Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Mataas na Saserdote
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Ang Mataas na Pagkasaserdote ni Jesu-Kristo. Ayon sa aklat ng Bibliya na Mga Hebreo, si Jesu-Kristo, mula nang siya’y buhaying-muli at pumasok sa langit, ay “isang mataas na saserdote ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec magpakailanman.” (Heb 6:20; 7:17, 21) Upang ilarawan ang kadakilaan ng pagkasaserdote ni Kristo at ang kahigitan nito sa Aaronikong pagkasaserdote, ipinakita ng apostol na si Pablo na si Melquisedec ay naging hari at saserdote sa pamamagitan ng pagtatalaga ng Kataas-taasang Diyos, at hindi sa pamamagitan ng pagmamana. Si Kristo Jesus, na hindi mula sa tribo ni Levi, kundi mula sa Juda at mula sa linya ni David, ay hindi nagmana ng kaniyang katungkulan sa pamamagitan ng pagiging inapo ni Aaron, kundi tuwiran siyang hinirang ng Diyos, gaya ni Melquisedec. (Heb 5:10) Ganito ang pangakong iniulat sa Awit 110:4: “Si Jehova ay sumumpa (at hindi siya magsisisi): ‘Ikaw ay isang saserdote hanggang sa panahong walang takda ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec!’⁠” Dahil sa pag-aatas na ito, si Kristo ay naging makalangit na Haring-Saserdote, at taglay rin niya ang awtoridad ng Kaharian dahil nagmula siya kay David. Kaya naman siya ang naging tagapagmana ng pagkaharing ipinangako sa tipang Davidiko. (2Sa 7:11-16) Samakatuwid ay hawak niya kapuwa ang katungkulan ng pagkahari at pagkasaserdote, gaya ni Melquisedec.

      Makikita rin ang kahigitan ng mataas na pagkasaserdote ni Kristo sa bagay na si Levi, na siyang pinagmulan ng pagkasaserdoteng Judio, sa diwa ay nagbigay ng mga ikapu kay Melquisedec, yamang si Levi ay nasa mga balakang pa ni Abraham nang magbigay ang patriyarkang ito ng ikasampu sa saserdoteng-hari ng Salem. Karagdagan pa, sa gayong diwa ay pinagpala rin ni Melquisedec si Levi, yamang ayon sa alituntunin, ang mababa ay pinagpapala ng mas dakila. (Heb 7:4-10) Itinawag-pansin din ng apostol na ang pagtukoy kay Melquisedec bilang “walang ama, walang ina, walang talaangkanan, walang pasimula ng mga araw ni wakas ng buhay” ay lumalarawan sa walang-hanggang pagkasaserdote ni Jesu-Kristo, na binuhay-muli tungo sa “isang buhay na di-masisira.”​—Heb 7:3, 15-17.

  • Mataas na Saserdote
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Mga Kristiyanong Katulong na Saserdote. Si Jesu-Kristo ang tanging saserdote “sa paraang gaya ng kay Melquisedec” (Heb 7:17), ngunit tulad ni Aaron na mataas na saserdote ng Israel, si Jesu-Kristo ay may lupon ng mga katulong na saserdote na inilaan sa kaniya ng kaniyang Ama na si Jehova. Ang mga ito’y pinangakuan na magiging mga kasamang tagapagmana niya sa langit, kung saan makikibahagi rin sila bilang mga kasamang hari sa kaniyang Kaharian. (Ro 8:17) Sila’y tinatawag na “isang maharlikang pagkasaserdote.” (1Pe 2:9) Sa pangitain sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis, sila’y ipinakikitang umaawit ng isang bagong awit kung saan sinasabi nilang sila’y binili ni Kristo sa pamamagitan ng kaniyang dugo at ‘ginawang isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at na mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.’ (Apo 5:9, 10) Nang maglaon, sa pangitain ding iyon, ipinakita na sila’y may bilang na 144,000. Inilalarawan din na sila’y “binili mula sa lupa,” bilang mga tagasunod ng Kordero, anupat “binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero.” (Apo 14:1-4; ihambing ang San 1:18.) Sa kabanatang ito ng Apocalipsis (14), may babalang ibinigay hinggil sa marka ng hayop, at ipinakita na ang pag-iwas sa markang ito ay “nangangahulugan ng pagbabata para sa mga banal.” (Apo 14:9-12) Ang 144,000 na ito na binili ang mga nagbabata nang may katapatan, anupat mabubuhay at mamamahala bilang mga hari na kasama ni Kristo, at ‘magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at mamamahala bilang mga hari na kasama niya sa loob ng isang libong taon.’ (Apo 20:4, 6) Sumapit sila sa ganitong maluwalhating katayuan dahil sa mga paglilingkod ni Jesus bilang mataas na saserdote.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share