-
Anong Uri ng Pag-ibig ang Nagbibigay ng Tunay na Kaligayahan?Ang Bantayan (Pag-aaral)—2018 | Enero
-
-
2. Anong maling uri ng pag-ibig ang makikita sa mga taong hiwalay sa Diyos? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
2 Pero inihula rin ng Kasulatan na sa panahon natin, isang maling uri ng pag-ibig, na makasarili, ang makikita sa mga taong hiwalay sa Diyos. Isinulat ni apostol Pablo: “Sa mga huling araw . . . , ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, . . . mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Tim. 3:1-4) Ang ganitong makasariling pag-ibig ay salungat sa Kristiyanong pag-ibig. Ang makasariling mga tunguhin ay hindi nagdudulot ng kaligayahang inaasam-asam ng mga tao. Sa halip, lumilikha ito ng makasariling mundo na “mahirap pakitunguhan.”
-
-
Anong Uri ng Pag-ibig ang Nagbibigay ng Tunay na Kaligayahan?Ang Bantayan (Pag-aaral)—2018 | Enero
-
-
PAG-IBIG SA DIYOS O PAG-IBIG SA SARILI?
4. Bakit hindi maling magkaroon ng balanseng pag-ibig sa sarili?
4 “Ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili,” ang isinulat ng apostol. Mali bang ibigin ang ating sarili? Hindi. Normal lang, at mahalaga pa nga, na magkaroon ng tamang pag-ibig sa sarili. Ganiyan ang pagkakadisenyo sa atin ni Jehova. Sinabi ni Jesus: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mar. 12:31) Kung hindi natin iniibig ang ating sarili, hindi natin puwedeng ibigin ang ating kapuwa. Mababasa rin natin sa Kasulatan: “Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili, sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito.” (Efe. 5:28, 29) Kaya mahalagang magkaroon tayo ng tamang pag-ibig sa sarili.
5. Paano mo ilalarawan ang mga taong sobra-sobra ang pagmamahal sa sarili?
5 Pero ang pag-ibig sa sarili na binanggit sa 2 Timoteo 3:2 ay hindi normal o makatuwirang pag-ibig. Pilipit ito at makasarili. Ang mga taong sobra-sobra ang pagmamahal sa sarili ay nag-iisip nang higit tungkol sa kanilang sarili kaysa sa nararapat nilang isipin. (Basahin ang Roma 12:3.) Walang ibang mahalaga sa kanila kundi ang sarili. Wala silang malasakit sa iba. Kapag nagkaproblema, sinisisi nila ang iba sa halip na ang kanilang sarili. Ang gayong mga tao ay hindi tunay na maligaya.
6. Ano ang magagandang resulta ng pag-ibig sa Diyos?
6 Sinasabi ng mga iskolar ng Bibliya na inuna ni apostol Pablo ang pag-ibig sa sarili sa listahan ng masasamang ugali na magiging palasak sa mga huling araw dahil ito ang ugat ng iba pang pag-uugali. Pero iba ang bungang makikita sa mga taong umiibig sa Diyos. Iniuugnay ng Bibliya ang makadiyos na pag-ibig sa kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. (Gal. 5:22, 23) “Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!” ang isinulat ng salmista. (Awit 144:15) Si Jehova ay maligayang Diyos, at maligaya rin ang kaniyang bayan. Di-tulad ng mga maibigin sa sarili na tanggap lang nang tanggap, ang mga lingkod ni Jehova ay masayang nagsasakripisyo para sa kapakanan ng iba.—Gawa 20:35.
Paano natin maiiwasang maging maibigin sa sarili? (Tingnan ang parapo 7)
7. Anong mga tanong ang tutulong para masuri natin ang ating pag-ibig sa Diyos?
7 Paano natin malalaman kung nadaraig na ng pag-ibig sa sarili ang pag-ibig natin sa Diyos? Pansinin ang payo sa Filipos 2:3, 4: “[Huwag gumawa] ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo, na itinutuon ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.” Tanungin ang sarili: ‘Sinusunod ko ba ang payong iyan sa buhay ko? Talaga bang ginagawa ko ang kalooban ng Diyos? Sinisikap ko bang tulungan ang iba sa kongregasyon at sa ministeryo?’ Hindi madaling ibigay ang ating panahon at lakas. Kailangan dito ang pagsisikap at pagsasakripisyo. Pero wala nang mas makapagpapasaya sa atin kaysa sa pagkaalam na sinasang-ayunan tayo ng Soberano ng uniberso!
