Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Nakapagpapatibay Ka ba sa mga Pulong?
    Ang Bantayan—2010 | Oktubre 15
    • Mga Pulong Para ‘Magpatibay, Magpasigla, at Umaliw’

      13. (a) Ano ang dapat na maging epekto ng mga pulong sa mga dumadalo? (b) Anong tanong ang mahalagang pag-isipan ng mga elder?

      13 Sinabi ni Pablo na ang isang mahalagang layunin ng mga pulong ay para ‘magpatibay, magpasigla, at umaliw.’c (1 Cor. 14:3) Paano matitiyak ng mga elder sa ngayon na ang kanilang mga bahagi sa pulong ay talagang nakapagpapatibay at nakaaaliw sa mga kapatid? Para masagot iyan, isaalang-alang natin ang isang pulong, o pagtitipon, na pinangasiwaan ni Jesus matapos siyang buhaying muli.

      14. (a) Ano ang mga nangyari bago ang pulong na isinaayos ni Jesus? (b) Bakit nakahinga nang maluwag ang mga apostol nang “si Jesus ay lumapit at nagsalita sa kanila”?

      14 Pansinin ang mga nangyari bago ang pulong na iyon. Bago mamatay si Jesus, “iniwan siya [ng mga apostol] at tumakas,” at gaya ng inihula, ‘nangalat sila bawat isa sa kaniyang sariling bahay.’ (Mar. 14:50; Juan 16:32) Nang siya’y buhaying muli, inanyayahan ni Jesus ang kaniyang nanlulumong mga apostol na dumalo sa isang pantanging pulong.d Bilang tugon, “ang labing-isang alagad ay pumaroon sa Galilea sa bundok sa dakong isinaayos ni Jesus para sa kanila.” Pagdating nila, “si Jesus ay lumapit at nagsalita sa kanila.” (Mat. 28:10, 16, 18) Tiyak na nakahinga nang maluwag ang mga apostol nang si Jesus mismo ang unang lumapit sa kanila! Ano ang sinabi ni Jesus?

      15. (a) Anu-ano ang tinalakay ni Jesus? Ano naman ang hindi niya ginawa? (b) Ano ang epekto sa mga apostol ng pulong na iyon?

      15 Nagsimula si Jesus sa ganitong pahayag: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin.” Saka niya sila binigyan ng atas: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad.” Pinakahuli, magiliw niyang tiniyak sa kanila: “Ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw.” (Mat. 28:18-20) Pero napansin mo ba kung ano ang hindi ginawa ni Jesus? Hindi niya pinagalitan ang kaniyang mga apostol; ni ginamit niya ang pulong na iyon para kuwestiyunin ang kanilang motibo o konsiyensiyahin sila sa pag-iwan nila sa kaniya. Sa halip, tiniyak sa kanila ni Jesus ang pag-ibig niya at ng kaniyang Ama nang ipagkatiwala niya sa kanila ang isang mabigat na atas. Ano ang epekto sa mga apostol ng ginawa ni Jesus? Sila’y lubos na napatibay, napasigla, at naaliw anupat pagkaraan ng pulong na iyon, muli silang ‘nagturo at nagpahayag ng mabuting balita.’​—Gawa 5:42.

      16. Paano tinutularan ng mga elder si Jesus para maging nakagiginhawa ang mga pulong?

      16 Bilang pagtulad kay Jesus, ginagamit ng mga elder sa ngayon ang mga pulong para tiyakin sa mga kapatid ang di-nagmamaliw na pag-ibig ni Jehova sa kaniyang bayan. (Roma 8:38, 39) Kaya sa kanilang mga bahagi sa pulong, ang pinagtutuunan nila ng pansin ay ang magagandang katangian ng mga kapatid at hindi ang kanilang mga kahinaan. Hindi nila kinukuwestiyon ang motibo ng mga kapatid. Sa halip, ipinahihiwatig ng kanilang pananalita ang pangmalas nila sa kanilang mga kapananampalataya​—na sila’y mga indibiduwal na umiibig kay Jehova at nagnanais gumawa ng tama. (1 Tes. 4:1, 9-12) Siyempre pa, baka may mga pagkakataon na kailangan ding ituwid ng mga elder ang kongregasyon sa pangkalahatan, pero kung iilan lang ang kailangang ibalik sa ayos, kadalasan nang mas mabuting payuhan na lang sila nang pribado. (Gal. 6:1; 2 Tim. 2:24-26) Kapag ang pahayag ay para sa buong kongregasyon, nagbibigay ng komendasyon ang mga elder kailanma’t naaangkop. (Isa. 32:2) Sinisikap nilang gawing nakapagpapatibay ang kanilang mga pahayag, upang sa pagtatapos ng pulong, ang mga kapatid ay uuwing naginhawahan at napalakas.​—Mat. 11:28; Gawa 15:32.

  • Nakapagpapatibay Ka ba sa mga Pulong?
    Ang Bantayan—2010 | Oktubre 15
    • c Tungkol sa pagkakaiba ng “magpasigla” at “umaliw,” ipinaliwanag ng Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words na ang salitang Griego na isinaling “umaliw” ay nagpapahiwatig ng “mas matinding pagmamalasakit kaysa sa [magpasigla].”​—Ihambing ang Juan 11:19.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share