-
Mga Lalaki, Nagpapasakop ba Kayo sa Pagkaulo ni Kristo?Ang Bantayan—2010 | Mayo 15
-
-
Mga Lalaki, Nagpapasakop ba Kayo sa Pagkaulo ni Kristo?
“Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo.”—1 COR. 11:3.
1. Ano ang nagpapakitang si Jehova ay isang Diyos ng kaayusan?
“IKAW ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan,” ang sabi sa Apocalipsis 4:11, “sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.” Dahil siya ang Maylalang, ang Diyos na Jehova ang Kataas-taasang Soberano ng uniberso at may awtoridad sa lahat ng kaniyang nilalang. Si Jehova “ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” Makikita ito sa maayos na pagkakaorganisa niya sa kaniyang pamilya ng mga anghel.—1 Cor. 14:33; Isa. 6:1-3; Heb. 12:22, 23.
2, 3. (a) Sino ang kauna-unahang nilalang ni Jehova? (b) Ano ang posisyon ng panganay na Anak may kaugnayan sa Ama?
2 Bago pa man lumalang ng anumang bagay, umiiral na ang Diyos sa loob ng pagkahaba-habang panahon. Ang kauna-unahan niyang nilikha ay ang espiritung nilalang na nakilala bilang “ang Salita,” yamang siya ang Tagapagsalita ni Jehova. Sa pamamagitan ng Salita, ang lahat ng bagay ay umiral. Nang maglaon, naparito siya sa lupa bilang isang sakdal na tao at nakilala bilang si Jesu-Kristo.—Basahin ang Juan 1:1-3, 14.
3 Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa posisyon ng panganay na Anak may kaugnayan sa Diyos? Sa patnubay ng banal na espiritu, sinabi sa atin ni apostol Pablo: “Nais kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1 Cor. 11:3) Ang Kristo ay sakop ng pagkaulo ng kaniyang Ama. Napakahalaga ng pagkaulo at pagpapasakop para magkaroon ng kapayapaan at kaayusan sa gitna ng matatalinong nilalang. Maging ang isa na “sa pamamagitan niya ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang” ay kailangang magpasakop sa pagkaulo ng Diyos.—Col. 1:16.
4, 5. Ano ang saloobin ni Jesus tungkol sa kaniyang posisyon may kaugnayan kay Jehova?
4 Ano ang saloobin ni Jesus tungkol sa pagpapasakop sa pagkaulo ni Jehova at sa pagparito niya sa lupa? Sinasabi ng Kasulatan: “[Si Kristo Jesus,] bagaman umiiral sa anyong Diyos, ay hindi nag-isip na mang-agaw, samakatuwid nga, na siya ay maging kapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubad niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at napasawangis ng tao. Higit pa riyan, nang masumpungan niya ang kaniyang sarili sa anyong tao, nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.”—Fil. 2:5-8.
5 Sa lahat ng pagkakataon, mapagpakumbabang nagpasakop si Jesus sa kaniyang Ama. Sinabi niya: “Hindi ako makagagawa ng kahit isang bagay sa sarili kong pagkukusa; . . . ang hatol na ipinapataw ko ay matuwid, sapagkat hinahanap ko, hindi ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 5:30) “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa [aking Ama],” ang sabi niya. (Juan 8:29) Sa pagtatapos ng kaniyang buhay sa lupa, nanalangin si Jesus sa kaniyang Ama: “Niluwalhati kita sa lupa, nang matapos ang gawa na ibinigay mo sa akin upang gawin.” (Juan 17:4) Maliwanag na hindi naging problema kay Jesus ang pagkilala at pagtanggap sa pagkaulo ng Diyos.
Nakinabang ang Anak sa Pagpapasakop sa Ama
6. Anong magagandang katangian ang ipinakita ni Jesus?
6 Noong narito si Jesus, nagpakita siya ng maraming magagandang katangian. Isa na rito ang dakilang pag-ibig sa kaniyang Ama. “Iniibig ko ang Ama,” ang sabi niya. (Juan 14:31) Nagpakita rin siya ng dakilang pag-ibig sa mga tao. (Basahin ang Mateo 22:35-40.) Si Jesus ay mabait at makonsiderasyon, hindi malupit o dominante. “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan,” ang sabi niya, “at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Mat. 11:28-30) Ang tulad-tupang mga tao, anuman ang edad, lalo na ang mga nasisiil at naaapi, ay naginhawahan nang husto sa kaayaayang personalidad at nakapagpapasiglang mensahe ni Jesus.
