-
Pagbibigay sa mga Anak ng Atensiyong Kailangan NilaGumising!—2005 | Pebrero 8
-
-
Pagsasanay Nang Hindi Nang-iinis
Minsang sinabi ni Dr. Robert Coles, isang tanyag na guro at nagsasaliksik na saykayatris: “May nabubuong pagkadama ng tama at mali sa bata. Sa palagay ko ay bigay-Diyos iyon, at hinahangad nila ang moral na patnubay.” Sino ang sasapat sa pagkagutom at pagkauhaw sa moral na patnubay na ito?
Sa Efeso 6:4, nagpapayo ang Kasulatan: “Kayo, mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” Napansin mo ba na sa ama partikular na iniaatang ng kasulatan ang pananagutang ikintal sa kaniyang mga anak ang pag-ibig sa Diyos at ang malalim na pagpapahalaga sa mga pamantayan ng Diyos? Sa talata 1 ng Efeso kabanata 6, tinukoy ni apostol Pablo kapuwa ang ama at ina nang sabihan niya ang mga anak na ‘maging masunurin sa kanilang mga magulang.’a
Mangyari pa, kung wala ang ama, ang ina ang dapat bumalikat ng pananagutang ito. Maraming nagsosolong ina ang nagtagumpay sa pagpapalaki sa kanilang mga anak sa disiplina at pangkaisipang patnubay ng Diyos na Jehova. Gayunman, kapag nag-asawa ang ina, ang Kristiyanong asawang lalaki ang dapat manguna. Ang ina ay dapat na handang sumunod sa pangungunang iyan ng ama sa pagsasanay at pagdidisiplina sa kanilang mga anak.
Paano mo didisiplinahin o sasanayin ang iyong mga anak nang hindi sila ‘iniinis’? Wala namang sekretong pormula, lalo na yamang naiiba ang bawat bata. Pero dapat pag-isipang mabuti ng mga magulang ang kanilang paraan ng pagdidisiplina, anupat palaging nagpapakita ng pag-ibig at paggalang sa kanilang mga anak. Kapansin-pansing inulit sa Kasulatan sa Colosas 3:21 ang hindi pang-iinis sa mga anak. Doon ay pinayuhan ang mga ama: “Huwag ninyong yamutin ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.”
Ang ilang magulang ay nambubulyaw at naninigaw sa mga anak. Walang-alinlangang nakayayamot ito sa kanilang mga anak. Subalit humihimok ang Bibliya: “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo.” (Efeso 4:31) Sinasabi rin ng Bibliya na “ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging banayad sa lahat.”—2 Timoteo 2:24.
-
-
Pagbibigay sa mga Anak ng Atensiyong Kailangan NilaGumising!—2005 | Pebrero 8
-
-
a Ginamit dito ni Pablo ang salitang Griego na go·neuʹsin, mula sa go·neusʹ, na nangangahulugang “magulang.” Subalit ginamit niya sa talata 4 ang salitang Griego na pa·teʹres, na nangangahulugang “mga ama.”
-