-
Kung Paano Sasanayin ang Iyong BudhiAng Bantayan—1997 | Agosto 1
-
-
Bilang halimbawa, subuking bulay-bulayin ang mga salita ni apostol Pablo na masusumpungan sa 2 Corinto 7:1: “Kaya nga, yamang taglay natin ang mga pangakong ito, mga iniibig, linisin natin mula sa ating mga sarili ang bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan na nasa pagkatakot sa Diyos.” Kunin ang diwa ng mga salitang ito. Tanungin ang iyong sarili, ‘Ano nga ba ang “mga pangakong ito” na binabanggit ni Pablo?’ Sa pamamagitan ng pagbasa sa konteksto, mapapansin mo na sinasabi sa naunang mga talata: “ ‘ “Lumabas kayo mula sa gitna nila, at ihiwalay ninyo ang inyong mga sarili,” sabi ni Jehova, “at tumigil kayo sa paghipo sa di-malinis na bagay” ’; ‘ “at tatanggapin ko kayo.” ’ ‘ “At ako ay magiging isang ama sa inyo, at kayo ay magiging mga anak na lalaki at mga anak na babae sa akin,” sabi ni Jehova na Makapangyarihan-sa-lahat.’ ”—2 Corinto 6:17, 18.
Ang utos ni Pablo na ‘linisin ang ating sarili mula sa karungisan’ ay mas mapuwersa ngayon! Bilang malakas na pangganyak sa paggawa ng gayon, nangako ang Diyos na ‘tatanggapin tayo,’ alalaong baga, isasailalim tayo sa kaniyang maingat na pangangalaga. ‘Magtatamasa kaya ako ng malapit na kaugnayan sa kaniya—tulad niyaong sa isang anak na lalaki o babae at isang ama?’ baka itanong mo sa iyong sarili. Hindi ba kaakit-akit ang ideya ng pagiging ‘tinatanggap’ o minamahal ng isang marunong at maibiging Diyos? Kung waring bago sa iyo ang ganiyang kaisipan, pansinin kung paano ipinahahayag ng maibiging mga ama ang kanilang pag-ibig at pagmamahal sa kanilang mga anak. Gunigunihin ngayon ang gayong buklod na umiiral sa pagitan ninyo ni Jehova! Habang lalo mong binubulay-bulay ito, lalong lumalago ang iyong hangarin na magkaroon ng gayong kaugnayan.
Ngunit bigyang-pansin: Posible lamang ang pagiging malapit sa Diyos kung ‘titigil kayo sa paghipo sa di-malinis na bagay.’ Tanungin ang iyong sarili: ‘Hindi ba ang pagkasugapa sa tabako ay kabilang sa “di-malinis na mga bagay” na hinahatulan ng Diyos? Ang paggamit ba nito ay magiging isang “karungisan ng laman,” anupat paglalantad ng aking sarili sa lahat ng uri ng panganib sa kalusugan? Yamang si Jehova ay isang malinis, o “banal,” na Diyos, sasang-ayunan kaya niya ang aking sadyang pagpaparungis ng sarili sa ganitong paraan?’ (1 Pedro 1:15, 16) Pansinin na nagbabala rin si Pablo laban sa ‘karungisan ng espiritu ng isa,’ o hilig ng kaisipan. Tanungin ang iyong sarili: ‘Nangingibabaw ba sa aking kaisipan ang pagkasugapang ito? Gagawin ko ba ang lahat ng aking makakaya upang mabigyang-kasiyahan ang aking pagnanasa, marahil sa ikapipinsala ng aking kalusugan, ng aking pamilya, o maging ng aking katayuan sa harap ng Diyos? Hanggang saan ko hinayaang sirain ng pagkasugapa sa tabako ang aking buhay?’ Ang pagharap sa ganitong nakababahalang mga tanong ay marahil magbibigay sa iyo ng lakas ng loob upang huminto!
-
-
Nakasumpong Siya ng “Perlas na Mataas ang Halaga”Ang Bantayan—1997 | Agosto 1
-
-
Bago natuto ng katotohanan, nakapagtanim ang mga Lin ng 1,300 palma ng bunga sa kanilang lupa. Bagaman gugugol ng limang taon bago pagkakitaan ang mga puno, minsang mamunga na nang husto ang mga ito, makaaasa ang mga Lin na sila ay kikita ng $77,000 bawat taon. Habang papalapit na ang unang pag-aani, kinailangang gumawa ng mahalagang pasiya ang mga Lin. Nalaman nila sa kanilang pag-aaral ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay dapat na maglinis ng kanilang sarili mula sa “bawat karungisan ng laman at espiritu” sa pamamagitan ng pag-iwas sa paggamit, o pagtataguyod, ng di-malinis na kinaugalian tulad ng paninigarilyo, pag-aabuso sa droga, at pagnganganga. (2 Corinto 7:1) Ano ang gagawin nila?
Palibhasa’y ginigipit ng nababagabag na budhi, nagpasiya si G. Lin na huminto sa pag-aaral. Samantala, ipinagbili ni Gng. Lin ang mga bunga mula sa ilan sa kanilang dati nang naitanim na mga palma at tumubo ng mahigit sa $3,000. Ito ay patikim lamang ng malapit na nilang kitain kung pananatilihin nila ang kanilang mga puno. Gayunman, patuloy na binabagabag si G. Lin ng kaniyang budhi.
Pinag-isipan niyang mabuti ang bagay na ito hanggang sa isang araw, hiniling niya sa mga Saksi sa kanilang lugar na putulin para sa kaniya ang kaniyang mga palma ng bunga. Ipinaliwanag ng mga Saksi na iyon ay kaniyang pasiya; samakatuwid, siya ang kailangang ‘magdala ng kaniyang sariling pasan’ at siya mismo ang dapat pumutol sa mga puno. (Galacia 6:4, 5) Kanilang pinatibay-loob siya na alalahanin ang pangako sa 1 Corinto 10:13, na ang sabi: “Walang tuksong dumating sa inyo maliban sa kung ano ang karaniwan sa mga tao. Ngunit ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kasama ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.” Nangatuwiran din sa kaniya ang mga Saksi, na nagsabi: “Kung puputulin namin ang iyong mga puno para sa iyo, baka panghinayangan mo iyon at sisihin kami sa pagkalugi.” Pagkaraan ng sandaling panahon, nagising si Gng. Lin sa ingay ng lagaring de-motor. Pinuputol ng kaniyang asawa at mga anak ang mga palma ng bunga!
Nasumpungan ni G. Lin na tapat si Jehova sa Kaniyang pangako. Nakakuha siya ng trabaho na nagpahintulot na siya’y manatiling may malinis na budhi, anupat nagpangyaring siya’y maging isang tagapuri kay Jehova. Nabautismuhan siya sa isang pansirkitong asamblea ng mga Saksi ni Jehova noong Abril 1996.
-