Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Paglanghap ng “Hangin” ng Sanlibutang Ito ay Nakamamatay!
    Ang Bantayan—1987 | Setyembre 15
    • Ang Paglanghap ng “Hangin” ng Sanlibutang Ito ay Nakamamatay!

      “Kayo’y binuhay ng Diyos nang kayo’y mga patay dahil sa inyong mga pagsalansang at mga kasalanan, at siyang lakad ninyo noong minsan . . . ayon sa pinuno ng kapangyarihan ng hangin.”​—EFESO 2:1, 2.

      1. Paanong ang polusyon ng hangin ay naging nakamamatay-tao?

      ANG paglanghap ng sariwang hangin! Anong laking kaginhawahan iyan pagkatapos na ikaw ay manggaling sa isang kuwarto na maraming abubot! Subalit kahit na sa mga malalawak at bukás na mga lugar, isa pa ring pangunahing problema ang polusyon sa ngayon. Ang mga lason na ibinubuga sa hangin ay nakababahala sa maraming bansa. Ang nakalalasong mga usok, radioaktibong alikabok, mga mikrobyong nagdadala ng sakit, at ang sarisaring mga virus ay pawang dala ng hangin. Ang hanging sumusustini sa buhay, na saganang-saganang ipinagkakaloob ng ating maibiging Maylikha, ay higit at higit na nagdudulot ng kamatayan dahilan sa kasakiman at kapabayaan ng tao.

      2. Anong maruming “hangin” ang lalong mapanganib kaysa masamang hangin na maaaring nalalanghap natin?

      2 Gayunman, bagaman napakamapanganib ang polusyon ng hangin mayroong lalong mapanganib na anyo ng masamang “hangin.” Ito’y hindi maruming hangin na dahil sa nuklear na pagsabog sa Chernobyl (U.S.S.R.) o sa mausok na hangin ng Los Angeles, California (E.U.A.). Hindi, tayo’y nanganganib na makalanghap ng lalong higit na nakamamatay na “hangin.” Ito’y binanggit ni apostol Pablo nang kaniyang sabihin sa mga kapuwa Kristiyano: “Kayo’y binuhay ng Diyos nang kayo’y patay dahil sa inyong mga pagsalansang at mga kasalanan, at siyang lakad ninyo noong minsan ayon sa sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito, ayon sa pinuno ng kapangyarihan ng hangin, ang espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway.”​—Efeso 2:1, 2.

      3, 4. (a) Sino “ang pinuno ng kapangyarihan ng hangin”? (b) Bakit ang “hangin” ng Efeso 2:1, 2 ay hindi yaong tirahan ng mga demonyo?

      3 Ano ba ang “hangin” na ito? Ipinakikita ni Pablo na ito’y may “kapangyarihan” o poder, at mayroon itong isang “pinuno” na naghahari rito. Walang alinlangan kung sino ang pinunong ito. Siya ay si Satanas na Diyablo, na tinawag ni Jesu-Kristo na “ang pinuno ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31) Sa pagkabatid nito, ang mga ibang iskolar ng Bibliya ay naniniwala na dito’y nanghiram si Pablo buhat sa Judio o paganong mga lathalain at tinukoy ang hangin bilang ang tirahan ng mga demonyo na doo’y ang Diyablo ang may kapangyarihan. Sa maraming mga salin ng Bibliya ay mababanaag ang ganitong pangmalas. Subalit ang “hangin” na ito ay hindi tumutukoy sa “mga dakong kalangitan” na tirahan ng “mga hukbo ng balakyot na mga espiritu.”​—Efeso 6:11, 12.

      4 Nang si Pablo’y sumulat sa mga Kristiyano sa Efeso, si Satanas at ang mga demonyo ay naroroon pa sa langit, bagama’t sila’y nasa labas ng pabor ng Diyos. Sila’y sa hinaharap pa ibubulusok sa kapaligiran ng lupa. (Apocalipsis 12:7-10) Isa pa, ang hangin ay may higit na kaugnayan sa mga tao kaysa mga espiritung nilikha. Kaya naman, madarama ng lipunan ng tao ang mga epekto pagka ang huling mangkok ng galit ng Diyos ay ibinuhos na sa “hangin.”​—Apocalipsis 16:17-21.

      5. Ano ang “hangin” na tinatalakay rito, at ano ang epekto nito sa mga tao?

      5 Kung gayon, lumilitaw na ginagamit ni Pablo ang literal na hangin, o atmospera, upang ipaghalimbawa ang pangkalahatang espiritu, o dominanteng saloobin ng kaimbutan at pagsuway, na makikita sa mga taong hiwalay sa Diyos. Ito’y siya ring “espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway” at “ang espiritu ng sanlibutan.” (Efeso 2:2; 1 Corinto 2:12) Kung paanong ang literal na hangin ay nasa lahat ng dako, naroroon upang langhapin, gayundin na “ang espiritu ng sanlibutan” ay laging presente. Sapol sa pagkasanggol hanggang sa kamatayan, nilalaganapan, iniimpluwensiyahan, at hinuhubog nito ang paraan ng pag-iisip at pagkilos ng mga tao samantalang kanilang sinisikap na matupad ang kanilang mga hangarin, pag-asa, at ambisyon.

      6. (a) Paanong ang lason ng “hangin” ng sanlibutang ito ay tumitindi, at paano ito gumagamit ng “kapangyarihan”? (b) Paanong ang paglanghap ng “hangin” na ito ay humihikayat sa isa na tularan ang paghihimagsik ng Diyablo?

