Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Kapayapaan ang Sumainyo”
    Ang Bantayan—1988 | Pebrero 15
    • 4. Paanong ang mga lingkod ni Jehova ay makapananatiling may kapayapaan ang isip at puso sa mapanganib na mga panahong ito?

      4 Tayo’y nabubuhay sa panahon ng kawakasan, sa “mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Ang mga mangangabayo na inihula sa Apocalipsis ay paroo’t parito na sa lupa​—gaya ng makikita ninyo na pinatutunayan ng mga digmaan, kakapusan sa pagkain, at kamatayan buhat sa sakit. (Apocalipsis 6:3-8) Ang bayan ni Jehova ay apektado rin ng mga kalagayang nasa palibot nila. Kaya paano ka makapananatiling may maka-Diyos na kapayapaan ang isip at puso? Sa pamamagitan ng pamamalaging malapit sa dakilang Bukal ng kaaliwan at kapayapaan. Gaya ng ipinakita ng naunang artikulo, ito’y nangangailangan ng malimit na pananalangin at pagsusumamo. Sa ganiyang paraan “ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”​—Filipos 4:6, 7.

      5. Bakit natitiyak ni Pablo na “ang kapayapaan ng Diyos” ay makapag-iingat sa ating mga puso?

      5 Si apostol Pablo mismo, na sumulat ng mga salitang iyan, ay nagtiis ng mga panganib at mga kahirapan. Siya’y nabilanggo at ginulpi ng mga Judio at mga Romano. Siya’y binato at iniwan na halos patay na. Ang paglalakbay nang mga araw na iyon ay mapanganib; makaitlong lumubog ang sinasakyang barko ni Pablo, at malimit na siya’y nanganganib sa mga tulisan. Siya’y gumugol ng maraming gabi na walang tulog at malimit na dumaranas ng kahirapan dahil sa ginaw, gutom, at uhaw. Sa kabila ng lahat ng iyan, sa araw-araw ay nakadama siya ng “pagkabahala sa lahat ng mga kongregasyon.” (2 Corinto 11:24-28) Kaya batid ni Pablo buhat sa marami niyang karanasan kung gaano kahalaga “ang kapayapaan ng Diyos” na makapag-iingat sa ating mga puso.

      6. Bakit napakahalaga na makapagtatag ng isang masigla, at matalik na kaugnayan sa ating Maylikha at mapanatili iyon?

      6 “Ang kapayapaan ng Diyos” ay maaaring ipaliwanag bilang isang pagkadama ng katahimikan at kahinahunan, na nagbabadya ng isang mabuting kaugnayan sa Diyos. Ito’y napakahalaga sa mga Kristiyano, lalo na pagka sila’y nakaharap sa pag-uusig o kapighatian. Bakit? Bueno, lahat tayo ay di-sakdal; kaya naman, pagka tayo’y ginigipit ng mga problema, pagkabalisa, pananalansang, o sarisaring uri ng kagipitan, tayo’y madaling kinakapitan ng takot. Iyan ay maaaring umakay sa atin tungo sa pagkawala ng ating integridad. Iyan ay magdadala ng upasala sa pangalan ng Diyos, maiwawala natin ang pagsang-ayon ni Jehova, at ito’y maaaring humantong sa pagwawala natin ng buhay na walang-hanggan. Kaya napakahalaga na magsikap kamtin “ang kapayapaan ng Diyos” na tutulong sa atin sa pagharap at pagtatagumpay sa gayong mga hamon. Ang kapayapaang iyan ang tunay na isa sa ‘mabubuting kaloob at sakdal na handog’ na ibinibigay ng ating makalangit na Ama.​—Santiago 1:17.

      7, 8. (a) Sa ano nakasalig ang “kapayapaan ng Diyos,” at paano ito “di-masayod ng pag-iisip”? (b) Paanong ang gayong kapayapaan ay naipakita ng isa nating kapatid sa Aprika?

