Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ipinakikilala “ang Taong Tampalasan”
    Ang Bantayan—1990 | Pebrero 1
    • Ang Pinagmulan ng Taong Tampalasan

      4. Sino ang nagpasimula at sumusuporta sa taong tampalasan?

      4 Sino ang nagpasimula at sumusuporta sa taong tampalasang ito? Si Pablo ang sumasagot: “Ang pagkanaririto ng tampalasan ay ayon sa paggawa ni Satanas na taglay ang bawat makapangyarihang gawa at kabulaanang mga tanda at babala at taglay ang bawat daya ng kalikuan para sa mga napapahamak, bilang ganti sapagkat hindi nila tinanggap ang pag-ibig sa katotohanan upang sila’y mangaligtas.” (2 Tesalonica 2:9, 10) Samakatuwid si Satanas ang ama at tagapagtaguyod sa taong tampalasan. At kung papaanong si Satanas ay salungat kay Jehova, sa Kaniyang mga layunin, at sa Kaniyang bayan, ganoon din ang taong tampalasan, natatalos man niya o hindi ang bagay na ito.

      5. Anong hantungan ang naghihintay sa taong tampalasan at sa mga sumusunod sa kaniya?

      5 Yaong mga kaisa ng taong tampalasan ay patungo rin sa ganoong hatungan na naghihintay sa kaniya​—pagkapuksa: “Mahahayag ang tampalasan, na papatayin ng Panginoong Jesus . . . at lilipulin sa pamamagitan ng pagkahayag ng kaniyang pagkanaririto.” (2 Tesalonica 2:8) Ang panahong iyan para sa paglipol sa taong tampalasan at sa kaniyang mga tagapagtaguyod (ang “mga napapahamak”) ay darating sa madaling panahon “sa pagkahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa nagliliyab na apoy, samantalang pinasasapit niya ang paghihiganti sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga ayaw sumunod sa mabuting balita hinggil sa ating Panginoong Jesus. Ang mga ito nga ang magdaranas ng hatol na parusa ng walang-hanggang pagkapuksa.”​—2 Tesalonica 1:6-9.

  • Ipinakikilala “ang Taong Tampalasan”
    Ang Bantayan—1990 | Pebrero 1
    • Ipinakikilala ang Taong Tampalasan

      7. Bakit masasabi nating ang tinutukoy ni Pablo ay hindi isang indibiduwal, at sa ano kumakatawan ang taong tampalasan?

      7 Ang tinutukoy ba ni Pablo ay iisang indibiduwal? Hindi, sapagkat sinasabi niya na ang “taong” ito ay hayag na noong kaarawan ni Pablo at patuloy na iiral hanggang sa siya’y puksain ni Jehova sa katapusan ng sistemang ito. Samakatuwid, siya’y umiiral na sa loob ng maraming daan-daang taon. Maliwanag, walang literal na tao na nabuhay nang ganiyang katagal. Kaya ang pananalitang “taong tampalasan” ay tiyak na kumakatawan sa isang grupo, o uri, ng mga tao.

      8. Sino ang taong tampalasan, at ano ang mga ilang bagay na mapagkakakilanlan sa kanila?

      8 Sino sila? Ipinakikita ng ebidensiya na sila ay ang grupo ng mapagmataas, ambisyosong mga klerigo ng Sangkakristiyanuhan, na noong lumipas na mga siglo ay nagtindig sa kanilang sarili bilang isang kautusan nga sa ganang sarili nila. Ito’y makikita sa bagay na may libu-libong iba’t ibang relihiyon at mga sekta sa Sangkakristiyanuhan, bawat isa’y may kaniyang klero, subalit bawat isa’y kasalungat ng iba sa mga ibang aspekto ng doktrina o gawain. Ang pagkakabaha-bahaging ito ay malinaw na ebidensiyang sila’y hindi sumusunod sa kautusan ng Diyos. Sila’y hindi maaaring nanggaling sa Diyos. (Ihambing ang Mikas 2:12; Marcos 3:24; Roma 16:17; 1 Corinto 1:10.) Nagkakaisa ang lahat ng mga relihiyong ito sa bagay na sila’y hindi sa mga turo ng Bibliya nanghahawakan, palibhasa’y nilabag nila ang alituntuning: “Huwag lalampas sa mga bagay na nasusulat.”​—1 Corinto 4:6; tingnan din ang Mateo 15:3, 9, 14.

      9. Anong di-maka-Kasulatang mga paniniwala ang inihalili ng tampalasan sa mga katotohanan ng Bibliya?

      9 Samakatuwid, ang taong tampalasang ito ay binubuo ng maraming bahagi: ang relihiyosong klero ng Sangkakristiyanuhan. Lahat sila, sila man ay mga papa, pari, patriarka, o mga predikador na Protestante, ay pare-parehong may pananagutan sa mga kasalanan ng mga relihiyoso sa Sangkakristiyanuhan. Sa mga katotohanan ng Diyos ay inihalili nila ang mga kasinungalingang pagano, itinuro ang di-maka-Kasulatang mga doktrina kagaya baga ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao, apoy ng impiyerno, purgatoryo, at Trinidad. Sila’y katulad ng mga lider ng relihiyon na pinagsabihan ni Jesus: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. . . . Siya’y isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Sa pamamagitan ng kanilang mga gawa ay napapabunyag sila bilang mga tampalasan, sapagkat sila’y nakikibahagi sa mga aktibidades na labag sa mga kautusan ng Diyos. Sa gayong mga tao ay sinasabi ni Jesus: “Magsilayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.”​—Mateo 7:21-23.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share