-
Isang Banal na Lihim ang NahahayagAng Bantayan—1990 | Enero 15
-
-
Isang Banal na Lihim ang Nahahayag
“Ang banal na lihim ng maka-Diyos na debosyong ito ay sadyang dakila nga.”—1 TIMOTEO 3:16.
1. Anong lihim ang inilalarawan sa 1 Timoteo 3:16?
ANO bang mga misteryo o hiwaga ang pumupukaw ng iyong interes? Natutuwa ka bang magsaliksik ng mga lihim? Karamihan sa atin ay mahilig diyan! Kung gayon, sumama ka sa amin sa aming pagsasaliksik ng isa sa pinakadakila sa lahat ng mga lihim—isang lihim na nakatagong maingat sa Salita ng Diyos sa loob ng libu-libong mga taon. Ang banal na lihim na ito ay lubhang malaki ang epekto sa ating mga buhay, kapuwa sa kasalukuyan at sa hinaharap. Ito ang ‘banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon,’ na inilalarawan para sa atin sa 1 Timoteo 3:16. Anong laki ng dapat nating ipagpasalamat kay Jehova, “ang Tagapagsiwalat ng mga lihim,” dahil sa buong kagandahang-loob na pagbubunyag sa atin ng dakilang lihim na ito at ng kahulugan nito!—Daniel 2:28, 29.
2. (a) Kailan unang binanggit ni Jehova ang isang banal na lihim, at ano ang ipinangako niya noon? (b) Anong mga tanong ang nangangailangan ng kasagutan?
2 Unang binanggit ni Jehova ang isang banal na lihim pagkatapos na dayain ng Ahas si Eva, at sinundan siya ni Adan sa paghihimagsik. Noon ay ipinangako ng Diyos na ang “binhi,” o supling, ang dudurog sa ulo ng Ahas. (Genesis 3:15) Sino nga ang Binhing ito? Papaano niya dadaigin ang Ahas? Kaniya bang ipagbabangong-puri ang pagiging totoo ng Diyos at ng Kaniyang layunin may kaugnayan sa lupang ito?
3. Ang kinasihang mga hula ay nagsiwalat ng anong mga pahiwatig tungkol sa pagkakakilanlan at gawain ng Binhi?
3 Dumating ang panahon, na ang kinasihang mga hula ay nagsiwalat ng mga pahiwatig tungkol sa pagkakakilanlan at panghinaharap na gawain ng Binhi. Siya’y magiging isang inapo ni Abraham, mamanahin niya ang kaharian ni David, at siya’y tatawaging Prinsipe ng Kapayapaan. ‘Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.’ (Isaias 9:6, 7; Genesis 22:15-18; Awit 89:35-37) Subalit gaya ng sinasabi ng Roma 16:25, ang banal na lihim na iyon ay “napatago sa katahimikan nang mahabang-mahabang panahon.”
Paglutas sa Hiwaga
4. Papaano nagsimulang nahayag ang banal na lihim noong 29 C.E.?
4 Sa wakas, pagkatapos ng apat na libong taon, biglang sumikat ang liwanag! Sa anong paraan? Noong 29 C.E., binautismuhan ni Juan si Jesus ng Nasaret sa Ilog Jordan, at mula sa langit ay nagpahayag ang tinig ng Diyos: “Ito ang sinisinta kong Anak, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:17) Ah, narito na nga sa wakas ang Binhing ipinangako! Ang banal na lihim ay nagsimulang nahayag sa lahat ng maningning na mga bahagi nito, kasali na ang tungkol sa maka-Diyos na debosyon.
5. Ano ba ang “maka-Diyos na debosyon,” at papaano naaapektuhan nito ang mga nagsasagawa nito?
5 Ano ba ang ating naunawaan sa pananalitang “maka-Diyos na debosyon”? Sa Kristiyanong Kasulatang Griego, ang pananalita ay lumilitaw nang 20 beses lamang, mahigit sa kalahati nito ay makikita sa dalawang liham ni Pablo kay Timoteo. Sa lathalaing Insight on the Scriptures ang kahulugan ng “maka-Diyos na debosyon” ay “matinding paggalang, pagsamba, at paglilingkod sa Diyos, tapat sa kaniyang pansansinukob na soberanya.” Ang matinding paggalang ay nanggagaling sa isang pusong malapit sa Diyos, nanggigilalas sa kaniyang kadakilaan, sa kaniyang kawalang-hanggan, at sa pagkarami-raming kahanga-hangang mga paglalang niya, napasasalamat ukol sa espirituwal at materyal na mga kaloob na saganang ibinibigay niya sa mga taong nagpapahalaga. Tunay, bawat isa sa atin na nagsasagawa ng maka-Diyos na debosyon ay makapagsasabi, gaya ng sinabi ng salmista sa Awit 104:1: “Purihin mo si Jehova, Oh kaluluwa ko. Oh Jehovang aking Diyos, ikaw ay nagpatunay na totoong dakila. Karangalan at kamahalan ang ibinihis mo sa iyong sarili.”
6. (a) Papaano naiiba sa mga nangakaupo sa mga upuan sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ang mga sumasamba kay Jehova? (b) Ano ang sinabi ni Pablo sa Roma 11:33, 34, at sa gayo’y anong mga tanong ang bumabangon?
6 Ang ating debosyon sa Diyos ay kailangang mahayag, at ito’y sa pamamagitan ng ating mga kilos. Sa bagay na ito, ang mga sumasamba sa tunay na Diyos, si Jehova, ay ibang-iba sa mga nangakaupo sa mga upuan ng naglalahong mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Sa maraming tao sa lupa, ang relihiyon—kung sakali mang mayroon pa silang relihiyon—ay isang pormalismo, isang balabal na isusuot upang sila’y magtinging banal samantalang sila’y namumuhay ayon sa likong sanlibutan sa palibot nila. Hindi man lamang nila nakikilala kung sino nga ang Diyos. Tunay, ang gayong mga tao ay kailangang pag-isipan ang mga salita ni Pablo sa Gawa 17:23, nang kaniyang sabihin sa mga taga-Atenas na sumasamba sa “isang Di-Kilalang Diyos”: “Yaong inyong sinasamba na wala kayong malay, ito ang ibinabalita ko sa inyo.” Tungkol sa maluwalhating Diyos na iyan, si Pablo’y bumulalas sa Roma 11:33, 34: “Oh anong lalim ng mga kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Di-malirip ang kaniyang mga hatol at hindi kayang sukatin ang kaniyang mga lakad! Sapagkat ‘sino ang nakaalam ng pag-iisip ni Jehova, o sino ang naging kaniyang kasangguni?’ ” Papaano, kung gayon, nakikilala natin ang mga lakad ng Diyos? Iyon ay sa pamamagitan ng pagkatuto ng ‘banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon.’ Subalit papaano natin ginagawa iyan?
