-
Huwag Sana Tayong Umurong Tungo sa Pagkapuksa!Ang Bantayan—1999 | Disyembre 15
-
-
Huwag Sana Tayong Umurong Tungo sa Pagkapuksa!
“Hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa.”—HEBREO 10:39.
1. Anong mga kalagayan ang umakay kay apostol Pedro upang magpadaig sa takot?
TIYAK na nagulat ang mga apostol nang sabihin ng kanilang mahal na Panginoon, si Jesus, na silang lahat ay mangangalat at pababayaan siya. Paano mangyayari ito—sa oras pa naman ng kaniyang matinding pangangailangan? Iginiit ni Pedro: “Kahit na ang lahat ng iba pa ay matisod, gayunma’y hindi ako.” Ang totoo, si Pedro ay isang lalaking matapang at malakas ang loob. Subalit nang ipagkanulo at arestuhin si Jesus, ang mga apostol—pati na si Pedro—ay nangalat. Pagkaraan, habang pinagtatatanong si Jesus sa bahay ng Mataas na Saserdoteng si Caifas, si Pedro ay balisang aali-aligid naman sa looban. Sa paglipas ng gabing malamig, malamang na ikinatakot ni Pedro na baka si Jesus at ang sinumang nakikisama sa kaniya ay patayin. Nang makilala ng ilang nag-uusyoso roon si Pedro bilang isa sa malapít na kasama ni Jesus, nataranta siya. Tatlong ulit na itinatwa niyang may kaugnayan siya kay Jesus. Ikinaila pa man din ni Pedro na kilala niya siya!—Marcos 14:27-31, 66-72.
2. (a) Bakit ang pagkatakot ni Pedro noong gabing arestuhin si Jesus ay hindi nagpangyari sa kaniya na maging “ang uri na umuurong”? (b) Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
2 Iyon ay isang nakapanlulumong yugto sa buhay ni Pedro, isang pangyayari na walang-pagsalang pinagsisihan niya sa buong buhay niya. Subalit naging duwag nga ba si Pedro dahil sa kaniyang iginawi nang gabing iyon? Ito ba’y nagpangyari na siya’y maging isa sa “uri” na nang maglaon ay inilarawan ni apostol Pablo nang isulat niya: “Ngayon hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa”? (Hebreo 10:39) Malamang na marami sa atin ang sasang-ayon na hindi kapit kay Pedro ang mga salita ni Pablo. Bakit? Sapagkat ang takot ni Pedro ay pansamantala lamang, isang sandaling panghihina sa isang buhay na kinakitaan naman ng pambihirang lakas ng loob at pananampalataya. Sa katulad na paraan, marami sa atin ang nagkaroon na ng mga karanasan na kung gugunitain natin ay nakapagdudulot sa paanuman ng pagkapahiya, mga sandaling nadaig tayo ng takot dahil sa pagkabigla at sa gayo’y hindi tayo nakapanindigan nang buong-tapang para sa katotohanan na nais sana nating gawin. (Ihambing ang Roma 7:21-23.) Makatitiyak tayo na ang gayong mga panandaliang panghihina ay hindi nagpapangyari na tayo’y maging yaong uri na umuurong tungo sa pagkapuksa. Gayunman, kailangan pa rin tayong maging determinado na huwag kailanman maging gayong uri. Bakit? At paano natin maiiwasan na maging gayong uri ng tao?
Ang Kahulugan ng Pag-urong Tungo sa Pagkapuksa
3. Paano nadaig ng takot ang mga propetang sina Elias at Jonas?
3 Nang isulat ni Pablo ang tungkol sa “uri na umuurong,” hindi niya tinutukoy yaong mga dumaranas ng sandaling pagkawala ng lakas ng loob. Tiyak na batid ni Pablo ang naging karanasan ni Pedro at ang iba pang katulad na mga kaso. Si Elias, isang propetang matapang at hindi takot magsalita, ay minsan na ring nadaig ng takot at tumakas upang iligtas ang kaniyang buhay dahil sa banta na siya’y ipapapatay ng balakyot na si Reyna Jezebel. (1 Hari 19:1-4) Mas malala ang takot na lumukob kay propeta Jonas. Inatasan siya ni Jehova na maglakbay patungo sa kilalang marahas at balakyot na lunsod ng Nineve. Dali-daling sumakay si Jonas sa isang bangka patungo sa Tarshish—3,500 kilometro sa kabilang direksiyon! (Jonas 1:1-3) Gayunman, hindi pa rin makatuwiran na ilarawan ang sinuman sa tapat na mga propetang ito ni ang apostol na si Pedro bilang ang uri na umuurong. Bakit hindi?
4, 5. (a) Paano tumutulong sa atin ang konteksto upang matiyak ang ibig sabihin ni Pablo sa “pagkapuksa” sa Hebreo 10:39? (b) Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niya: “Hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa”?
4 Pansinin ang buong pariralang ginamit ni Pablo: “Ngayon hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa.” Ano ang ibig niyang sabihin sa “pagkapuksa”? Ang salitang Griego na ginamit niya ay tumutukoy kung minsan sa walang-hanggang pagkapuksa. Angkop sa konteksto ang kahulugang ito. Kabibigay pa lamang ni Pablo ng babala: “Kung sinasadya nating mamihasa sa kasalanan pagkatapos na matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, wala nang anumang haing natitira pa para sa kasalanan, kundi may nakatatakot na paghihintay sa paghuhukom at may maapoy na paninibugho na lalamon doon sa mga sumasalansang.”—Hebreo 10:26, 27.
5 Kaya nang sabihin ni Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya na, “Hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa,” ibig niyang sabihin na siya at ang kaniyang tapat na mga Kristiyanong mambabasa ay determinadong hindi kailanman tatalikod kay Jehova at titigil na maglingkod sa kaniya. Ang paggawa nito ay hahantong lamang sa walang-hanggang pagkapuksa. Si Judas Iscariote ay isa na umurong tungo sa gayong pagkapuksa, gaya ng iba pang kaaway ng katotohanan na kusang lumaban sa espiritu ni Jehova. (Juan 17:12; 2 Tesalonica 2:3) Ang gayong mga indibiduwal ay kabilang sa “mga duwag” na daranas ng walang-hanggang pagkapuksa sa makasagisag na lawa ng apoy. (Apocalipsis 21:8) Hindi, hindi natin kailanman nanaisin na maging gayong uri ng tao!
