-
Lumaganap ang Kristiyanismo sa mga Judio Noong Unang SigloAng Bantayan—2005 | Oktubre 15
-
-
Lumaganap ang Kristiyanismo sa mga Judio Noong Unang Siglo
ISANG mahalagang pulong ang naganap sa Jerusalem noong mga 49 C.E. Naroroon “ang waring mga haligi” ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo—sina Juan, Pedro, at Santiago na kapatid ni Jesus sa ina. Ang dalawa pang nabanggit na dumalo sa pulong ay si apostol Pablo at ang kaniyang kasamang si Bernabe. Ang adyenda nila ay kung paano hahatiin ang napakalawak na teritoryo para sa gawaing pangangaral. Nagpaliwanag si Pablo: “[Sila] ay nagbigay sa akin at kay Bernabe ng kanang kamay ng pakikipagsamahan, na dapat kaming pumaroon sa mga bansa, ngunit sila ay doon sa mga tuli.”—Galacia 2:1, 9.a
Paano natin uunawain ang kaayusang ito? Ang teritoryo ba kung saan dapat ipangaral ang mabuting balita ay nahahati sa mga Judio at proselita sa isang panig at sa mga Gentil naman sa kabilang panig? O ang kaayusan ba sa paghahati ng teritoryo ay ayon sa heograpiya? Upang masumpungan ang posibleng sagot, kailangan muna nating alamin ang ilang impormasyon tungkol sa kasaysayan ng Diaspora, ang mga Judiong naninirahan sa labas ng Palestina.
Ang Daigdig ng mga Judio Noong Unang Siglo
Ilang Judio kaya ang kabilang sa Diaspora noong unang siglo? Maraming iskolar ang waring sang-ayon sa publikasyong Atlas of the Jewish World: “Mahirap tiyakin ang eksaktong mga bilang, ngunit makatuwirang tinataya na nang malapit na ang 70 [C.E.], may dalawa at kalahating milyong Judio sa Judea at mahigit apat na milyon naman ang kabilang sa diaspora sa Roma. . . . Lumilitaw na kumakatawan ang mga Judio sa humigit-kumulang ikasampung bahagi ng buong populasyon ng imperyo, at sa mga lugar na kinaroroonan ng marami sa kanila, sa mga lunsod ng mga lalawigan sa silangan, maaaring ikaapat na bahagi sila o higit pa ng mga naninirahan doon.”
Ang pinakamalalaking sentro ay nasa Sirya, Asia Minor, Babilonya, at Ehipto, sa Silangan, at ang mas maliliit na pamayanan naman ay nasa Europa. May ilang kilalang sinaunang Kristiyanong Judio na kabilang sa Diaspora, gaya ni Bernabe na taga-Ciprus, nina Prisca at Aquila na taga-Ponto at lumipat sa Roma, ni Apolos na taga-Alejandria, at ni Pablo na taga-Tarso.—Gawa 4:36; 18:2, 24; 22:3.
Maraming koneksiyon ang mga pamayanang Diaspora sa kanilang sariling lupain. Ang isa ay ang taunang buwis na ipinadadala sa templo sa Jerusalem, isang paraan ng pakikibahagi sa buhay at pagsamba sa templo. Hinggil dito, sinabi ng iskolar na si John Barclay: “May sapat na ebidensiya na ang pangongolekta sa salaping ito, na may dagdag pang ekstrang donasyon mula sa mayayaman, ay mahigpit na isinagawa ng mga pamayanang Diaspora.”
Ang isa pang koneksiyon ay ang sampu-sampung libong peregrino na pumupunta sa Jerusalem taun-taon para sa mga kapistahan. Inilalarawan ito ng ulat sa Gawa 2:9-11 tungkol sa Pentecostes 33 C.E. Ang mga peregrinong Judio na naroroon ay nagmula sa Parthia, Media, Elam, Mesopotamia, Capadocia, Ponto, Asia, Frigia, Pamfilia, Ehipto, Libya, Roma, Creta, at Arabia.
Ang administrasyon ng templo sa Jerusalem ay nakipagtalastasan sa mga Judiong kabilang sa Diaspora sa pamamagitan ng liham. Batid ng marami na si Gamaliel, ang guro ng kautusan na binanggit sa Gawa 5:34, ay nagpadala ng mga liham sa Babilonya at sa iba pang lugar sa daigdig. Nang dumating si apostol Pablo sa Roma bilang isang bilanggo noong mga 59 C.E., sinabi sa kaniya ng “mga pangunahing lalaki ng mga Judio” na “hindi rin naman kami tumanggap ng mga liham may kinalaman sa iyo mula sa Judea, ni ang sinuman sa mga kapatid na dumating ay nag-ulat o nagsalita ng anumang bagay na balakyot tungkol sa iyo.” Nagpapahiwatig ito na madalas na may ipinadadalang mga liham at ulat sa Roma mula sa sariling lupain.—Gawa 28:17, 21.