7, 8. Sa ilalim ng Kautusan, ano ang restriksiyon sa isang babaing inaagasan ng dugo? Paano siya pinakitunguhan ni Jesus?
7 Tingnan naman natin kung paano nakitungo si Jesus sa mga babae. Sa buong kasaysayan, maraming lalaki ang nagmalupit sa mga babae. Ganiyan ang mga lider ng relihiyon sa sinaunang Israel. Pero naging magalang si Jesus sa mga babae. Kitang-kita ito sa pakikitungo niya sa isang babaing 12 taon nang inaagasan ng dugo. “Siya ay pinaranas ng maraming pahirap” ng mga manggagamot at naubos na ang pera niya sa pagpapagamot. Pero nasayang lang ang kaniyang pagsisikap, at “lalo pa ngang lumubha” ang sakit niya. Sa ilalim ng Kautusan, siya ay marumi. Sinumang humipo sa kaniya ay magiging marumi rin.—Lev. 15:19, 25.
8 Nang mabalitaan ng babae na nagpapagaling si Jesus ng mga maysakit, nakipagsiksikan siya sa mga taong nakapalibot kay Jesus at sinabi: “Kung mahihipo ko kahit man lamang ang kaniyang mga panlabas na kasuutan ay gagaling ako.” Nang mahipo niya si Jesus, agad nga siyang gumaling. Alam ni Jesus na hindi dapat hipuin ng babae ang kaniyang damit. Pero hindi niya pinagalitan ang babae. Sa halip, mabait pa rin siya sa kaniya. Naunawaan niya ang nadarama nito matapos ang napakatagal na pagkakasakit at alam niyang kailangang-kailangan nito ng tulong. Buong-pagkahabag na sinabi ni Jesus sa kaniya: “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Yumaon kang payapa, at magkaroon ka ng mabuting kalusugan.”—Mar. 5:25-34.
9. Ano ang naging reaksiyon ni Jesus nang pigilan ng mga alagad ang paglapit sa kaniya ng mga bata?
9 Maging ang mga bata ay hindi natakot kay Jesus. Minsan, nang dalhin sa kaniya ng mga tao ang mga bata, sinaway sila ng mga alagad, sa pag-aakalang ayaw magpaistorbo ni Jesus sa mga bata. Pero hindi ganoon si Jesus. Sinasabi sa atin ng Kasulatan: “Sa pagkakita nito ay nagalit si Jesus at sinabi sa [mga alagad]: ‘Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang tangkaing pigilan, sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nauukol sa mga tulad nito.’” Hindi lang iyan, “kinuha niya sa kaniyang mga bisig ang mga bata at pinasimulan silang pagpalain, na ipinapatong sa kanila ang kaniyang mga kamay.” Hindi lang niya pinagbigyan ang mga bata, ipinakita rin niyang tuwang-tuwa siya sa kanila.—Mar. 10:13-16.
10. Paano nagkaroon si Jesus ng kahanga-hangang mga katangian?
10 Paano nagkaroon si Jesus ng gayong mga katangian? Bago naging tao, naobserbahan niya ang kaniyang makalangit na Ama sa loob ng napakahabang panahon at natutuhan niya ang Kaniyang mga daan. (Basahin ang Kawikaan 8:22, 23, 30.) Sa langit, nakita niya ang maibiging pagkaulo ni Jehova sa lahat ng Kaniyang nilalang at tinularan niya ito. Magagawa kaya ito ni Jesus kung hindi siya mapagpasakop? Gustung-gusto niyang magpasakop sa kaniyang Ama, at natutuwa naman si Jehova sa pagkakaroon ng gayong Anak. Noong narito si Jesus, tinularan niya ang lahat ng kahanga-hangang katangian ng kaniyang makalangit na Ama. Kaylaking pribilehiyo nga natin na magpasakop kay Kristo, ang inatasan ng Diyos na maging Tagapamahala ng makalangit na Kaharian!
Tularan ang mga Katangian ni Kristo
11. (a) Sino ang dapat nating pagsikapang tularan? (b) Bakit dapat tularan si Jesus, lalo na ng mga lalaki sa kongregasyon?
