng Diyos na dapat sundin ng mga mamamayan nito. Basahin ang 1 Corinto 6:​9-11. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

      • Ano sa tingin mo ang mangyayari sa mundo kung susundin ng lahat ng tao ang mga utos at prinsipyo ng Diyos?a

      • Sa tingin mo, dapat lang bang asahan ni Jehova na susundin ng mga mamamayan ng Kaharian ang mga utos niya? Bakit?

      • Ano ang nagpapakita na puwedeng magbago ang mga dating hindi sumusunod sa mga utos na ito ng Diyos?​—Tingnan ang talata 11.

      Pulis na nagpapahinto sa mga sasakyan sa isang intersection. Mga taong iba’t iba ang edad habang tumatawid sa kalsada.

      Kung napoprotektahan at nakikinabang ang mga mamamayan sa mga batas ng gobyerno ng tao, lalo na sa Kaharian ng Diyos na may mga batas na nakakahigit sa mga batas ng gobyerno ng tao

  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Sex?
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
    • Aralin 41. Lalaki at babae na magkahawak ang kamay.

      ARALIN 41

      Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Sex?

      Naiilang ang maraming tao na pag-usapan ang tungkol sa sex. Pero kapag tinatalakay ng Bibliya ang sex, prangka ito at deretso sa punto, pero may dignidad. Ang totoo, makakatulong sa atin ang sinasabi ng Bibliya. At tama naman, kasi si Jehova ang lumalang sa atin kaya alam niya ang pinakamabuti para sa atin. Sinasabi niya ang mga dapat nating gawin para mapasaya siya at ang makakatulong sa atin para mabuhay magpakailanman.

      1. Ano ang pananaw ni Jehova sa sex?

      Ang sex ay regalo ni Jehova. Iniregalo niya ito para masiyahan ang mag-asawang lalaki at babae. Dahil sa regalong ito, puwede silang magkaanak at maipapadama nila na mahal nila ang isa’t isa. Nagbibigay rin ito ng kaligayahan sa kanila. Kaya sinasabi ng Salita ng Diyos: “Masiyahan ka nawa sa iyong asawa mula pa noong kabataan mo.” (Kawikaan 5:​18, 19) Inaasahan ni Jehova na magiging tapat sa isa’t isa ang mga Kristiyanong mag-asawa, at ayaw niya na mangalunya sila.​—Basahin ang Hebreo 13:4.

      2. Ano ang seksuwal na imoralidad?

      Sinasabi ng Bibliya na “hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos . . . ang mga imoral.” (1 Corinto 6:​9, 10) Ginamit ng mga manunulat ng Bibliya ang salitang Griego na por·neiʹa para tumukoy sa seksuwal na imoralidad. Kasama rito ang (1) seksuwal na ugnayana ng hindi mag-asawa, (2) homoseksuwalidad, at (3) bestiyalidad. Mapapasaya natin si Jehova at makikinabang tayo kapag “umiwas [tayo] sa seksuwal na imoralidad.”​—1 Tesalonica 4:3.

      PAG-ARALAN

      Alamin kung paano iiwasan ang seksuwal na imoralidad at kung paano tayo makikinabang kapag malinis tayo sa moral.

      Si Jose na tumatakas sa asawa ni Potipar. Hawak niya ang damit ni Jose.

      3. Tumakas mula sa seksuwal na imoralidad

      Sinikap ng tapat na lalaking si Jose na manatiling malinis sa moral. Basahin ang Genesis 39:​1-12. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

      • Bakit tumakas mula sa imoralidad si Jose?​—Tingnan ang talata 9.

      • Sa tingin mo, tama kaya ang ginawa ni Jose? Bakit?

      Paano matutularan ng mga kabataan sa ngayon ang ginawa ni Jose? Panoorin ang VIDEO.

      VIDEO: Tumakas Mula sa Imoralidad (5:​06)

      Gusto ni Jehova na tanggihan natin ang imoralidad. Basahin ang 1 Corinto 6:18. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

      • Anong mga sitwasyon ang puwedeng mauwi sa seksuwal na imoralidad?

      • Paano ka tatakas mula sa seksuwal na imoralidad?