6. Anong landasin ang hangad ni Satanas na Diyablo na tahakin natin?
6 Hangad ni Satanas na Diyablo na tayo’y umurong tungo sa pagkapuksa. Palibhasa’y dalubhasa sa “mapandayang mga gawa,” alam niyang ang gayong kapaha-pahamak na landasin ay karaniwan nang nagsisimula sa maliliit na paraan. (Efeso 6:11, talababa sa Ingles) Kapag nabigo ang tuwirang pag-uusig sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin, gumagamit siya ng mas tusong pamamaraan upang sirain ang pananampalataya ng tunay na mga Kristiyano. Hangarin niyang mapatahimik ang matatapang at masisigasig na Saksi ni Jehova. Tingnan natin ang mga pamamaraang ginamit niya laban sa mga Kristiyanong Hebreo na sinulatan ni Pablo.
Kung Paano Ginipit ang mga Kristiyano Upang Umurong
7. (a) Ano ang naging kasaysayan ng kongregasyon sa Jerusalem? (b) Anong espirituwal na mga kalagayan ang umiral sa ilang mambabasa ni Pablo?
7 Ipinahihiwatig ng katibayan na isinulat ni Pablo ang kaniyang liham sa mga Hebreo noong mga 61 C.E. Ang kasaysayan ng kongregasyon sa Jerusalem ay batbat ng kaligaligan. Pagkamatay ni Jesus, humampas ang isang daluyong ng malupit na pag-uusig, anupat ang maraming Kristiyano sa lunsod ay napilitang mangalat. Gayunman, sumunod ang isang panahon ng kapayapaan, na nagbigay-daan naman sa pagdami ng mga Kristiyano. (Gawa 8:4; 9:31) Sa paglipas ng mga taon, nagaganap pa rin paminsan-minsan ang iba pang pag-uusig at kahirapan. Waring nang sumulat si Pablo sa mga Hebreo, ang kongregasyon ay minsan pang nagtatamasa noon ng isang yugto na maituturing na payapa. Gayunman, mayroon pa ring panggigipit. Halos tatlong dekada na ang nakalilipas mula nang ihula ni Jesus ang pagkawasak ng Jerusalem. Malamang na nadama ng ilan na di-makatuwiran ang pagkakaantala ng kawakasan at maaaring hindi nga ito dumating sa kanilang kapanahunan. Ang iba naman, lalo na yaong mga baguhan sa pananampalataya, ay hindi pa nasusubok sa matinding pag-uusig at wala pang gaanong kabatiran sa pangangailangang magbata sa ilalim ng pagsubok. (Hebreo 12:4) Tiyak na sinikap ni Satanas na samantalahin ang gayong mga kalagayan. Anong “mapandayang mga gawa” ang ginamit niya?
8. Ano ang naging saloobin ng maraming Judio sa baguhang kongregasyon ng mga Kristiyano?
8 Hinamak noon ng pamayanang Judio sa Jerusalem at Judea ang baguhang kongregasyon ng mga Kristiyano. Batay sa laman ng liham ni Pablo, nakakakuha tayo ng ilang ideya ng mga pagkutyang ipinatungkol noon sa mga Kristiyano ng mga aroganteng Judio na lider ng relihiyon at ng mga tagasunod nila. Sa diwa, maaaring sinabi nila: ‘Mayroon kaming dakilang templo sa Jerusalem, na ilang siglo nang nakatayo! Taglay namin ang isang maharlikang mataas na saserdote na nanunungkulan doon, kasama ng kaniyang mga katulong na saserdote. Araw-araw ang paghahandog ng mga hain. Taglay namin ang Kautusan, na inihatid ng mga anghel kay Moises at itinatag na may dakilang mga tanda sa Bundok Sinai. Ang bagong-sulpot na sektang ito, ang mga Kristiyanong ito, na nag-apostata laban sa Judaismo, wala sila ng anuman sa mga bagay na ito!’ Nagtagumpay ba ang panlilibak na ito? Ilan sa mga Kristiyanong Hebreo ay maliwanag na nabahala sa mga pag-atakeng ito. Tamang-tama ang pagdating ng liham ni Pablo na nakatulong sa kanila.
Kung Bakit Hindi Sila Dapat Umurong Tungo sa Pagkapuksa
9. (a) Anong tema ang nangingibabaw sa liham sa mga Hebreo? (b) Sa anong diwa naglingkod ang mga Kristiyano sa isang mas mainam na templo kaysa sa isa na nasa Jerusalem?
9 Suriin natin ang dalawang dahilan na ibinigay ni Pablo sa kaniyang mga kapatid sa Judea upang huwag umurong kailanman tungo sa pagkapuksa. Ang una—ang kahigitan ng Kristiyanong sistema ng pagsamba—ay nangingibabaw sa liham sa mga Hebreo. Sa kabuuan ng kaniyang liham, tinalakay ni Pablo ang temang ito. Ang templo sa Jerusalem ay isang kopya lamang ng mas nakahihigit na dakilang katotohanan, ang espirituwal na templo ni Jehova, isang gusaling “hindi ginawa ng mga kamay.” (Hebreo 9:11) Ang mga Kristiyanong iyon ay may pribilehiyo na maglingkod sa espirituwal na kaayusang iyon para sa dalisay na pagsamba. Sila’y naglilingkod sa ilalim ng isang mas mainam na tipan, ang matagal-nang-ipinangakong bagong tipan, na may Tagapamagitan na mas nakahihigit kay Moises, si Jesu-Kristo.—Jeremias 31:31-34.
10, 11. (a) Bakit ang pinagmulang angkan ni Jesus ay hindi nag-alis sa kaniyang karapatan na maglingkod bilang Mataas na Saserdote sa espirituwal na templo? (b) Sa anong mga paraan si Jesus ay isang Mataas na Saserdote na nakahihigit sa isa na naglilingkod sa templo sa Jerusalem?
