-
Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Sex?Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
-
-
ARALIN 41
Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Sex?
Naiilang ang maraming tao na pag-usapan ang tungkol sa sex. Pero kapag tinatalakay ng Bibliya ang sex, prangka ito at deretso sa punto, pero may dignidad. Ang totoo, makakatulong sa atin ang sinasabi ng Bibliya. At tama naman, kasi si Jehova ang lumalang sa atin kaya alam niya ang pinakamabuti para sa atin. Sinasabi niya ang mga dapat nating gawin para mapasaya siya at ang makakatulong sa atin para mabuhay magpakailanman.
1. Ano ang pananaw ni Jehova sa sex?
Ang sex ay regalo ni Jehova. Iniregalo niya ito para masiyahan ang mag-asawang lalaki at babae. Dahil sa regalong ito, puwede silang magkaanak at maipapadama nila na mahal nila ang isa’t isa. Nagbibigay rin ito ng kaligayahan sa kanila. Kaya sinasabi ng Salita ng Diyos: “Masiyahan ka nawa sa iyong asawa mula pa noong kabataan mo.” (Kawikaan 5:18, 19) Inaasahan ni Jehova na magiging tapat sa isa’t isa ang mga Kristiyanong mag-asawa, at ayaw niya na mangalunya sila.—Basahin ang Hebreo 13:4.
2. Ano ang seksuwal na imoralidad?
Sinasabi ng Bibliya na “hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos . . . ang mga imoral.” (1 Corinto 6:9, 10) Ginamit ng mga manunulat ng Bibliya ang salitang Griego na por·neiʹa para tumukoy sa seksuwal na imoralidad. Kasama rito ang (1) seksuwal na ugnayana ng hindi mag-asawa, (2) homoseksuwalidad, at (3) bestiyalidad. Mapapasaya natin si Jehova at makikinabang tayo kapag “umiwas [tayo] sa seksuwal na imoralidad.”—1 Tesalonica 4:3.
PAG-ARALAN
Alamin kung paano iiwasan ang seksuwal na imoralidad at kung paano tayo makikinabang kapag malinis tayo sa moral.
3. Tumakas mula sa seksuwal na imoralidad
Sinikap ng tapat na lalaking si Jose na manatiling malinis sa moral. Basahin ang Genesis 39:1-12. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit tumakas mula sa imoralidad si Jose?—Tingnan ang talata 9.
Sa tingin mo, tama kaya ang ginawa ni Jose? Bakit?
Paano matutularan ng mga kabataan sa ngayon ang ginawa ni Jose? Panoorin ang VIDEO.
Gusto ni Jehova na tanggihan natin ang imoralidad. Basahin ang 1 Corinto 6:18. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Anong mga sitwasyon ang puwedeng mauwi sa seksuwal na imoralidad?
Paano ka tatakas mula sa seksuwal na imoralidad?
4. Kaya mong labanan ang tukso
Bakit mahirap kung minsan na labanan ang tuksong gumawa ng seksuwal na imoralidad? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Nang mapansin ng brother na ang iniisip at ginagawa niya ay puwedeng mauwi sa pagtataksil sa asawa niya, ano ang ginawa niya?
Kahit ang isang tapat na Kristiyano ay puwedeng mahirapan na magkaroon ng malinis na kaisipan. Paano mo maiiwasang patuloy na mag-isip ng imoral na mga bagay? Basahin ang Filipos 4:8. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Anong mga bagay ang dapat nating pag-isipan?
Paano makakatulong ang pagbabasa ng Bibliya at pagiging abala sa paglilingkod kay Jehova para maiwasan ang tuksong magkasala?
5. Matutulungan tayo ng mga pamantayan ni Jehova
Alam ni Jehova ang pinakamaganda para sa atin. Sinasabi niya ang mga dapat nating gawin para manatili tayong malinis sa moral pati na ang mga pakinabang nito. Basahin ang Kawikaan 7:7-27 o panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Paano pumasok sa isang nakakatuksong sitwasyon ang isang kabataang lalaki?—Tingnan ang Kawikaan 7:8, 9.
Ayon sa Kawikaan 7:23, 26, ang seksuwal na imoralidad ay nagiging dahilan ng malalaking problema. Kung mananatili tayong malinis sa moral, anong mga problema ang maiiwasan natin?
Paano tayo matutulungan ng pagiging malinis sa moral na mabuhay magpakailanman?