      7 Marahil ay nakakita ka na ng mga tao na nakakaraos sa buhay nang tahimik at may tiwala. Malimit na ito ay dahilan sa natural na abilidad, impluwensiya ng pamilya, kayamanan, pinag-aralan, o iba pang mga bagay-bagay. “Ang kapayapaan ng Diyos” ay ibang-iba. Ito ay hindi nakasalig sa kaaya-ayang mga kalagayan, ni ito man ay resulta ng abilidad o pangangatuwiran ng tao. Ito’y nanggagaling sa Diyos at “di-masayod ng pag-iisip.” Sang-ayon sa pagkasalin ni J. B. Phillips ng Filipos 4:7 ito “ang kapayapaan ng Diyos . . . na higit pa kaysa nauunawaan ng tao.” Ang makasanlibutang mga tao ay malimit na nanggigilalas sa paraan ng mga Kristiyano ng pagharap sa malulubhang problema, sa kapinsalaan ng katawan, at maging sa kamatayan.

      8 Isang halimbawa nito sa ngayon ay tungkol sa isa sa mga Saksi ni Jehova na nangunguna sa isang pulong Kristiyano sa isang bansa sa Aprika na kung saan ang mga Saksi, dahilan lalung-lalo na sa sulsol ng mga Katoliko roon, ay inakusahan ng pagiging mga terorista. Biglang-bigla, sa-darating ang mga pulis militar na nakakasa ang mga bayoneta. Kanilang pinauwi ang mga babae at mga bata ngunit ginulpi nila ang mga lalaki. Ganito ang sabi ng Saksi: “Wala akong sapat na mga salitang magamit upang ilarawan ang ginawang trato sa amin. Ang nangangasiwang kabo ay hayagang nagsabi na kami ay gugulpihin hanggang sa mamatay. Nakaranas ako ng gayong mga paggulpi sa pamamagitan ng isang garoteng kahoy kung kaya noong magtagal ay sumuka ako ng dugo sa loob ng 90 araw. Subalit ang ikinabahala ko ay ang buhay ng aking mga kasamahan. Nanalangin ako kay Jehova na pangalagaan ang buhay ng mga ito, ang kaniyang mga tupa,” na pawang nakaligtas naman. Anong gandang halimbawa ng pananatiling mahinahon sa gitna ng kakila-kilabot na kagipitan at ng maibiging konsiderasyon sa iba! Oo, ang ating maibiging Ama sa langit ay sumasagot sa mga kahilingan ng kaniyang tapat na mga lingkod, at pinagkakalooban sila ng kaniyang kapayapaan. Isa sa mga sundalong namangha sa pangyayaring iyan ang nagsabi na ang Diyos ng mga Saksi ay “tiyak na siyang tunay.”

      9. Ano ang maaaring maging epekto ng pagbabasa ng Bibliya at pagbubulay-bulay rito?

      9 Sa mga panahong ito ng kahirapan, maraming mga Kristiyano ang may mga problema na nagpapadama sa kanila ng kabiguan at panghihina ng loob. Ang isang mainam na paraan upang mapanatili ang kapayapaan ng isip ay ang pagbabasa ng Bibliya at pagbubulay-bulay rito. Nabibigyan nito ang isa ng lakas at determinasyon na magpatuloy at tumayong matatag. “Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa.”​—Hebreo 4:12.

      10. Paanong ang pagkaalaala ng mga teksto ay isang pagpapala?

      10 Subalit, ano kung mapaharap tayo sa kagipitan na kung saan wala tayong magamit na Bibliya? Halimbawa, ang isang Kristiyano ay baka maarestong biglang-bigla at makulong sa isang piitan na kung saan doo’y walang Bibliya. Sa ganiyang pangyayari, isang tunay na pagpapala na maalaala ang mga teksto na tulad baga ng Filipos 4:6, 7; Kawikaan 3:5, 6; 1 Pedro 5:6, 7; at Awit 23. Hindi baga lubhang pasasalamatan mo kung maaalaala mo at mabubulay-bulay ang gayong mga teksto? Sa malagim na kapaligiran ng isang bilangguan, si Jehova mismo ang nakikipag-usap sa iyo. Ang Salita ng Diyos ay maaaring magsilbing lunas sa nasaktang mga isip, magpalakas sa mga pusong nanlulupaypay, at ang pagkaligalig ng isip ay maaaring halinhan ng kapayapaan ng isip. (Tingnan ang Awit 119:165.) Oo, napakahalaga na tayo’y magsaulo ng mga teksto ngayon habang tayo’y may pagkakataon pang gumawa ng gayon.