      6 Ang espiritung ito ng kasalanan at paghihimagsik ay nangingibabaw sa lipunan ng di-sakdal na mga tao. Sa paglanghap ng isang tao ng “hangin” na ito, ang nakamamatay na lason nito ay pinatitindi ng panggigipit na nanggagaling sa mga taong kauri at ng patuloy na sumisidhing paghahangad ng kalayawan. Sa gayon, may tiyak na “kapangyarihan” ito sa mga tao. (Ihambing ang Roma 6:12-14.) Mangyari pa, ang Diyablo ang pasimuno sa lahat ng kabalakyutan. (Juan 8:44) Kaya’t kaniyang iniimpluwensiyahan ang mga tao upang tumulad sa kaniyang sariling landasin ng paghihimagsik at sa gayo’y siya ang kumakasi, humuhubog, at sumusupil sa ganitong espiritu ng pamayanan, o “hangin.” Bilang ang “pinuno” na may hawak ng ganitong nakatatakot na lakas, o “kapangyarihan,” ginagamit ito ni Satanas upang masupil ang kaisipan ng mga tao. Ang mga elemento nito ay isinaayos upang panatilihin ang mga tao na totoong abala sa pagbibigay-kasiyahan sa mga pita ng laman at sa pagtataguyod ng makasanlibutang mga kapakanan na anupa’t sila’y walang panahon o hilig na makilala ang Diyos at pailalim sa kaniyang banal na espiritu, “ang espiritu na nagbibigay-buhay.” (Juan 6:63) Sa espirituwal na pananalita, sila ay mga patay.

      7. (a) Paanong noong nakaraan ang mga Kristiyano ay “mga anak ng galit”? (b) Nang tayo’y maging mga Kristiyano, anong pagbabago ang ginawa natin?

      7 Ang mga Kristiyano rin naman ay nasa ilalim ng “kapangyarihan,” o panunupil, ng maruming “hangin” na ito bago sila nakaalam ng katotohanan ng Salita ng Diyos at nagsimulang lumakad ayon sa matuwid na mga pamantayan niya. “Oo, sa gitna nila [ng makasanlibutang mga tao] tayo rin naman noong minsan ay namumuhay ayon sa mga pita ng ating laman, na ginagawa ang mga pita ng laman at ng kaisipan, at tayo noon ay katutubong mga anak ng galit gaya rin ng iba.” Subalit nang maging mga Kristiyano, tayo’y huminto na ng paglanghap ng nakamamatay na “hangin” ng sanlibutang ito. Ating ‘iniwan ang dating pagkatao na naaayon sa ating dating pag-uugali at tayo’y nagbihis ng bagong pagkatao na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na kabanalan at katapatan.’​—Efeso 2:3; 4:22-24.

      8. Paanong ang ating kalagayan ngayon ay nakakatulad niyaong sa bansang Israel nang ito’y nasa iláng?

      8 Ang panganib ngayon ay pagkatapos makalabas sa maruming hangin ng sanlibutang ito baka tayo’y maakit na bumalik doon. Narito tayo, nasa dulo na ng “panahon ng kawakasan,” at nasa mismong pagpasok sa bagong sanlibutan. (Daniel 12:4) Tiyak iyan, ayaw natin na mabigo dahilan sa pagkahulog sa ganoon ding patibong na kinahulugan ng mga Israelita. Pagkatapos na sila’y makahimalang iligtas sa Ehipto at nang sila’y dumating na sa hangganan ng Lupang Pangako, libu-libo “ang nangabuwal sa iláng.” Bakit? Sapagkat ang iba ay naging mga mananamba sa diyus-diyosan, ang iba ay nakiapid, at ang iba naman ay inilagay si Jehova sa pagsubok dahil sa kanilang kabubulong at pagrireklamo. Idiniin ni Pablo ang isang punto sa pagsasabi: “Ngayon ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang mga halimbawa, at nasulat upang maging babala sa atin na dinatnan ng mga katapusan ng sistema ng mga bagay.”​—1 Corinto 10:1-11.

      9. (a) Paano ngang tayo’y maaaring nasa sanlibutan ngunit hindi bahagi nito? (b) Tayo’y kailangang maging ano upang huwag mahila at mapabalik sa nakamamatay na hangin ng sanlibutan?

      9 Tungkol sa kaniyang mga alagad, si Jesus ay dumalangin: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan. Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama.” (Juan 17:14, 15) Tayo’y iingatan ni Jehova, ngunit hindi siya maglalagay ng isang “bakod” sa palibot natin, ni maghihimala man upang ipagsanggalang tayo sa “hangin” ng sanlibutang ito. (Job 1:9, 10) Kaya’t ang hamon sa atin ay narito tayo sa sanlibutan ni Satanas, ngunit hindi tayo bahagi nito, tayo’y napalilibutan ng maruming “hangin” nito, ngunit hindi natin nilalanghap ito. Pagka tayo’y bumabasa ng mga publikasyon ng sanlibutan, nanonood ng telebisyon, o nagpupunta sa mga lugar na libangan, malamang na tayo’y mapahantad sa “hangin” ng sanlibutan. Bagaman hindi natin maiiwasan ang pakikisalamuha sa mga taong makasanlibutan​—sa trabaho, sa paaralan, at sa mga iba pa​—​tayo’y kailangang maging mapagbantay upang huwag tayong mahila at mapabalik sa nakamamatay na hangin ng sanlibutang ito.​—1 Corinto 15:33, 34.

      10, 11. (a) Paanong ang ating pagiging naririto sa espirituwal na paraiso ni Jehova ay maihahambing sa kung tayo’y naroroon sa lugar na may karatulang “bawal manigarilyo”? (b) Anong mga hakbang ang dapat na gawin kung nakapansin tayo na may bahagyang “hangin” ng sanlibutan na napapadpad sa atin?

      10 Ang ating kalagayan ay maihahambing natin sa kung tayo’y nasa isang restawran na may mga lugar na may karatulang “puwedeng manigarilyo” at “bawal manigarilyo.” Bilang mga Kristiyano na nasa espirituwal na paraiso ni Jehova, tumpak naman na tayo’y nasa lugar na kung saan “bawal manigarilyo,” malayo sa espiritu ng sanlibutang ito. Tiyak iyan, tayo’y hindi kusang mauupo sa lugar na may karatulang “puwedeng manigarilyo.” Iyan ay kamangmangan. Subalit ano ang madalas na nangyayari pagka tayo ay naroroon sa lugar ng isang restawran na kung saan may karatulang “bawal manigarilyo”? Aba, ang maruming hangin na punô ng usok ay ipinapadpad sa kinaroroonan natin, at tayo’y nakakalanghap nang bahagya ng hanging iyon! Ngayon, tayo ba’y nabibighani sa maruming hanging iyon? O tayo ba’y buong bilis na aalis upang makalayo?

