-
Patuloy na Isagawa ang mga Bagay na Inyong NatututuhanAng Bantayan—2002 | Setyembre 15
-
-
Tanggihan ang “mga Kuwentong Di-totoo”
8. (a) Paano sinisikap ni Satanas na sirain ang ating pananampalataya sa ngayon? (b) Anong babala ni Pablo ang masusumpungan sa 2 Timoteo 4:3, 4?
8 Sinisikap ni Satanas na sirain ang ating katapatan sa pamamagitan ng paghahasik ng mga pag-aalinlangan tungkol sa itinuro sa atin. Sa ngayon, gaya noong unang siglo, sinisikap ng mga apostata at ng mga iba pa na sirain ang pananampalataya ng mga walang muwang. (Galacia 2:4; 5:7, 8) Kung minsan ay ginagamit nila ang media upang palaganapin ang pilipit na impormasyon o maging ang tahasang kasinungalingan tungkol sa mga pamamaraan at mga motibo ng bayan ni Jehova. Nagbabala si Pablo na ang ilan ay maitatalikod sa katotohanan. “Darating ang isang yugto ng panahon,” ang isinulat niya, “kapag hindi nila titiisin ang nakapagpapalusog na turo, kundi, ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, sila ay magtitipon ng mga guro para sa kanilang sarili upang kumiliti sa kanilang mga tainga; at itatalikod nila ang kanilang mga tainga mula sa katotohanan, samantalang bumabaling sila sa mga kuwentong di-totoo.”—2 Timoteo 4:3, 4.
9. Ano ang maaaring nasa isip ni Pablo nang tukuyin niya ang “mga kuwentong di-totoo”?
9 Sa halip na manghawakan sa parisan ng nakapagpapalusog na mga salita, ang ilan ay naging interesado sa “mga kuwentong di-totoo.” Ano itong mga kuwentong di-totoo? Marahil ay nasa isip ni Pablo ang guniguning mga alamat, gaya niyaong masusumpungan sa apokripang aklat ni Tobit.a Maaaring kasali rin sa mga kuwentong di-totoo ang pinalabis at pala-palagay na mga usap-usapan. Gayundin naman, maaaring ang kaisipan ng ilan—“ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa”—ay nalinlang ng mga nagtataguyod ng maluwag na pangmalas sa mga pamantayan ng Diyos o ng mga mapamintas sa mga nangunguna sa kongregasyon. (3 Juan 9, 10; Judas 4) Anumang katitisuran ang nasasangkot, lumilitaw na mas pinili ng ilan ang kabulaanan sa halip na ang mga katotohanan sa Salita ng Diyos. Di-nagtagal ay hindi na nila isinagawa ang mga bagay na kanilang natutuhan, at ito ay nakapinsala sa kanila mismong espirituwalidad.—2 Pedro 3:15, 16.
10. Ano ang ilang kuwentong di-totoo sa ngayon, at paano itinampok ni Juan ang pangangailangang mag-ingat?
10 Maiiwasan nating maakit ng mga kuwentong di-totoo sa ngayon kung susuriin nating mabuti at magiging mapili tayo sa ating pinakikinggan at binabasa. Halimbawa, madalas na itinataguyod ng media ang imoralidad. Pinasisigla ng maraming tao ang agnostisismo o tahasang ateismo. Tinutuya naman ng mapanuring mga kritiko ang pag-aangkin ng Bibliya na kinasihan ito ng Diyos. At patuloy na nagsisikap ang makabagong-panahong mga apostata na maghasik ng pag-aalinlangan upang igupo ang pananampalataya ng mga Kristiyano. Tungkol sa nahahawig na panganib na iniharap ng huwad na mga propeta noong unang siglo, nagbabala si apostol Juan: “Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat kinasihang kapahayagan, kundi subukin ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos, sapagkat maraming bulaang propeta ang humayo sa sanlibutan.” (1 Juan 4:1) Kaya kailangan tayong mag-ingat.