11 Ang lahat sa kongregasyong Kristiyano, lalo na ang mga lalaki, ay kailangang patuloy na magsikap na tumulad sa mga katangian ni Kristo. Gaya ng nabanggit na, sinasabi ng Bibliya: “Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo.” Kung paanong tinularan ni Kristo ang kaniyang Ulo, ang tunay na Diyos, kailangan ding tularan ng mga lalaking Kristiyano ang kanilang ulo—si Kristo. Ganiyan mismo ang ginawa ni apostol Pablo nang maging Kristiyano siya. “Maging mga tagatulad kayo sa akin,” ang payo niya sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano, “gaya ko naman kay Kristo.” (1 Cor. 11:1) Sinabi rin ni apostol Pedro: “Sa landasing ito ay tinawag kayo, sapagkat maging si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak.” (1 Ped. 2:21) May isa pang dahilan kung bakit dapat tularan si Kristo, lalo na ng mga lalaki. Sila kasi ang nagiging elder o ministeryal na lingkod. Kung paanong nagalak si Jesus na tularan si Jehova, dapat ding magalak ang mga lalaking Kristiyano na tularan si Kristo at ang kaniyang mga katangian.
12, 13. Paano dapat pakitunguhan ng mga elder ang mga tupa na nasa kanilang pangangalaga?
12 Obligasyon ng mga elder sa kongregasyon na tularan si Kristo. Pinayuhan ni Pedro ang matatandang lalaki, o mga elder: “Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga, hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban; ni hindi dahil sa pag-ibig sa di-tapat na pakinabang, kundi may pananabik; ni hindi namamanginoon sa mga mana ng Diyos, kundi maging mga halimbawa sa kawan.” (1 Ped. 5:1-3) Ang mga elder ay hindi dapat maging diktador, dominante, kapritsoso, o malupit. Bilang pagtulad sa halimbawa ni Kristo, sinisikap nilang maging maibigin, makonsiderasyon, mapagpakumbaba, at mabait sa pakikitungo sa mga tupa na ipinagkatiwala sa kanila.
13 Hindi sakdal ang mga lalaking nangunguna sa kongregasyon, at dapat na lagi nilang isaisip ang limitasyong iyon. (Roma 3:23) Kaya kailangang sabik silang matuto tungkol kay Jesus at tularan ang kaniyang pag-ibig. Kailangan nilang bulay-bulayin ang pakikitungo ng Diyos at ni Kristo sa mga tao at pagsikapang tularan sila. Pinapayuhan tayo ni Pedro: “Kayong lahat ay magbigkis ng kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa, sapagkat sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba.”—1 Ped. 5:5.
14. Paano makapagpapakita ng dangal sa iba ang mga elder?
14 Sa pakikitungo sa kawan ng Diyos, kailangang magpakita ng maiinam na katangian ang mga lalaking inatasan sa kongregasyon. Sinasabi sa Roma 12:10: “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” Ang mga elder at ministeryal na lingkod ay nagpapakita ng dangal sa iba. Gaya ng lahat ng Kristiyano, ang mga lalaking ito ay ‘hindi gumagawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa kanila.’ (Fil. 2:3) Oo, itinuturing ng mga nangunguna na ang iba ay nakatataas sa kanila. Sa paggawa nito, nasusunod nila ang payo ni Pablo: “Tayong malalakas ay dapat na magdala ng mga kahinaan niyaong hindi malalakas, at huwag magpalugod sa ating sarili. Palugdan ng bawat isa sa atin ang kaniyang kapuwa sa anumang mabuti para sa kaniyang ikatitibay. Sapagkat maging ang Kristo ay hindi nagpalugod sa kaniyang sarili.”—Roma 15:1-3.
‘Pag-uukol ng Karangalan sa Asawang Babae’
15. Paano dapat pakitunguhan ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak?
15 Isaalang-alang naman natin ang payo ni Pedro sa mga asawang lalaki. Isinulat niya: “Kayong mga asawang lalaki, patuloy na manahanang kasama [ng inyong asawa] sa katulad na paraan ayon sa kaalaman, na pinag-uukulan sila ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, yaong may katangiang pambabae.” (1 Ped. 3:7) Ang pag-uukol ng karangalan sa isa ay nangangahulugan ng mataas na pagtingin sa kaniya. Kaya isasaalang-alang mo ang opinyon, pangangailangan, at kagustuhan ng taong iyon at pagbibigyan mo siya kung wala namang mahalagang isyung nasasangkot. Ganiyan dapat pakitunguhan ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak.