      11 Subalit ano ba ang ginagawa mo pagka dumating sa iyo ang baha-bahagyang “hangin” ng sanlibutang ito? Ikaw ba ay agad kikilos upang lumayo sa masamang impluwensiyang ito? Kung ikaw ay lalagi roon at lalanghapin mo iyon, matitiyak mo na ang iyong kaisipan ay maaapektuhan. Mientras nilalanghap mo ang “hangin” na ito, lalo kang masasanay na langhapin ito. Isa pa, sa kalaunan ang amoy ay hindi na nakasusuklam kundi nakaaakit, nakabibighani, kanais-nais sa laman. Baka patindihin pa nito ang isang lihim na pagnanasà na nilalabanan mo upang mapigil.

      12. Ano ang kailangan upang huwag tayong maapektuhan ng mga sangkap na iyan ng “hangin” ng sanlibutang ito na hindi madaling mapansin?

      12 Ang ibang nakamamatay na mga polutante ng “hangin” ng sanlibutang ito ay hindi madaling mapansin, kung paanong may mga nagpaparumi sa literal na hangin na gaya ng carbon monoxide na walang kulay at walang lasa. Kung gayon, ang panganib ay nasa bagay na baka hindi natin mapansin ang ‘nakamamatay na mga usok’ hangga’t hindi tayo nadadaig niyaon. Kung gayon, kailangan tayong maging alerto upang hindi tayo maakay tungo sa isang patibong ng kamatayan ng sanlibutang ito na maluwag sa disiplina o ng pagsuway nito sa mga pamantayan ng Diyos ng katuwiran. Hinimok ni Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na “laging magpaalalahanan sa isa’t isa araw-araw . . . sapagkat baka ang sinuman sa inyo’y papagmatigasin ng daya ng kasalanan.”​—Hebreo 3:13; Roma 12:2.

      Ano ang Sangkap na Bumubuo ng “Hangin” ng Sanlibutang Ito?

      13. (a) Ano ang isang anyo ng “hangin” ng sanlibutang ito na dapat nating layuan? (b) Paanong makikita na ang “hangin” na ito ay nakaapekto na sa ibang mga lingkod ni Jehova?

      13 Anong karaniwang mga saloobin ang maaaring taglay na pala natin, bago pa man natin matalos iyon, dahilan sa malakas na impluwensiya ng “hangin” ng sanlibutang ito? Ang isa ay ang hilig na paglaruan ang mga bagay na imoral. Ang mga ideya ng sanlibutang ito tungkol sa sekso at moralidad ay nasa buong palibot natin. Marami ang nagsasabi: ‘Wala namang masama sa pakikiapid, pag-aanak sa labas, at pagkahulog sa homoseksuwalidad. Ginagawa lang naman natin ang normal, natural.’ Ang ganito bang “hangin,” o makasanlibutang espiritu, ay nakaapekto na sa mga lingkod ni Jehova? Nakalulungkot sabihin, noong 1986 na taon ng paglilingkod, 37,426 ang natiwalag sa kongregasyong Kristiyano, ang lalong marami sa kanila ay dahilan sa pagkahulog sa seksuwal na imoralidad. At hindi pa nga kasali rito ang lalong marami na sinaway dahil sa imoralidad ngunit hindi natiwalag dahilan sa sila’y taimtim na nangagsisi.​—Kawikaan 28:13.

      14. Bakit ang ibang mga Kristiyano ay napapalihis sa kalinisang-asal, at itinatakwil ang anong payo ng Kasulatan?

      14 Ano ang nangyayari kung tungkol sa mga nagbibigay-daan sa seksuwal na imoralidad? Pagka nahayag na ang mga katibayan, kadalasan ay natutuklasan na sila’y muling lumalanghap na naman ng nakamamatay na “hangin” ng sanlibutang ito. Kanilang pinahintulutan na ang makasanlibutang mga saloobin ay humila sa kanila na babaan ang kanilang mga pamantayan. Halimbawa, marahil sila ay nagsimula na namang manood ng mga palabas sa sine na kanilang iiwan kung sakaling sila’y nanunood nito noong mga ilang taóng lumipas. Lalong masama, sa kagamitang video sa tahanan marahil sila’y nanunood ng mga palabas na talagang hindi angkop para sa isang Kristiyano. Ang gayong gawang paglalaro sa mga bagay na imoral ay tuwirang salungat sa payo ng Kasulatan na: “Ang pakikiapid at anumang uri ng karumihan o ang kasakiman ay huwag man lamang masambit sa gitna ninyo, gaya ng nararapat sa mga banal; o ang nakahihiyang asal o ang walang kawawaang pagsasalita o ang masagwang pagbibiro.”​—Efeso 5:3, 4.

      15. Paanong ang tukso na gawing laruan ang seksuwal na imoralidad ay nagsisimula nang di-sinasadya?

      15 Totoo, baka agad na tatanggihan mo ang anumang tuwirang paghimok sa iyo na makiapid. Subalit paano ka ba kumikilos pagka ang isang kasama mo sa trabaho o isang kamag-aral ay nagtangka na umalembong sa iyo, humipo-hipo o humaplos-haplos sa iyo, o dili kaya’y mag-anyaya sa iyo na lumabas kayo at “mag-date”? Baha-bahagya nang “hangin” ng sanlibutang ito ang napadpad na pala sa iyong landas. Natutuwa ka ba na tanggapin ang atensiyon na ibinibigay sa iyo, lalo mo pa manding binibigyang daan upang patuloy na ibuhos sa iyo ang atensiyong iyon? Sang-ayon sa mga ulat na natanggap buhat sa mga hinirang na matatanda, ang pagkakasala ay malimit na nagsisimula sa gayong di-sinasadyang mga paraan. Ang isang makasanlibutang lalaki ay baka magsabi sa isang babaing Kristiyano: “Anong ganda mo ngayon!” Baka nakalulugod na pakinggan iyan, lalo na kung ang babae ay medyo nalulungkot. At lalong malubha, ang iba ay hindi kumilos nang may karunungan sa mga pagtatangka ng iba na sila’y hipu-hipuin o haplus-haplusin. Sila’y kunwari umaayaw subalit ang pag-ayaw nila ay parang wala sa loob na anupa’t ang taong makasanlibutan ay lumakas pa nga ang loob upang magpatuloy sa kaniyang ginagawa. Ano kaya kung ang gayong imoral na pagkilos sa pakikitungo sa isang babaing Kristiyano ay nagpatuloy, gaya ng malakas na bugá ng maruruming hangin na napapadpad sa kaniya? Kailangang magpakatatag na sabihin ng babaing ito sa lalaking iyon na hindi niya gusto iyon at hindi niya tatanggapin ang iniuukol nito na atensiyon sa kaniya. Kung ang babae ay patuloy na lalanghap ng “hangin” na ito, malamang na manghina ang kaniyang panlaban dito. Siya’y maaakay tungo sa imoralidad, kung hindi man sa isang di kanais-nais na pag-aasawa.​—Ihambing ang Kawikaan 5:3-14; 1 Corinto 7:39.