      11. Paano ipinakita ng isang kapatid sa Olanda na kailangan ang espirituwal na pagkain?

      11 Si Arthur Winkler ay isang may matinding pagpapahalaga sa Bibliya, lalo na noong sakop ng Nazi ang Olanda, nang palihim na isinasagawa ng mga Saksi ang kanilang aktibidad Kristiyano. Pinaghahanap noon ng Gestapo si Brother Winkler. Nang sa wakas ay mahuli nila siya, sinubukan nila na hikayatin siya na kumumpromiso ngunit sila’y nabigo. Pagkatapos ay kanilang ginulpi siya hanggang sa mawalan ng malaytao. Nalagas ang kaniyang ngipin, nalinsad ang kaniyang ibabang panga, at ginulpi siya nang husto, pagkatapos ay inilagay siya sa isang madilim na selda. Subalit ang kaniyang guwardiya ay naawa at naging palakaibigan sa kaniya. Nanalangin si Brother Winkler na harinawang akayin siya ni Jehova. Kaniya ring nadama na lubhang kailangan niya ang espirituwal na pagkain at siya’y humingi ng tulong sa guwardiya. Nang malaunan, bumukas ang pinto ng selda, at isang Bibliya ang inihagis sa loob. “Anong laking kagalakan,” ang nagunita ni Brother Winkler, “na sa araw-araw ay tamasahin mo ang ligaya ng pagbabasa ng kalugud-lugod na mga salita ng katotohanan . . . Nadama kong ako’y patuloy na lumalakas sa espirituwal.”a

      Maka-Diyos na Kapayapaan ang Mag-iingat sa Iyo

      12. Bakit may tanging pangangailangan na ingatan ang ating mga puso at mga kaisipan?

      12 Nangangako si Jehova na ang kaniyang kapayapaan “ang mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan.” (Filipos 4:7) Ito’y lubhang mahalaga! Ang puso ang sentro ng motibo at emosyon. Sa mga huling araw na ito, ang ating puso ay madaling mapahihina ng takot o pagkabalisa, o mahikayat tayo na gumawa ng masama. Ang pangkalahatang kalakaran ng buhay ay mabilis na sumasamâ. Tayo’y kailangang palaging nagbabantay. Bukod sa pangangailangan ng matatag na puso, kailangan din na ang ating “kaisipan” ay palakasin at akayin ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang kongregasyon.

      13. Ano ang mapapakinabang kung iingatan natin ang ating kaisipan?

      13 Ayon kay W. E. Vine, ang salitang Griego na noʹe·ma (isinaling “kaisipan”) ay may diwa ng “layunin” o “paraan.” (An Expository Dictionary of New Testament Words) Sa gayon, ang kapayapaan ng Diyos ay maaaring magpatibay sa ating layuning Kristiyano at ingatan tayo laban sa anumang hilig na panghinain o baguhin ang ating isip nang walang mabuting dahilan. Ang pagkasira ng loob o ang mga problema ay hindi madaling magpapahinto sa atin. Halimbawa, kung tayo’y may layunin na maglingkod kay Jehova sa isang natatanging pribilehiyo, tulad baga ng pagiging isang buong-panahong ministrong payunir o paglipat upang maglingkod sa kung saan lubhang kinakailangan ang mga ministro, “ang kapayapaan ng Diyos” ay magiging isang malaking tulong sa atin sa patuloy na pagtataguyod ng tunguhin niya. (Ihambing ang Lucas 1:3; Gawa 15:36; 19:21; Roma 15:22-24, 28; 1 Tesalonica 2:1, 18.) Upang higit pang mapatibay ang iyong kaisipan, magbigay ng sapat na panahon sa pag-aaral ng Salita ng Diyos at sa pakikisama sa mga kapuwa Kristiyano. Sa ganoo’y pinapasukan mo ang iyong isip at puso ng malinis, nagpapatibay na mga kaisipan. Ikaw ba ay nakapagbibigay ng sapat na panahon upang isangkot ang iyong sarili sa kinasihang “mga sabi” ng Diyos? Dapat bang bigyan mo ito ng higit pang pansin?

