-
Ano ang Dapat na Maging Pananaw ng mga Kristiyano sa Alak?Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
-
-
Ano ang Dapat na Maging Pananaw ng mga Kristiyano sa Alak?
Sa buong mundo, iba-iba ang pananaw ng mga tao tungkol sa alak. May ilan na gustong uminom paminsan-minsan kasama ng mga kaibigan nila. May iba naman na hindi talaga umiinom ng alak. At may ilang tao pa nga na umiinom hanggang sa malasing. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-inom ng alak?
1. Mali bang uminom ng mga inuming de-alkohol?
Hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang pag-inom ng alak. Ang totoo, ang “alak na nagpapasaya sa puso ng tao” ay kasama sa mga regalo ng Diyos sa atin. (Awit 104:14, 15) May binabanggit pa nga sa Bibliya na tapat na mga lalaki at babae na uminom ng alak.—1 Timoteo 5:23.
2. Ano ang payo ng Bibliya sa mga umiinom ng alak?
Hinahatulan ni Jehova ang sobrang pag-inom ng alak at paglalasing. (Galacia 5:21) Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kang maging gaya ng malalakas uminom ng alak.” (Kawikaan 23:20) Kaya kung gusto nating uminom kahit wala tayong kasama, dapat na hindi ito sobra-sobra, at siguraduhing makakapag-isip, makakapagsalita, at makakakilos pa rin tayo nang maayos. Siguraduhin din na hindi ito makakasira sa kalusugan natin. Pero kung hindi natin makontrol ang pag-inom, mas makakabuting huwag na lang tayong uminom.
3. Paano natin igagalang ang desisyon ng iba tungkol sa pag-inom ng alak?
Personal na desisyon ang pag-inom ng alak. Hindi natin dapat husgahan ang mga umiinom nang katamtaman, at hindi natin pipiliting uminom ang mga ayaw uminom ng alak. (Roma 14:10) Hindi rin tayo iinom kung magiging problema ito ng iba. (Basahin ang Roma 14:21.) Gusto nating ‘unahin ang kapakanan ng ibang tao, hindi ang sarili natin.’—Basahin ang 1 Corinto 10:23, 24.
PAG-ARALAN
Alamin ang mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa iyong magdesisyon kung iinom ka ng alak o kung gaano karami ang iinumin mo. Alamin din ang mga puwede mong gawin kung may problema ka sa pag-inom.
4. Mag-isip bago uminom
Ano ang pananaw ni Jesus tungkol sa pag-inom ng alak? Para malaman ang sagot, tingnan ang unang himala na ginawa niya. Basahin ang Juan 2:1-11. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Sa himalang ito, ano ang matututuhan natin sa pananaw ni Jesus tungkol sa alak at sa mga umiinom nito?
Dahil hindi hinahatulan ni Jesus ang pag-inom ng alak, ano ang dapat na maging pananaw ng mga Kristiyano sa mga umiinom nito?
Pero kahit puwedeng uminom ang isang Kristiyano, hindi ibig sabihin nito na ito ang laging tamang gawin. Basahin ang Kawikaan 22:3. Pagkatapos, talakayin kung paano puwedeng makaapekto sa desisyon mo ang mga sitwasyong ito:
Magmamaneho ka o mag-o-operate ng makina.
Buntis ka.
Pinagbawalan ka ng doktor mo na uminom ng alak.
Hindi mo makontrol ang pag-inom ng alak.
Ipinagbabawal ng batas sa inyong lugar ang pag-inom ng alak.
May kasama ka na ayaw uminom ng alak kasi dati siyang may problema sa pag-inom.
Dapat ka bang maglabas ng alak sa isang kasalan o ibang gathering? Para matulungan kang magdesisyon, panoorin ang VIDEO.
Basahin ang Roma 13:13 at 1 Corinto 10:31, 32. Sa bawat pagbasa ng teksto, talakayin ang tanong na ito:
Paano makakatulong ang prinsipyong ito para makagawa ka ng desisyong magpapasaya kay Jehova?
Personal na desisyon ang pag-inom ng alak. Pero kahit umiinom ng alak ang isa, baka may panahong piliin niya na huwag munang uminom
5. Kung gaano karami ang iinumin mo
Kung iinom ka ng inuming de-alkohol, tandaan ito: Hindi sinasabi ni Jehova na mali ang pag-inom ng alak. Pero sinasabi niya na mali ang sobrang pag-inom. Bakit? Basahin ang Oseas 4:11, 18. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang puwedeng mangyari sa isang tao kapag sobra siyang uminom ng alak?