16. Anong babala ang ibinibigay ng Salita ng Diyos sa mga asawang lalaki may kinalaman sa pag-uukol ng karangalan sa kanilang asawa?
16 Nang payuhan ni Pedro ang mga asawang lalaki na pag-ukulan ng karangalan ang kanilang asawa, nagbabala rin siya: “Upang hindi mahadlangan ang inyong mga panalangin.” (1 Ped. 3:7) Oo, napakahalaga kay Jehova ang paraan ng pakikitungo ng lalaki sa kaniyang asawa. Kung hindi siya mag-uukol ng karangalan sa kaniyang asawa, mahahadlangan ang kaniyang panalangin. Bukod diyan, hindi ba’t karaniwan namang nasisiyahan ang mga asawang babae na pinag-uukulan sila ng karangalan ng kanilang asawa?
17. Hanggang saan maipakikita ng asawang lalaki ang pag-ibig niya sa kaniyang kabiyak?
17 May kinalaman sa pag-ibig sa asawang babae, nagpayo ang Salita ng Diyos: ‘Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan. Sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito, gaya ng ginagawa rin ng Kristo sa kongregasyon. Ibigin ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili.’ (Efe. 5:28, 29, 33) Hanggang saan maipakikita ng mga asawang lalaki ang pag-ibig nila sa kanilang kabiyak? “Mga asawang lalaki,” ang isinulat ni Pablo, “patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.” (Efe. 5:25) Oo, kailangang handang ibigay ng asawang lalaki ang kaniyang buhay alang-alang sa kaniyang kabiyak, gaya ng ginawa ni Kristo para sa iba. Kung ang Kristiyanong asawang lalaki ay mapagmahal, makonsiderasyon, maasikaso, at mapagbigay sa kaniyang asawa, hindi ito mahihirapang magpasakop sa kaniyang pagkaulo.
18. Ano ang makakatulong sa mga lalaki na magampanan ang responsibilidad nila sa kanilang asawa?
18 Masyado bang mabigat para sa mga asawang lalaki ang ganitong pag-uukol ng karangalan sa kanilang asawa? Hindi naman. Hindi kailanman hihiling si Jehova ng isang bagay na hindi nila kayang gawin. Bukod diyan, puwedeng hilingin ng mga mananamba ni Jehova ang pinakamalakas na puwersa sa uniberso—ang banal na espiritu ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Kung kayo, bagaman balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!” (Luc. 11:13) Puwedeng ipanalangin ng mga asawang lalaki na sa pamamagitan ng Kaniyang espiritu, tulungan sana sila ni Jehova sa kanilang pakikitungo sa iba, pati na sa kanilang asawa.—Basahin ang Gawa 5:32.
19. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
19 Oo, isang mabigat na pananagutan para sa mga lalaki na magpasakop kay Kristo at tumulad sa kaniyang pagkaulo. Pero paano naman ang mga babae, partikular na ang mga may asawa? Tatalakayin sa susunod na artikulo ang dapat na maging pangmalas nila sa kanilang papel sa kaayusan ni Jehova.
-
-
Mga Babae, Bakit Dapat Kayong Magpasakop sa Pagkaulo?Ang Bantayan—2010 | Mayo 15
-
-
Mga Babae, Bakit Dapat Kayong Magpasakop sa Pagkaulo?
“Ang ulo . . . ng babae ay ang lalaki.”—1 COR. 11:3.
1, 2. (a) Ano ang isinulat ni apostol Pablo tungkol sa kaayusan ni Jehova sa pagkaulo at pagpapasakop? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin sa artikulong ito?
ISINULAT ni apostol Pablo na “ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo” at “ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1 Cor. 11:3) Si Jehova ang nagtatag ng maayos na pagkakasunud-sunod na ito ng pagkaulo. Binanggit sa nakaraang artikulo na isang pribilehiyo at kagalakan para kay Jesus na magpasakop sa kaniyang Ulo, ang Diyos na Jehova, at na ang ulo ng mga lalaking Kristiyano ay si Kristo. Si Kristo ay mabait, mahinahon, mahabagin, at mapagbigay sa mga tao. Ang mga lalaki sa kongregasyon ay dapat na gayon ding makitungo sa iba, lalo na sa kanilang asawa.
