-
Enoc—Walang Takot sa Kabila ng LahatAng Bantayan—1997 | Enero 15
-
-
Kinuha ng Diyos si Enoc—Paano?
Hindi pinahintulutan ni Jehova si Satanas o ang kaniyang makalupang mga lingkod na patayin si Enoc. Sa halip, sinasabi ng kinasihang ulat: “Kinuha siya ng Diyos.” (Genesis 5:24) Ganito ang paglalarawan ni apostol Pablo sa mga bagay-bagay: “Sa pananampalataya si Enoc ay inilipat upang hindi makakita ng kamatayan, at hindi siya masumpungan saanman sapagkat inilipat siya ng Diyos; sapagkat bago pa ang pagkakalipat sa kaniya ay nagkaroon siya ng patotoo na napalugdan niya nang mainam ang Diyos.”—Hebreo 11:5.
Paano “inilipat [si Enoc] upang hindi makakita ng kamatayan”? O gaya sa salin ni R. A. Knox, paano “kinuha [si Enoc] nang hindi dumanas ng kamatayan”? Mapayapang tinapos ng Diyos ang buhay ni Enoc, anupat hindi ipinaranas sa kaniya ang hapdi ng kamatayan na bunga ng sakit o ng karahasan sa kamay ng kaniyang mga kaaway. Oo, pinaikli ni Jehova ang buhay ni Enoc sa gulang na 365—talagang bata pa kung ihahambing sa kaniyang mga kapanahon.
Paano nagkaroon ng “patotoo [si Enoc] na napalugdan niya nang mainam ang Diyos”? Anong katibayan mayroon siya? Malamang, pinangyari ng Diyos na mawalan ng diwa si Enoc, kung paanong si apostol Pablo ay “inagaw,” o inilipat, anupat maliwanag na tumanggap ng pangitain tungkol sa panghinaharap na espirituwal na paraiso ng Kristiyanong kongregasyon. (2 Corinto 12:3, 4) Marahil ang patotoo, o katibayan, na nakalulugod si Enoc sa Diyos ay may kaugnayan sa isang pangitain tungkol sa makalupang Paraiso sa hinaharap na doon ang lahat niyaong nabubuhay ay magtataguyod ng soberanya ng Diyos. Marahil samantalang may gayong napakasayang pangitain si Enoc ay saka pinangyari ng Diyos na mamatay siya nang walang kahirap-hirap upang matulog hanggang sa araw ng kaniyang pagkabuhay-muli. Lumilitaw na, gaya sa kaso ni Moises, inilibing ni Jehova ang katawan ni Enoc, sapagkat “hindi siya masumpungan saanman.”—Hebreo 11:5; Deuteronomio 34:5, 6; Judas 9.
-
-
Enoc—Walang Takot sa Kabila ng LahatAng Bantayan—1997 | Enero 15
-
-
Nagtungo Ba Si Enoc Sa Langit?
“Sa pananampalataya si Enoc ay inilipat upang hindi makakita ng kamatayan.” Sa kanilang pagkasalin sa bahaging ito ng Hebreo 11:5, ipinakikita ng ilang salin ng Bibliya na si Enoc ay hindi talaga namatay. Halimbawa, ganito ang sinasabi ng A New Translation of the Bible ni James Moffatt: “Sa pananampalataya si Enoc ay dinala sa langit anupat hindi siya namatay kailanman.”
Gayunman, mga 3,000 taon pagkaraan ng panahon ni Enoc, sinabi ni Jesu-Kristo: “Walang tao na umakyat sa langit kundi siya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng tao.” (Juan 3:13) Ang The New English Bible ay kababasahan ng ganito: “Walang sinuman na umakyat sa langit maliban sa isa na bumabang galing sa langit, ang Anak ng Tao.” Nang sabihin ito ni Jesus, siya man ay hindi pa umakyat sa langit.—Ihambing ang Lucas 7:28.
Sinabi ni apostol Pablo na si Enoc at ang iba pang bumubuo sa malaking ulap ng mga saksi noong bago ang panahong Kristiyano ay ‘namatay lahat’ at ‘hindi nakamtan ang katuparan ng mga pangako.’ (Hebreo 11:13, 39) Bakit? Sapagkat lahat ng tao, kasali na si Enoc, ay nagmana ng kasalanan buhat kay Adan. (Awit 51:5; Roma 5:12) Ang tanging paraan ng kaligtasan ay sa pamamagitan ng haing pantubos ni Kristo Jesus. (Gawa 4:12; 1 Juan 2:1, 2) Hindi pa naibabayad ang pantubos na iyan noong panahon ni Enoc. Kaya naman, si Enoc ay hindi nagtungo sa langit, subalit siya’y natutulog sa kamatayan anupat naghihintay ng pagkabuhay-muli sa lupa.—Juan 5:28, 29.
-