7. Bakit masasabing “ang banal na lihim ng maka-Diyos na debosyong ito ay sadyang dakila nga”?
7 Sa 1 Timoteo kabanata 3, ay binabalangkas muna ni apostol Pablo ang kahilingan sa may pananagutang mga lingkod sa sambahayan ng Diyos, na tinutukoy sa 1Tim 3 talatang 15 bilang “ang kongregasyon ng Diyos na buháy, isang haligi at suhay ng katotohanan.” Pagkatapos ay isinusog ni Pablo, sa 1Tim 3 talatang 16: “Ang banal na lihim ng maka-Diyos na debosyong ito ay sadyang dakila nga.” Dakila nga sapagkat sinugo ni Jehova sa lupa ang kaniyang bugtong na Anak upang maghayag sa lihim na ito, upang ipakita na kung ano talaga ang maka-Diyos na debosyon at kung papaano ito ay mahalaga, pinakasentro, sa tunay na pagsamba. Ang banal na lihim ng maka-Diyos na debosyong ito ay nahahayag sa liwanag sa pamumuhay na ipinakita rito ni Jesus sa lupa. Lahat ng umiibig kay Jehova ay kailangang magtayo ng kanilang pananampalataya at isalig ang kanilang mga buhay kay Kristo, na pinakauliran sa maka-Diyos na debosyon. Papaano, kung gayon, nilinaw ni Jesus ang banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon?
Anim na Bahagi
8. (a) Ano ang anim na bahagi ng banal na lihim na binabanggit ni Pablo sa 1 Timoteo 3:16? (b) Sino ang “Siya” na nahahayag?
8 Kinasihan ng Diyos si Pablo na sagutin ang tanong na iyan. Dito sa 1 Timoteo 3:16, kaniyang binabanggit ang anim na bahagi ng banal na lihim na ito, na ang sabi: “Siya [1] ay nahayag sa laman, [2] inaring matuwid sa espiritu, [3] napakita sa mga anghel, [4] ipinangaral sa gitna ng mga bansa, [5] sinampalatayanan sa sanlibutan, [6] tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.” Sino ba ang “Siya” na nahahayag? Maliwanag, “Siya” ay ang ipinangakong Binhi, si Jesus, na naparito upang gawin ang kalooban ng Diyos. Siya ang pinakasentro ng banal na lihim, ginagawa itong sadyang dakila nga.
9. Ano ang patotoo na ang 1 Timoteo 3:16 ay di-dapat basahing: “Ang Diyos ay nahayag sa laman”?
9 Sinusubok ng mga trinitaryo na guluhin ang pagkaunawa sa banal na lihim sa pamamagitan ng pagsasabi na ang “Siya” sa 1 Timoteo 3:16 ay ang Diyos mismo. Ito’y kanilang ibinabatay sa Bibliyang King James, na kababasahan ng ang “Diyos ay nahayag sa laman.” Gayunman, ano ba ang sinasabi ng pinakamapanghahawakang mga manuskritong Griego? Walang pagbabago, kanilang ginagamit ang panghalip na “Siya” sa halip na “Diyos.” Ang mga kritiko sa teksto ay nagkakaisa ngayon na ang pagsisingit ng “Diyos” sa talatang ito ay isang pagkakamali ng mga nagsingit nito. Kaya naman, ang kamakailang mga salin, tulad baga ng American Standard Version, The New English Bible, at New World Translation, ay wastong kababasahan: ‘Siya [o, sa Ingles, He who] ay nahayag sa laman.’ Hindi, hindi ang Diyos mismo ang napakita “sa laman.” Bagkus, ang napakita ay ang kaniyang sinisintang Anak at unang paglalang, na tungkol sa kaniya si apostol Juan ay sumulat: “Kaya ang Salita ay naging laman at tumahan sa gitna natin, at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, isang kaluwalhatian na gaya ng sa isang bugtong na anak ng isang ama; at siya’y puspos ng di-sana-nararapat na awa at ng katotohanan.”—Juan 1:14.
“Nahayag sa Laman”
10. (a) Papaanong ang unang bahagi ng banal na lihim ay nakita nang bautismuhan si Jesus? (b) Bakit si Jesus ay naging “ang huling Adan”?
10 Nang bautismuhan si Jesus, ang unang bahagi ng banal na lihim ay nakita: Si Jesus “ay nahayag sa laman” bilang ang pinahirang Anak ng Diyos. Ang buhay ng kaniyang Anak ay inilipat ng Diyos na Jehova mula sa langit tungo sa bahay-bata ni Maria upang si Jesus ay isilang sa laman bilang isang sakdal na tao. Kaya naman, gaya ng ipinakikita ng 1 Corinto 15:45-47, si Jesus ay naging ikalawa, o “huling,” Adan, isang sakdal na taong kaluluwa na katumbas na katumbas ng unang Adan. Sa anong layunin? Sa 1 Timoteo 2:5, 6 “ang huling Adan” ay tinutukoy na “isang tao, si Kristo Jesus, na nagbigay ng kaniyang sarili bilang isang katumbas na pantubos para sa lahat.” Sa legal na saligang ito ng isang sakdal na haing tao, si Jesus ay nagiging tagapamagitan ng bagong tipan may kaugnayan sa 144,000 mga tao na nagiging mga kasamahang tagapagmana na kasama niya sa kaniyang Kaharian.—Apocalipsis 14:1-3.
