-
Mga Magulang—Tulungan ang Inyong Anak na ‘Magpakarunong Ukol sa Kaligtasan’Ang Bantayan (Pag-aaral)—2017 | Disyembre
-
-
3. (a) Paano naging Kristiyano si Timoteo, at paano niya ikinapit ang mga natutuhan niya? (b) Anong tatlong bagay ang sinabi ni Pablo kay Timoteo?
3 Malamang na natutuhan ni Timoteo ang mga turong Kristiyano noong 47 C.E., nang unang dumalaw si apostol Pablo sa Listra. Posibleng tin-edyer pa lang si Timoteo noon pero ikinapit na niya ang mga natutuhan niya. Pagkalipas ng dalawang taon, isinama siya ni Pablo sa paglalakbay. Mga 16 na taon pagkaraan nito, sumulat si Pablo kay Timoteo: “Magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at nahikayat na sampalatayanan, yamang nalalaman mo kung kaninong mga tao natutuhan mo ang mga ito at na mula sa pagkasanggol ay alam mo na ang banal na mga kasulatan [ang Hebreong Kasulatan], na makapagpaparunong sa iyo ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya may kaugnayan kay Kristo Jesus.” (2 Tim. 3:14, 15) Pansinin na sinabi ni Pablo na (1) alam ni Timoteo ang banal na mga kasulatan, (2) nahikayat siyang sampalatayanan ang mga bagay na natutuhan niya, at (3) naging marunong siya ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Jesus.
-
-
Mga Magulang—Tulungan ang Inyong Anak na ‘Magpakarunong Ukol sa Kaligtasan’Ang Bantayan (Pag-aaral)—2017 | Disyembre
-
-
“NAHIKAYAT NA SAMPALATAYANAN”
5. (a) Ano ang kahulugan ng pariralang “nahikayat na sampalatayanan”? (b) Bakit natin masasabi na nahikayat si Timoteo na sumampalataya sa mabuting balita tungkol kay Jesus?
5 Mahalaga ang pagkakaroon ng kaalaman sa banal na mga kasulatan. Pero hindi sapat na turuan lang ang mga anak tungkol sa mga tao at mga pangyayari sa Bibliya. Tandaan na si Timoteo ay ‘nahikayat din na sumampalataya.’ Sa orihinal na wika, ang pariralang “nahikayat na sampalatayanan” ay nangangahulugang “makumbinsi at matiyak na totoo ang isang bagay.” Alam na ni Timoteo ang Hebreong Kasulatan “mula sa pagkasanggol.” Pero nang maglaon, nakumbinsi siya ng matibay na ebidensiya na si Jesus nga ang Mesiyas. Sa ibang salita, bukod sa kaalaman, nagkaroon din si Timoteo ng pananampalataya. Napakatibay ng pananampalataya niya sa mabuting balita kung kaya nagpabautismo siya at sumama kay Pablo sa gawaing pagmimisyonero.
6. Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na mahikayat na sumampalataya sa natututuhan nila sa Bibliya?
6 Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na mahikayat na sumampalataya, gaya ni Timoteo? Una, maging matiyaga. Ang pananampalataya ay hindi nalilinang agad-agad; hindi rin ito naipamamana sa iyong anak dahil lang sa nahikayat ka na sumampalataya. Kailangang gamitin ng iyong anak ang kaniyang “kakayahan sa pangangatuwiran” para magkaroon siya ng pananampalataya sa Bibliya. (Basahin ang Roma 12:1.) Napakahalaga ng papel mo rito bilang magulang, lalo na kapag nagtatanong ang iyong anak. Tingnan ang isang halimbawa.
7, 8. (a) Paano naging matiyaga ang isang Kristiyanong ama sa pagtuturo sa kaniyang anak? (b) Magbigay ng sitwasyon na kinailangan mong maging matiyaga sa iyong anak.
7 Si Thomas, na may 11-anyos na anak na babae, ay nagsabi: “Minsan, itinatanong ng anak ko, ‘Hindi kaya ginamit ni Jehova ang ebolusyon para likhain ang buhay sa lupa?’ o, ‘Bakit hindi tayo sumasali sa mga gawain ng komunidad, gaya ng eleksiyon, para sa kaunlaran ng bayan?’ Minsan, kailangan kong pigilan ang sarili ko para hindi ako sumagot nang dogmatiko. Tutal, ang pananampalataya ay hindi lang resulta ng pagkaalam sa iisang malaking katotohanan kundi ng maraming pinagsama-samang maliliit na ebidensiya.”
8 Alam din ni Thomas na kailangang maging matiyaga sa pagtuturo. Sa katunayan, lahat ng Kristiyano ay nangangailangan ng mahabang pagtitiis. (Col. 3:12) Nakita ni Thomas na kailangan niyang ipakipag-usap ang isang bagay nang maraming beses at mangatuwiran mula sa Kasulatan para magkaroon ng pananampalataya ang kaniyang anak sa mga natututuhan nito. Sinabi ni Thomas: “Pagdating sa mahahalagang punto, gusto namin ng misis ko na malaman kung talagang naniniwala ang anak namin sa natututuhan niya at kung naiintindihan niya ang mga ito. Maganda nga kung nagtatanong siya. Ang totoo, mas mag-aalala ako kung basta na lang niya tatanggapin ang isang turo nang hindi nagtatanong.”
9. Paano mo maikikintal sa iyong mga anak ang Salita ng Diyos?
9 Dahil sa matiyagang pagtuturo ng mga magulang, unti-unting maiintindihan ng mga anak “ang lapad at haba at taas at lalim” ng pananampalatayang Kristiyano. (Efe. 3:18) Matuturuan natin sila ayon sa kanilang edad at kakayahan. Habang nagiging kumbinsido sila sa kanilang natututuhan, mas makakaya nilang ipagtanggol ang paniniwala nila sa iba, pati na sa kanilang mga kaeskuwela. (1 Ped. 3:15) Halimbawa, gamit ang Bibliya, kaya bang ipaliwanag ng iyong anak kung ano ang nangyayari pagkamatay ng isang tao? Tanggap ba niya ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito?a Tandaan, kailangang maging matiyaga para maikintal sa iyong anak ang Salita ng Diyos, pero sulit naman ito.—Deut. 6:6, 7.
10. Ano pa ang isang mahalagang bahagi ng iyong pagtuturo?
10 Siyempre pa, mahalaga rin ang iyong halimbawa para magkaroon ng pananampalataya ang iyong mga anak. Si Stephanie, may anak na tatlong babae, ay nagsabi: “Bata pa lang ang mga anak ko, tinatanong ko na ang sarili ko, ‘Ipinakikipag-usap ko ba sa kanila kung bakit ako kumbinsido na totoo si Jehova, na mahal niya tayo, at na matuwid ang kaniyang mga daan? Kitang-kita ba ng mga anak ko na talagang mahal ko si Jehova?’ Hindi ko sila mahihikayat malibang ako mismo ay kumbinsido.”
-