      4. Kaya mong labanan ang tukso

      Bakit mahirap kung minsan na labanan ang tuksong gumawa ng seksuwal na imoralidad? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

      VIDEO: Magbasa ng Bibliya Para Malabanan ang Tukso (3:​02)

      • Nang mapansin ng brother na ang iniisip at ginagawa niya ay puwedeng mauwi sa pagtataksil sa asawa niya, ano ang ginawa niya?

      Kahit ang isang tapat na Kristiyano ay puwedeng mahirapan na magkaroon ng malinis na kaisipan. Paano mo maiiwasang patuloy na mag-isip ng imoral na mga bagay? Basahin ang Filipos 4:8. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

      • Anong mga bagay ang dapat nating pag-isipan?

      • Paano makakatulong ang pagbabasa ng Bibliya at pagiging abala sa paglilingkod kay Jehova para maiwasan ang tuksong magkasala?

      5. Matutulungan tayo ng mga pamantayan ni Jehova

      Alam ni Jehova ang pinakamaganda para sa atin. Sinasabi niya ang mga dapat nating gawin para manatili tayong malinis sa moral pati na ang mga pakinabang nito. Basahin ang Kawikaan 7:​7-27 o panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

      VIDEO: Kapag Nagkulang sa Unawa (9:​32)

      • Paano pumasok sa isang nakakatuksong sitwasyon ang isang kabataang lalaki?​—Tingnan ang Kawikaan 7:​8, 9.

      • Ayon sa Kawikaan 7:​23, 26, ang seksuwal na imoralidad ay nagiging dahilan ng malalaking problema. Kung mananatili tayong malinis sa moral, anong mga problema ang maiiwasan natin?

      • Paano tayo matutulungan ng pagiging malinis sa moral na mabuhay magpakailanman?

      Iniisip ng ilang tao na ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa homoseksuwalidad ay hindi pagpapakita ng pag-ibig. Pero si Jehova ay Diyos ng pag-ibig, at gusto niya na mabuhay tayong lahat magpakailanman. Para mangyari iyan, kailangan nating sundin ang mga pamantayan niya. Basahin ang 1 Corinto 6:​9-11. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

      • Ang homoseksuwal na pagnanasa lang ba ang mali sa pananaw ng Diyos?

      Para mapasaya ang Diyos, kailangan nating gumawa ng mga pagbabago. Sulit ba ito? Basahin ang Awit 19:​8, 11. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

      • Sa tingin mo, makatuwiran ba ang mga pamantayan ni Jehova sa moral? Bakit?

      Mga larawan: 1. Babaeng hindi masaya kasama ng boyfriend niya. Nakikipag-inuman siya at naninigarilyo kasama ng mga kaibigan niya sa isang bar. 2. Ang babae ring iyon na masayang nakikipag-usap sa mga sister sa Kingdom Hall.

      Tinulungan ni Jehova ang maraming tao na magbago at sundin ang mga pamantayan niya sa moral. Matutulungan ka rin niya

      MAY NAGSASABI: “Okey lang mag-sex basta mahal ninyo ang isa’t isa.”

      • Paano mo ito sasagutin?

      SUMARYO

      Ang sex ay regalo ni Jehova para maging masaya ang isang mag-asawa.

      Ano ang Natutuhan Mo?

      • Ano ang kasama sa seksuwal na imoralidad?

      • Ano ang makakatulong sa atin na maiwasan ang seksuwal na imoralidad?

      • Paano tayo makikinabang kung susunod tayo sa mga pamantayan ni Jehova sa moral?

      Subukan Ito

      TINGNAN DIN

      Alamin kung bakit mahalaga kay Jehova na magpakasal ang isang lalaki at babae na gustong mag-asawa.

      “Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pagli-live-in?” (Artikulo sa jw.org/tl)

      Sinasabi ng Bibliya na mali ang homoseksuwalidad, pero hindi nito itinuturo na magalit tayo sa mga taong homoseksuwal. Alamin kung bakit.

      “Mali Ba ang Homoseksuwalidad?” (Artikulo sa jw.org/tl)

      Alamin kung paano tayo napoprotektahan ng mga utos ng Diyos tungkol sa lahat ng seksuwal na gawain.