11. Sino pa ang makikinabang sa haing pantubos na handog ni Jesus?
11 Ang mga iba ay makikinabang din ba sa sakripisyong kamatayan ni Jesus? Tiyak na oo! Ang 1 Juan 2:2 ay nagsasabi na si Jesu-Kristo ay “isang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan [samakatuwid baga, mga kasalanan ng pinahirang mga Kristiyano na katulad ni Juan], ngunit hindi lamang para sa atin kundi para rin sa buong sanlibutan.” Ang mga pakinabang sa haing pantubos na handog ni Jesus ay pinakikinabangan hindi lamang ng 144,000 pinahirang mga Kristiyano kundi pati ng buong sanlibutan ng sangkatauhan. “Isang malaking pulutong” na nangabubuhay ngayon at libu-libong milyun-milyon na bubuhayin sa lupang Paraiso ang tatanggap ng buhay na walang-hanggan salig sa kanilang pananampalataya sa haing pantubos na inihandog ni Jesus. Gaya ng inihula sa Apocalipsis 7:9, 10, nilabhan na ng malaking pulutong ang kanilang mga kasuotan at pinaputi ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pananampalataya sa itinigis na dugo ng Kordero, si Jesu-Kristo. Sila’y inaaring matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos. Taglay ang kagalakan, kanilang natututuhan ang sarisaring bahagi ng banal na lihim at sila’y nagpapakita ng maka-Diyos na debosyon gaya ng halimbawang ipinakita ni Jesus!
Iba Pang mga Bahagi
12. Papaanong si Jesus ay “inaring matuwid sa espiritu”?
12 Ngayon, kumusta naman ang pangalawang bahagi na tinutukoy sa 1 Timoteo 3:16? Si Jesus ay “inaring matuwid sa espiritu.” Subalit papaano? Sa pamamagitan ng ginawa ni Jehovang pagbuhay sa kaniyang tapat na Anak buhat sa mga patay tungo sa buhay sa espiritu. Ito’y kagaya na rin ng pagpapahayag ng Diyos na si Jesus ay matuwid sa lahat ng bagay at karapat-dapat sa higit pang matataas na tungkulin. Gaya ng pagkasabi sa Roma 1:4, si Jesus ay “ipinahayag na Anak ng Diyos ayon sa espiritu ng kabanalan sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli buhat sa mga patay.” Bilang patotoo nito, sinasabi sa atin ni Pedro sa kaniyang unang liham, 1Ped kabanata 3, talatang 18: “Si Kristo nga ay namatay nang minsan at magpakailanman dahil sa mga makasalanan, isang matuwid na tao alang-alang sa mga di-matuwid, upang kayo’y maakay niya sa Diyos, siyang pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu.” Ang halimbawa ba ni Jesus ng maka-Diyos na debosyon ay umaakay sa iyo sa Diyos?
13. Ang binuhay-muling si Jesus ay napakita sa anong mga anghel, at anong uri ng mensahe ang kaniyang ipinangaral sa kanila?
13 Sa pagpapatuloy sa 1 Timoteo 3:16, ang susunod na binabanggit ni Pablo ay ang ikatlong bahagi ng banal na lihim, na sinasabing si Jesus ay “napakita sa mga anghel.” Sino kaya ang mga anghel na ito? Tungkol kay Jesus, ngayon na “binuhay sa espiritu,” sumulat si Pedro sa 1 Pedro 3:19, 20: “Sa kalagayan ding ito ay yumaon siya at nangaral sa mga espiritu na nasa bilangguan, na noong una’y mga suwail nang ang pagtitiis ng Diyos ay naghihintay noong mga araw ni Noe.” Sang-ayon sa Judas 6, ang mga espiritung iyon ay “ang mga anghel na hindi nanatili sa kanilang dating katayuan kundi iniwan ang kanilang sariling talagang tahanang dako” sa langit. Sila’y nagbihis ng mga katawang-laman upang tamasahin ang kalugurang dulot ng sa kanila’y ibinawal na pakikipagtalik sa mga babae. Nang dahil sa Delubyo ay napilitan ang mga anghel na iyon na bumalik sa dako ng mga espiritu, sila’y ibinulid sa Tartarus, isang sukdulang napakababang kalagayan. (2 Pedro 2:4) Ang binuhay-muling si Jesus ay nangaral sa kanila. Subalit iyon ba ay isang mensahe ng kaligtasan? Tiyak na hindi! Bagkus, sila’y hinatulan ni Jesus sa kanilang kabalakyutan bilang ang mismong kabaligtaran ng maka-Diyos na debosyon. Sinuman sa mga lingkod ng Diyos na ginagawang laruan ang imoralidad sa sekso ngayon ay dapat mabigyang-babala ng hatol na iginawad sa mga anghel na iyon!
14. Papaanong si Jesus ay sinimulang “ipinangaral sa gitna ng mga bansa”?
14 Ang ikaapat na bahagi ng 1 Timoteo 3:16 ay nagsasabing si Jesus ay “ipinangaral sa gitna ng mga bansa.” Papaano nga natupad ito? Mga ilang sandali bago siya dinakip, sinabi ni Jesus sa mga apostol: “Katotohanang, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Siyang sa akin ay sumasampalataya, gagawin din naman niya ang mga gawang aking ginagawa; at lalong dakilang mga gawa kaysa rito ang gagawin niya, sapagkat ako’y paroroon sa Ama.” (Juan 14:12) Di-nagtagal pagkatapos, noong Pentecostes 33 C.E., ibinuhos ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang banal na espiritu, at ang kamangha-manghang balita na “ang Jesus na ito’y binuhay-muli ng Diyos” ay sinimulang ipangaral sa mga Judio. Nang malaunan, tinanggap din ng mga Samaritano ang Salita ng Diyos at sila’y nagsimulang tumanggap ng banal na espiritu. (Gawa 2:32; 8:14-17) Nang magkagayon, noong 36 C.E., si Pedro ay nangaral kay Cornelio at sa mga iba pang Gentil na nagtitipon sa kaniyang bahay. Sa gayon, ang mabuting balita tungkol kay Jesus ay sinimulang “ipinangaral sa gitna ng mga bansa,” samakatuwid nga, sa gitna ng mga di-Judio, na pinahiran din naman ng banal na espiritu.