Ang Bibliya ng mga Judiong kabilang sa Diaspora ay ang Griegong salin ng Hebreong Kasulatan na kilala bilang Septuagint. Sinabi ng isang reperensiyang akda: “Makatuwirang ipalagay na ang LXX [Septuagint] ay binasa at tinanggap ng lahat ng kabilang sa diaspora bilang ang Bibliyang Judio ng diaspora o ‘banal na kasulatan.’ ” Ang salin ding ito ang malawakang ginamit ng sinaunang Kristiyano sa kanilang pagtuturo.
Pamilyar sa mga kalagayang ito ang mga miyembro ng Kristiyanong lupong tagapamahala na nasa Jerusalem. Nakarating na ang mabuting balita sa mga Judiong kabilang sa Diaspora na nasa Sirya at lampas pa rito, pati na sa Damasco at Antioquia. (Gawa 9:19, 20; 11:19; 15:23, 41; Galacia 1:21) Sa pulong noong 49 C.E., maliwanag na nagpaplano ang mga naroroon para sa gawain sa hinaharap. Tingnan natin ang mga pagtukoy ng Bibliya hinggil sa paglawak ng mga Judio at ng mga proselita.
Ang mga Paglalakbay ni Pablo at ang mga Judiong Kabilang sa Diaspora
Ang orihinal na atas ni apostol Pablo ay “dalhin ang . . . pangalan [ni Jesu-Kristo] sa mga bansa at gayundin sa mga hari at sa mga anak ni Israel.”b (Gawa 9:15) Pagkatapos ng pulong sa Jerusalem, nagpatuloy si Pablo sa pagtulong sa mga Judiong kabilang sa Diaspora saanman siya maglakbay. (Tingnan ang kahon sa pahina 14.) Nagpapahiwatig ito na iniayon sa heograpiya ang mga kaayusan sa teritoryo. Sina Pablo at Bernabe ay nagpalawak ng kanilang gawain sa kanluran bilang mga misyonero, at ang iba naman ay naglingkod sa sariling lupain ng mga Judio at sa malalaking pamayanang Judio sa mga bansa sa Silangan.
-
-
Lumaganap ang Kristiyanismo sa mga Judio Noong Unang SigloAng Bantayan—2005 | Oktubre 15
-
-
Ang Babilonya, bukod sa Parthia, Media, at Elam, ay isa pang pangunahing sentro. Isang istoryador ang nagsabi na “sa bawat teritoryo sa kapatagan ng Tigris at Eufrates, mula Armenia hanggang gulpo ng Persia, gayundin pahilagang-silangan hanggang Dagat Caspian, at pasilangan hanggang Media, ay may populasyon ng mga Judio.” Tinataya ng Encyclopaedia Judaica na umaabot sila nang 800,000 o higit pa. Sinasabi sa atin ng unang-siglong istoryador na Judio na si Josephus na sampu-sampung libong Judio sa Babilonya ang naglalakbay patungong Jerusalem para sa mga taunang kapistahan.
May ilan bang peregrino mula sa Babilonya na nabautismuhan noong Pentecostes 33 C.E.? Hindi natin alam, ngunit ang ilan sa mga nakinig kay apostol Pedro noong araw na iyon ay galing sa Mesopotamia. (Gawa 2:9) Alam natin na nasa Babilonya si apostol Pedro noong mga 62-64 C.E. Habang naroroon, isinulat niya ang kaniyang unang liham at posibleng pati na ang ikalawa. (1 Pedro 5:13) Ang Babilonya na may malaking populasyon ng mga Judio ay maliwanag na ibinilang na bahagi ng teritoryong iniatas kina Pedro, Juan, at Santiago sa pulong na tinutukoy sa liham sa mga taga-Galacia.
-
-
Lumaganap ang Kristiyanismo sa mga Judio Noong Unang SigloAng Bantayan—2005 | Oktubre 15
-
-
a Malamang na ginanap ang pulong na ito nang tinatalakay ng lupong tagapamahala noong unang-siglo ang tungkol sa pagtutuli.—Gawa 15:6-29.
-