10 Ang mga Kristiyanong iyon ay mayroon ding mas nakahihigit na Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo. Hindi, hindi siya nagmula kay Aaron. Sa halip, siya ay isang Mataas na Saserdote “ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec.” (Awit 110:4) Si Melquisedec, na walang nakaulat na angkan, ay hari ng sinaunang Salem at siya ring mataas na saserdote nito. Sa gayon ay naaangkop siya bilang makahulang tipo ni Jesus, na ang pagkasaserdote ay batay, hindi sa anumang di-sakdal na angkan ng tao, kundi salig sa isang bagay na makapupong nakahihigit—ang sariling sumpa (oath) ng Diyos na Jehova. Gaya ni Melquisedec, si Jesus ay naglilingkod hindi lamang bilang Mataas na Saserdote kundi bilang Hari rin naman, isa na hindi kailanman mamamatay.—Hebreo 7:11-21.
11 Isa pa, di-gaya ng mataas na saserdote sa templo sa Jerusalem, si Jesus ay hindi kailangang maghandog ng mga hain taun-taon. Ang kaniyang hain ay ang kaniyang sariling sakdal na buhay, na inihandog niya nang minsanan. (Hebreo 7:27) Lahat ng mga haing inihandog sa templo ay mga anino lamang, mga larawan ng inihandog ni Jesus. Ang kaniyang sakdal na hain ay naglalaan ng tunay na kapatawaran ng mga kasalanan ng lahat na nagsasagawa ng pananampalataya. Nakasisiya rin ang mga komento ni Pablo na nagpapakitang ang Mataas na Saserdoteng ito ay ang walang-pagbabagong si Jesus na siya ring nakilala ng mga Kristiyano noon sa Jerusalem. Siya’y mapagpakumbaba, mabait, at isa na maaaring “makiramay sa ating mga kahinaan.” (Hebreo 4:15; 13:8) Ang mga pinahirang Kristiyanong iyon ay may pag-asang maglingkod bilang mga katulong na saserdote ni Kristo! Paano pa sila makaiisip na umurong tungo sa “mahihina at malapulubing” mga bagay ng tiwaling Judaismo?—Galacia 4:9.
12, 13. (a) Ano ang ibinigay ni Pablo na ikalawang dahilan ng di-pag-urong kailanman? (b) Bakit ang kanilang nakaraang rekord ng pagbabata ay nagpapatibay-loob sa mga Kristiyanong Hebreo na huwag kailanman umurong tungo sa pagkapuksa?
12 Sa wari’y hindi pa iyon sapat, ibinigay ni Pablo sa mga Hebreo ang ikalawang dahilan ng di-pag-urong kailanman tungo sa pagkapuksa—ang kanilang sariling ulat ng pagbabata. Isinulat niya: “Patuloy ninyong alalahanin ang mga araw noong una kung kailan, pagkatapos na kayo ay maliwanagan, kayo ay nagbata ng malaking pakikipaglaban sa ilalim ng mga pagdurusa.” Ipinaalaala sa kanila ni Pablo na sila’y ‘nakalantad na gaya ng nasa dulaan’ sa mga pagdusta at mga kapighatian. Ang ilan ay dumanas ng pagkabilanggo; ang iba naman ay nakiramay at sumuporta sa mga nakabilanggo. Oo, sila’y nagpakita ng ulirang pananampalataya at pagtitiyaga. (Hebreo 10:32-34) Subalit, bakit kaya sila hinilingan ni Pablo na ‘patuloy na alalahanin’ ang gayong masasakit na karanasan? Hindi ba iyon nakapanghihina ng loob?
13 Sa kabaligtaran, ‘ang pag-alaala sa mga araw noong una’ ay magpapagunita sa mga Hebreo kung paano sila inalalayan ni Jehova sa ilalim ng pagsubok. Sa tulong niya, napaglabanan nila ang marami sa mga pag-atake ni Satanas. Isinulat ni Pablo: “Ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 6:10) Oo, inalaala ni Jehova ang lahat ng kanilang tapat na mga gawa, anupat iniimbak ang mga iyon sa kaniyang walang-limitasyong memorya. Tayo’y pinaaalalahanan ng payo ni Jesus na mag-imbak ng mga kayamanan sa langit. Hindi mananakaw ang mga kayamanang ito ng sinumang magnanakaw; hindi mauubos ang mga ito ng tangà o kalawang. (Mateo 6:19-21) Sa katunayan, ang mga kayamanang ito ay masisira lamang kapag ang isang Kristiyano ay umurong tungo sa pagkapuksa. Sasayangin nito ang anumang kayamanang inimbak niya sa langit. Kay tindi nga ng dahilang ibinigay ni Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo upang huwag kailanman tahakin ang gayong landasin! Bakit sasayangin ang lahat ng taon ng kanilang tapat na paglilingkod? Makatuwiran lamang at makapupong mas mainam na patuluyang magbata.
Kung Bakit Hindi Tayo Dapat Umurong Kailanman Tungo sa Pagkapuksa
14. Anong mga hamon ang napapaharap sa atin na kagaya ng napaharap noon sa unang-siglong mga Kristiyano?
14 Ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay may gayunding katinding mga dahilan para huwag umurong. Una, alalahanin natin ang pagpapalang taglay natin dahil sa dalisay na anyo ng pagsamba na ibinigay sa atin ni Jehova. Gaya ng unang-siglong mga Kristiyano, nabubuhay tayo sa panahong ang mga miyembro ng mas popular na mga relihiyon ay kumukutya sa atin at lumilibak sa atin, na buong-kayabangang itinuturo ang kanilang mga kahanga-hangang gusaling panrelihiyon at ang katandaan ng kanilang mga tradisyon. Gayunman, tinitiyak sa atin ni Jehova na ang anyo ng ating pagsamba ang siyang sinasang-ayunan niya. Sa katunayan, nagtatamasa tayo ngayon ng mga pagpapalang hindi naranasan ng unang-siglong mga Kristiyano. Baka itanong mo, ‘Paano magkakagayon?’ Kung tutuusin, sila’y nabuhay noong pinaiiral ang espirituwal na templo. Si Kristo ang naging Mataas na Saserdote nito nang siya’y bautismuhan noong 29 C.E. Nakita ng ilan sa kanila ang mapaghimalang Anak ng Diyos. Maging pagkatapos ng kaniyang kamatayan, mayroon pa ring mga himala. Gayunman, gaya ng inihula, ang gayong mga kaloob ay inalis na nang bandang huli.—1 Corinto 13:8.
15. Ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay nabubuhay sa panahon ng katuparan ng anong hula, at ano ang kahulugan niyan para sa atin?
15 Gayunman, tayo’y nabubuhay sa panahon ng malaking katuparan ng malawak na hula tungkol sa templo sa Ezekiel kabanata 40-48.a Kaya naman, nakita natin ang pagsasauli sa kaayusan ng Diyos para sa dalisay na pagsamba. Ang espirituwal na templong iyan ay nilinis mula sa lahat ng anyo ng relihiyosong karumihan at idolatriya. (Ezekiel 43:9; Malakias 3:1-5) Isipin ang mga kapakinabangang ibinigay sa atin ng paglilinis na ito.
16. Anong nakapanghihinang-loob na kalakaran ang napaharap sa unang-siglong mga Kristiyano?
16 Noong unang siglo, naging madilim ang kinabukasan para sa organisadong kongregasyon ng mga Kristiyano. Inihula na ni Jesus na iyon ay magiging parang isang bagong tinamnang bukirin ng trigo na hinasikan naman ng panirang-damo, anupat talagang hindi makilala kung alin ang trigo at kung alin ang panirang-damo. (Mateo 13:24-30) At nagkagayon nga. Sa pagtatapos ng unang siglo, nang ang matanda nang si apostol Juan ang nagsisilbing kahuli-hulihang pamigil sa katiwalian, ang apostasya ay lumalaganap na. (2 Tesalonica 2:6; 1 Juan 2:18) Di pa natatagalan pagkamatay ng mga apostol, isang hiwalay na uring klero ang bumangon, na sumisiil sa kawan at nakadamit ng namumukod na kasuutan. Parang ganggrenang kumalat ang apostasya. Tunay na nakapanghihina ng loob para sa tapat na mga Kristiyano! Nakita nila na nadaig ng tiwaling anyo ang bagong tatag na kaayusan sa dalisay na pagsamba. Ito’y naganap nang wala pang isang siglo matapos itatag ni Kristo ang kongregasyon.
17. Sa anong diwa mas tumagal ang modernong-panahong kongregasyon ng mga Kristiyano kaysa sa unang-siglong katumbas nito?
17 Tingnan naman natin ngayon ang pagkakaiba. Sa ngayon, ang dalisay na pagsamba ay mas tumagal kaysa sa yugto na umabot hanggang sa kamatayan ng mga apostol. Mula nang ilathala ang unang isyu ng babasahing ito noong 1879, pinagpala na tayo ni Jehova sa pamamagitan ng patuloy na pagdalisay sa pagsamba. Si Jehova at si Kristo Jesus ay pumasok sa espirituwal na templo noong 1918 sa layuning linisin iyon. (Malakias 3:1-5) Sapol noong 1919, ang kaayusan sa pagsamba sa Diyos na Jehova ay patuloy na dinadalisay. Lalong lumiwanag ang ating pagkaunawa sa mga hula at simulain sa Bibliya. (Kawikaan 4:18) Kanino pumupunta ang karangalan? Hindi sa hamak na mga taong di-sakdal. Tanging si Jehova lamang, kasama ng kaniyang Anak bilang Ulo ng kongregasyon, ang makapagsasanggalang sa Kaniyang bayan mula sa katiwalian sa tiwaling panahong ito. Kung gayon ay huwag sana nating kalilimutang pasalamatan si Jehova sa pagpapahintulot sa atin na makibahagi sa dalisay na pagsamba sa ngayon. At sana’y maging matatag ang ating pasiya na huwag kailanman umurong tungo sa pagkapuksa!
18. Anong dahilan ang taglay natin upang huwag kailanman umurong tungo sa pagkapuksa?
18 Gaya ng mga Kristiyanong Hebreo noon, taglay natin ang ikalawang dahilan upang tanggihan ang duwag at paurong na landasin—ang ating sariling rekord ng pagbabata. Kung tayo man ay sa mga taóng ito pa lamang naglilingkod kay Jehova o kaya’y buong-katapatan na nating ginagawa ito sa loob ng mga dekada, tayo’y nakalikha na ng isang rekord ng mga Kristiyanong gawa. Marami sa atin ang dumanas na ng pag-uusig, ito man ay pagkabilanggo, pagbabawal, kalupitan, o pagkawala ng tinatangkilik. Marami pa ang napaharap sa pagsalansang ng pamilya, panlilibak, panunuya, at pagwawalang-bahala. Tayong lahat ay nakapagbata na, anupat nagpapatuloy sa ating tapat na paglilingkod kay Jehova sa kabila ng mga hamon at pagsubok sa buhay. Sa paggawa nito, tayo’y nakagawa na ng isang rekord ng pagtitiyaga na hindi kalilimutan ni Jehova, isang imbakan ng kayamanan sa langit. Kung gayon, tiyak na hindi na ito panahon upang umurong pabalik sa tiwaling matandang sistema na iniwan na natin! Bakit natin sasayangin ang lahat ng ating pagpapagal? Lalo nang totoo ito sa ngayon, na “kaunting-kaunting panahon” na lamang ang natitira bago ang kawakasan.—Hebreo 10:37.
19. Ano ang tatalakayin sa susunod nating artikulo?
19 Oo, ipasiya nating “hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa”! Kundi, tayo sana “ang uri na may pananampalataya.” (Hebreo 10:39) Paano natin matitiyak na nababagay tayo sa paglalarawang iyan, at paano natin matutulungan ang mga kapuwa Kristiyano na gayundin ang gawin? Isasaalang-alang sa susunod nating artikulo ang bagay na ito.
-
-
Tayo’y Maging ang Uri na May PananampalatayaAng Bantayan—1999 | Disyembre 15
-
-
Tayo’y Maging ang Uri na May Pananampalataya
“Tayo . . . ang uri na may pananampalataya tungo sa pag-iingat na buháy ng kaluluwa.”—HEBREO 10:39.