      14. Anong kinasihang payo ang dapat nating maingat na pakinggan, at bakit?

      14 Makikita mo na kapuwa ang puso at ang isip, o kaisipan, ay kasangkot sa pagkakamit at pakikinabang sa “kapayapaan ng Diyos.” Ito’y pinatutunayan ng kinasihang payo: “Anak ko, makinig ka sa aking mga salita. Ikiling mo ang iyong pakinig sa aking mga sabi. Huwag nawang mangahiwalay sa iyong mga mata. Ingatan mo sa kaibuturan ng iyong puso. Sapagkat buhay sa nangakakasumpong at kagalingan sa buo nilang katawan. Higit sa lahat na dapat ingatan, pakaingatan ang iyong puso, sapagkat dinadaluyan ng buhay.”​—Kawikaan 4:20-23.

      15. Anong bahagi ang ginagampanan ni Jesus sa pagkakaroon natin ng “kapayapaan ng Diyos”?

      15 “Ang kapayapaan ng Diyos” na resulta ng isang masigla at matalik na kaugnayan kay Jehova ay nag-iingat sa ating puso at kaisipan “sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:7) Anong bahagi ang ginagampanan ni Jesus dito? Ganito ang paliwanag ni Pablo: “Sumainyo nawa ang di-sana-nararapat na awa at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Kristo. Kaniyang ibinigay ang sarili niya alang-alang sa ating mga kasalanan upang tayo ay mailigtas niya buhat sa kasalukuyang balakyot ng sistema ng mga bagay ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama.” (Galacia 1:3, 4) Oo, buong pag-ibig na ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay upang tayo’y matubos. (Mateo 20:28) Samakatuwid “sa pamamagitan ni Kristo Jesus” maaari tayong tanggapin ni Jehova bilang kaniyang nag-alay na mga lingkod at kamtin ang maka-Diyos na kapayapaang iyan na mag-iingat sa atin.

  • “Kapayapaan ang Sumainyo”
    Ang Bantayan—1988 | Pebrero 15
    • 20. Ano ang dapat gawin ng sinuman na nakagawa ng malubhang pagkakasala?

      20 Kung sakaling may nakagawa ng malubhang pagkakasala at pinagtatakpan iyon, maliwanag na iwawala nila ang pagsang-ayon ni Jehova at “ang kapayapaan ng Diyos” na taglay nila. Kanila ring iwawala ang kanilang kapayapaan ng isip. (Ihambing ang 2 Samuel 24:10; Mateo 6:22, 23.) Makikita mo, kung gayon, kung bakit mahalaga para sa sinumang Kristiyano na nahulog sa malubhang pagkakasala na ipagtapat iyon kay Jehova at sa mapagmahal na matatanda, na maaaring tumulong upang ang isa’y mapagaling sa espirituwal na sakit. (Isaias 1:18, 19; 32:1, 2; Santiago 5:14, 15) Pagka ang isang taong nadupilas sa madulas na landas ng kasalanan ay humingi ng tulong sa maygulang na mga kapatid, siya’y hindi patuloy na liligaligin ng isang nababagabag na budhi o mawawalan ng maka-Diyos na kapayapaan.

      21. Anong dahilan ang mag-uudyok sa atin na magpasalamat nang marami kay Jehova ngayon, at ano ang dapat na maging determinasyon natin?

      21 Anong laking pribilehiyo ang maging isa sa nag-alay na mga Saksi ni Jehova ngayon! Sa buong palibot natin, ang maka-Satanas na sanlibutang ito ay nagkakawatak-watak at nagiging isang bunton ng mga kagibaan. Hindi na magtatagal at ito’y lilipas. Maraming mga tao ang “nanlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay ng mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.” Subalit ating maitataas ang ating mga ulo sapagkat alam natin na ang ating “kaligtasan ay malapit na.” (Lucas 21:25-28) Upang ipakita ang laki ng ating pasasalamat kay Jehova dahil sa kaniyang “kapayapaan . . . na di-masayod ng pag-iisip,” gawin natin ang ating buong kaya na maglingkod nang may katapatan sa “Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.”​—Roma 15:33; 1 Corinto 15:58.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share