-
Mapagpakumbabang Nagpapasakop sa Maibiging mga PastolAng Bantayan—2007 | Abril 1
-
-
7. Ano ang ipinayo ni apostol Pablo hinggil sa dapat nating maging saloobin sa mga tagapangasiwang Kristiyano?
7 Umaasa ang ating makalangit na mga Pastol, ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo, na susunod tayo at magpapasakop sa katulong na mga pastol na binigyan nila ng mga responsibilidad sa kongregasyon. (1 Pedro 5:5) Kinasihan si apostol Pablo na isulat: “Alalahanin ninyo yaong mga nangunguna sa inyo, na siyang nagsalita sa inyo ng salita ng Diyos, at habang dinidili-dili ninyo ang kinalalabasan ng kanilang paggawi ay tularan ninyo ang kanilang pananampalataya. Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, sapagkat patuloy silang nagbabantay sa inyong mga kaluluwa na gaya niyaong mga magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntunghininga, sapagkat ito ay makapipinsala sa inyo.”—Hebreo 13:7, 17.
8. Ano ang sinabi ni Pablo na dapat nating ‘dili-dilihin,’ at ano ang dapat nating maging saloobin kung “masunurin” tayo?
8 Pansinin na pinasisigla tayo ni Pablo na ‘dili-dilihin,’ o pag-isipang mabuti, ang kinalalabasan ng tapat na paggawi ng mga elder at tularan ang kanilang pananampalataya. Pinapayuhan din niya tayo na maging masunurin at mapagpasakop sa pangunguna ng mga lalaking ito na inatasan. Ipinaliliwanag ng iskolar ng Bibliya na si R. T. France na sa orihinal na Griego, ang salita rito na isinaling “maging masunurin” ay hindi “ang karaniwang termino na ginagamit para sa pagkamasunurin, kundi literal na nangangahulugang ‘makumbinsi,’ na nagpapahiwatig ng kusang-loob na pagtanggap sa kanilang pangunguna.” Sinusunod natin ang mga elder hindi lamang dahil iniuutos ito ng Salita ng Diyos kundi dahil kumbinsido tayo na kapakanan natin at ng Kaharian ang iniisip nila. Tiyak na magiging maligaya tayo kung kusang-loob nating tatanggapin ang kanilang pangunguna.
9. Bakit mahalaga na “maging mapagpasakop” tayo bukod sa pagiging masunurin?
9 Subalit paano kung sa isang partikular na kalagayan ay hindi tayo kumbinsido na ang tagubilin ng mga elder ang siyang pinakamahusay na paraan para gawin ang isang bagay? Diyan ngayon papasok ang pagpapasakop. Madaling sumunod kung maliwanag at sinasang-ayunan natin ang mga bagay-bagay, pero maipakikita natin na talagang mapagpasakop tayo kung sumusunod tayo kahit hindi natin alam ang dahilan ng ibinigay na tagubilin. Nagpakita ng ganitong pagpapasakop si Pedro, na naging apostol nang maglaon.—Lucas 5:4, 5.
-
-
Mapagpakumbabang Nagpapasakop sa Maibiging mga PastolAng Bantayan—2007 | Abril 1
-
-
12. Paano ‘patuloy na nagbabantay sa ating mga kaluluwa’ ang mga tagapangasiwa?
12 Ang ikalawang dahilan kung bakit kailangan tayong magpasakop sa mga tagapangasiwang Kristiyano ay sapagkat “patuloy silang nagbabantay sa [ating] mga kaluluwa.” Kapag nakita nilang nanganganib ang ating espirituwalidad dahil sa ating saloobin o paggawi, kaagad silang nagbibigay ng kinakailangang payo upang maibalik tayo sa ayos. (Galacia 6:1) Ang salitang Griego na isinaling ‘patuloy na nagbabantay’ ay literal na nangangahulugang ‘hindi natutulog.’ Ayon sa isang iskolar ng Bibliya, ito ay “nagpapahiwatig ng pagiging laging alisto gaya ng isang pastol.” Bukod sa pagiging laging alisto sa espirituwal, baka hindi pa nga makatulog ang mga elder dahil sa pag-aalala sa ating espirituwal na kapakanan. Hindi ba’t dapat tayong kusang-loob na makipagtulungan sa gayong maibiging katulong na mga pastol, na gumagawa ng kanilang buong makakaya upang tularan ang magiliw na pangangalaga ni Jesu-Kristo, “ang dakilang pastol ng mga tupa”?—Hebreo 13:20.
13. Kanino at paano magsusulit ang mga tagapangasiwa at ang lahat ng mga Kristiyano?
13 Ang ikatlong dahilan kung bakit kailangang kusang-loob tayong makipagtulungan sa mga tagapangasiwa ay sapagkat nagbabantay sila sa atin “na gaya niyaong mga magsusulit.” Tinatandaan ng mga tagapangasiwa na sila’y mga katulong na pastol na naglilingkod sa makalangit na mga Pastol, ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo. (Ezekiel 34:22-24) Si Jehova ang May-ari ng mga tupa, na “binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak,” at sa Kaniya magsusulit ang inatasang mga tagapangasiwa sa paraan ng kanilang pakikitungo sa Kaniyang kawan, na dapat ay sa “magiliw” na paraan. (Gawa 20:28, 29) Kaya lahat tayo ay magsusulit kay Jehova anuman ang ating pagtugon sa kaniyang tagubilin. (Roma 14:10-12) Ang pagsunod natin sa inatasang mga elder ay patunay din na nagpapasakop tayo kay Kristo, ang Ulo ng kongregasyon.—Colosas 2:19.
14. Ano ang posibleng maging dahilan ng “pagbubuntunghininga” ng mga tagapangasiwang Kristiyano sa kanilang paglilingkod, at ano ang magiging resulta nito?
14 Ibinigay ni Pablo ang ikaapat na dahilan kung bakit dapat tayong mapagpakumbabang magpasakop sa mga tagapangasiwang Kristiyano. Isinulat niya: “Upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntunghininga, sapagkat ito ay makapipinsala sa inyo.” (Hebreo 13:17) Mabigat ang pasan ng Kristiyanong mga elder. Nariyan ang seryosong pananagutan na magturo, magpastol, manguna sa pangangaral, mangalaga sa kanilang pamilya, at mag-asikaso ng mga problema sa kongregasyon. (2 Corinto 11:28, 29) Kaya kung hindi tayo makikipagtulungan sa kanila, lalo lamang natin silang mapabibigatan, at ‘magbubuntunghininga’ sila. Hindi malulugod si Jehova kung hindi tayo makikipagtulungan at makapipinsala ito sa atin. Pero kung tayo’y magpapakita ng nararapat na paggalang at makikipagtulungan, magagampanan ng mga elder ang kanilang mga tungkulin nang may kagalakan, at lalong magkakaisa at magagalak ang kongregasyon sa pangangaral hinggil sa Kaharian.—Roma 15:5, 6.
-