15. Ano ang nagpapatunay na ang unang-siglong mga Kristiyano ay natutong mainam ng banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon?
15 Gaya ng iniulat sa Gawa 12:24, “ang salita ni Jehova ay patuloy na lumago at lumaganap.” Isinasaysay ng Gawa 17:6 na sa hilagang Gresya ipinagsumigawan ng mga mananalansang, gaya ng ginagawa nila hanggang sa araw na ito: “Itong mga lalaking nagsisipagtiwarik ng tinatahanang-lupa ay nagsiparito rin naman.” Hindi lumampas ang 30 taon, naisulat ni Pablo buhat sa Roma na ang mabuting balita ay “ipinangaral sa lahat ng nilalang sa silong ng langit.” (Colosas 1:23) Natutuhang mainam ng mga Kristiyano ng panahong iyon ang banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon. Anong sigasig nila sa pagkakapit niyaon! At harinawang tayo’y matuto rin niyaon at maikapit iyon sa kasukdulang araw na ito ng pangangaral ng Kaharian!
16. Ano ang ikalimang bahagi ng banal na lihim, at sa pamamagitan ng anong aktibidad naganap ito?
16 Bilang tugon sa unang-siglong pangangaral, ang ikalimang bahagi ng banal na lihim sa 1 Timoteo 3:16 ay kapuna-puna ang paglitaw. Si Jesus ngayon ay “sinampalatayanan sa sanlibutan.” Ito ay bunga ng tulad-Kristong maka-Diyos na debosyon ng masisigasig na misyonero, kasali na si Pablo at si Timoteo. Ang mabuting balita ay kanilang dinala sa Asia Minor at Europa, marahil hanggang sa Espanya, at sa Silangang Aprika sa pamamagitan ng bibigang pangangaral ng nabautismuhang Etiope, samantalang si Pedro ay naglingkod naman sa Babilonya.
17. Bakit si Jesus ay sinampalatayanan sa buong makabagong daigdig?
17 Kumusta naman sa ating kaarawan? Buhat noong 1919 ang pinahirang nalabi ay nagpapakita ng ulirang maka-Diyos na debosyon. Ang pinahirang mga nalabing ito ay matatag na nakatayo sa pundasyon ng pananampalataya na inilagay ni Jesus. Lalo na buhat noong 1935, sila’y humayo ng pagtitipon sa malaking pulutong, na nangagagalak sa pag-asang sila’y makatatawid nang buháy sa “malaking kapighatian” at magtamasa ng isang buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso. (Apocalipsis 7:9, 14) Sa gayon, ang mabuting balita na nakatutok kay Jesus ay pinaniniwalaan sa buong makabagong daigdig. Taglay ang maka-Diyos na debosyon, mahigit na 3,700,000 mga Saksi ni Jehova ang nangangaral ngayon at lumalago sa buong globo!
18. Papaanong si Jesus ay “tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian”?
18 Isa pang bahagi ng banal na lihim na iyan ang natitira, ang ikaanim: Si Jesus ay “tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.” Sa loob ng 40 araw pagkatapos na buhayin sa espiritu, si Jesus ay nagbihis ng mga katawang-laman, napakita siya sa kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila “ang mga bagay tungkol sa kaharian ng Diyos.” Pagkatapos ay umakyat siya sa langit. (Gawa 1:3, 6-9) Ang kaniyang panalangin, na nasusulat sa Juan 17:1-5, ay sinagot sa gayon: “Ama, . . . luwalhatiin mo ang iyong anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng iyong anak . . . Niluwalhati kita sa lupa . . . Kaya ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako na kasama mo ng kaluwalhatiang taglay ko nang ako’y kasama mo bago naging gayon ang sanlibutan.”
19. Ano ang tiyak na kasabay ng pagbabalik ni Jesus sa langit?
19 Anong laking kasayahan ang tiyak na kasabay ng pagbabalik ni Jesus sa langit! Mas maaga rito, nang itatag ni Jehova ang lupa, “lahat ng mga anak ng Diyos ay nagsimulang maghiyawan sa kagalakan.” (Job 38:7) Tiyak na lalong nakadama ng labis na kagalakan ang mga hukbong iyon ng mga anghel sa muling pagtanggap sa gitna nila ng tapat na Kampeon ng soberanya ni Jehova!
20. Bakit si Jesus ay nagmana ng gayong pinakamagaling na pangalan, at ano ang ginawa niya samantalang narito sa lupa?
20 Sa Hebreo 1:3, 4, sinabi ni Pablo tungkol sa nagtagumpay na si Jesus: “Pagkatapos na magawa niya ang paglilinis ukol sa ating mga kasalanan siya’y umupo sa kanan ng Karangalan sa kaitaasan. Samakatuwid siya ay naging lalong mabuti kaysa mga anghel, palibhasa nagmana ng lalong marilag na pangalan kaysa kanila.” Tinanggap ni Kristo ang pangalang iyan dahilan sa kaniyang pagwawagi sa kalikuan. Tunay na ang Anak na ito ng Diyos ang nanguna sa pagbubukas ng daan tungkol sa maka-Diyos na debosyon dito sa lupa. Siya rin naman ay nagpakita ng isang parisan para sa lahat ng mga iba pa na magkakamit ng buhay na walang-hanggan. Sa pagkataas ni Jesus sa kanan ng Diyos sa langit, ang banal na lihim ng maka-Diyos na debosyong ito ay nahayag ang lahat ng mga bahagi.
-
-
Pagkatuto ng Banal na Lihim ng Maka-Diyos na DebosyonAng Bantayan—1990 | Enero 15
-
-
Pagkatuto ng Banal na Lihim ng Maka-Diyos na Debosyon
“Si Kristo man ay nagbata alang-alang sa inyo na kayo’y iniwanan ng halimbawa upang kayo’y sumunod nang maingat sa kaniyang mga hakbang.”—1 PEDRO 2:21.
