Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Sundin ang Sinasabi ng Iyong Budhi
    Ang Bantayan—2007 | Oktubre 15
    • Sundin ang Sinasabi ng Iyong Budhi

      “Ang lahat ng bagay ay malinis sa mga taong malinis. Ngunit sa mga taong nadungisan at walang pananampalataya ay walang anumang malinis.”​—TITO 1:15.

      1. Paano nagkaroon ng kaugnayan si Pablo sa mga kongregasyon sa Creta?

      NANG matapos ni apostol Pablo ang kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, inaresto siya at nang maglaon ay dinala sa Roma, kung saan ibinilanggo siya nang dalawang taon. Ano ang ginawa niya matapos siyang palayain? May pagkakataon na dinalaw niya ang isla ng Creta kasama si Tito. Ganito ang isinulat ni Pablo kay Tito: “Iniwan kita sa Creta, upang maituwid mo ang mga bagay na may depekto at makapag-atas ka ng matatandang lalaki.” (Tito 1:5) Bahagi sa atas ni Tito ang pagpapayo sa mga tao may kaugnayan sa kanilang budhi.

      2. Anong problema sa mga kongregasyon sa isla ng Creta ang kinailangang harapin ni Tito?

      2 Binanggit ni Pablo kay Tito ang mga kuwalipikasyon ng matatanda sa kongregasyon, at pagkatapos ay sinabi niya na sa Creta ay “maraming taong di-masupil, mga nagsasalita ng di-mapapakinabangan, at mga manlilinlang ng isipan. . . . Iginugupo ng mismong mga taong ito ang buu-buong mga sambahayan sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga bagay na hindi nila dapat ituro.” Tinagubilinan si Tito na ‘patuloy na sawayin ang mga taong ito.’ (Tito 1:10-14; 1 Timoteo 4:7) Sinabi ni Pablo na ang kanilang mga pag-iisip at budhi ay “nadungisan.” Ang salitang ginamit dito ay nagpapahiwatig na parang namantsahan ang kanilang pag-iisip at budhi, kung paanong namantsahan ng tina ang isang magandang damit. (Tito 1:15) Ang ilan sa mga lalaking ito ay maaaring naimpluwensiyahan ng tradisyong Judio dahil ‘nanghahawakan sila sa pagtutuli.’ Wala nang gayong mga lalaki na nagpapahina sa mga kongregasyon sa ngayon; gayunpaman, marami tayong matututuhan sa payo na ibinigay ni Pablo kay Tito hinggil sa budhi.

      Mga Nadungisang Budhi

      3. Ano ang isinulat ni Pablo kay Tito may kinalaman sa budhi?

      3 Pansinin ang kalagayan noon nang banggitin ni Pablo ang may kinalaman sa budhi. “Ang lahat ng bagay ay malinis sa mga taong malinis. Ngunit sa mga taong nadungisan at walang pananampalataya ay walang anumang malinis, kundi kapuwa ang kanilang mga pag-iisip at ang kanilang mga budhi ay nadungisan. Hayagan nilang sinasabi na kilala nila ang Diyos, ngunit itinatatwa nila siya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.” Maliwanag na ang ilan sa kanila nang panahong iyon ay kailangang gumawa ng mga pagbabago upang “maging malusog sila sa pananampalataya.” (Tito 1:13, 15, 16) Hindi nila alam kung ano ang malinis at kung ano ang marumi, at ipinakikita nito kung ano ang kalagayan ng kanilang budhi.

      4, 5. Ano ang maling kaisipan ng ilang Kristiyanong kabilang sa mga kongregasyon sa Creta, at paano ito nakaapekto sa kanila?

