-
Kasulatan, IKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Ginamit ni Kristo at ng mga Apostol. Madalas gamitin ni Jesu-Kristo at ng mga manunulat ng Kristiyanong Kasulatan ang salitang gra·pheʹ upang tukuyin ang mga akda ni Moises at ng mga propeta bilang awtoridad nila sa kanilang pagtuturo o sa kanilang gawain, sa dahilang ang mga akdang ito ay kinasihan ng Diyos. Kalimitan, ang Hebreong mga akdang ito ay tinutukoy sa kabuuan bilang “Kasulatan.” (Mat 21:42; 22:29; Mar 14:49; Ju 5:39; Gaw 17:11; 18:24, 28) Kung minsan, ang salitang “Kasulatan” ay ginagamit sa diwang pang-isahan kapag isang partikular na teksto ang sinisipi, anupat tinutukoy iyon bilang bahagi ng buong kalipunan ng mga akda sa Hebreong Kasulatan. (Ro 9:17; Gal 3:8) Gayundin, maaaring tukuyin ang iisang teksto bilang isang “kasulatan,” sa diwa na ito’y isang mapanghahawakang pananalita. (Mar 12:10; Luc 4:21; Ju 19:24, 36, 37) Sa 2 Timoteo 3:16 at 2 Pedro 1:20, lumilitaw na ang kinasihang mga akda kapuwa sa Hebreo at Griego ang tinutukoy ni Pablo at ni Pedro bilang “Kasulatan.” Sa 2 Pedro 3:15, 16, itinuturing ni Pedro ang mga sulat ni Pablo bilang bahagi ng “Kasulatan.”
-
-
Kasulatan, IKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Mahalaga Para sa mga Kristiyano. Yamang laging ginagamit ni Jesu-Kristo ang Hebreong Kasulatan upang suportahan ang kaniyang turo, mahalaga na huwag lumihis doon ang kaniyang mga tagasunod. Idiniin ng apostol na si Pablo ang kahalagahan at katangian niyaon nang sabihin niya: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2Ti 3:16, 17.
-