8. Ano ang ginawa ng ilang Kristiyano dahil sa kanilang pag-ibig sa Diyos?
8 Dahil mahal nila ang Diyos, tinalikuran ng ilan ang kanilang magagandang karera para mas makapaglingkod kay Jehova. Si Ericka, na nakatira sa United States, ay isang doktor. Pero sa halip na magpokus sa kaniyang karera sa medisina, nag-regular payunir siya at nakapaglingkod sa ilang bansa kasama ng kaniyang asawa. Sinabi niya: “Talagang naging maligaya kami dahil sa maraming karanasan namin sa pangangaral sa teritoryong banyaga ang wika, at dahil sa mga naging kaibigan namin. Nagtatrabaho pa rin ako bilang doktor, pero ang paggamit ng aking panahon at lakas para pagalingin ang mga tao sa espirituwal at para asikasuhin ang pangangailangan ng kongregasyon ang talagang nagbibigay sa akin ng kagalakan at kasiyahan.”
KAYAMANAN SA LANGIT O KAYAMANAN SA LUPA?
9. Bakit hindi magbibigay ng kaligayahan ang pag-ibig sa salapi?
9 Isinulat ni Pablo na ang mga tao ay magiging “maibigin sa salapi.” Ilang taon na ang nakararaan, isang payunir sa Ireland ang nakipag-usap sa isang lalaki tungkol sa Diyos. Inilabas ng lalaki ang kaniyang wallet, kumuha ng ilang perang papel, itinaas ang mga iyon, at nagmamalaking sinabi, “Ito ang diyos ko!” Kahit hindi nila aminin, marami ang may ganiyang kaisipan. Mahal nila ang pera at ang mga bagay na nabibili nito. Pero sinasabi ng Bibliya: “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita.” (Ecles. 5:10) Ang ganitong mga tao ay laging maghahangad ng higit pang pera, at sa pagkakamal nito, magdudulot lang sila ng “maraming kirot [sa] kanilang sarili.”—1 Tim. 6:9, 10.
10. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kayamanan at karalitaan?
10 Siyempre pa, lahat tayo ay nangangailangan ng pera. Naglalaan ito ng proteksiyon. (Ecles. 7:12) Pero puwede bang maging tunay na maligaya ang isang tao kung pangunahing pangangailangan lang niya ang mayroon siya? Oo naman! (Basahin ang Eclesiastes 5:12.) Isinulat ni Agur na anak ni Jakeh: “Huwag mo akong bigyan ng karalitaan ni ng kayamanan man. Ipaubos mo sa akin ang pagkaing itinakda para sa akin.” Maiintindihan natin kung bakit ayaw niyang maging napakadukha. Ipinaliwanag niya na ayaw niyang matuksong magnakaw dahil ang pagnanakaw ay lalapastangan sa Diyos. Pero bakit ayaw rin niyang maging mayaman? Isinulat niya: “Upang hindi ako mabusog at ikaila nga kita at sabihin ko: ‘Sino si Jehova?’” (Kaw. 30:8, 9) Malamang na may kilala kang mga tao na nagtitiwala sa kanilang kayamanan sa halip na sa Diyos.
11. Anong payo ang ibinigay ni Jesus tungkol sa salapi?
11 Ang mga maibigin sa salapi ay hindi makalulugod sa Diyos. Sinabi ni Jesus: “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon; sapagkat alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o pipisan siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” Bago iyan, sinabi niya: “Huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa, kung saan ang tangà at kalawang ay nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay nanloloob at nagnanakaw. Sa halip, mag-imbak kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan kahit ang tangà o ang kalawang man ay hindi nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nanloloob at nagnanakaw.”—Mat. 6:19, 20, 24.
12. Paano makatutulong ang pamumuhay nang simple para mas makapaglingkod sa Diyos? Magbigay ng halimbawa.
12 Napatunayan ng marami na dahil sa pamumuhay nang simple, naging mas maligaya sila at nagkaroon ng mas maraming panahon para maglingkod kay Jehova. Halimbawa, ipinagbili ni Jack, na nakatira sa United States, ang kanilang malaking bahay at negosyo para makapagpayunir kasama ng kaniyang asawa. Sinabi niya: “Nahirapan akong bitiwan ang aming magandang tahanan at property sa lalawigan. Pero maraming taon na akong umuuwing konsumido dahil sa mga problema sa trabaho. Samantala, ang asawa ko, na isang regular pioneer, ay laging masaya. Sinasabi niya, ‘The best sa lahat ang boss ko!’ Ngayong nagpapayunir na rin ako, iisa na ang pinaglilingkuran namin, si Jehova.”
Paano natin maiiwasang maging maibigin sa pera? (Tingnan ang parapo 13)
13. Paano natin masusuri ang pananaw natin sa pera?
13 Para masuri ang pananaw natin sa pera, tapatan nating pag-isipan kung paano natin sasagutin ang mga ito: ‘Talaga bang naniniwala ako sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa pera at namumuhay ayon dito? Pangunahin ba sa buhay ko ang kumita ng pera? Mas mahalaga ba sa akin ang materyal na mga bagay kaysa sa kaugnayan ko kay Jehova at sa kaniyang bayan? Talaga bang nagtitiwala ako na ilalaan ni Jehova ang mga pangangailangan ko?’ Makatitiyak tayo na hindi niya bibiguin ang mga umaasa sa kaniya.—Mat. 6:33.
-