1. Bakit masasabing napakahalaga ng pananampalataya ng bawat isang tapat na lingkod ni Jehova?
SA SUSUNOD na pagpunta mo sa isang Kingdom Hall na punô ng mga mananamba ni Jehova, huminto ka at tingnan ang mga nasa paligid mo. Pag-isipan mo ang maraming paraan ng pagpapakita nila ng pananampalataya. Maaaring makakita ka ng mga tumanda na sa paglilingkod sa Diyos sa loob ng mga dekada, mga kabataang araw-araw ay nakikipagpunyagi sa panggigipit ng mga kasama, at mga magulang na nagsisikap na makapagpalaki ng mga anak na may takot sa Diyos. Naririyan ang matatanda sa kongregasyon at mga ministeryal na lingkod na nagsasabalikat ng maraming pananagutan. Oo, makakakita ka ng espirituwal na mga kapatid sa iba’t ibang edad na pinagtatagumpayan ang lahat ng uri ng hadlang upang mapaglingkuran si Jehova. Tunay na napakahalaga ng pananampalataya ng bawat isa!—1 Pedro 1:7.
2. Bakit kapaki-pakinabang para sa atin sa ngayon ang payo ni Pablo sa Hebreo kabanata 10 at 11?
2 Iilang di-sakdal na tao, kung mayroon man, ang nakauunawa sa kahalagahan ng pananampalataya na higit sa pagkaunawa ni apostol Pablo. Sa katunayan, sinabi niya na ang tunay na pananampalataya ay umaakay sa “pag-iingat na buháy ng kaluluwa.” (Hebreo 10:39) Gayunman, alam ni Pablo na ang pananampalataya ay posibleng tuligsain at pahinain sa walang-pananampalatayang daigdig na ito. Gayon na lamang ang kaniyang pagkabahala sa mga Kristiyanong Hebreo sa Jerusalem at Judea, na nagpupunyagi upang maingatan ang kanilang pananampalataya. Habang sinusuri natin ang mga bahagi ng Hebreo kabanata 10 at 11, pansinin natin ang mga pamamaraang ginamit ni Pablo upang patibayin ang kanilang pananampalataya. Sa paggawa nito, makikita natin kung paano higit pang mapalalakas ang pananampalataya natin at niyaong mga nasa palibot natin.
Magpahayag ng Pagtitiwala sa Isa’t Isa
3. Paano ipinakikita ng mga salita ni Pablo na masusumpungan sa Hebreo 10:39 na siya’y may tiwala sa kaniyang mga kapatid sa pananampalataya?
3 Ang unang bagay na mapapansin natin ay ang positibong saloobin ni Pablo sa kaniyang mga mambabasa. Sumulat siya: “Ngayon hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa, kundi ang uri na may pananampalataya tungo sa pag-iingat na buháy ng kaluluwa.” (Hebreo 10:39) Ang nasa isip ni Pablo ay ang pinakamabuti, hindi ang pinakamasama, hinggil sa kaniyang tapat na mga kasamahang Kristiyano. Pansinin din na ginamit niya ang salitang “tayo.” Si Pablo ay isang matuwid na tao. Gayunman, hindi niya minaliit ang kaniyang mga mambabasa, na para bang siya’y nasa isang matayog na antas ng pagkamatuwid na lubhang nakatataas kaysa sa kanila. (Ihambing ang Eclesiastes 7:16.) Sa halip, ibinilang niya ang kaniyang sarili sa kanila. Ipinahayag niya ang kaniyang taimtim na pagtitiwala na siya at ang kaniyang tapat na Kristiyanong mga mambabasa ay pawang makahaharap sa nakatatakot na mga hadlang na nagbabanta sa kanila, na sila’y buong-tapang na tatangging umurong tungo sa pagkapuksa, at na patutunayan nilang sila ang uri na may pananampalataya.
4. Ano ang mga dahilan ng pagtitiwala ni Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya?
4 Paano nagkaroon si Pablo ng gayong pagtitiwala? Hindi ba niya nakikita ang mga pagkakamali ng mga Kristiyanong Hebreo? Sa kabaligtaran, binigyan niya sila ng espesipikong payo upang matulungan silang mapaglabanan ang kanilang espirituwal na mga pagkukulang. (Hebreo 3:12; 5:12-14; 6:4-6; 10:26, 27; 12:5) Magkagayunman, taglay ni Pablo sa paanuman ang dalawang dahilan ng pagtitiwala sa kaniyang mga kapatid. (1) Bilang tagatulad ni Jehova, sinikap ni Pablo na malasin ang bayan ng Diyos ayon sa pangmalas ni Jehova sa kanila. Hindi lamang iyon tungkol sa kanilang mga pagkakamali kundi tungkol din naman sa kanilang mabubuting katangian at sa kanilang potensiyal na piliin ang paggawa ng mabuti sa hinaharap. (Awit 130:3; Efeso 5:1) (2) Si Pablo ay may lubusang pananampalataya sa kapangyarihan ng banal na espiritu. Batid niya na walang balakid, walang kahinaan ng tao, ang makapipigil kay Jehova sa pagbibigay ng “lakas na higit sa karaniwan” sa sinumang Kristiyanong nagsisikap na maglingkod sa Kaniya nang buong tapang. (2 Corinto 4:7; Filipos 4:13) Kaya ang pagtitiwala ni Pablo sa kaniyang mga kapatid ay hindi masasabing wala sa lugar, di-makatotohanan, o kaya’y nabubulagang pagkapositibo. Ito’y may matatag na saligan at maka-Kasulatang batayan.
5. Paano natin matutularan ang pagtitiwala ni Pablo, at ano ang malamang na maging resulta nito?
5 Tiyak na nakaiigaya ang pagtitiwalang ipinamalas ni Pablo. Napakalaking bagay nito para sa mga kongregasyon sa Jerusalem at Judea na nagsalita si Pablo sa kanila sa paraang lubos na nakapagpapatibay. Sa harap ng nakapanghihinang panlilibak at palalong pagwawalang-bahala ng mga Judiong sumasalansang sa kanila, ang mga Kristiyanong Hebreo ay natulungan ng gayong mga pangungusap na pagtibayin sa kanilang puso na maging ang uri na may pananampalataya. Magagawa rin ba natin ito ngayon sa isa’t isa? Napakadali nga na ang makita lamang sa iba ay ang mahabang listahan ng mga pagkakamali at kakaibang personalidad. (Mateo 7:1-5) Magkagayunman, higit pa nating matutulungan ang isa’t isa kung papansinin natin at pahahalagahan ang pambihirang pananampalatayang taglay ng bawat isa. Dahil sa gayong pampatibay-loob, mas malamang na lumago ang pananampalataya.—Roma 1:11, 12.