Paano natin maiiwasang uminom nang sobra? Dapat na alam natin ang ating limitasyon. Basahin ang Kawikaan 11:2. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit magandang magkaroon, o magtakda, ng limitasyon sa dami ng iinumin mo?
6. Ang puwedeng gawin para maihinto ang sobrang pag-inom ng alak
Tingnan kung paano naihinto ng isang lalaki ang paglalasing. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang epekto ng paglalasing sa buhay ni Dmitry?
Naihinto ba niya ito agad?
Ano ang nakatulong sa kaniya na magbagong-buhay?
Basahin ang 1 Corinto 6:10, 11. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paglalasing?
Ano ang nagpapakita na puwedeng magbago ang isang lasenggo?
Basahin ang Mateo 5:30. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ang pagputol sa kamay ay nangangahulugan ng pagsasakripisyo para mapasaya si Jehova. Ano ang puwede mong gawin kung nahihirapan kang ihinto ang paglalasing?a
Basahin ang 1 Corinto 15:33. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano puwedeng makaimpluwensiya ang mga kaibigan mo sa pag-inom mo ng alak?
KUNG MAY MAGTANONG: “Masama bang uminom ng alak?”
Ano ang isasagot mo?
SUMARYO
Ibinigay ni Jehova ang alak para maging masaya tayo. Pero hinahatulan niya ang sobrang pag-inom at paglalasing.
Ano ang Natutuhan Mo?
Ano ang pananaw ng Bibliya tungkol sa alak?
Ano ang mga puwedeng mangyari sa mga sobrang uminom ng alak?
Paano natin igagalang ang desisyon ng iba tungkol sa pag-inom ng alak?
TINGNAN DIN
Paano makakagawa ng tamang desisyon ang mga kabataan tungkol sa pag-inom ng alak?
Alamin ang mga puwede mong gawin para maihinto ang paglalasing.
Dapat bang gawin ng mga Kristiyano ang toasting?
“Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” (Ang Bantayan, Pebrero 15, 2007)
Sa kuwentong “Para Daw Akong Butás na Bariles,” tingnan kung paano nagbago ang isang dating manginginom.
“Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” (Ang Bantayan, Mayo 1, 2012)
a Baka kailangang magpatingin sa doktor ng isang alkoholiko para maihinto ang bisyo niya. Ipinapayo ng mga doktor na mas makakabuting huwag nang uminom ang mga may problema sa alak.
-
-
Kung Bakit Mahalaga ang Pananamit at Hitsura NatinMasayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
-
-
ARALIN 52
Kung Bakit Mahalaga ang Pananamit at Hitsura Natin
Iba-iba tayo ng gusto pagdating sa pananamit at pag-aayos. Kung susundin natin ang ilang prinsipyo sa Bibliya, hindi lang tayo makakapili ng mga gusto nating damit, mapapasaya pa natin si Jehova. Talakayin natin ang ilan sa mga prinsipyong ito.
1. Anong mga prinsipyo tungkol sa pananamit at pag-aayos ang makakatulong sa atin?
Dapat tayong pumili ng “maayos na pananamit, na nagpapakita ng kahinhinan at matinong pag-iisip.” Dapat lagi ring maging malinis ang ating hitsura para maipakita natin na mayroon tayong “debosyon sa Diyos.” (1 Timoteo 2:9, 10) Pag-isipan ang apat na prinsipyong ito: (1) Dapat na maging “maayos” ang ating pananamit. Baka napansin mo sa mga pulong na iba-iba ang gustong istilo ng pananamit ng mga kapatid. Pero nagpapakita pa rin ng paggalang sa Diyos na sinasamba natin ang istilo ng pananamit at buhok nila. (2) Dapat “nagpapakita ng kahinhinan” ang pananamit natin. Ibig sabihin, hindi ito mapang-akit at kumukuha ng masyadong atensiyon. (3) Naipapakita natin ang ‘katinuan ng pag-iisip’ kapag hindi tayo sumusunod sa lahat ng usong pananamit at pag-aayos. (4) Dapat lagi ring makita sa hitsura natin ang “debosyon sa Diyos” para makita ng mga tao na sumasamba tayo sa tunay na Diyos.—1 Corinto 10:31.
