-
Gawing Hayag ang Iyong PagsulongAng Bantayan—2001 | Agosto 1
-
-
Ipamalas “ang mga Bunga ng Espiritu”
12. Bakit mahalaga na maipamalas ang mga bunga ng espiritu sa ating pagpapagal na sumulong sa espirituwal?
12 Bagaman mahalaga na makamtan ang “pagkakaisa sa pananampalataya at sa tumpak na kaalaman,” mahalaga rin na maipamalas natin ang mga bunga ng espiritu ng Diyos sa lahat ng aspekto ng ating buhay. Bakit? Sapagkat ang pagkamaygulang, gaya ng nakita na natin, ay hindi mahirap mapansin o nakatago, kundi ito ay kakikitaan ng malinaw na nahahalatang mga katangian na maaaring magdulot ng kapakinabangan at magpatibay sa iba. Sabihin pa, ang ating pagpapagal upang sumulong sa espirituwal ay hindi lamang upang magtinging may mabuting paggawi o maghambog lamang. Sa halip, habang lumalaki tayo sa espirituwal na paraan, anupat sinusunod ang pag-akay ng espiritu ng Diyos, magkakaroon ng kamangha-manghang pagbabago sa ating mga saloobin at paggawi. “Patuloy na lumakad ayon sa espiritu at hindi kayo kailanman magsasagawa ng makalamang pagnanasa,” ang sabi ni apostol Pablo.—Galacia 5:16.
13. Anong pagbabago ang maliwanag na nagpapahiwatig ng pagsulong?
13 Pagkatapos ay itinala ni Pablo “ang mga gawa ng laman,” na napakarami at “hayag.” Bago mapahalagahan ng isang tao ang mga kahilingan ng Diyos, ang kaniyang buhay ay nakaayon sa mga daan ng sanlibutan at maaaring lipos ng ilan sa mga bagay na binanggit ni Pablo: “pakikiapid, karumihan, mahalay na paggawi, idolatriya, pagsasagawa ng espiritismo, mga alitan, hidwaan, paninibugho, mga silakbo ng galit, mga pagtatalo, mga pagkakabaha-bahagi, mga sekta, mga inggitan, mga paglalasingan, mga walang-taros na pagsasaya, at mga bagay na tulad ng mga ito.” (Galacia 5:19-21) Ngunit habang sumusulong ang tao sa espirituwal, unti-unti niyang nadaraig ang di-kanais-nais na “mga gawa ng laman” at hinahalinhan ang mga ito ng “mga bunga ng espiritu.” Ang pagbabagong ito na kitang-kita sa labas ay maliwanag na nagpapahiwatig na ang tao ay sumusulong tungo sa Kristiyanong pagkamaygulang.—Galacia 5:22.
14. Ipaliwanag ang dalawang pananalitang “mga gawa ng laman” at “mga bunga ng espiritu.”
14 Dapat nating pansinin ang dalawang pananalitang “mga gawa ng laman” at “mga bunga ng espiritu.” Ang “mga gawa” ay resulta ng ginagawa ng isa, ang bunga ng kaniyang ikinikilos. Sa ibang salita, ang mga bagay na itinala ni Pablo bilang mga gawa ng laman ay mga resulta ng alinman sa sinasadyang pagpili ng isa o ng impluwensiya ng makasalanang laman. (Roma 1:24, 28; 7:21-25) Sa kabilang panig, ang pananalitang “mga bunga ng espiritu” ay nagpapahiwatig na ang mga katangiang nakatala ay, hindi mga resulta ng mga pagsisikap sa tinatawag na pagpapabuti ng ugali o pagpapaunlad ng personalidad, kundi mga resulta ng pagkilos ng espiritu ng Diyos sa isang tao. Kung paanong ang isang punungkahoy ay mamumunga kapag ito ay wastong inalagaan, maipamamalas din ng isang tao ang mga bunga ng espiritu kapag malayang dumadaloy ang banal na espiritu sa kaniyang buhay.—Awit 1:1-3.
15. Bakit mahalaga na magbigay-pansin sa lahat ng aspekto ng “mga bunga ng espiritu”?
15 Ang isa pang punto na isasaalang-alang ay ang paggamit ni Pablo ng pananalitang “mga bunga” upang sumaklaw sa lahat ng kanais-nais na mga katangian na binanggit niya.a Ang espiritu ay hindi nagluluwal ng sari-saring bunga para makapili tayo ng gusto natin. Lahat ng katangian na itinala ni Pablo—pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili—ay pare-parehong mahalaga, at sama-sama nitong ginagawang posible ang bagong Kristiyanong personalidad. (Efeso 4:24; Colosas 3:10) Kaya nga, bagaman maaaring masumpungan natin na ang ilan sa mga katangiang ito ay mas kitang-kita sa ating buhay dahil sa ating sariling personalidad at mga hilig, mahalaga na magbigay-pansin tayo sa lahat ng aspekto na binanggit ni Pablo. Sa paggawa ng gayon, lalo nating lubusang maipamamalas ang isang tulad-Kristong personalidad sa ating buhay.—1 Pedro 2:12, 21.
16. Ano ang ating tunguhin sa ating pagsisikap na maabot ang Kristiyanong pagkamaygulang, paano ito makakamit?
16 Ang mahalagang aral na matututuhan natin mula sa pagtalakay ni Pablo ay na sa pagsisikap na maabot ang Kristiyanong pagkamaygulang, ang ating tunguhin ay hindi ang magkaroon ng malaking kaalaman at kabatiran ni ang maglinang ng pinahusay na katangian ng personalidad. Ang tunguhin natin ay ang matamo ang malayang pagdaloy ng espiritu ng Diyos sa ating buhay. Kung hanggang saan tumutugon ang ating pag-iisip at pagkilos sa pag-akay ng espiritu ng Diyos, hanggang doon din tayo nagiging may-gulang sa espirituwal. Paano natin makakamit ang tunguhing ito? Dapat nating buksan ang ating puso at isip sa impluwensiya ng espiritu ng Diyos. Kasangkot dito ang regular na pagdalo at pakikibahagi sa mga Kristiyanong pagpupulong. Dapat din nating pag-aralan nang regular at bulay-bulayin ang Salita ng Diyos, anupat hinahayaang akayin ng mga simulain nito ang ating pakikitungo sa iba at ang mga pagpili at mga pagpapasiya natin. Kung gayon, tiyak na malinaw na mahahayag ang ating pagsulong.
-
-
Gawing Hayag ang Iyong PagsulongAng Bantayan—2001 | Agosto 1
-
-
a Ang pananalitang “mga bunga” ay “bunga” lamang sa orihinal na wika.—Galacia 5:22, Kingdom Interlinear Translation.
-