Naaangkop na Paggamit ng Salita ng Diyos
6. Mula saan sumipi si Pablo nang isulat niya ang pananalitang nakaulat sa Hebreo 10:38?
6 Pinatibay rin ni Pablo ang pananampalataya ng kaniyang mga kapananampalataya sa pamamagitan ng kaniyang mahusay na paggamit ng Kasulatan. Halimbawa, isinulat niya: “ ‘Ngunit ang aking matuwid na isa ay mabubuhay dahil sa pananampalataya,’ at, ‘kung siya ay umurong, ang aking kaluluwa ay walang kaluguran sa kaniya.’ ” (Hebreo 10:38) Sinisipi rito ni Pablo si propeta Habakuk.a Ang mga salitang ito ay malamang na pamilyar sa mga mambabasa ni Pablo, ang mga Kristiyanong Hebreo na ganap na nakaaalam ng makahulang mga aklat. Kung isasaalang-alang ang kaniyang tunguhin—ang palakasin ang pananampalataya ng mga Kristiyano sa loob at karatig ng Jerusalem noong mga taóng 61 C.E.—tumpak lamang ang pagkakapili sa halimbawa ni Habakuk. Bakit?
7. Kailan iniulat ni Habakuk ang kaniyang hula, at ano ang mga kalagayan noon sa Juda?
7 Maliwanag na isinulat ni Habakuk ang kaniyang aklat mahigit-higit lamang sa dalawang dekada bago ang pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E. Sa pangitain, nakita ng propeta ang mga Caldeo (o, mga taga-Babilonya), isang “bansa na mapait at mapusok,” na sinusuyod ang Juda at winawasak ang Jerusalem, anupat sa paggawa nito ay kinukubkob ang mga bayan at mga bansa. (Habakuk 1:5-11) Ngunit ang kalamidad na iyan ay inihula na mula pa noong panahon ni Isaias, mahigit na isang siglo ang kaagahan. Noong panahon ni Habakuk, pinalitan ni Jehoiakim ang mabuting si Haring Josias, at muli na namang namayani ang kabalakyutan sa Juda. Inusig at pinaslang pa man din ni Jehoiakim ang mga nagsasalita sa pangalan ni Jehova. (2 Cronica 36:5; Jeremias 22:17; 26:20-24) Hindi nga nakapagtataka na mapabulalas ang nagdadalamhating si propeta Habakuk: “O Jehova, hanggang kailan?”—Habakuk 1:2.
8. Bakit ang halimbawa ni Habakuk ay naging tulong sa mga Kristiyano noong unang siglo at sa kasalukuyan?
8 Hindi alam ni Habakuk kung gaano na kalapit ang pagkawasak ng Jerusalem. Sa katulad na paraan, hindi rin alam ng mga Kristiyano noong unang siglo kung kailan magwawakas ang Judiong sistema ng mga bagay. Hindi rin naman natin alam ngayon ang “araw at oras” ng pagdating ng kahatulan ni Jehova laban sa balakyot na sistemang ito. (Mateo 24:36) Pansinin natin kung gayon ang dalawang sagot ni Jehova kay Habakuk. Una, tiniyak niya sa propeta na ang wakas ay darating sa takdang panahon. “Hindi iyon maaantala,” sabi ng Diyos, bagaman ito’y waring naaatraso, ayon sa akala ng tao. (Habakuk 2:3) Ikalawa, ipinagunita ni Jehova kay Habakuk: “Kung tungkol sa matuwid, sa pamamagitan ng kaniyang katapatan ay mananatili siyang buháy.” (Habakuk 2:4) Kay ganda at napakasimpleng mga katotohanan! Ang mahalaga ay, hindi kung kailan darating ang wakas, kundi kung patuloy tayong namumuhay nang may pananampalataya.
9. Paano nanatiling buháy ang masunuring mga lingkod ni Jehova dahil sa kanilang katapatan (a) noong 607 B.C.E.? (b) pagkatapos ng 66 C.E.? (c) Bakit napakahalagang palakasin natin ang ating pananampalataya?
9 Nang dambungin ang Jerusalem noong 607 B.C.E., nakita ni Jeremias, ng kaniyang kalihim na si Baruc, ni Ebed-melec, at ng matatapat na Rechabita ang katotohanan ng pangako ni Jehova kay Habakuk. Sila’y ‘nanatiling buháy’ nang makatakas sila sa kahindik-hindik na pagkawasak ng Jerusalem. Bakit? Ginantimpalaan ni Jehova ang kanilang katapatan. (Jeremias 35:1-19; 39:15-18; 43:4-7; 45:1-5) Sa katulad na paraan, tiyak na naging mahusay ang pagtugon ng mga Kristiyanong Hebreo noong unang siglo sa payo ni Pablo, sapagkat nang sumalakay ang mga hukbong Romano sa Jerusalem noong 66 C.E. at pagkatapos ay umurong sa di-maipaliwanag na dahilan, may-katapatang pinakinggan ng mga Kristiyanong iyon ang babala ni Jesus na tumakas. (Lucas 21:20, 21) Sila’y nanatiling buháy dahil sa kanilang katapatan. Gayundin naman, mananatili tayong buháy kung tayo’y masusumpungang tapat pagdating ng kawakasan. Isa ngang mahalagang dahilan para palakasin ang ating pananampalataya sa ngayon!