2. Paano makakaapekto sa mga kapatid sa kongregasyon ang hitsura natin?
Kahit may kalayaan tayong pumili ng damit, dapat pa rin nating isipin ang magiging epekto nito sa iba. Sinisikap nating hindi makatisod, at iniisip natin na ‘palugdan ang kapuwa natin para sa ikabubuti at ikatitibay nila.’—Basahin ang Roma 15:1, 2.
3. Paano makakatulong ang hitsura natin para kilalanin ng iba si Jehova?
Lagi tayong nagsusuot ng angkop na damit sa tamang okasyon, pero lalo na kapag dumadalo tayo sa mga pulong at kapag nangangaral tayo. Gusto nating magpokus ang mga tao sa mahalagang mensahe natin, hindi sa hitsura natin. At ang totoo, puwedeng mas makinig ang mga tao sa katotohanan dahil sa hitsura natin at “magdulot ng papuri sa turo ng ating Tagapagligtas.”—Tito 2:10.
PAG-ARALAN
Alamin kung paano natin masisiguro na angkop para sa isang Kristiyano ang ating pananamit at hitsura.
Makikita sa ating hitsura kung iginagalang natin ang mga nasa awtoridad. Kahit nababasa ni Jehova ang nasa puso natin, dapat makita sa hitsura natin na iginagalang natin siya
4. Nagpapakita ng paggalang kay Jehova ang maayos na hitsura
Ano ang pinakamahalagang dahilan kung bakit gusto nating maging maayos ang ating hitsura? Basahin ang Awit 47:2. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Dahil dala natin ang pangalan ni Jehova, paano ito dapat makaapekto sa pinipili nating damit?
Sa tingin mo, mahalaga kaya talagang pag-isipan ang hitsura natin kapag dumadalo tayo sa mga pulong at nangangaral? Bakit?
5. Kung paano magdedesisyon pagdating sa pananamit at pag-aayos
Mahal man o mura lang ang damit natin, dapat na lagi itong malinis at angkop sa okasyon. Basahin ang 1 Corinto 10:24 at 1 Timoteo 2:9, 10. Pagkatapos, talakayin kung bakit natin dapat iwasan ang pananamit na . . .
hindi maayos o sobrang casual.
hapít na hapít, naglalantad ng katawan, o mapang-akit.
Kahit hindi na kailangang sundin ng mga Kristiyano ang Kautusang Mosaiko, makikita pa rin doon ang pananaw ni Jehova. Basahin ang Deuteronomio 22:5. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit dapat iwasan ng mga lalaki na manamit o mag-ayos na parang babae at ng mga babae na manamit o mag-ayos na parang lalaki?
Basahin ang 1 Corinto 10:32, 33 at 1 Juan 2:15, 16. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit dapat pag-isipan kung makakatisod sa ilan sa komunidad o sa kongregasyon ang hitsura natin?
Anong istilo ng pananamit o pag-aayos ang karaniwan sa inyong lugar?
Sa tingin mo, mayroon kaya sa mga istilong iyon na hindi angkop para sa isang Kristiyano? Bakit iyan ang sagot mo?
Pagdating sa pananamit at pag-aayos, marami tayong puwedeng pagpilian na makakapagpasaya kay Jehova
MAY NAGSASABI: “Karapatan kong pumili anumang damit ang gusto kong isuot.”
Tama kaya iyon? Bakit iyan ang sagot mo?
SUMARYO
Kapag tama ang pananamit at pag-aayos natin, ipinapakita nito na iginagalang natin si Jehova at ang iba.
Ano ang Natutuhan Mo?
Bakit mahalaga para kay Jehova ang ating pananamit at pag-aayos?
Anong mga prinsipyo tungkol sa pananamit at pag-aayos ang makakatulong sa atin?
Paano nakakaapekto ang hitsura natin sa pananaw ng iba tungkol sa tunay na pagsamba?
TINGNAN DIN
Tingnan kung ano ang puwedeng isipin ng iba tungkol sa iyo kapag nakita nila ang pananamit mo.
Bakit mahalagang mag-isip muna bago magpatato?
“Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa mga Tato?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Tingnan ang iba pang prinsipyo na makakatulong sa atin na magdesisyon.
“Naluluwalhati Mo Ba ang Diyos sa Iyong Pananamit?” (Ang Bantayan, Setyembre 2016)
Paano nagkaroon ng balanseng pananaw ang isang babae pagdating sa pananamit at pag-aayos ng iba?
“Ang Pananamit at Pag-aayos ang Naging Katitisuran Ko” (Gumising!, Disyembre 22, 2003)
-