      16. Ano ang kailangan upang ikaw ay maging isang “mabangong samyo ni Kristo”?

      16 Kung gayon, mabilis na itakwil ang imoral, at nakamamatay na “hangin” ng sanlibutang ito. Sa halip na padala sa nang-aakit na halimuyak nito at magdala ng upasala sa pangalan at organisasyon ni Jehova, ikaw ay maging isang mabangong samyo sa Diyos sa pamamagitan ng iyong maka-Diyos na saloobin at asal. Ganito ang pagkasabi ni Pablo: “Sapagkat sa Diyos tayo ay mabangong samyo ni Kristo sa mga naliligtas at sa mga napapahamak; sa huli ay samyo mula sa kamatayan tungo sa kamatayan, sa una ay samyo mula sa buhay tungo sa buhay.” (2 Corinto 2:15, 16) Ano nga ba kung iniingusan ng marami ang pamumuhay Kristiyano? (1 Pedro 4:1-5) Hayaang lumakad ang sanlibutan ng kaniyang sariling lakad, at anihin ang masamang bunga na nasa anyo ng mga watak-watak na tahanan, mga anak sa labas, mga sakit na napapasalin sa pamamagitan ng seksuwal na pagtatalik, na gaya baga ng AIDS, at iba pang di mabilang na emosyonal at pisikal na mga kaabahan. Ikaw ay hindi lamang makakaiwas sa maraming kadalamhatian kundi sasaiyo rin ang pabor ng Diyos. Isa pa, ang iba ay hahanga sa iyong mabuting asal at sa pabalita ng Kaharian na iyong ipinangangaral, at sa gayo’y naaakit sa “samyo mula sa buhay tungo sa buhay.”

      Ang “Hangin” ng Makasanlibutang mga Istilo

      17. Paanong ang mga istilo ng pananamit at pag-aayos ay naghahayag na ang isa’y naimpluwensiyahan na ng espiritu ng sanlibutang ito?

      17 Ang isa pang sangkap ng “hangin” ng sanlibutang ito ay may kinalaman sa mga istilo ng pananamit at pag-aayos. Marami sa sanlibutan ang nagdadamit upang maging seksi at makaakit. Kahit na mga dalagita pa lamang ay ibig na magtinging sila’y mga dalaga na, at pinagtitingin na sila’y seksi. Ikaw ba ay apektado nitong malaganap na “hangin,” o saloobin? Ikaw ba ay nagdadamit upang makapagpakilig ng damdamin, upang makatukso, upang makapukaw ng interes ng mga lalaki? Kung gayon, ikaw ay naglalaro ng apoy. Ang paglanghap mo ng ganitong “hangin” ay sasakal sa iyo upang mawalan ka ng kahinhinan, ng iyong pagnanasà na maging isang babaing may kapurihan. (Mikas 6:8) Ang mga may makasanlibutang kaisipan ang maaakit sa iyo. Sa iyong mga ikinikilos, kanilang mahihinuha na handa kang sumama sa kanila sa imoralidad. Subalit bakit ka magsisimulang lumakad sa ganitong landasin sa pagpapahintulot sa gayong “hangin” na umakit sa iyo na gawin ang masama sa paningin ng Diyos?

      18. Paanong ang laging pagsasaisip na tayo’y kumakatawan kay Jehova ang tutulong sa atin sa pagpili ng mga istilo ng pananamit at pag-aayos?

      18 Upang tayo’y maging mahinhin, hindi natin kailangan ang mababang uri o pangit na pananamit o pag-aayos. Isaalang-alang ang paraan ng pagdadamit at pag-aayos ng lubhang karamihan ng mga Saksi ni Jehova. Kanilang iniiwasan ang sobrang mga istilo ng sanlibutang ito ngunit ang hitsura nila’y kaakit-akit, anupa’t isinasa-isip nila na sila’y mga ministro na kumakatawan sa Soberano ng sansinukob, si Jehova. Hayaang pintasan ng matandang sanlibutan ang kanilang mahihinhing pananamit. Sila’y hindi nangangahas na payagang ang mga saloobin ng sanlibutang ito ay humila sa kanila na babaan ang kanilang mga pamantayang Kristiyano. “Ito, samakatuwid, ay sinasabi at pinatotohanan ko alang-alang sa Panginoon,” ang isinulat ni apostol Pablo, “na kayo’y hindi na lumalakad na gaya ng mga bansa sa kawalang kawawaan ng kanilang mga isip . . . Yamang wala silang bahagya mang wagas na asal, sila’y napahikayat sa kalibugan upang gumawa ng lahat ng uri ng kahalayan.” (Efeso 4:17-19) Ang maygulang na Kristiyano ay mananamit nang may kahinhinan, at hindi lumalakad gaya ng paglakad ng mga bansa.​—1 Timoteo 2:9, 10.

      19. Pagkatapos na matalakay natin ang dalawang pangunahing sangkap ng “hangin” ng sanlibutang ito, ano ang nakikita na natin tungkol sa panganib na malanghap ito?

      19 Hanggang dito, ating natalakay ang dalawa lamang sangkap ng “hangin” ng sanlibutang ito. Subalit nakita na natin na ang “hangin” na ito ay totoong nakapipinsala sa espirituwal na kalusugan. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang iba pang mga sangkap ng nakamamatay na “hangin” na ito na patuloy na ibinubuga sa mga Kristiyano ng Diyablo at ng kaniyang sistema, sa pag-asang ang mga ito’y padadala rito. Napakahalaga nga na ating iwasan ang gayong “hangin,” sapagkat ang pagpapadala sa espiritu ng sanlibutang ito ay nakakatulad ng paglanghap ng alimuom na nagdudulot ng kamatayan!