2 Kumusta naman ang mga babae? Sino ang ulo nila? ‘Ang ulo ng babae ay ang lalaki,’ isinulat ni Pablo. Ano ang dapat na maging pangmalas ng mga babae sa kinasihang pangungusap na ito? Kapit pa rin ba ang simulaing ito kahit di-sumasampalataya ang kanilang asawa? Ang pagpapasakop ba sa pagkaulo ng lalaki ay nangangahulugang mananahimik na lang ang mga asawang babae, anupat sunud-sunuran na lang sa desisyon ng kanilang asawa? Kailan nagkakamit ng papuri ang isang babae para sa kaniyang sarili?
“Gagawa Ako ng Isang Katulong Para sa Kaniya”
3, 4. Bakit kapaki-pakinabang para sa mag-asawa ang kaayusan sa pagkaulo?
3 Ang kaayusan sa pagkaulo ay galing sa Diyos. Matapos lalangin si Adan, sinabi ng Diyos na Jehova: “Hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa. Gagawa ako ng isang katulong para sa kaniya, bilang kapupunan niya.” Nang lalangin si Eva, tuwang-tuwa si Adan sa pagkakaroon ng kasama at katulong anupat nasabi niya: “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman.” (Gen. 2:18-24) Isang dakilang pribilehiyo para kina Adan at Eva na maging ama at ina ng lahat ng sakdal na mga tao, na masayang mabubuhay magpakailanman sa paraisong lupa.
4 Nang magrebelde ang ating unang mga magulang, nawala ang sakdal na kalagayan sa hardin ng Eden. (Basahin ang Roma 5:12.) Pero nanatili pa rin ang kaayusan sa pagkaulo. Kapag sinunod sa tamang paraan, nagdudulot ito ng malaking pakinabang at kaligayahan sa mag-asawa. Katulad ito ng nadama ni Jesus sa pagpapasakop sa kaniyang Ulo, si Jehova. Bago umiral bilang tao, si Jesus ay “nagagalak sa harap [ni Jehova] sa lahat ng panahon.” (Kaw. 8:30) Dahil sa di-kasakdalan ng tao, wala nang kakayahan ang mga lalaki na maging sakdal na ulo, at hindi na rin sakdal na makapagpapasakop ang mga babae. Pero kung patuloy na magsisikap ang mga mag-asawa na sundin ang kaayusan, magiging maligaya pa rin sila sa panahong ito.
5. Bakit dapat sundin ng mag-asawa ang payo sa Roma 12:10?
5 Para magtagumpay ang pagsasama, napakahalagang sundin ng mag-asawa ang payo ng Kasulatan para sa lahat ng Kristiyano: “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Dapat din nilang pagsikapan na ‘maging mabait sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa.’—Efe. 4:32.
Kung Di-sumasampalataya ang Asawa
6, 7. Ano ang puwedeng mangyari kung mapagpasakop ang Kristiyanong asawang babae sa kaniyang di-sumasampalatayang asawa?
6 Paano kung hindi lingkod ni Jehova ang iyong asawa? Karaniwan nang ang lalaki ang di-sumasampalataya. Paano siya dapat pakitunguhan ng asawang babae? Ganito ang sagot ng Bibliya: “Kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kani-kanilang asawang babae, dahil sa pagiging mga saksi sa inyong malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang.”—1 Ped. 3:1, 2.
7 Ayon sa Salita ng Diyos, dapat na manatiling mapagpasakop ang asawang babae sa kaniyang di-sumasampalatayang asawa. Kung mabuti ang paggawi ng asawang babae, baka mapakilos ang kaniyang asawa na alamin kung bakit ganoon siya kabait. Bilang resulta, baka suriin ng asawang lalaki ang mga paniniwala ng kaniyang asawa at sa kalaunan ay tanggapin na rin ang katotohanan.
8, 9. Ano ang puwedeng gawin ng Kristiyanong asawang babae kung negatibo pa rin ang pagtugon ng kaniyang di-sumasampalatayang asawa sa kabila ng kaniyang mabuting paggawi?