Pagbuhay sa mga Halimbawa ng Pananampalataya
10. Paano inilarawan ni Pablo ang pananampalataya ni Moises, at paano natin matutularan si Moises sa bagay na ito?
10 Pinatibay rin ni Pablo ang pananampalataya sa pamamagitan ng mabisang paggamit ng mga halimbawa. Habang binabasa mo ang Hebreo kabanata 11, pansinin kung paano niya binuhay ang mga halimbawa ng mga tauhan sa Bibliya. Halimbawa, sinabi niya na si Moises ay “nagpatuloy [na] matatag na gaya ng nakakakita sa Isa na di-nakikita.” (Hebreo 11:27) Sa ibang pananalita, si Jehova ay totoong-totoo kay Moises anupat parang nakikita niya ang di-nakikitang Diyos. Ganito rin kaya tayo? Madaling pag-usapan ang tungkol sa pakikipag-ugnayan kay Jehova, ngunit kailangan ang pagsisikap upang mapatibay at mapalakas ang ugnayang iyan. Iyan ang pagsisikap na dapat nating gawin! Totoong-totoo ba si Jehova para sa atin anupat isinasaalang-alang natin siya kapag tayo’y nagpapasiya, lakip na yaong sa wari’y di-gaanong mahalaga? Ang ganiyang uri ng pananampalataya ay tutulong sa atin na mabata maging ang pinakamatinding pagsalansang.
11, 12. (a) Sa anong mga kalagayan maaaring nasubok ang pananampalataya ni Enoc? (b) Anong nakapagpapatibay na gantimpala ang tinanggap ni Enoc?
11 Isaalang-alang din ang pananampalataya ni Enoc. Mahirap para sa atin na gunigunihin ang pagsalansang na napaharap sa kaniya. Kailangang ipahayag ni Enoc ang isang masakit na mensahe ng kahatulan laban sa balakyot na mga taong nabubuhay noon. (Judas 14, 15) Maliwanag na napakabangis at napakarahas ng bantang pag-uusig sa tapat na lalaking ito, anupat “inilipat siya” ni Jehova, na dinala siya mula sa kalagayang buháy tungo sa kalagayang natutulog sa kamatayan bago siya masukol ng mga kaaway. Kaya hindi nakita ni Enoc ang katuparan ng hulang binigkas niya. Gayunman, tumanggap siya ng kaloob na, sa ilang paraan, ay mas maigi pa.—Hebreo 11:5; Genesis 5:22-24.
12 Nagpaliwanag si Pablo: “Bago pa ang pagkakalipat sa kaniya ay nagkaroon [si Enoc] ng patotoo na napalugdan niya nang mainam ang Diyos.” (Hebreo 11:5) Ano ang ibig sabihin nito? Bago siya matulog sa kamatayan, maaaring si Enoc ay nagkaroon ng isang uri ng pangitain, marahil ng makalupang Paraiso na doon ay magigising siya balang araw. Sa paanuman, ipinaalam ni Jehova kay Enoc na Siya ay lugod na lugod sa tapat nitong landasin. Pinasaya ni Enoc ang puso ni Jehova. (Ihambing ang Kawikaan 27:11.) Nakababagbag ng damdamin ang paggunita sa naging buhay ni Enoc, hindi ba? Gusto mo bang mamuhay nang may gayong pananampalataya? Kung gayon ay pag-isipan mong mabuti ang gayong mga halimbawa; malasin mo sila bilang tunay na mga tao. Maging determinado na mabuhay ayon sa pananampalataya, araw-araw. Alalahanin din na ang uri na may pananampalataya ay hindi naglilingkod kay Jehova batay sa isang petsa o sa takdang-araw ng pagtupad ng Diyos sa lahat ng kaniyang mga pangako. Sa halip, tayo’y desidido na maglingkod kay Jehova magpakailanman! Ang paggawa nito ay nangangahulugan ng pinakamainam na paraan ng pamumuhay sa sistemang ito ng mga bagay at sa kasunod nito.
Kung Paano Lalong Lalakas sa Pananampalataya
13, 14. (a) Paano makatutulong sa atin ang mga salita ni Pablo na nakaulat sa Hebreo 10:24, 25 na gawing masasayang okasyon ang ating mga pulong? (b) Ano ang pangunahing dahilan ng mga pulong Kristiyano?
13 Si Pablo ay nagpakita sa mga Kristiyanong Hebreo ng maraming praktikal na pamamaraan upang mapalakas ang kanilang pananampalataya. Tingnan lamang natin ang dalawa sa mga ito. Malamang na pamilyar tayo sa kaniyang payo sa Hebreo 10:24, 25, na humihimok sa atin na regular na makipagtipon sa ating mga pulong Kristiyano. Gayunman, tandaan natin na ang kinasihang mga salita ni Pablo roon ay hindi nagpapahiwatig na tayo’y magiging basta walang-kibong tagapagmasid lamang sa gayong mga pulong. Sa halip, inilarawan ni Pablo ang mga pulong bilang mga pagkakataon na magkakilala ang isa’t isa, na mapakilos ang isa’t isa na lubusang maglingkod sa Diyos, at magpatibayan sa isa’t isa. Tayo’y naroroon upang magbigay, hindi upang tumanggap lamang. Makatutulong iyan upang maging masasayang okasyon ang ating mga pulong.—Gawa 20:35.
14 Gayunman, tayo’y pangunahin nang dumadalo sa mga pulong Kristiyano upang sambahin ang Diyos na Jehova. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pakikisama sa panalangin at pag-awit, sa matamang pakikinig, at sa paghahandog ng mga “bunga ng mga labi”—mga kapahayagan ng papuri kay Jehova sa ating mga komento at mga bahagi sa pulong. (Hebreo 13:15) Kung tatandaan natin ang mga tunguhing iyon at isasagawa ang mga iyon sa bawat pulong, walang-pagsalang mapatitibay ang ating pananampalataya sa bawat pagkakataon.
15. Bakit hinimok ni Pablo ang mga Kristiyanong Hebreo na manghawakang mahigpit sa kanilang ministeryo, at bakit angkop pa rin ngayon ang payong iyon?
15 Ang isa pang paraan ng pagpapatibay ng pananampalataya ay ang gawaing pangangaral. Sumulat si Pablo: “Panghawakan nating mahigpit ang pangmadlang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-uurung-sulong, sapagkat siya na nangako ay tapat.” (Hebreo 10:23) Maaari mong mahimok ang iba na manghawakang mahigpit kapag sa wari’y nanganganib na silang makabitiw. Tiyak na ginipit noon ni Satanas ang mga Kristiyanong Hebreong iyon na bitiwan na ang kanilang ministeryo, at ginigipit din niya ngayon ang bayan ng Diyos. Sa harap ng gayong panggigipit, ano ang dapat nating gawin? Tingnan natin ang ginawa ni Pablo.
