Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ibagsak ang mga Pangangatuwirang Salungat sa Kaalaman ng Diyos!
    Ang Bantayan (Pag-aaral)—2019 | Hunyo
    • “BAGUHIN ANG TAKBO NG INYONG ISIP”

      7. Paano natin mababago ang ating pagkatao?

      7 Puwede kaya nating mabago ang pagkatao natin? Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Dapat na patuloy ninyong baguhin ang takbo ng inyong isip at isuot ang bagong personalidad na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos at batay sa kung ano ang matuwid at tapat.” (Efe. 4:23, 24) Oo, puwede nating mabago ang ating pagkatao, pero hindi ito madali. Para magawa ito, hindi lang natin basta pipigilin ang mga maling pagnanasa o ihihinto ang masasamang gawain. Kailangan nating “baguhin ang takbo ng [ating] isip.” At kasama diyan ang pagbabago ng ating mga gusto, ugali, at motibo. Kailangan dito ang patuloy na pagsisikap.

      8-9. Paano ipinapakita ng karanasan ng isang brother na kailangang mabago ang ating pagkatao?

      8 Tingnan ang halimbawa ng isang brother na dating marahas. Nang itigil niya ang pagiging lasenggo at basagulero, naging kuwalipikado siya sa bautismo, at napakagandang patotoo nito sa kanilang lugar. Pero isang gabi, hindi pa natatagalan pagkatapos ng bautismo niya, nasubok siya. Isang lalaking lasing ang pumunta sa bahay niya at hinamon siya ng away. Noong una, nakapagpigil pa ang brother. Pero nang lapastanganin ng lalaki ang pangalan ni Jehova, napunô na siya. Binugbog niya ang lalaki. Ano ang problema? Kahit nakatulong sa kaniya ang pag-aaral ng Bibliya na mapigil ang tendensiyang maging marahas, hindi pa rin niya nababago ang takbo ng isip niya. Sa ibang salita, hindi pa talaga nababago ang pagkatao niya.

      9 Pero hindi siya sumuko. (Kaw. 24:16) Sa tulong ng mga elder, unti-unti siyang sumulong hanggang sa maging elder. Isang gabi, sa labas ng Kingdom Hall, naulit ang sitwasyong sumubok sa kaniya noon. Bubugbugin na sana ng isang lalaking lasing ang isang elder. Ano ang ginawa ng brother? Mahinahon siyang nakipag-usap sa lasing at pinakalma ito, at dahil susuray-suray ang lalaki, tinulungan pa nga niya itong makauwi. Bakit iba na ang reaksiyon niya ngayon? Binago kasi ng brother ang takbo ng isip niya. Nagbago na ang pagkatao niya​—mapagpayapa na siya at mapagpakumbaba. Isang napakalaking kapurihan kay Jehova!

      10. Ano ang kailangan nating gawin para mabago ang ating pagkatao?

      10 Hindi ganoon kabilis gawin ang mga pagbabagong ito, at hindi rin ito ganoon kadali. Baka kailangan natin itong ‘pagsikapang mabuti’ sa loob ng maraming taon. (2 Ped. 1:5) Hindi ito mangyayari dahil lang sa matagal na tayo “sa katotohanan.” Kailangan nating gawin ang buong makakaya natin para mabago ang ating pagkatao. May mga hakbang na makakatulong sa atin. Suriin natin ang ilan dito.

      KUNG PAANO MABABAGO ANG TAKBO NG ATING ISIP

      Binago ng sister ang takbo ng isip niya sa pamamagitan ng pananalangin, pagbubulay-bulay habang nakatingin sa salamin, at pagpili ng mabubuting kasama

      11. Paano tayo matutulungan ng panalangin na mabago ang takbo ng ating isip?

      11 Ang unang dapat gawin ay manalangin. Tularan natin ang panalangin ng salmista: “Dalisayin mo ang puso ko, O Diyos, at bigyan mo ako ng bagong saloobin na magpapatatag sa akin.” (Awit 51:10) Dapat na aminado tayong kailangang mabago ang takbo ng ating isip, at humingi tayo ng tulong kay Jehova. Paano tayo nakakasiguro na tutulungan tayo ni Jehova? Mapapatibay tayo ng pangako ni Jehova sa mga Israelitang matitigas ang ulo noong panahon ni Ezekiel: “Bibigyan ko sila ng pusong hindi hati at ng bagong espiritu . . . at bibigyan ko sila ng pusong laman, [pusong mabilis tumugon sa patnubay ng Diyos].” (Ezek. 11:19; tlb.) Kung handang tulungan ni Jehova ang mga Israelita noon, handa rin niya tayong tulungan ngayon.

      12-13. (a) Ayon sa Awit 119:59, ano ang kailangan nating bulay-bulayin? (b) Anong mga tanong ang dapat nating pag-isipan?

      12 Ang pangalawang dapat gawin ay magbulay-bulay. Sa pagbabasa natin ng Bibliya araw-araw, bulay-bulayin natin, o pag-isipang mabuti, kung anong mga kaisipan at damdamin ang kailangan nating baguhin. (Basahin ang Awit 119:59; Heb. 4:12; Sant. 1:25) Dapat nating makita kung may tendensiya tayong maakit sa kaisipan ng sanlibutan. Aminin natin ang ating mga kahinaan at sikaping maalis ang mga iyon.

      13 Halimbawa, pag-isipan ito: ‘Nakakadama ba ako ng inggit?’ (1 Ped. 2:1) ‘Naiisip ko bang nakahihigit ako sa iba dahil sa aking karanasan, edukasyon, o estado sa buhay?’ (Kaw. 16:5) ‘Minamaliit ko ba ang iba dahil wala sila ng mga bagay na mayroon ako o dahil iba ang lahi nila?’ (Sant. 2:2-4) ‘Naaakit ba ako sa mga iniaalok ng sanlibutan ni Satanas?’ (1 Juan 2:15-17) ‘Natutuwa ba ako sa mga imoral o mararahas na libangan?’ (Awit 97:10; 101:3; Amos 5:15) Makakatulong ang mga tanong na iyan para makita mo kung ano ang kailangan mong baguhin sa iyong sarili. Kapag naalis natin sa ating puso ang mga pangangatuwirang “matibay ang pagkakatatag,” mapapasaya natin ang ating Ama sa langit.​—Awit 19:14.

      14. Bakit napakahalagang pumili ng mabubuting kasama?

      14 Ang pangatlong mahalagang gawin ay pumili ng mabubuting kasama. Napapansin man natin o hindi, malaki ang nagiging impluwensiya sa atin ng mga nakakasama natin. (Kaw. 13:20) Sa trabaho o paaralan, karaniwan nang napapalibutan tayo ng mga taong hindi makakatulong sa atin na magkaroon ng kaisipan ng Diyos. Pero sa ating mga Kristiyanong pagpupulong, makakakita tayo ng mabubuting kasama. Doon, mauudyukan tayong “magpakita ng pag-ibig at gumawa ng mabuti.”​—Heb. 10:24, 25, tlb.

  • Ibagsak ang mga Pangangatuwirang Salungat sa Kaalaman ng Diyos!
    Ang Bantayan (Pag-aaral)—2019 | Hunyo
Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share