  • Patuloy na Pasakop sa “Espiritu na Nagbibigay-Buhay”
    Ang Bantayan—1987 | Setyembre 15
    • Patuloy na Pasakop sa “Espiritu na Nagbibigay-Buhay”

      “Ang espiritu ang nagbibigay-buhay; sa laman ay walang anumang pakikinabangan.”​—JUAN 6:63.

      1. (a) Paano tinutulungan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod upang malabanan ang impluwensiya ng “hangin” ng sanlibutang ito? (b) Paanong ang pagpapaunlad ng mga bunga ng espiritu ng Diyos ay tutulong sa atin na magkaroon ng tamang hilig ng kaisipan?

      ANG banal na espiritu ng Diyos na Jehova ay lubhang kailangan kung ibig nating malabanan ang impluwensiya ng “hangin” ng sanlibutang ito, o mga saloobin nito. (Efeso 2:1, 2) Kailangan din natin ang Bibliya, na may taglay ng mga pag-iisip ng Diyos na isinulat sa patnubay ng banal na espiritu. At kailangang taglay natin ang isang mapagpakumbabang saloobing Kristiyano na resulta ng pagpapaunlad ng mga bunga ng espiritu ng Diyos​—“pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.” Si apostol Pablo ay nagpayo: “Patuloy na lumakad ayon sa espiritu at hindi ninyo gagawin ang anumang pita ng laman. Sapagkat ang laman ay laban sa espiritu sa pagnanasà nito, at ang espiritu laban sa laman; sapagkat ang mga ito ay nagkakalaban sa isa’t isa, kung kaya’t ang mismong mga bagay na ibig ninyong gawin ay hindi ninyo ginagawa.”​—Galacia 5:16, 17, 22, 23.

      2. Paanong ang bunga ng espiritu ng Diyos ay naiiba sa ibinubunga naman ng paglakad ayon sa “espiritu ng sanlibutan”?

      2 Sumulat din si Pablo: “Tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritung mula sa Diyos, upang ating makilala ang mga bagay na ibinigay sa atin ng Diyos nang may kagandahang-loob.” (1 Corinto 2:12) Ang “hangin,” o kaisipan ng sanlibutang ito ay pumapatay, subalit ang ibinibigay ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu ay nagdadala ng buhay na walang-hanggan sa mga tumatanggap nito. Sinabi ni Jesus: “Ang espiritu ang nagbibigay-buhay, sa laman ay walang anumang pakikinabangan. Ang mga salita ko sa inyo ay pawang espiritu at pawang buhay.” (Juan 6:63) Yamang “sa laman ay walang anumang pakikinabangan,” kailangan natin ng tulong na nagmumula sa Diyos upang madaig ang kasalanan at mapaglabanan ang espiritu ng sanlibutan.

      3, 4. (a) Ano ang kasakiman, at paano pinupukaw ng ‘pinuno ng hangin’ ang makalaman na pagnanasà sa materyal na mga bagay? (b) Paanong ang isang taong masakim ay isang mananamba sa idolo?

      3 Sa naunang artikulo, tinalakay natin ang dalawang mapanganib na mga sangkap ng “hangin” ng sanlibutang ito​—ginagawang laruan ang mga bagay na imoral at ang di-nararapat na mga istilo ng pananamit at pag-aayos. Subalit marami pang ibang mga sangkap. Halimbawa, ang hangin ng sanlibutang ito ay punúng-punô ng kasakiman, ng matindi at mapag-imbot na pagnanasà ng materyal na mga bentaha o materyal na mga bagay. Pinapangyayari ng ‘pinuno ng hangin’ na sa pamamagitan ng propaganda at pag-aanunsiyo ng sanlibutang ito ay madama mo na hindi natutupad ang iyong mga pangarap kung wala kang maraming materyal na mga ari-arian. Ang ganitong sangkap ng “hangin” ng sanlibutan ay maaaring makapagpahibang sa iyo sa ideya na ang mga ito ang mahahalagang bagay sa buhay. Ikaw ba ay naapektuhan na ng materyalistikong “hangin” na ito?

      4 Sinasabi ng Bibliya: “Sinumang mapakiapid o mahalay o masakim na tao​—na ibig sabihin ang pagiging isang mananamba sa idolo​—​ay walang anumang mamanahin sa kaharian ng Kristo at ng Diyos.” (Efeso 5:5) Pansinin na ang isang taong masakim ay tunay na isang mananamba sa idolo. Baka isipin mo, ‘Tiyak naman, hindi ko aabutin iyan, na nagiging isang mananamba sa idolo.’ Subalit ano nga ba ang idolatriya? Hindi ba ito’y ang paglalagay ng isang bagay sa lugar ni Jehova at sa pagsamba sa kaniya, na nagbibigay ng atensiyon doon imbis na sa Diyos at sa paglilingkod sa kaniya? Maaaring bahagi ng kasakiman ang halos pagsamba na sa salapi at sa kapangyarihan at impluwensiya niyaon. Kung ang uunahin mo’y ang pagsisikap na makabili ng isang bagong kotse, ng isang video cassette recorder, o anupamang ibang materyal na mga bagay sa halip na palawakin ang iyong mga pagkakataon sa paglilingkuran kay Jehova, hindi ba ebidensiya iyan na ang “hangin” ng sanlibutang ito ay nakakaapekto na at nakapipinsala sa iyo? Hindi baga ang materyal na mga bagay ay nagiging mistulang mga idolo na sa iyo?

      5. Paanong ang “hangin” ng sanlibutang ito ay punô ng mapag-imbot na pagnanasà sa kayamanan?

      5 Kung ikaw ay naghahangad ng isang mataas na edukasyon o isang trabahong nagpapanhik ng malaking pakinabang, ginagawa mo ba iyon upang yumaman ka at magkaroon ng higit pang materyal na mga bentaha kaysa kinakailangan mo? Ikaw ba’y naiintriga ng mga pakanang biglang-yaman, na ibig mong mapasangkot sa mga ito? Ang “hangin” ng sanlibutang ito ay punô ng mapag-imbot na pagnanasà ng kayamanan at pagdaraya kung tungkol sa pagbabayad ng buwis sa gobyerno. Sa ganitong kapaligiran umuunlad ang sugal at mga aktibidades na katulad nito. Huwag kang patukso. Ang mga taong umiiwas sa impluwensiya ng “hangin” ng sanlibutang ito na punúng-punô ng kasakiman ay nakapagpapatunay na ang tunay na kaligayahan ay nanggagaling sa pagiging kontento na sa mga kinakailangan sa buhay at paglalagay sa unahan ng mga kapakanan ng Kaharian.​—Mateo 6:25-34; 1 Juan 2:15-17.