8 Pero paano kung negatibo ang pagtugon ng di-sumasampalatayang asawang lalaki? Ang asawang babae ay hinihimok ng Kasulatan na magpakita pa rin ng mga katangiang Kristiyano sa lahat ng panahon, gaano man ito kahirap. Halimbawa, mababasa sa 1 Corinto 13:4: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis.” Kung gayon, makabubuti para sa Kristiyanong asawang babae na gumawi “na may buong kababaan ng pag-iisip at kahinahunan,” anupat nagtitiis dahil sa pag-ibig. (Efe. 4:2) Sa tulong ng aktibong puwersa ng Diyos—ang banal na espiritu—posibleng mapanatili ang mga katangiang Kristiyano kahit sa mahihirap na kalagayan.
9 “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin,” isinulat ni Pablo. (Fil. 4:13) Dahil sa espiritu ng Diyos, nagagawa ng asawang Kristiyano ang maraming bagay na imposibleng gawin kung wala ito. Halimbawa, baka natutuksong gumanti ang isa dahil sa di-magandang pakikitungo ng kaniyang asawa. Pero sinasabi ng Bibliya: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. . . . Sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’” (Roma 12:17-19) Pinapayuhan din tayo ng 1 Tesalonica 5:15: “Tiyakin ninyo na walang sinumang gaganti ng pinsala para sa pinsala sa kaninuman, kundi laging itaguyod kung ano ang mabuti sa isa’t isa at sa lahat ng iba pa.” Sa tulong ng banal na espiritu ni Jehova, nagiging posible ang mga bagay na imposibleng gawin kung iaasa lang sa sariling lakas. Talagang angkop lang na manalangin ukol sa banal na espiritu ng Diyos para mapunan ang ating kakulangan!
10. Ano ang ginawa ni Jesus nang siya’y laitin at saktan?
10 Nagpakita si Jesus ng napakagandang halimbawa sa pakikitungo sa mga nanlait at nanakit sa kaniya. “Nang siya ay laitin,” ang sabi sa 1 Pedro 2:23, “hindi siya nanlait bilang ganti. Nang siya ay magdusa, hindi siya nagbanta, kundi patuloy na ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.” Pinapayuhan tayong tularan siya. Huwag magpaapekto sa di-magandang paggawi ng iba. Gaya ng ipinapayo sa lahat ng Kristiyano, maging “mahabagin na may paggiliw, mapagpakumbaba sa pag-iisip, na hindi gumaganti ng pinsala sa pinsala o ng panlalait sa panlalait.”—1 Ped. 3:8, 9.
Magsasawalang-Kibo na Lang Ba?
11. Sa anong dakilang pribilehiyo makikibahagi ang ilang babaing Kristiyano?
11 Ang pagpapasakop ba sa pagkaulo ng asawang lalaki ay nangangahulugang magsasawalang-kibo na lang ang babae, anupat wala nang karapatang magsalita? Hindi naman. Ang mga babae, gaya ng mga lalaki, ay binigyan ni Jehova ng maraming pribilehiyo. Isip-isipin na lang ang napakalaking karangalang tataglayin ng 144,000 indibiduwal sa pagiging hari at saserdote sa langit sa ilalim ni Kristo kapag namamahala na siya sa lupa! Kabilang diyan ang mga babae. (Gal. 3:26-29) Maliwanag na binigyan ni Jehova ang mga babae ng mahalagang papel sa kaniyang kaayusan.
12, 13. Magbigay ng halimbawa na nagpapakitang may mga babaing nanghula noon.
12 Halimbawa, noong panahon ng Bibliya, may mga babaing nanghula. Inihula sa Joel 2:28, 29: “Ibubuhos ko ang aking espiritu sa bawat uri ng laman, at ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae ay tiyak na manghuhula. . . . Maging sa mga alilang lalaki at sa mga alilang babae sa mga araw na iyon ay ibubuhos ko ang aking espiritu.”
