Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ano ba ang Kahulugan ng Pagpapasakop Kung Tungkol sa Pag-aasawa?
    Ang Bantayan—1991 | Disyembre 15
    • Ang Pagpapasakop ay May Pasubali

      Ang autoridad ng isang lalaki sa kaniyang asawa ay hindi lubus-lubusan. Sa mga ilang paraan ang pagpapasakop ng babae sa kaniyang asawa ay maihahambing sa pagpapasakop ng isang Kristiyano sa isang makasanlibutang pinuno. Iniuutos ng Diyos na ang isang Kristiyano ay kailangang “magpasakop sa nakatataas na mga autoridad.” (Roma 13:1) Gayunman ang pagpapasakop na ito ay kailangang laging katimbang ng ating pagpapasakop naman sa Diyos. Sinabi ni Jesus: “Ibigay ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Marcos 12:17) Kung si Cesar (ang sekular na pamahalaan) ay humihiling na ibigay natin ang mga bagay na sa Diyos, natatandaan natin ang sinabi ni apostol Pedro: “Tayo’y kailangan munang sumunod sa Diyos bilang pinuno bago sa mga tao.”​—Gawa 5:29.

      Sa isang medyo nakakatulad na paraan, kung ang isang babaing Kristiyano ay asawa ng isang lalaking hindi nakauunawa o hindi gumagalang sa mga simulaing Kristiyano, ang babae ay obligado pa rin na pasakop sa kaniya. Imbes na maghimagsik laban sa itinalaga-ng-Diyos na kaayusang ito, makabubuting ang asawang babae ay makisama sa kaniya nang may pag-ibig at konsiderasyon at sa gayo’y sikaping makamit ang kaniyang pagtitiwala. Baka ang gayong mabuting asal ay magpapabago sa kaniyang asawang lalaki; baka mahikayat pa nga siya na tanggapin ang katotohanan. (1 Pedro 3:1, 2) Kung iniuutos ng lalaki na gumawa siya ng isang bagay na ipinagbabawal ng Diyos, tandaan ng babae na ang Diyos ang kaniyang pangunahing Pinuno. Halimbawa, kung hinihiling ng lalaki na siya’y gumawa ng seksuwal na imoralidad, tulad halimbawa ng pagpapalit-palitan ng asawang babae, siya’y hindi obligadong sumunod. (1 Corinto 6:9, 10) Ang kaniyang budhi at ang kaniyang pangunahing pagpapasakop sa Diyos ang nakasasaklaw sa pagpapasakop sa kaniyang asawang lalaki.

      Noong panahon ni Haring David, si Abigail ay asawa ni Nabal, isang lalaki na walang paggalang sa mga maka-Diyos na simulain at kumilos nang may kabagsikan at hindi nagpakita ng pag-ibig kay David at sa mga kawal ni David. Ang mga ito ang nagsanggalang sa libu-libong tupa at mga kambing na pag-aari ni Nabal, subalit nang makiusap si David na bigyan siya ng pagkain, si Nabal ay tumanging magbigay ng anuman.

      Nang mapag-alaman ni Abigail na dahil sa pagkamaramot ng kaniyang asawa ay magdudulot iyon ng kapahamakan sa sambahayan, ipinasiya ni Abigail na siya na ang magdala ng pagkain kay David. “Nagmadali si Abigail at kumuha ng dalawang daang tinapay at dalawang malalaking banga ng alak at limang inihandang tupa at limang takal ng trigo na sinangag at isang daang kumpol na pasas at dalawang daang binilong igos at ipinagpapasan sa mga asno. At sinabi niya sa kaniyang mga bataang lalaki: ‘Magpauna kayo sa akin. Narito! Ako’y susunod sa inyo.’ Ngunit sa kaniyang asawang si Nabal ay hindi siya nagsabi ng anuman.”​—1 Samuel 25:18, 19.

      Mali ba ang ginawa ni Abigail sa pagkilos laban sa kalooban ng kaniyang asawa? Hindi naman sa kasong ito. Hindi dahil sa pagpapasakop ni Abigail ay kailangang siya’y maging walang pag-ibig na gaya ng kaniyang asawa, lalo na yamang ang masamang ginawa ni Nabal ay nagsapanganib sa kaniyang buong sambahayan. Sa gayon, sinabi rin ni David kay Abigail: “Purihin nawa si Jehova na Diyos ng Israel na nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako! At purihin nawa ang iyong kabaitan.” (1 Samuel 25:32, 33) Sa katulad na paraan, ang mga babaing Kristiyano sa ngayon ay hindi dapat mabagabag at maghimagsik laban sa pagkaulo ng kani-kanilang asawa, subalit kung ang mga ito ay kumilos sa paraang di-maka-Kristiyano, hindi naman kailangang ang mga asawang babae ay sumunod sa bagay na ito.