1. Ano ba ang layunin ni Jehova tungkol sa ‘banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon’?
“ANG banal na lihim ng maka-Diyos na debosyong ito” ay hindi na ngayon isang lihim! (1 Timoteo 3:16) Anong laking pagkakaiba nito sa mga lihim ng huwad na relihiyon, katulad ng mahiwagang Trinidad, na nananatiling mga lihim! Walang sinuman na maaaring makaunawa ng mga ito. Bagkus, layunin ni Jehova na ang banal na lihim na nahayag sa katauhan ni Jesu-Kristo ay mabigyan ng pinakamalaganap na posibleng publisidad. Si Jesus mismo ay naging litaw na halimbawa ng isang masigasig na tagapagbalita ng Kaharian ng Diyos. Malaki ang matututuhan natin buhat sa kaniyang mensahe at paraan ng pangangaral, gaya ng makikita natin ngayon.
2. Bakit ang paglilingkod ni Jesus ay nauuna pa sa pantubos? (Mateo 20:28)
2 Kung gayon, ipagpatuloy natin ang pagsasaalang-alang ng bagay na si Jesus ay “nahayag sa laman.” (1 Timoteo 3:16) Mababasa natin sa Mateo 20:28 na si Jesus ay “naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos kapalit ng marami.” Dito ang kaniyang paglilingkod ay nauuna pa sa pantubos. Bakit nga gayon? Bueno, dito sa Eden sinalungat na ng tusong Ahas ang matuwid na pagkasoberano ni Jehova sa sangkatauhan, anupa’t ipinahiwatig na may kasiraan ang paglalang ng Diyos at na sa ilalim ng pagsubok walang tao ang makapananatiling tapat sa Kataas-taasan. (Ihambing ang Job 1:6-12; 2:1-10.) Ang walang kapintasang ministeryo ni Jesus bilang isang sakdal na tao, “ang huling Adan,” ay nagpakita na ang naghahamong si Satanas ay isang balakyot na sinungaling. (1 Corinto 15:45) Isa pa, lubos na pinatunayan ni Jesus ang kaniyang mga kuwalipikasyon upang maglingkod bilang sinugo ng Diyos na “Punong Ahente at Tagapagligtas” at upang “hukuman ang tinatahanang lupa sa katuwiran,” bilang pagbabangong puri sa pagkasoberano ni Jehova.—Gawa 5:31; 17:31.
3. Papaano lubusang pinabulaanan ni Jesus ang hamon ni Satanas?
3 Lubusang pinabulaanan ni Jesus ang nangungutyang hamon ni Satanas! Sa buong kasaysayan, walang tao sa lupang ito ang katulad niya na naglingkod sa Diyos nang buong debosyon—sa kabila ng mga panlilibak, panghahagupit, at pisikal at mental na mga pagpapahirap. Pinagtiisan ni Kristo ang mapamusong na mga pag-upasala sa kaniya bilang ang Anak ng Diyos. Sa lahat ng ito—hanggang sa isang malupit at nakahihiyang kamatayan—siya ay naging matatag, di-mababago sa kaniyang katapatan sa kaniyang Ama. Sa Filipos 2:8, 9, isinulat ni Pablo na dahilan sa naging masunurin si Jesus ‘hanggang sa kamatayan, oo, sa kamatayan sa isang pahirapang tulos, dinakila siya ng Diyos at binigyan ng pangalan na mataas kaysa lahat ng iba pang pangalan.’ Ibinilad ni Jesus si Satanas bilang ang makamandag na sinungaling!
4. Bakit naaring sabihin ni Jesus kay Pilato na siya’y naparito sa sanlibutan upang magpatotoo sa katotohanan?
4 Sa gayon, sa katapusan ng mga ilang taon lamang ng puspusang pangangaral, may katapangang makapagpapatotoo si Jesus kay Poncio Pilato: “Ikaw na rin ang nagsasabing ako’y isang hari, dahil dito kaya ako inianak, at dahil dito kung kaya ako’y naparito sa sanlibutan, upang ako’y magpatotoo sa katotohanan. Ang bawat isang nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.” (Juan 18:37) Si Jesus ay nagpakita ng pinakasukdulang maka-Diyos na debosyon sa pamamalita ng katotohanan ng Kaharian ng Diyos sa buong Palestina. Kaniyang sinanay ang kaniyang mga alagad upang maging masisigasig na mángangarál din naman. Anong husay ng kaniyang ipinakitang halimbawa na nakapagpapasigla rin sa atin na sumunod sa kaniyang mga hakbang sa ngayon!
Pagkatuto Buhat sa Ating Halimbawang Tinutularan
5. Ano ang maaari nating matutuhan tungkol sa maka-Diyos na debosyon sa pamamagitan ng masidhing pagmamasid kay Jesus?
5 Sa pamamagitan ng ating maka-Diyos na debosyon sa paggawa ng kalooban ni Jehova, tayo man ay makapagpapatotoo na isang sinungaling ang Diyablo. Ano mang mga pagsubok ang danasin natin, walang makakatumbas ang mga pagdurusa at kadustaan na naranasan ni Jesus. Kung gayon, halina’t tayo’y matuto buhat sa ating Halimbawang tinutularan. Sa Hebreo 12:1, 2 ay pinapayuhan tayo, harinawang takbuhín natin ang takbuhin na may kasamang pagtitiis “habang masidhing minamasdan natin ang Punong Ahente at Tagapagsakdal ng ating pananampalataya, si Jesus.” Di-tulad ni Adan na hindi nakapasa nang subukin tungkol sa maka-Diyos na debosyon, si Jesus ang naging kaisa-isang tao sa lupa na nakalampas nang husto sa lahat ng pagsubok. Hanggang sa kamatayan, siya’y nagpatunay na “tapat, walang sala, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan.” (Hebreo 7:26) Sa kaniyang taglay na walang kapintasang katapatan, kaniyang naaaring masabi sa kaniyang mga kaaway: “Sino sa inyo ang may maisusumbat sa akin na kasalanan?” Ang hamon ni Satanas ay ibinalik uli sa kaniya ni Jesus, na ang sabi: “Ang tagapamahala ng sanlibutan . . . ay walang kapangyarihan sa akin.” At sa pagtatapos ng kaniyang huling pahayag sa kaniyang mga alagad bago siya ipinagkanulo at inaresto, kaniyang sinabi sa kanila: “Kayo’y magpakatibay-loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”—Juan 8:46; 14:30; 16:33.