      Ang Wastong Paggamit sa Dila

      6. Bilang mga Kristiyano ano ang maaaring maging epekto sa atin ng mga bukambibig ng sanlibutang ito?

      6 Kumusta naman ang ating bukambibig? Mga kalaswaan, mga salita kung nagagalit, pagsisinungaling​—ang “hangin” ng sanlibutang ito ay lubos na pinarumi ng ganiyang bulok na mga pananalita. Subalit, maging ang pananalita man ng mga ilang kaugnay sa kongregasyong Kristiyano paminsan-minsan ay makikitaan ng kagaspangan, at kabastusan pa nga. Mariing sinasabi sa atin ng alagad na si Santiago: “Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpuri at paglait. Hindi nararapat, mga kapatid ko, na ang mga bagay na ito’y magpatuloy nang ganiyan. Bumabalong ba sa iisang bukal ang tubig na matamis at ang tubig na mapait?” (Santiago 3:10, 11) Nakapulot ka ba ng ilang balbal na pananalita o salitang kalye ng sanlibutang ito? Ikaw ba’y may dalawang talasalitaan, isang ginagamit mo pagka mga Kristiyano ang kasa-kasama mo, at ang isa nama’y ginagamit mo sa mga iba pang lugar? Si Pablo ay sumulat: “Anumang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi ang anumang mabuti na ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang makinabang ng biyaya ang mga nakikinig.” (Efeso 4:29) Anong pagkahala-halaga nga na gumamit ng wasto at malinis na pananalita sa tuwina!

      7. Ano ang nasasaklaw ng ‘pagtatakwil sa kasinungalingan at pagsasalita naman ng katotohanan’?

      7 Kailangan ding pakaingat tayo na sa tuwina’y magsabi ng katotohanan. Ang pagpapaliguy-ligoy o sadyang panlilinlang sa iba upang maiwasan ang pananagutan ay talagang kung tutuusin isang pagsisinungaling. Kaya’t tiyakin na sundin ang payo ni Pablo: “Ngayon na itinakwil na ninyo ang kasinungalingan, magsalita ang bawa’t isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa, sapagkat tayo’y mga sangkap na nauukol sa isa’t isa.”​—Efeso 4:25; Kawikaan 3:32.

      8. (a) Paano kumikilos ang maraming mga taong makasanlibutan pagka sila’y nagalit? (b) Pagka tayo’y nahila na magalit, ano ang dapat nating gawin?

      8 Ang walang pagtitimping pagbubuhos ng galit ay isa pang anyo ng espiritu ng sanlibutang ito. Maraming mga taong makasanlibutan ang dagling nawawalan ng pagpipigil sa sarili. Sila’y agad magsisiklab, pagkatapos ay ipangangatuwiran ang kanilang sarili sa pagsasabi na sila’y nag-aarya lamang ng galit. Subalit hindi ganito ang ipinayo ni Pablo, sapagkat siya’y sumulat: “Lahat ng malisyosong kapaitan at galit at poot at pambubulyaw at masamang bibig ay alisin ninyo kasama ang lahat ng kasamaan.” (Efeso 4:31) Ngunit ano kung taglay pa rin natin ang tumitinding galit sa kabila ng pagpapaunlad natin ng pagpipigil sa sarili at ng iba pang mga bunga ng espiritu ng Diyos? “Kayo’y magalit, subalit huwag magkakasala,” ang isinulat ni Pablo. “Huwag lubugan ng araw ang inyong galit, ni bigyan-daan man ang Diyablo.” (Efeso 4:26, 27) Kung gayon pagka tayo’y nahila na magalit, agad-agad na lutasin natin ang bagay na iyon, bago matapos ang maghapon. Sapagkat kung hindi, ang kapaitan at samâ ng loob ay magsisimulang mag-ugat sa puso, at ang mga ito’y mahirap nang limutin. Huwag mong payagan na ang iyong sarili ay lumanghap ng “hangin” ng magagalitin at mapaghiganting sanlibutang ito!​—Awit 37:8.

      9. Ano ang ilan sa karaniwang mga saloobin ng mga empleado, at bakit dapat nating suriin ang ating mga kinaugalian sa trabaho?

      9 Kumusta naman ang iyong mga kinaugalian sa trabaho? Ang paglalakwatsa sa trabaho at pagnanakaw ng mga bagay-bagay sa isang among may patrabaho ay karaniwan sa ngayon. Nakasinghot ka ba nang bahagya ng “hangin” na ito? Nahawa ka na ba ng saloobin na ‘lahat naman ay gumagawa nito’? Huwag kalilimutan na ang paraan ng pagganap natin ng ating trabaho bilang mga Kristiyano ay maaaring magdala ng kapurihan o dili kaya’y kasiraan kay Jehova at sa tunay na pagsamba sa kaniya. Dahil ba sa iyong ikinikilos sa iyong trabaho ay ibig mong tanggihan ninuman ang katotohanang dala sa kaniyang tahanan ng isa sa mga Saksi ni Jehova? “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa,” ang sabi ni Pablo, “kundi bagkus magpagal . . . upang may maibigay siya sa nangangailangan.”​—Efeso 4:28.

      10. Sa pagganap sa sekular na trabaho, paano natin maipakikita na tayo’y hindi apektado ng mapag-imbot na “hangin” ng sanlibutang ito?