Iniisip ng ilang tao na ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa homoseksuwalidad ay hindi pagpapakita ng pag-ibig. Pero si Jehova ay Diyos ng pag-ibig, at gusto niya na mabuhay tayong lahat magpakailanman. Para mangyari iyan, kailangan nating sundin ang mga pamantayan niya. Basahin ang 1 Corinto 6:9-11. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ang homoseksuwal na pagnanasa lang ba ang mali sa pananaw ng Diyos?
Para mapasaya ang Diyos, kailangan nating gumawa ng mga pagbabago. Sulit ba ito? Basahin ang Awit 19:8, 11. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Sa tingin mo, makatuwiran ba ang mga pamantayan ni Jehova sa moral? Bakit?
Tinulungan ni Jehova ang maraming tao na magbago at sundin ang mga pamantayan niya sa moral. Matutulungan ka rin niya
MAY NAGSASABI: “Okey lang mag-sex basta mahal ninyo ang isa’t isa.”
Paano mo ito sasagutin?
SUMARYO
Ang sex ay regalo ni Jehova para maging masaya ang isang mag-asawa.
Ano ang Natutuhan Mo?
Ano ang kasama sa seksuwal na imoralidad?
Ano ang makakatulong sa atin na maiwasan ang seksuwal na imoralidad?
Paano tayo makikinabang kung susunod tayo sa mga pamantayan ni Jehova sa moral?
TINGNAN DIN
Alamin kung bakit mahalaga kay Jehova na magpakasal ang isang lalaki at babae na gustong mag-asawa.
“Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pagli-live-in?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Sinasabi ng Bibliya na mali ang homoseksuwalidad, pero hindi nito itinuturo na magalit tayo sa mga taong homoseksuwal. Alamin kung bakit.
Alamin kung paano tayo napoprotektahan ng mga utos ng Diyos tungkol sa lahat ng seksuwal na gawain.
“Maituturing Bang Sex ang Oral Sex?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Sa kuwentong “Pinakitunguhan Nila Ako Nang May Dignidad,” alamin kung bakit nagbago ang isang dating homoseksuwal.
“Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” (Ang Bantayan, Abril 1, 2011)
a Kasama sa ipinagbabawal na ugnayang ito ang mga gawain gaya ng pakikipag-sex, oral sex, anal sex, at paghimas sa ari ng iba.
-
-
Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pagiging Single at Pag-aasawa?Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
-
-
ARALIN 42
Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pagiging Single at Pag-aasawa?
Sa ilang kultura, naniniwala ang mga tao na magiging masaya lang ang isa kung mag-aasawa siya. Pero hindi naman lahat ng may-asawa ay masaya, at hindi naman lahat ng single ay malungkot. Ang totoo, sinasabi ng Bibliya na isang regalo ang pagiging single at ang pag-aasawa.
1. Ano ang ilang pakinabang ng pagiging single?
Sinasabi ng Bibliya: “Ang nag-aasawa ay napapabuti rin, pero ang hindi nag-aasawa ay mas napapabuti.” (Basahin ang 1 Corinto 7:32, 33, 38.) Paano “mas napapabuti” ang isang Kristiyanong single? Wala siyang inaasikasong asawa kaya mas marami siyang panahon at magagawa. Halimbawa, puwede niyang palawakin ang ministeryo niya gaya ng paglipat sa ibang lugar para mangaral. At higit sa lahat, mas marami siyang panahon para maging mas malapít kay Jehova.
2. Ano ang ilang pakinabang kapag legal na ikinasal ang isang mag-asawa?
Gaya ng pagiging single, may mga pakinabang din ang pag-aasawa. Sinasabi ng Bibliya na “ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa.” (Eclesiastes 4:9) Totoo ito lalo na sa mga Kristiyano na sumusunod sa mga prinsipyo ng Bibliya tungkol sa pag-aasawa. Kapag legal na ikinasal ang isang mag-asawa, may commitment sila sa isa’t isa na magpakita ng pag-ibig, respeto, at pagpapahalaga. Bilang resulta, mas matatag ang pagsasama nila kaysa sa mga nagli-live-in. At magiging mas masaya at panatag ang kanilang pamilya.
3. Ano ang pananaw ni Jehova sa pag-aasawa?
Nang gawin ni Jehova ang unang kasal, sinabi niya: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at mamumuhay kasama ng kaniyang asawang babae.” (Genesis 2:24) Gusto ni Jehova na mahalin ng asawang lalaki at babae ang isa’t isa at na magsama sila habambuhay. Pinapayagan lang niya ang pagdidiborsiyo kapag nakagawa ng pangangalunya ang isa sa mag-asawa. Sa ganitong sitwasyon, ang asawa ng nagkasala ay binigyan ni Jehova ng karapatan na magdesisyon kung makikipagdiborsiyo siya o hindi sa nagkasala niyang asawa.a (Mateo 19:9) Hindi pinapayagan ni Jehova ang mga Kristiyano na magkaroon ng maraming asawa.—1 Timoteo 3:2.