13 Ang mga 120 alagad ni Jesus na nagkakatipon sa isang silid sa itaas sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E. ay binubuo ng mga babae at lalaki. Ibinuhos ang espiritu ng Diyos sa buong grupong ito. Kaya naman sinipi ni Pedro ang inihula ni propeta Joel at ikinapit ito kapuwa sa mga lalaki at babae. Sinabi ni Pedro: “Ito yaong sinabi sa pamamagitan ng propetang si Joel, ‘At sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos, ‘ay ibubuhos ko ang ilang bahagi ng aking espiritu sa bawat uri ng laman, at ang inyong mga anak na lalaki at ang inyong mga anak na babae ay manghuhula . . . ; at maging sa aking mga aliping lalaki at sa aking mga aliping babae ay ibubuhos ko ang ilang bahagi ng aking espiritu sa mga araw na iyon, at sila ay manghuhula.’”—Gawa 2:16-18.
14. Ano ang papel ng mga babae sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo noon?
14 Noong unang siglo, malaki ang ginampanang papel ng mga babae sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo. Nangaral sila tungkol sa Kaharian ng Diyos at gumawa ng mga bagay may kaugnayan sa gawaing iyon. (Luc. 8:1-3) Halimbawa, tinawag ni apostol Pablo si Febe na “isang ministro ng kongregasyon na nasa Cencrea.” At nang magpadala ng pangungumusta sa kaniyang mga kamanggagawa, binanggit ni Pablo ang ilang tapat na babae, kasama na “sina Trifena at Trifosa, mga babaing nagpapagal sa Panginoon.” Binanggit din niya ‘si Persis na ating minamahal, na gumawa ng maraming pagpapagal sa Panginoon.’—Roma 16:1, 12.
15. Ano ang papel ng mga babae sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa ngayon?
15 Sa ngayon, ang malaking bahagi ng mahigit pitong milyong mángangarál ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong daigdig ay binubuo ng mga babae. (Mat. 24:14) Ang marami sa kanila ay buong-panahong mga ministro, misyonera, at Bethelite. Umawit ang salmistang si David: “Si Jehova ang nagbibigay ng pananalita; ang mga babaing naghahayag ng mabuting balita ay isang malaking hukbo.” (Awit 68:11) Totoong-totoo ang mga salitang ito! Pinahahalagahan ni Jehova ang papel ng mga babae sa paghahayag ng mabuting balita at pagsasagawa ng kaniyang layunin. Ang kahilingan niyang magpasakop ang mga babaing Kristiyano ay hindi nga nangangahulugang magsasawalang-kibo na lang sila.
Dalawang Babaing Naglakas-Loob na Magsalita
16, 17. Paano ipinakikita ng halimbawa ni Sara na ang mga babae ay hindi dapat magsawalang-kibo na lang?
16 Yamang si Jehova ay nagkaloob sa mga babae ng maraming pribilehiyo, hindi ba’t nararapat lang na konsultahin muna ng mga asawang lalaki ang kanilang asawa bago gumawa ng mabibigat na desisyon? Isang katalinuhan na gawin ito. Bumanggit ang Kasulatan ng ilang pangyayari kung saan, ang mga asawang babae ay nagsalita o kumilos kahit hindi tinatanong. Tingnan natin ang dalawang pangyayari.
17 Paulit-ulit na sinasabi ni Sara sa kaniyang patriyarkang asawang si Abraham na palayasin na ang pangalawa niyang asawa at ang anak nito dahil sa kawalan ng paggalang. “Ang bagay na ito ay lubhang minasama ni Abraham”—pero hindi ng Diyos. Sinabi ni Jehova kay Abraham: “Huwag mong masamain ang anumang bagay na laging sinasabi ni Sara sa iyo tungkol sa bata at tungkol sa iyong aliping babae. Pakinggan mo ang kaniyang tinig.” (Gen. 21:8-12) Sinunod ni Abraham si Jehova, pinakinggan si Sara, at pinagbigyan ang kaniyang kahilingan.