16, 17. (a) Paano tumapang si Pablo sa ministeryo? (b) Anong mga hakbang ang dapat nating gawin kung tayo’y natatakot dahil sa ilang aspekto ng ating ministeryong Kristiyano?
16 Sa mga Kristiyanong nasa Tesalonica, sumulat si Pablo: “Pagkatapos na kami ay maghirap muna at mapakitunguhan nang walang-pakundangan (gaya ng nalalaman ninyo) sa Filipos, kami ay nag-ipon ng katapangan sa pamamagitan ng ating Diyos upang salitain sa inyo ang mabuting balita ng Diyos nang may labis na pakikipagpunyagi.” (1 Tesalonica 2:2) Paanong si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay ‘pinakitunguhan nang walang-pakundangan’ sa Filipos? Ayon sa ilang iskolar, ang salitang Griego na ginamit ni Pablo ay nagpapahayag ng mapandusta, mapanirang-puri, o marahas na pakikitungo. Hinampas sila ng mga pamalo ng mga awtoridad sa Filipos, itinapon sila sa bilangguan, at inipit sila sa mga pangawan. (Gawa 16:16-24) Ano ang naging epekto kay Pablo ng masakit na karanasang ito? Nasumpungan ba niyaong mga nasa sumunod na lunsod ng paglibot niya bilang misyonero, ang Tesalonica, na umuurong si Pablo dahil sa takot? Hindi, siya’y “nag-ipon ng katapangan.” Nadaig niya ang takot at patuloy na nangaral nang buong-tapang.
17 Saan galing ang katapangan ni Pablo? Sa kaniyang kalooban? Hindi, sinabi niyang siya’y nag-ipon ng katapangan “sa pamamagitan ng ating Diyos.” Isang reperensiyang akda para sa mga tagapagsalin ng Bibliya ang nagsasabi na ang pangungusap na ito’y maaaring isaling “inalis ng Diyos ang takot sa aming mga puso.” Kaya kung inaakala mong hindi ka ganoon katapang sa iyong ministeryo, o kaya’y may ilang partikular na aspekto rito na sa wari’y ikinatatakot mo, bakit hindi makiusap kay Jehova na gayundin ang gawin sa iyo? Hilingin mo sa kaniya na alisin ang takot sa iyong puso. Hilingin mo sa kaniya na tulungan kang makapagtipon ng katapangan para sa gawain. Karagdagan pa, gumawa ng ilang iba pang praktikal na hakbang. Halimbawa, magsaayos na gumawang kasama ng isa na bihasa sa anyo ng pagpapatotoo na ikinababahala mo. Maaaring iyon ay tungkol sa teritoryo ng negosyo, pagpapatotoo sa lansangan, di-pormal na pangangaral, o pagpapatotoo sa telepono. Marahil ay nanaisin ng iyong kapareha na siya muna ang magsimula. Kung gayon, manood ka at matuto. Pero pagkatapos niyaon, magtipon ka ng katapangan upang masubukan ito.
18. Anong mga pagpapala ang maaari nating tamasahin kung mag-iipon tayo ng katapangan sa ating ministeryo?
18 Kung talagang magtitipon ka ng katapangan, isip-isipin mo ang maaaring ibunga nito. Kung ikaw ay magtitiyaga at hindi masisiraan ng loob, malamang na magkakaroon ka ng magagandang karanasan sa pamamahagi ng katotohanan, mga karanasan na maaaring hindi mo sana natamasa. (Tingnan ang pahina 25.) Masisiyahan ka sa pagkabatid na napaluguran mo si Jehova sa paggawa ng isang bagay na mahirap para sa iyo. Matatamasa mo ang kaniyang pagpapala at tulong upang mapaglabanan ang iyong takot. Mas lalakas ang iyong pananampalataya. Ang totoo, hindi mo mapatitibay ang pananampalataya ng iba kung hindi mo rin patitibayin ang iyong pananampalataya.—Judas 20, 21.
19. Anong napakahalagang gantimpala ang nakalaan para sa “uri na may pananampalataya”?
19 Patuloy mo sanang palakasin ang iyong pananampalataya at ang pananampalataya niyaong mga nakapalibot sa iyo. Magagawa mo ito kung mapatitibay mo ang iyong sarili at ang iba sa pamamagitan ng bihasang paggamit ng Salita ng Diyos, pag-aaral sa mga halimbawa ng pananampalataya sa Bibliya at pagbuhay sa mga ito, paghahanda at pakikibahagi sa mga pulong Kristiyano, at panghahawakang mahigpit sa napakahalagang pribilehiyo ng ministeryo sa madla. Sa paggawa mo ng mga bagay na ito, matitiyak mong ikaw ay tunay na isa sa “uri na may pananampalataya.” Tandaan din na ang mga ganitong uri ay may napakahalagang gantimpala. Sila’y “mga uri na may pananampalataya tungo sa pag-iingat na buháy ng kaluluwa.”b Sana’y patuloy na lumaki ang iyong pananampalataya, at sana’y ingatan kang buháy magpakailanman ng Diyos na Jehova!
[Mga talababa]
a Sinipi ni Pablo ang salin ng Septuagint sa Habakuk 2:4, na doo’y kalakip ang pariralang “kung ang sinuman ay umurong, ang aking kaluluwa ay walang kaluguran sa kaniya.” Ang pananalitang ito ay wala sa anumang umiiral na manuskritong Hebreo. Ipinahiwatig ng ilan na ang Septuagint ay ibinatay sa naunang mga manuskritong Hebreo na hindi na umiiral. Anuman ang pangyayari, inilakip ito rito ni Pablo sa ilalim ng impluwensiya ng banal na espiritu ng Diyos. Kung gayon ay awtorisado ito ng Diyos.
b Ang magiging taunang teksto ng mga Saksi ni Jehova para sa taóng 2000 ay: “Hindi tayo ang uri na umuurong . . . kundi ang uri na may pananampalataya.”—Hebreo 10:39.
-