      10 Bagaman ang relasyong panginoon-alipin na umiral noong unang siglo ay bihira na ngayon, ang mga empleadong Kristiyano ay maaaring matuto sa isinulat ni Pablo sa mga aliping Kristiyano sa Efeso 6:5-8. Ang mga manggagawang ito ay pinagsabihan na ‘maging masunurin sa kanilang panginoon, hindi gaya ng mga tagapagbigay-lugod sa tao, kundi gaya ng mga alipin ni Kristo.’ Samakatuwid ang isang Kristiyano ay hindi dapat na magmaneobra ng mga bagay-bagay upang maiwasan ang maghapong pagtatrabaho o ang pagbibigay ng ipinangakong mga kalakal o serbisyo. Kung ginagawa natin ang mga bagay-bagay “na gaya ng kay Jehova” ginagawa iyon, tayo’y magkakaroon ng tamang saloobin at hindi tayo maaapektuhan ng mapag-imbot na “hangin” ng katamaran ng sanlibutang ito.

      Pagkain, Inumin, at Libangan

      11. Paano naapektuhan ng makasanlibutang saloobin sa pagkain at inumin ang iba sa mga lingkod ni Jehova noong mga sinaunang panahon sa Bibliya?

      11 Naapektuhan ka ba ng sanlibutan sa kaniyang labis-labis na paggamit ng pagkain at inumin? Ang saloobin nito ay ‘kumain, uminom, at magsaya, sapagkat bukas makalawa ay baka tayo mamatay na.’ (1 Corinto 15:32) At ang espiritung ito ay nakaapekto sa ilang mga lingkod ng Diyos, kahit na noon pa mang sinaunang panahon. Gunitain ang okasyon sa iláng nang ang mga Israelita ay “nangaupo upang kumain at uminom. Pagkatapos ay nagsitindig sila upang magkatuwaan.” (Exodo 32:6) Ang ‘pagkakatuwaan’ na iyon ay humantong sa walang pagpipigil na kalibugan at idolatriya, kung kaya’t ang galit ng Diyos ay nagsiklab laban sa kanila. Kailanman ay huwag nating tularan ang ganiyang landasin.​—1 Pedro 4:3-6.

      12. Kung ang ating mga kaugalian sa pagkain at pag-inom ay kailangang bigyan-pansin, ano ang dapat nating gawin?

      12 Binigyan tayo ni Jehova ng pagkarami-raming sarisaring masasarap, katakam-takam, at masustansiya na mga pagkain at inumin, subalit ibig niyang gamitin natin ang mga bagay na ito nang katamtaman. Sa Bibliya ay minamasamâ ang katakawan at paglalasing. (Kawikaan 23:20, 21) Kaya maging tapat ka sa iyong sarili at itanong mo ang ganito: May lugar pa ba para mapahusay ko pa ang aking kaugalian sa pagkain at pag-inom? Kung kailangan na gumamit ka ng higit na pagpipigil sa sarili, kilalanin mo ang bagay na ito at kumilos ka na kasuwato ng iyong mga panalangin upang tulungan ka ng espiritu ng Diyos na mapagtagumpayan ang problemang ito. “Huwag kayong maglasing ng alak, na kinaroroonan ng kaguluhan, kundi kayo’y patuloy na mapuspos ng espiritu,” ang sabi ni Pablo. (Efeso 5:18) Oo, kayo’y mapuspos ng espiritu ng Diyos, at huwag padala sa walang pagpipigil na espiritu ng sanlibutang ito! “Kumakain man kayo o umiinom o anuman ang iyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.” (1 Corinto 10:31) Gayunman, kung patuloy din na nagkakaproblema kayo tungkol dito, patulong kayo sa mga lalaking maygulang sa espirituwal sa kongregasyon.​—Galacia 6:1; Santiago 5:14, 15.

      13. (a) Paanong makikita na nagtagumpay ang Diyablo sa pagpapasamâ sa karamihan ng libangan ngayon? (b) Paano natin maiiwasan ang ganitong saloobin ng sanlibutan sa libangan?

      13 Ang sanlibutang ito ay lubhang sugapa na sa sports, musika, at sarisaring anyo ng libangan. Maliban sa kung lumalabag sa mga simulain ng Kasulatan, ang pagtatamasa ng kasiyahan sa ganiyang mga bagay ay hindi naman masasabing mali. Subalit ang problema ay nasa bagay na si Satanas, “ang pinuno na may kapangyarihan sa hangin,” ay nagtagumpay sa pagpapasamâ sa karamihan ng libangan ngayon. (Efeso 2:2, The Jerusalem Bible) Malimit, imoralidad ang itinataguyod, ang karahasan ay ipinagkikibit-balikat, at ang tagumpay sa pamamagitan ng panlilinlang, pandaraya, at pamamaslang pa nga ang mapapanood. Pagka ating pinanood ang ganiyang mga libangan, ang mga saloobing ito ay ating nilalanghap ng puspusan at pumapasok sa ating sistema at malamang na tayo’y mapinsala ng lason na taglay nito. Isa pa, kahit na sakaling hindi naman labag sa Kasulatan ang ilang uri ng libangan, may panganib na tayo’y maging sugapa na sa mga iyan, kung kaya’t kaunting panahon na lamang ang natitira para sa espirituwal na mga bagay. Kung gayon, kailangan tayong maging pihikan. Gumamit ng kaunting panahon upang maglibang-libang nang katamtaman ayon sa paraang makapagpapalusog at mapapakinabangan, subalit iwasan ang pagtulad sa mga pagmamalabis ng sanlibutan. Mabuti man o masama ang amoy ng “hangin” na nanggagaling sa sanlibutan, ito ay marumi at nakamamatay!​—Kawikaan 11:19.