6. (a) Bakit alam ni Jesus kung anong uri ng kaginhawahan ang kailangan ng sangkatauhan? (b) Hanggang sa anong sukdulan nagpakita si Jesus ng maka-Diyos na takot?
6 Samantalang nasa laman dito sa lupa, naranasan ni Jesus kung ano ang ibig sabihin ng pagiging isang tao, “isang nakabababa kaysa mga anghel.” (Hebreo 2:7) Kaniyang nakilala ang mga kahinaan ng tao at sa gayo’y nasangkapang mainam upang maglingkod bilang Hari at Hukom ng sangkatauhan sa loob ng isang libong taon. Ang Anak ng Diyos na ito, na nagsabi, “Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha, at kayo’y pagiginhawahin ko,” ay may kaalaman kung anong uri ng kaginhawahan ang kailangan ng sangkatauhan. (Mateo 11:28) Ang Hebreo 5:7-9 ay nagsasabi sa atin: “Sa mga araw ng kaniyang laman si Kristo ay naghandog ng pagsusumamo at pati mga paghiling sa Isa na nakapagligtas sa kaniya buhat sa kamatayan, kasabay ng matinding pagtangis at ng mga luha, at siya’y dininig dahil sa kaniyang maka-Diyos na takot. Bagaman siya’y Anak, gayunma’y natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis; at nang siya’y mapaging sakdal [sa pagsunod] siya ang gumawa ng walang-hanggang kaligtasan ng lahat na sumusunod sa kaniya.” Si Jesus ay hindi nag-urong-sulong, bagaman siya’y kinailangang magtiis hanggang sa sukdulang maranasan ang tibo ng kamatayan bilang isang tao sa pagtanggap ng ‘sugat sa sakong’ buhat sa nakapopoot na Ahas. (Genesis 3:15) Katulad ni Jesus, harinawang tayo’y laging makitaan ng maka-Diyos na pagkatakot, hanggang sa kamatayan kung kinakailangan na tayo’y dumanas niyan, may pagtitiwala na diringgin ng Diyos na Jehova ang ating mga pagsusumamo at pagkakalooban tayo ng kaligtasan.
‘Mamuhay sa Katuwiran’
7. Sang-ayon sa 1 Pedro 2:21-24, anong halimbawa ang iniwanan ni Kristo para sa atin, at papaano dapat tayong maapektuhan ng kaniyang pamumuhay?
7 Samantalang nahahayag sa laman, may katapatang ibinunyag ni Jesus ang banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon. Ating mababasa sa 1 Pedro 2:21-24: “Si Kristo man ay nagbata alang-alang sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa upang kayo’y sumunod nang maingat sa kaniyang mga hakbang. Siya’y hindi nagkasala, ni kinasumpungan man ng daya ang kaniyang bibig. Nang siya’y alipustain, hindi siya gumanti ng pag-alipusta. Nang siya’y nagdurusa, hindi siya nagbanta, kundi ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid. Siya rin ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang sariling katawan sa tulos, upang pagkamatay natin sa mga kasalanan ay mabuhay naman tayo sa katuwiran.” Habang ating binubulay-bulay ang naging buhay ni Jesus, ito’y nagpapatibay-loob sa atin na sumunod sa maka-Diyos na debosyon, manatili sa katapatan, at mamuhay sa katuwiran na gaya ng ginawa niya!
8. Papaano tayo makapamumuhay sa katuwiran gaya ni Jesus?
8 Si Jesus ay tunay na namuhay sa katuwiran. Ang Awit 45:7 ay humula tungkol sa kaniya: “Iyong inibig ang katuwiran at iyong kinapootan ang kabalakyutan.” Sa pagkakapit ng mga salitang iyan kay Jesus, si apostol Pablo ay nagsabi sa Hebreo 1:9: “Iyong inibig ang katuwiran, at iyong kinapootan ang kalikuan.” Sa liwanag ng ating unawa sa banal na lihim ng maka-Diyos na debosyong ito, harinawang tayo tulad ni Jesus ay laging umibig sa matuwid at mapoot sa masama. Sa mga asal-Kristiyano, na sa ngayon ay buong tinding sinasalakay ng sanlibutan ni Satanas, at sa lahat ng ating pakikitungo sa mga tao sa loob at sa labas ng organisasyon ng Diyos, tayo’y magpasiya na mamuhay sa katuwiran, itinataguyod ang matuwid na mga simulain ni Jehova. At tayo’y patuloy na magpiging sa Salita ng Diyos upang makamit ang maka-Diyos na matalinong unawa na lubhang kailangan upang mailaban sa Diyablo at sa kaniyang mga pakana!
9. Ano ang isa pang nag-udyok kay Jesus upang maging lalong masigasig sa ministeryo, at dito’y ano ang kasangkot may kaugnayan sa mga pastol ng huwad na relihiyon?