11. Ano ang isang paraan upang masubok at makita kung tayo ay nasa pananampalataya?
11 Hinggil dito, sumulat si Pablo: “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya.” (2 Corinto 13:5) Hinimok tayo ng apostol na patuloy na subukin ang ating sarili upang matiyak kung sumusunod tayo sa kalipunan ng mga paniniwalang Kristiyano. Kung ang ating mga tainga ay nahihilig na makinig sa mga indibiduwal na mapagreklamo, kailangan nating suriin ang ating sarili nang may pananalangin. (Awit 139:23, 24) Nahihilig ba tayong maghanap ng kapintasan sa bayan ni Jehova? Kung oo, bakit? Nasaktan ba tayo sa mga sinabi o iginawi ng isang indibiduwal? Kung oo, minamalas ba natin ang mga bagay-bagay sa tamang paraan? Anumang kapighatiang napapaharap sa atin sa sistemang ito ng mga bagay ay pansamantala lamang. (2 Corinto 4:17) Kahit na makaranas tayo ng pagsubok sa loob ng kongregasyon, bakit naman tayo titigil sa paglilingkod sa Diyos? Kung tayo ay nagdaramdam dahil sa isang bagay, hindi ba mas lubhang makabubuti na gawin ang lahat ng magagawa natin upang lutasin ang mga bagay-bagay at pagkatapos ay ipaubaya na ito kay Jehova?—Awit 4:4; Kawikaan 3:5, 6; Efeso 4:26.
12. Paano nagpakita ng mainam na halimbawa sa atin ang mga taga-Berea?
12 Sa halip na maging mapamintas, panatilihin natin ang isang mabuting espirituwal na pangmalas sa impormasyong natanggap sa pamamagitan ng personal na pag-aaral at mga pulong ng kongregasyon. (1 Corinto 2:14, 15) At sa halip na pag-alinlanganan ang Salita ng Diyos, tunay ngang mas matalino na tularan ang saloobin ng unang-siglong mga taga-Berea na maingat na nagsuri sa Kasulatan! (Gawa 17:10, 11) Pagkatapos, isagawa natin ang ating natututuhan, anupat tinatanggihan ang mga kuwentong di-totoo at nanghahawakang mahigpit sa katotohanan.
13. Paano tayo maaaring makapagkalat ng mga kuwentong di-totoo nang di-sinasadya?
13 May isa pang uri ng kuwentong di-totoo na kailangan nating bantayan. Napakaraming pinalabis na mga kuwento ang kumakalat, madalas ay sa pamamagitan ng E-mail. Isang katalinuhan na maging maingat sa gayong mga kuwento, lalo na kung hindi natin alam ang orihinal na pinanggalingan ng impormasyon. Kahit na ang isang karanasan o kuwento ay ipinadala ng isang kagalang-galang na Kristiyano, maaaring nakuha lamang niya ang impormasyon sa ibang tao. Kaya mahalaga na maging maingat sa paglalahad o pagpapadala ng di-natiyak na mga ulat. Tiyak na hindi natin nais na ilahad ang “di-makadiyos na mga alamat,” o “mga kuwentong di-totoo na lumalapastangan sa kung ano ang banal.” (1 Timoteo 4:7; New International Version) Yamang may obligasyon din tayo na magsalita nang may katotohanan sa isa’t isa, kumikilos tayo nang may katalinuhan kapag iniiwasan natin ang anumang bagay na magiging dahilan upang tayo ay makapagkalat ng mga kasinungalingan nang di-sinasadya.—Efeso 4:25.
-
-
Patuloy na Isagawa ang mga Bagay na Inyong NatututuhanAng Bantayan—2002 | Setyembre 15
-
-
a Ang Tobit, na malamang na isinulat noong ikatlong siglo B.C.E., ay may kuwento na punô ng pamahiin may kinalaman sa isang Judio na nagngangalang Tobias. Sinasabi na siya ay nagkaroon ng mga kapangyarihang nakagagamot at nakapagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng paggamit sa puso, apdo, at atay ng isang napakalaking isda.
-