      “Maituturing Bang Sex ang Oral Sex?” (Artikulo sa jw.org/tl)

      Sa kuwentong “Pinakitunguhan Nila Ako Nang May Dignidad,” alamin kung bakit nagbago ang isang dating homoseksuwal.

      “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” (Ang Bantayan, Abril 1, 2011)

      a Kasama sa ipinagbabawal na ugnayang ito ang mga gawain gaya ng pakikipag-sex, oral sex, anal sex, at paghimas sa ari ng iba.

  • Paano Kung Nakagawa Ka ng Malubhang Kasalanan?
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
    • Kahit mahal na mahal mo si Jehova at nagsisikap kang hindi siya masaktan, nagkakamali ka pa rin kung minsan. Pero may ilang kasalanan na mas malubha kaysa sa iba. (1 Corinto 6:​9, 10) Kung makagawa ka ng malubhang kasalanan, tandaan na mahal ka pa rin ni Jehova. Handa ka niyang patawarin at tutulungan ka niya.

      1. Ano ang kailangan nating gawin para mapatawad tayo ni Jehova?

      Kapag nakagawa ng malubhang kasalanan ang mga taong nagmamahal kay Jehova, siguradong napakalungkot nila. Pero nakakapagpatibay ang pangako ni Jehova sa mga lingkod niya: “Kahit na ang mga kasalanan ninyo ay gaya ng iskarlata, mapapuputi ang mga ito na gaya ng niyebe.” (Isaias 1:18) Kung talagang nagsisisi tayo, siguradong papatawarin tayo ni Jehova. Paano natin maipapakita ang pagsisisi? Kung talagang nalulungkot tayo dahil sa ginawa natin, ihihinto natin ito at hihingi tayo ng kapatawaran kay Jehova. Magsisikap din tayong baguhin ang maling kaisipan o gawain na naging dahilan ng pagkakasala natin. At gagawin natin ang lahat para masunod ang malinis na pamantayan ni Jehova.​—Basahin ang Isaias 55:​6, 7.

      2. Paano ginagamit ni Jehova ang mga elder para tulungan tayo kapag nagkasala tayo?

      Kung makagawa tayo ng malubhang kasalanan, sinasabi ni Jehova na “tawagin [natin] ang matatandang lalaki sa kongregasyon.” (Basahin ang Santiago 5:​14, 15.) Mahal ng mga inatasang lalaking ito si Jehova at ang mga tupa niya. Matutulungan nila tayong maibalik ang magandang kaugnayan natin kay Jehova kasi tinuruan sila kung paano gagawin iyon.​—Galacia 6:1.

      Paano tayo matutulungan ng mga elder kapag nakagawa tayo ng malubhang kasalanan? Gagamitin ng dalawa o tatlong elder ang Bibliya para maituwid tayo. Papayuhan nila tayo at sasabihin ang mga puwede nating gawin para hindi na natin maulit ang kasalanan natin. Kapag hindi nagsisi ang isang taong nakagawa ng malubhang kasalanan, aalisin siya ng mga elder sa kongregasyon para hindi siya makaimpluwensiya sa iba.

      PAG-ARALAN

      Pahalagahan at mas unawain pa kung paano tayo tinutulungan ni Jehova kapag nakagawa tayo ng malubhang kasalanan.

      3. Makakatulong kung ipagtatapat natin ang ating kasalanan

      Nasasaktan si Jehova kapag nakakagawa tayo ng kasalanan. Kaya tama lang na ipagtapat natin ito sa kaniya. Basahin ang Awit 32:​1-5. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

      • Bakit makakabuting ipagtapat kay Jehova ang mga kasalanan natin imbes na itago ito?

      Bukod sa pagtatapat kay Jehova, makakatulong din kung hihingi tayo ng tulong sa mga elder. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

      VIDEO: “Dinidisiplina ni Jehova ang mga Mahal Niya” (3:​01)

      • Paano tinulungan ng mga elder si Canon na manumbalik kay Jehova?