9 May isa pang bagay na nag-udyok kay Jesus upang maging lalong masigasig sa ministeryo. Ano ba iyon? Sa Mateo 9:36 ay mababasa natin: “Nang makita niya ang mga karamihan siya’y nahabag sa kanila, sapagkat sila ay pinagsasamantalahan at nakapangalat na tulad ng mga tupa na walang pastol.” Kaya’t si Jesus ay “nagsimulang magturo sa kanila ng maraming bagay.” (Marcos 6:34) Talaga naman, dito’y kailangang ibunyag ang kabalakyutan at kalikuan ng mga pastol ng huwad na relihiyon. Sang-ayon sa Mateo 15:7-9, sinabi ni Jesus sa ilan sa mga ito: “Kayong mga mapagpaimbabaw, angkop ang pagkahula ni Isaias tungkol sa inyo, nang kaniyang sabihin, ‘Ang bayang ito’y pinararangalan ako ng kanilang mga labi, datapuwat ang kanilang puso ay malayung-malayo sa akin. Walang kabuluhan ang kanilang patuloy na pagsamba sa akin, sapagkat sila’y nagtuturo ng mga utos ng mga tao bilang mga doktrina.’ ”
Isang Nakasusuklam na Misteryo
10. Sa ngayon, “ang hiwaga ng katampalasanang ito” ay nakatutok kanino, at ano ang kanilang kasalanan?
10 Gaya ni Jesus na nagsalita ng buong tindi laban sa mga lider ng huwad na relihiyon, tayo rin naman sa ngayon ay nasusuklam sa isang misteryo na halatang-halatang kabaligtaran ng banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon. Sa 2 Tesalonica 2:7, ito’y tinukoy ni Pablo na “ang hiwaga ng katampalasanang ito.” Iyon ay isang misteryo o hiwaga noong unang siglo C.E. sapagkat hindi maaaring ibunyag kundi pagkatapos ng matagal na panahon pagkamatay ng mga apostol. Sa ngayon, ito’y nakatutok sa klero ng Sangkakristiyanuhan, na lalong higit na interesado sa pulitika kaysa pangangaral ng mabuting balita ng matuwid na Kaharian ng Diyos. Pagpapaimbabaw ang nangingibabaw sa kanila. Ang mga tagapagpahayag sa telebisyon ng mga sektang Protestante sa Sangkakristiyanuhan ay isang litaw na halimbawa: mga taong nagdudunung-dunungan na nangingikil sa kanilang mga kawan, nagtatayo ng multi-milyong dolyar na mga imperyo, nakikihalubilo sa mga patutot, kunwari pa’y nagsisiiyak pagka sila’y napabilad, at patuloy na namamalimos ng salapi, laging higit at higit na salapi. Ang Vaticano ng Katolisismong Romano ay ganiyan din ang ipinakikitang pangit na larawan, lakip na ang kaniyang walang-konsiyensiyang mga koneksiyon sa mga pulitiko, panlabas na karangyaan, at katiwalian sa mga bangko.
11. Ano ang mangyayari sa klero ng Sangkakristiyanuhan at sa buong Babilonyang Dakila?
11 Hindi katakatakang ang uring klero ng Sangkakristiyanuhan ay maaaring makilala na siyang “ang taong tampalasan”! (2 Tesalonica 2:3) Ang dominanteng bahaging ito ng tulad-patutot na Babilonyang Dakila ay lubusang ibubunyag at wawasakin, kasama na ang lahat ng natitirang bahagi ng huwad na relihiyon. Gaya ng ating mababasa sa Apocalipsis 18:9-17, ang mga pulitiko at mga mangangalakal (at ang kanilang mga bangkero) ay mananaghoy sa panahong iyon: “Sayang ka, sayang ka, ikaw na dakilang lunsod!” Sa panahong iyon ang Babilonyang Dakila at ang kaniyang mga hiwaga ay mabubunyag, na tuwirang kabaligtaran ng lahat ng kaliwanagang mahahayag sa banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon.
12. Ang pag-ibig ni Jesus sa katuwiran ay umakay sa kaniya upang gawin ang ano?
12 Ang pag-ibig ni Jesus sa katuwiran at pagkapoot sa katampalasanan ay umakay sa kaniya upang gugulin ang lahat ng kaniyang lakas alang-alang sa tunay na pagsamba. Sa kaniyang unang pagdalaw sa Jerusalem bilang ang pinahirang Anak ng Diyos, ang mga mangangalakal at mga mamamalit ng salapi ay ipinagtabuyan ni Kristo hanggang sa labas ng templo, na sinabi niya: “Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito! Ang bahay ng aking Ama ay huwag na ninyong gawing bahay-kalakalan!” (Juan 2:13-17) Nang dumalaw siya sa templo noong bandang huli, sinabi ni Jesus sa sumasalansang na mga Judio: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa noong una at hindi nananatili sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita ng sa ganang kaniya, sapagkat siya’y isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Anong lakas ng loob ni Jesus sa pagpapamukha sa mga relihiyonistang ito na sila’y mga sinungaling at mga anak ng Diyablo!
13. (a) Saan lalong higit na ipinahayag ni Jesus ang pagkapoot sa katampalasanan? (b) Bakit ang tampalasang klero ay karapat-dapat sa kahatulan na katulad niyaong sinalita ni Jesus sa mga eskriba at Fariseo?
13 Ang pagkapoot ni Jesus sa katampalasanan ay lalong higit na nahahayag sa kaniyang nakatitibong pagtuligsa sa mistulang ulupong na mga eskriba at mga Fariseo, ayon sa pagkasulat sa Mateo kabanata 23. Doon ay bumibigkas siya ng makapitong ‘pagkaaba,’ na inihahalintulad sila sa ‘pinaputing mga libingan—punô ng lahat ng uri ng karumihan, pagpapaimbabaw, at katampalasanan.’ Anong laki ng paghahangad ni Jesus na iligtas ang naaaping mga tao buhat sa katampalasanang iyon! “Jerusalem, Jerusalem,” ang sigaw niya, “makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Ngunit kayong mga tao ay umayaw. Narito! Ang inyong bahay ay iniwang wasak sa inyo.” (Mat 23 Talatang 37, 38) Ang tampalasang klero sa ating kaarawang ito ay karapat-dapat sa isang nahahawig na kahatulan sapagkat, sa mga salita ng 2 Tesalonica 2:12, ‘sila’y hindi naniniwala sa katotohanan kundi nalulugod sa kalikuan.’ Ang kanilang katampalasanan ang siyang mismong kabaligtaran ng maka-Diyos na debosyon na buong katapatang ipinamalas ni Jesus samantalang siya’y narito sa lupa.
Pagpapahayag ng mga Kahatulan ng Diyos
14. Ang pagpapahalaga sa banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon ay dapat na magpakilos sa atin na gawin ang ano?
