-
TagapamagitanKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Pagbibigay-bisa sa tipang Kautusan. Sinabi ng apostol na si Pablo: “Ngayon ay walang tagapamagitan kapag iisang persona lamang ang nasasangkot, ngunit ang Diyos ay iisa lamang.” (Gal 3:20) Sa tipang Kautusan, ang Diyos ang isang partido; ang bansang Israel naman ang kabilang ‘partido.’ Palibhasa’y makasalanan ang mga Israelita, hindi sila makalalapit sa Diyos upang makipagtipan. Kailangan nila ng isang tagapamagitan. Nakita ang kahinaan nilang ito nang hilingin nila kay Moises: “Ikaw ang magsalita sa amin, at makikinig kami; ngunit huwag magsalita sa amin ang Diyos dahil baka kami mamatay.” (Exo 20:19; Heb 12:18-20) Udyok ng awa, inatasan ni Jehova si Moises na maging tagapamagitan ng tipang Kautusan at itinagubilin Niya ang paghahain ng mga hayop upang bigyang-bisa ang tipan. Sabihin pa, si Moises din ay di-sakdal at makasalanan; gayunman, mayroon siyang kaayaayang katayuan sa harap ng Diyos, gaya ni Abraham noong una. (Heb 11:23-28; tingnan ang IPAHAYAG NA MATUWID [Kung paano ‘ibinibilang’ na matuwid].) Nang pasinayaan ang tipan, si Moises ang nanungkulan at nangasiwa sa paghahain ng mga hayop. Pagkatapos ay iwinisik niya ang dugo ng mga ito sa balumbon o “aklat ng tipan.” Binasa niya sa bayan ang aklat upang iharap ang mga kundisyon ng tipan, at sumang-ayon sila na sundin ang mga iyon. Pagkatapos ay winisikan ni Moises ng dugo ang bayan (walang alinlangang kinakatawanan ng matatandang lalaki), na sinasabi: “Narito ang dugo ng tipan na ipinakipagtipan ni Jehova sa inyo may kinalaman sa lahat ng mga salitang ito.”—Exo 24:3-8; Heb 9:18-22.
-
-
TagapamagitanKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Pagpapasinaya ng Bagong Tipan. Pagkatapos na mamatay at buhaying-muli, si Jesus ay pumasok sa langit at humarap sa mismong persona ng Diyos upang iharap ang kaniyang handog, na ang mga kapakinabangan ay unang matatamo niyaong mga dinala sa bagong tipan. (Heb 9:24) Noon ay gumanap siya kapuwa bilang Mataas na Saserdote at Tagapamagitan. Kasuwato ng parisang sinunod noong pasinayaan ang tipang Kautusan, iniharap ni Jesu-Kristo ang halaga ng kaniyang hain sa harap ng Diyos sa langit (kung paanong iwinisik ni Moises ang dugo sa aklat ng Kautusan [sapagkat hindi personal na naroroon ang Diyos]). Pagkatapos, noong araw ng Pentecostes, 33 C.E., ibinuhos ni Jesus ang banal na espiritu mula sa Diyos sa mga unang dinala sa bagong tipan, na mga 120 katao. Nang maglaon noong araw ring iyon, humigit-kumulang sa 3,000, na mga Judio at mga proselita, ang naparagdag sa kongregasyon. (Gaw 1:15; 2:1-47; Heb 9:19) At kung paanong ang Kautusan ay binasa ni Moises sa bayan, malinaw ring ipinahayag ni Jesu-Kristo sa mga kabahagi sa bagong tipan ang mga kundisyon at mga kautusan niyaon.—Exo 24:3-8; Heb 1:1, 2; Ju 13:34; 15:14; 1Ju 5:1-3.
-