      Pagmamalaki ng Lahi​—Ito’y Isang Masamang Hangin

      14. Kung tungkol sa mga problemang panlipunan, paano tayo maaaring maapektuhan ng “hangin” ng sanlibutang ito?

      14 Ang medyo mapandayang sangkap ng “hangin” ng sanlibutang ito ay ang pagmamalaki ng lahi at bansa. Itinataguyod ng iba ang maling ideya na may mga lahing matataas na uri at mayroon namang mabababang uri. Ang nasyonalismo ay nag-uudyok sa mga tao na malasin ang kanilang bansang tinubuan bilang mas mataas na uri kaysa lahat ng mga iba pa. Ang totoo, marami ang bagaman di dapat ay naghihirap at napagkakaitan ng mga pangunahing karapatan at pangangailangan ng tao dahilan sa kaimbutan at pagmamataas ng iba. Ang resulta’y pagkakapootan, at karahasan pa nga. Marami ang nagbabangon ng rebolusyon, at sila na ang nagpapatupad ng kanilang sariling batas, anupa’t naniniwala sila na malulutas nila ang mga problemang panlipunan ayon sa kanilang sariling paraan. Baka tayo man ay mapasangkot sa mga ideyang ito. Pagka ating nasaksihan o tayo man ay dumanas ng mga kaapihan at pagkatapos ay mapakinggan natin ang mga taong masidhing nagtataguyod ng pagbabago sa lipunan, tayo’y maaaring maimpluwensiyahan kung hindi tayo maingat. Maaaring magsimulang magbago tayo ng ating neutral na paninindigan at kumampi sa kabilang panig. (Juan 15:19) At lalong malubha, baka tayo’y matukso na sumali sa pagpipiket, pangangampanya, o paggamit ng karahasan upang sapilitang magkaroon ng mga pagbabago.

      15. Anong landasin ang ipinapayo ng Bibliya pagka ibig nating ‘ipaghiganti ang ating sarili’?

      15 Maaaring magkaroon ng masamang epekto sa espiritu ng kongregasyon ang pagkamakalahi o pagkamakabayan. (Ihambing ang Gawa 6:1-7.) Subalit magkakaroon tayo ng tamang espiritu kung susundin natin ang payo: “Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi inyong bigyang daan ang galit; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’ ” (Roma 12:18, 19) Yamang lahat ng lahi ay galing sa unang mag-asawa, at ang Diyos ay walang itinatangi, walang dako ang pagmamalaki ng lahi o bansa sa kongregasyong Kristiyano.​—Gawa 10:34, 35; 17:26; Roma 10:12; Efeso 4:1-3.

      Ang Nagbibigay-Buhay na “Hangin” ang Laging Langhapin

      16. Ano ang tutulong sa atin upang maiwasan natin na tayo’y maapektuhan ng espiritu ng sanlibutang ito?

      16 Tinalakay natin ang pangunahing nakamamatay na mga sangkap ng “hangin,” o espiritu ng sanlibutang ito. Ito’y nakapalibot sa atin at may puwersa ito na anupa’t kung papayagan natin na magkaroon ng guwang ang ating espirituwalidad, ang masamang “hangin” na ito ay dagling papasok upang punuin ang guwang na iyon. Ang tagumpay sa paglaban dito ay depende nang malaki sa kung gaano ang ating pag-ibig sa mga bagay na dalisay, malinis, at matuwid, at kung gaano ang pagkapoot natin sa mga bagay na di-dalisay, marumi, at masamâ. Ang tamang “hangin” ang laging lalanghapin natin kung sa tuwina’y pinauunlad natin ang tamang kaisipan katugon ng pag-akay ng banal na espiritu ni Jehova.​—Roma 12:9; 2 Timoteo 1:7; Galacia 6:7, 8.

      17. Ano ang dapat gawin kaagad-agad kung ating mapansin na may bahagyang “hangin” ng sanlibutan na pumapadpad patungo sa atin?

      17 Sa anumang paraan, huwag hayaan na ang anumang sangkap ng mabahong “hangin” ng sanlibutang ito ay mag-amoy na mabango sa iyo. Ang pinuno ng “hangin” na ito ay nakababatid kung ano talaga ang kailangan upang maakit ang mga pandamdam at mapukaw ang hangarin na kalimitan ay humahantong sa kasalanan. (Santiago 1:14, 15) Lumagi ka sa lugar na may karatulang “bawal manigarilyo,” ang espirituwal na paraiso ni Jehova. Kung mapansin mo na may bahagyang “hangin” ng sanlibutang ito na pumapadpad patungo sa iyo, iwasan iyon. Lumihis ka roon tulad sa kung paano iiwasan mo ang nakamamatay na lason. “Mag-ingat nga kayong lubos kung paano kayong lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang kundi gaya ng marurunong, na lubusang sinasamantala ang tamang-tamang panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay masasamâ. Kaya nga iwanan na ninyo ang pagkawalang-katuwiran, kundi patuloy na unawain kung ano ang kalooban ni Jehova.”​—Efeso 5:15-17.

      18. Ano ang magiging espiritu niyaong magkakapribilehiyo na mabuhay sa isang nilinis na lupa?

      18 Kalooban ng Diyos na maglingkod tayo sa kaniya bilang mga tagapag-ingat ng katapatan. Ang paggawa ng gayon ay mangangahulugan ng buhay sa kaniyang bagong sistema, na ngayo’y napakalapit na. Pagka tayo’y lumanghap ng hangin doon, anong laking kaginhawahan ang madarama natin! Walang nakamamatay na mga polutante, kundi dalisay na hangin na tumutustos-buhay. Magkakagayon nga ang pisikal na hangin at, lalong mahalaga, ang espiritu niyaong mga taong magkakaroon ng pribilehiyo na mamuhay sa nilinis na lupa. Sila’y magkakaroon ng isang saloobing masunurin, mapagpakumbaba, madaling tumugon. Ang “hangin” ng matandang sanlibutang ito, na punô ng paghihimagsik, kabulukan, at kasamaan, ay wala na sa panahong iyon.​—Apocalipsis 21:5-8.

      19. Sino ang mga makaliligtas upang mabuhay sa bagong sistema ni Jehova?

      19 Tunay, hindi natin gustong makabilang sa mga taong lumalanghap ng “hangin” ng sistemang ito pagsapit ng Armagedon pagka inalis na ni Jehova ang polusyon at ang mga lumilikha ng polusyon. Pagka wala na ang matandang sanlibutan at ‘ang pinuno ng hangin’ ay naibulid na sa kalaliman, anong laking kaginhawahan nga! Lahat ng umiibig kay Jehova at patuloy na umiibig sa mga bagay na malilinis, desente, at matuwid ay naroon. Ibig ni Jehova na sila’y dumoon at kaniyang tutulungan sila sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. Kaniyang bibigyan sila ng buhay na walang-hanggan sa isang malinis, malusog na bagong sistema. Huwag sana nating maiwala ang pribilehiyong iyan nang dahil sa paglanghap ng nakamamatay na “hangin” ng matandang sistemang ito!

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share