-
Pinatatag ng Pag-asa, Ginanyak ng Pag-ibigAng Bantayan—1999 | Hulyo 15
-
-
Itinulad ang Pag-asa sa Isang Angkla
10, 11. Sa ano inihalintulad ni Pablo ang ating pag-asa, at bakit angkop ang paghahambing na ito?
10 Sinabi ni Pablo na nangako si Jehova ng mga pagpapalang darating sa pamamagitan ni Abraham. Pagkatapos ay ipinaliwanag ng apostol: “Ang Diyos . . . ay pumasok taglay ang isang sumpa, upang, sa pamamagitan ng dalawang bagay na di-mababago [ang kaniyang salita at ang kaniyang sumpa] na doon ay imposibleng magsinungaling ang Diyos, tayo na tumakas patungo sa kanlungan ay magkaroon ng masidhing pampatibay-loob na manghawakan sa pag-asang inilagay sa harapan natin. Taglay natin ang pag-asang ito bilang angkla para sa kaluluwa, na kapuwa tiyak at matatag.” (Hebreo 6:17-19; Genesis 22:16-18) Ang pag-asang nasa harapan ng pinahirang mga Kristiyano ay yaong imortal na buhay sa langit. Sa ngayon, ang karamihan sa mga lingkod ni Jehova ay may kahanga-hangang pag-asa na mabuhay nang walang hanggan sa paraisong lupa. (Lucas 23:43) Kung walang gayong pag-asa, ang isa ay hindi magkakaroon ng pananampalataya.
11 Ang angkla ay isang mahusay na kasangkapang pangkaligtasan, anupat kailangang-kailangan upang pigilin ang barko at hindi ito maanod. Walang magdaragat ang papalaot mula sa daungan nang walang dalang angkla. Yamang ilang beses nang naranasan ni Pablo ang pagkawasak ng barko, tuwiran niyang nalalaman na ang buhay ng mga magdaragat ay kadalasang nakadepende sa mga angkla ng kanilang barko. (Gawa 27:29, 39, 40; 2 Corinto 11:25) Noong unang siglo, ang isang barko ay walang makina na magpapangyaring maniobrahin ito ng kapitan ayon sa kaniyang kagustuhan. Maliban na sa mga barkong pandigma na itinutulak ng panggaod, ang mga sasakyan ay pangunahin nang umaasa sa hangin para makaandar ito. Kung ang kaniyang barko ay nanganganib na sumalpok sa mga batuhan, ang tanging magagawa ng kapitan ay ang maghulog ng angkla at palampasin ang bagyo, anupat nagtitiwalang hindi matatanggal ang angkla sa pagkakakapit nito sa sahig ng dagat. Kaya inihalintulad ni Pablo ang pag-asa ng isang Kristiyano sa isang “angkla para sa kaluluwa, na kapuwa tiyak at matatag.” (Hebreo 6:19) Kapag tayo ay hinahampas ng mga unos ng pagsalansang o dumaranas ng iba pang pagsubok, ang ating kahanga-hangang pag-asa ay gaya ng isang angkla na nagpapatatag sa atin bilang mga buháy na kaluluwa, upang ang pinakabarko ng ating pananampalataya ay hindi maanod sa mapanganib na mga buhanginan ng pag-aalinlangan o sa kapaha-pahamak na mga bato ng apostasya.—Hebreo 2:1; Judas 8-13.
12. Paano natin maiiwasan ang paglayo kay Jehova?
12 Nagbabala si Pablo sa mga Hebreong Kristiyano: “Mag-ingat kayo, mga kapatid, na baka sa paanuman ay tubuan ang sinuman sa inyo ng isang pusong balakyot na walang pananampalataya sa pamamagitan ng paglayo mula sa Diyos na buháy.” (Hebreo 3:12) Sa Griegong teksto, ang “paglayo” ay literal na nangangahulugang “tumigil,” samakatuwid nga, mag-apostata. Ngunit maiiwasan natin ang gayong pagkawasak. Sa pamamagitan ng pananampalataya at pag-asa, magagawa nating manatili kay Jehova kahit na sa pinakamatitinding bagyo ng pagsubok. (Deuteronomio 4:4; 30:19, 20) Ang ating pananampalataya ay hindi magiging gaya ng barko na sinisiklut-siklot ng mistulang hangin ng mga turong apostata. (Efeso 4:13, 14) At taglay ang pag-asa bilang ating angkla, mababata natin ang mga unos sa buhay bilang mga lingkod ni Jehova.
-
-
Pinatatag ng Pag-asa, Ginanyak ng Pag-ibigAng Bantayan—1999 | Hulyo 15
-
-
Pasulong Tungo sa Ating Destinasyon!
18. Ano ang magpapangyari sa atin na mabata ang anumang pagsubok sa ating pananampalataya?
18 Ang ating pananampalataya at pag-ibig ay maaaring masubok nang matindi bago tayo makarating sa bagong sistema ng mga bagay. Ngunit pinaglaanan tayo ni Jehova ng isang angkla na “kapuwa tiyak at matatag”—ang ating napakagandang pag-asa. (Hebreo 6:19; Roma 15:4, 13) Kapag hinahampas tayo ng pagsalansang o iba pang mga pagsubok, tayo’y makapagbabata kung matatag tayong nakaangkla sa pamamagitan ng ating pag-asa. Matapos humupa ang isang bagyo ngunit nagbabanta ang isa pa, ipasiya nating patibayin ang ating pag-asa at palakasin ang ating pananampalataya.
-