      Totoo, sa kaniyang liham sa mga taga-Efeso ay sinasabi ni Pablo: “Kung papaanong ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo, gayundin ang mga babae ay pasakop sa kani-kanilang asawa sa lahat ng bagay.” (Efeso 5:24) Ang paggamit ng apostol sa salitang “sa lahat ng bagay” ay hindi naman nangangahulugan na walang hanggan ang pagpapasakop ng asawang babae. Ang pananalita ni Pablo na, “kung papaanong ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo,” ay nagpapakita ng nasa isip niya. Lahat ng bagay na hinihiling ni Kristo sa kaniyang kongregasyon ay matuwid, kasuwato ng kalooban ng Diyos. Samakatuwid, ang kongregasyon ay madali at may kagalakan na magpasakop sa kaniya sa lahat ng bagay. Sa katulad na paraan, ang asawa ng isang lalaking Kristiyano na taimtim na nagsisikap na makasunod sa halimbawa ni Jesus ay maliligayahan na pasakop sa kaniya sa lahat ng bagay. Batid niya na ito ay lubhang nababahala alang-alang sa kaniyang pinakamagaling na mga kapakanan, at siya’y hindi kailanman sadyang hihiling sa kaniya na gumawa ng isang bagay na hindi naaayon sa kalooban ng Diyos.

      Maiingatan ng asawang lalaki para sa kaniyang sarili ang pag-ibig at paggalang ng kaniyang asawa pagka kaniyang pinasikat ang maka-Diyos na mga katangian ng kaniyang ulo, si Jesu-Kristo, na ang utos sa kaniyang mga tagasunod ay mag-ibigan sa isa’t isa. (Juan 13:34) Kahit na ang lalaki ay nagkakamali at di-sakdal, kung kaniyang ginagampanan ang kaniyang autoridad na kasuwato ng nakatataas na pagkaulo ng Kristo, pinadadali niya para sa kaniyang asawa na maging maligaya na siya ang maging ulo niya. (1 Corinto 11:3) Kung pinauunlad ng isang asawang babae ang Kristiyanong mga katangian ng kahinhinan at kagandahang-loob, hindi mahirap para sa kaniya na pasakop sa kaniyang asawa.

  • Ano ba ang Kahulugan ng Pagpapasakop Kung Tungkol sa Pag-aasawa?
    Ang Bantayan—1991 | Disyembre 15
    • Ang ganiyang mga saloobin ay dapat paunlarin sa kongregasyon. At lalung-lalo nang dapat paunlarin sa pagsasamahan ng mag-asawa sa tahanang Kristiyano. Ang isang lalaki ay makapagpapakita ng kaniyang magiliw na pagmamahal at kahinahunan sa pamamagitan ng pakikinig sa mga mungkahi ng kaniyang asawa. Dapat niyang isaalang-alang ang punto de vista ng kaniyang asawa bago gumawa ng pagpapasiya na may kinalaman sa pamilya. Ang mga Kristiyanong asawang babae ay hindi naman oo na lamang nang oo. Sila’y malimit na makapagbibigay sa kani-kanilang asawa ng mahalagang mga mungkahi, gaya nang ginawa ni Sara sa kaniyang asawa, si Abraham. (Genesis 21:12) Sa kabilang dako, ang isang babaing Kristiyano ay hindi naman magiging isang walang-katuwirang mapaghanap sa kaniyang asawa. Kaniyang ipakikita ang kaniyang kabaitan at kababaang-loob sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang pangunguna at pagsuporta sa kaniyang mga pasiya, kahit na kung minsan ang mga ito ay iba sa kaniyang mga nagugustuhan.

      Ang isang makatuwirang asawang lalaki, tulad ng isang makatuwirang elder, ay madaling lapitan at mabait. Ang isang mapagmahal na asawang babae ay tumutugon sa pamamagitan ng pagiging mahabagin at matiisin, na kumikilala sa kaniyang pagsisikap na kaniyang ginagawa upang magampanan ang kaniyang mga pananagutan sa kabila ng di-kasakdalan at mga kagipitan sa buhay. Pagka ang ganiyang mga saloobin ay pinauunlad ng mag-asawa, ang pagpapasakop ng mag-asawa sa isa’t isa ay hindi magiging isang suliranin. Bagkus, iyon ay pinagmumulan ng kagalakan, katiwasayan, at namamalaging kasiyahan.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share