18. Anong pagkukusa ang ginawa ni Abigail?
18 Tingnan din natin si Abigail, asawa ni Nabal. Nang takasan ni David ang naiinggit na si Haring Saul, nagkampo siya nang ilang panahon malapit sa kawan ni Nabal. Sa halip na pag-interesan ang maraming pag-aari ng mayamang si Nabal, ang mga ito ay pinroteksiyunan pa nga ni David at ng kaniyang mga tauhan. Pero si Nabal ay “mabagsik at masasama ang kaniyang mga gawa,” at ‘sinigawan niya ng mga panlalait’ ang mga tauhan ni David. Siya’y ‘walang-kabuluhang lalaki,’ at “ang kahangalan ay nasa kaniya.” Nang magalang na humingi ang mga tauhan ni David ng ilang panustos, tumanggi si Nabal. Ano ang ginawa ni Abigail nang mabalitaan ang nangyari? Hindi na siya nagpaalam kay Nabal. “Nagmadali si Abigail at kumuha ng dalawang daang tinapay at dalawang malalaking banga ng alak at limang tupa na inihanda at limang takal na seah ng binusang butil at isang daang kakaning pasas at dalawang daang kakaning igos na pinipi” at ibinigay ang mga ito kina David. Tama ba ang ginawa niya? “Sinaktan ni Jehova si Nabal,” ang sabi sa Bibliya, “anupat ito ay namatay.” Nang maglaon, naging asawa ni David si Abigail.—1 Sam. 25:3, 14-19, 23-25, 38-42.
‘Ang Babaing Nagkakamit ng Papuri’
19, 20. Paano nagiging tunay na kapuri-puri ang isang babae?
19 Pinupuri ng Kasulatan ang mga asawang babaing kumikilos ayon sa kalooban ni Jehova. Halimbawa, patungkol sa “asawang babae na may kakayahan,” sinasabi sa aklat ng Mga Kawikaan: “Ang kaniyang halaga ay malayong higit kaysa sa mga korales. Sa kaniya ay naglalagak ng tiwala ang puso ng nagmamay-ari sa kaniya, at walang nagkukulang na pakinabang. Ginagantihan niya ito ng mabuti, at hindi ng masama, sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.” Bukod diyan, “ang kaniyang bibig ay ibinubuka niya sa karunungan, at ang kautusan ng maibiging-kabaitan ay nasa kaniyang dila. Binabantayan niya ang mga lakad ng kaniyang sambahayan, at ang tinapay ng katamaran ay hindi niya kinakain. Ang kaniyang mga anak ay bumabangon at ipinahahayag siyang maligaya; bumabangon ang nagmamay-ari sa kaniya, at pinupuri siya nito.”—Kaw. 31:10-12, 26-28.
20 Paano nagiging tunay na kapuri-puri ang isang babae? “Ang halina ay maaaring magbulaan, at ang kariktan ay maaaring walang-kabuluhan,” ang sabi sa Kawikaan 31:30, “ngunit ang babaing may takot kay Jehova ang siyang nagkakamit ng papuri para sa kaniyang sarili.” Kasali sa pagkatakot kay Jehova ang kusang pagpapasakop sa kaayusan ng Diyos sa pagkaulo. ‘Ang ulo ng babae ay ang lalaki,’ kung paanong “ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo,” at ‘ang ulo ng Kristo ay ang Diyos.’—1 Cor. 11:3.
Magpasalamat sa Kaloob ng Diyos
21, 22. (a) Bakit dapat ipagpasalamat ng mga mag-asawang Kristiyano ang kaloob ng Diyos na pag-aasawa? (b) Bakit dapat nating igalang ang kaayusan ni Jehova sa awtoridad at pagkaulo? (Tingnan ang kahon sa pahina 17.)
21 Napakaraming dahilan para magpasalamat sa Diyos ang mga Kristiyanong pinag-isang dibdib! Partikular na pinasasalamatan nila ang kaloob ng Diyos na pag-aasawa dahil nagbigay ito sa kanila ng pagkakataong pagkaisahin ang kanilang damdamin at magkasamang maglingkod kay Jehova bilang masayang mag-asawa. (Ruth 1:9; Mik. 6:8) Alam na alam niya—ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa—kung paano magiging maligaya ang pagsasama ng mag-asawa. Gawin ang mga bagay ayon sa kalooban ng Diyos, at umasang ‘ang kagalakan kay Jehova ang inyong magiging moog’ kahit sa magulong daigdig sa ngayon.—Neh. 8:10.
22 Ang Kristiyanong asawang lalaki na umiibig sa kaniyang asawa gaya ng pag-ibig niya sa kaniyang sarili ay magiging mahinahon at makonsiderasyon bilang ulo. Magiging tunay na kaibig-ibig ang kaniyang makadiyos na asawa dahil susuporta ito at magpapakita ng matinding paggalang sa kaniya. Higit sa lahat, ang kanilang huwarang pagsasama bilang mag-asawa ay magpaparangal sa ating kapuri-puring Diyos na si Jehova.
-