14 Ang ating pagpapahalaga sa banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon ay dapat umakay sa ating palagi na sumunod nang maingat sa mga hakbang ni Jesus. Katulad niya, tayo’y dapat maging masigasig sa paghahayag ng tinutukoy ng Isaias 61:2 na “ang taon ng kabutihang-loob ni Jehova at ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos.” At harinawang masigasig na gawin natin ang ating bahagi na “aliwin ang lahat ng mga namimighati.” Tulad din nang si Jesus ay narito sa lupa, kailangan ang lakas ng loob ngayon upang maihayag natin ang mga kahatulan ni Jehova, kasali na ang matitinding mga mensahe sa tahasan ang pananalitang mga artikulo sa Bantayan at sa aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! Tayo’y kailangang mangaral nang may katapangan at mataktika, ang ating mga pananalita’y “may timplang asin” upang maging katakam-takam sa mga nakahilig sa katuwiran. (Colosas 4:6) Pagkatapos matuto buhat sa halimbawa ni Jesus ng maka-Diyos na debosyon, harinawang tayo’y makapag-ulat sa takdang panahon na ating natapos na ang gawaing ibinigay sa atin ni Jehova upang gawin.—Mateo 24:14; Juan 17:4.
15. Tungkol sa banal na lihim ng Diyos, ano ang nangyayari buhat noong 1914?
15 Samantalang nahahayag sa laman, anong husay na Halimbawa ang ipinakita ni Jesus! Anong linaw na natupad sa kaniya ang banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon! Anong lakas ng kaniyang loob na dakilain ang pangalan ni Jehova! At anong pagkagila-gilalas na ginantimpalaan si Jesus ng kaniyang Ama dahil sa kaniyang pananatiling tapat! Subalit mayroon pa ring dapat banggitin tungkol sa banal na lihim ng Diyos. Buhat noong 1914 tayo’y nabubuhay sa “araw ng Panginoon.” (Apocalipsis 1:10) Gaya ng sinasabi ng Apocalipsis 10:7, panahon na upang ‘ang banal na lihim ng Diyos ayon sa mabuting balita ay matapos.’ Ang makalangit na mga tinig ay nagpapahayag na ngayon: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon [si Jehova] at ng kaniyang Kristo, at siya’y maghahari magpakailan at kailanman.” (Apocalipsis 11:15) Iniluklok na ni Jehova sa kapangyarihan ang Mesiyanikong Hari, si Jesu-Kristo, sa kaniyang maningning na trono upang magharing kasama Niya!
16. Papaanong ang bagong kaluluklok na Hari, si Jesu-Kristo, ay dagling nagpakita ng kaniyang pagpapahalaga sa kabanalan sa langit?
16 Bilang kasama ng Diyos na naghahari sa bagong-silang na Kaharian, si Jesus ay tinatawag din na Miguel (na ang ibig sabihin ay, “Sino ang Gaya ng Diyos?”). Walang sinumang rebelde ang maaaring magtagumpay kailanman sa pagiging gaya ng Diyos, at ito’y dagling ipinakita ng bagong kaluluklok na Hari sa pamamagitan ng pagbubulid sa lupa sa matandang Ahas, si Satanas, at sa kaniyang mga anghel. (Apocalipsis 12:7-9) Oo, si Jesus ay may pagpapahalaga sa kabanalan sa langit, kung papaanong nagpakita siya ng maka-Diyos na debosyon samantalang narito sa lupa. Ang niluwalhating si Jesu-Kristo ay hindi hihinto hangga’t hindi niya nalilipol ang huwad na relihiyon at lubusang napapalis ang organisasyon ni Satanas, nakikita at di-nakikita.
17. Mula noong 1914, ano ba ang nangyayari bilang katuparan ng Mateo 25:31-33?
17 Mula noong 1914 ang katuparan ng sariling hula ni Jesus sa Mateo 25:31-33 ay buong ningning na nagbigay-liwanag sa banal na lihim ng Diyos. Doon ay ipinahahayag ni Jesus: “Pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating trono. At titipunin sa harap niya ang lahat ng bansa, at ang mga tao’y pagbubukdin-bukdin niya gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing. At ang mga tupa ay ilalagay niya sa kaniyang kanan, ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.” Buhat sa kaniyang kinaroroonang may bentahang lugar sa langit, ang maluwalhating Haring ito, Hukom, at Tagapagtaguyod ng maka-Diyos na debosyon ay magsasagawa ng paghihiganti, una muna ay sa taong tampalasan at sa mga iba pang bahagi ng Babilonyang Dakila, at buhat dito ay kaniyang lilipulin ang lahat ng natitira pang mga bahagi at tulad-kambing na mga sumusuporta sa balakyot na makalupang organisasyon ni Satanas. At pagkatapos ay ibubulid si Satanas sa kalaliman. (Apocalipsis 20:1-3) Subalit ang tulad-tupang “mga matuwid” ay hahayo patungo sa buhay na walang-hanggan. (Mateo 25:46) Harinawang dahil sa inyong pagtataguyod ng maka-Diyos na debosyon ay mapalagay kayo sa grupong iyan ng mga matuwid!
18. Ano ang ating nakagagalak na pribilehiyo may kaugnayan sa banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon?
18 Sa Apocalipsis 19:10 ay hinihimok tayo na “sumamba sa Diyos.” At bakit? Ang kasulatan ay nagpapatuloy: “Sapagkat ang pagpapatotoo kay Jesus ay siyang kumakasi sa panghuhula.” Napakarami sa kinasihang mga hula noong sinaunang panahon ang nagpatotoo kay Jesus! At habang ang mga hulang ito ay natutupad, ang banal na lihim ng Diyos ay nagiging sinlinaw ng kristal. Kung gayon, tayo’y nagagalak na malaman na ang banal na lihim ng maka-Diyos na debosyong ito ay dumating dito sa katauhan ni Jesus. Kahanga-hanga ang ating pribilehiyo na sumunod sa kaniyang mga hakbang bilang mapagpakumbabang mga ministro ng Kaharian ng Diyos. Oo, tayo’y pinararangalan sa pakikibahagi sa pagkaunawa at paghahayag ng lahat ng banal na lihim ng Diyos ayon sa mabuting balita!
-