      4 Mahigit sampung taon bago nito, nagpasiya ang Kristiyanong lupong tagapamahala na hindi na isang kahilingan ang pagtutuli upang maging tunay na mananamba ang isa, at ipinaalam nila ito sa mga kongregasyon. (Gawa 15:1, 2, 19-29) Gayunman, ‘nanghahawakan pa rin sa pagtutuli’ ang ilang Kristiyano sa Creta. Hayagan nilang tinututulan ang pasiya ng lupong tagapamahala, anupat ‘nagtuturo ng mga bagay na hindi nila dapat ituro.’ (Tito 1:10, 11) Palibhasa’y pilipit ang kanilang kaisipan, posibleng itinataguyod nila ang mga tuntunin mula sa Kautusan tungkol sa mga pagkain at ritwal para sa kalinisan. Maaari pa ngang dinadagdagan nila ang sinasabi ng Kautusan, katulad ng ginawa ng mga nauna sa kanila noong panahon ni Jesus, at itinataguyod ang mga pabulang Judio at mga utos ng tao.​—Marcos 7:2, 3, 5, 15; 1 Timoteo 4:3.

      5 Masama ang naging epekto ng gayong mga kaisipan sa kanilang pagpapasiya at kabatiran sa kung ano ang tama at mali, samakatuwid nga, ang kanilang budhi. Sumulat si Pablo: “Sa mga taong nadungisan at walang pananampalataya ay walang anumang malinis.” Naging pilipit ang kanilang budhi anupat hindi na ito isang mapananaligang gabay para sa kanilang mga pagkilos at pagpapasiya. Karagdagan pa, hinahatulan nila ang kanilang mga kapuwa Kristiyano pagdating sa mga personal na bagay, kung saan talaga namang nag-iiba-iba ang pasiya ng bawat indibiduwal. Sa bagay na ito, itinuturing ng ilang Kristiyano sa Creta na marumi ang mga bagay na hindi naman talaga marumi. (Roma 14:17; Colosas 2:16) Bagaman inaangkin nilang kilala nila ang Diyos, iba naman ang ipinakikita ng kanilang mga gawa.​—Tito 1:16.

      “Malinis sa mga Taong Malinis”

      6. Anong dalawang uri ng tao ang binanggit ni Pablo?

      6 Paano tayo makikinabang mula sa isinulat ni Pablo kay Tito? Buweno, pansinin ang paghahambing na binanggit sa mga salitang ito: “Ang lahat ng bagay ay malinis sa mga taong malinis. Ngunit sa mga taong nadungisan at walang pananampalataya ay walang anumang malinis, kundi kapuwa ang kanilang mga pag-iisip at ang kanilang mga budhi ay nadungisan.” (Tito 1:15) Hindi sinasabi ni Pablo na para sa isang Kristiyano na malinis sa moral, ang lahat ng bagay ay malinis at katanggap-tanggap. Makatitiyak tayo rito dahil nilinaw na ni Pablo sa isa niyang liham na ang nagsasagawa ng pakikiapid, idolatriya, espiritismo, at ang iba pa ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (Galacia 5:19-21) Kaya malamang na ang binabanggit ni Pablo ay tungkol sa dalawang uri ng tao, ang mga malinis sa moral at espirituwal, at ang mga hindi gayon.

  • Sundin ang Sinasabi ng Iyong Budhi
    Ang Bantayan—2007 | Oktubre 15
    • Iba-ibang Budhi, Iba-ibang Pasiya

      9. Kung “ang lahat ng bagay ay malinis,” ano ang papel ng budhi?

      9 Ngunit ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang “ang lahat ng bagay ay malinis sa mga taong malinis”? Tinutukoy rito ni Pablo ang mga Kristiyano na iniayon ang kanilang kaisipan at budhi sa mga pamantayan ng Diyos na masusumpungan natin sa Kaniyang kinasihang Salita. Alam ng mga Kristiyanong ito na pagdating sa mga bagay na hindi tuwirang hinahatulan ng Diyos, maaaring iba-iba ang maging pananaw ng mga mananampalataya. Hindi sila mapamuna, dahil itinuturing nilang “malinis” ang mga bagay na hindi hinahatulan ng Diyos. Batid nila na hindi magkakatulad ang kaisipan ng lahat hinggil sa mga aspekto ng buhay na walang espesipikong tagubilin sa Bibliya. Tingnan natin ang ilang halimbawa.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share