      Kailangan nating ipagtapat sa mga elder ang lahat ng nagawa natin. Nandiyan sila para tulungan tayo. Basahin ang Santiago 5:​16. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

      • Bakit magiging madali para sa mga elder na tulungan ka kung ipagtatapat mo sa kanila ang lahat?

      Mga larawan: 1. Brother na lungkot na lungkot at hawak-hawak ang mukha niya. 2. Nanalangin siya kay Jehova. 3. Nakipag-usap siya sa isang elder sa telepono. 4. Nakipagkita siya at nakipag-usap sa tatlong elder. 5. Nakangiti siya kasi may malinis na siyang konsensiya.

      Ipagtapat ang kasalanan mo, sabihin ito sa mga elder, at tanggapin ang tulong ni Jehova

      4. Nagpapakita si Jehova ng awa sa mga nagkasala

      Kung ayaw pa ring sumunod sa pamantayan ni Jehova ang isang taong nakagawa ng malubhang kasalanan, aalisin siya sa kongregasyon, at hindi na tayo makikisama sa kaniya. Basahin ang 1 Corinto 5:​6, 11. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

      • Gaya ng lebadura na nagpapaalsa sa tinapay, paano puwedeng impluwensiyahan ng isang di-nagsisisi ang kongregasyon?

      Tinutularan ng mga elder ang awa na ipinapakita ni Jehova sa mga nagkasala, kaya sila ang nauunang lumapit sa mga inalis sa kongregasyon para tulungan ang mga ito. Marami sa mga inalis ang nakabalik sa kongregasyon. Bakit? Dahil kahit masakit, nakatulong ito para ma-realize nila ang pagkakamali nila.—Awit 141:5.

      Sa pakikitungo ni Jehova sa mga nagkasala, paano natin nakita na makatuwiran, maawain, at maibigin siya?

      5. Pinapatawad ni Jehova ang mga nagsisisi

      Gumamit si Jesus ng isang ilustrasyon para maunawaan natin ang nararamdaman ni Jehova sa isang taong nagsisisi. Basahin ang Lucas 15:1-7. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

      • Ano ang itinuturo ng tekstong ito tungkol kay Jehova?

      Basahin ang Ezekiel 33:11. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

      • Ano ang kailangan mong gawin para patunayang nagsisisi ka?

      Isang pastol habang dahan-dahang binebendahan ang sugatang tupa.

      Gaya ng isang pastol, talagang nagmamalasakit si Jehova sa mga tupa niya

      MAY NAGSASABI: “Natatakot akong sabihin sa mga elder ang kasalanan ko, kasi baka alisin nila ako sa kongregasyon.”

      • Ano ang sasabihin mo sa kaniya?

      SUMARYO

      Kung makagawa tayo ng malubhang kasalanan, papatawarin tayo ni Jehova kung magsisisi tayo at magsisikap na hindi ito ulitin.

      Ano ang Natutuhan Mo?

      • Bakit magandang ipagtapat kay Jehova ang mga kasalanan natin?

      • Ano ang kailangan nating gawin para mapatawad ang mga kasalanan natin?

      • Kung makagawa tayo ng malubhang kasalanan, bakit mahalagang humingi ng tulong sa mga elder?

      Subukan Ito

      TINGNAN DIN

      Tingnan kung paano naramdaman ng isang lalaki ang awa ni Jehova gaya ng paglalarawan sa Isaias 1:18.

      Huwag Mag-alinlangan sa Awa ni Jehova (5:​02)

      Paano sinisikap ng mga elder na tulungan ang mga nakagawa ng malubhang kasalanan?.

      “Pag-ibig at Awa sa mga Nagkasala” (Ang Bantayan, Agosto 2024)

      Tingnan kung paano pinagpapakitaan ng pag-ibig at awa ang mga di-nagsisising nagkasala.

      “Tulong Para sa mga Inalis sa Kongregasyon” (Ang Bantayan, Agosto 2024)

      Sa kuwentong “Dapat Akong Manumbalik kay Jehova,” alamin kung bakit naramdaman ng isang lalaki na tinulungan siya ni Jehova na makabalik sa kongregasyon.

      “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” (Ang Bantayan, Abril 1, 2012)

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share