PAG-ARALAN
Alamin kung paano ka magiging masaya, pati na si Jehova, single ka man o may-asawa.
4. Samantalahin ang pagiging single
Para kay Jesus, regalo ang pagiging single. (Mateo 19:11, 12) Basahin ang Mateo 4:23. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano ginamit ni Jesus ang pagiging single niya para paglingkuran ang Ama niya at tulungan ang iba?
Puwede ring maging masaya ang mga Kristiyano sa pagiging single gaya ni Jesus. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano puwedeng samantalahin ng mga Kristiyano ang pagiging single nila?
Alam mo ba?
Walang binabanggit ang Bibliya kung anong edad puwedeng mag-asawa ang isang tao. Pero sinasabi nito na dapat maghintay ang isa hanggang sa ‘lumampas na siya sa kasibulan ng kabataan’—isang panahon kung kailan tumitindi ang pagkagusto sa mga di-kasekso kaya puwede siyang mahirapang gumawa ng tamang desisyon.—1 Corinto 7:36.
5. Pumili ng tamang mapapangasawa
Ang isa sa pinakamahalagang desisyon na gagawin mo ay ang pagpili ng mapapangasawa. Basahin ang Mateo 19:4-6, 9. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit hindi dapat magmadali sa pag-aasawa ang isang Kristiyano?
Matutulungan ka ng Bibliya na malaman ang magagandang katangian ng isang mabuting asawa. At ang pinakamahalaga, maghanap ng mapapangasawa na mahal si Jehova.b Basahin ang 1 Corinto 7:39 at 2 Corinto 6:14. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit sa mga kapuwa Kristiyano lang tayo dapat pumili ng mapapangasawa?
Sa tingin mo, ano kaya ang mararamdaman ni Jehova kapag pumili ang isang Kristiyano ng mapapangasawa na hindi mahal si Jehova?
Kapag pinagsama ang dalawang magkaibang hayop sa iisang pamatok, mahihirapan ang mga ito. Ganiyan din ang mangyayari sa isang Kristiyano na mag-aasawa nang hindi sumasamba kay Jehova
6. Tularan ang pananaw ni Jehova sa pag-aasawa
Sa sinaunang Israel, dinidiborsiyo ng ilang lalaki ang asawa nila dahil sa pansariling pakinabang. Basahin ang Malakias 2:13, 14, 16. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit nagagalit si Jehova sa pagdidiborsiyo nang walang makatuwirang dahilan?
Kapag nangalunya at nakipagdiborsiyo ang isa, napakasakit nito para sa asawa at anak niya
Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Kung hindi sumasamba kay Jehova ang asawa mo, ano ang puwede mong gawin para maging masaya ang pagsasama ninyo?
7. Sundin ang mga pamantayan ni Jehova sa pag-aasawa
Baka kailangang magsikap ng isang tao para masunod ang mga pamantayan ni Jehova sa pag-aasawa.c Pero siguradong pagpapalain siya ni Jehova. Panoorin ang VIDEO.
Basahin ang Hebreo 13:4. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Sa tingin mo, posible kayang masunod natin ang mga pamantayan ni Jehova sa pag-aasawa? Bakit?
Inaasahan ni Jehova na legal ang pagpapakasal at pagdidiborsiyo ng isang Kristiyano kasi kahilingan ito sa maraming bansa. Basahin ang Tito 3:1. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Kung may asawa ka, sigurado bang nakarehistro ang kasal ninyo?
KUNG MAY MAGTANONG: “Puwede naman kayong mag-live-in, bakit pa kayo magpapakasal?”
Paano mo ito sasagutin?
SUMARYO
Parehong regalo ni Jehova ang pagiging single at ang pag-aasawa. Alinman dito ang piliin ng isa, magiging masaya siya kung susundin niya si Jehova.
Ano ang Natutuhan Mo?
Paano sasamantalahin ng isa ang pagiging single niya?
Bakit sinasabi ng Bibliya na sa mga kapuwa Kristiyano lang tayo pipili ng mapapangasawa?
Ayon sa Bibliya, ano lang ang puwedeng dahilan ng pagdidiborsiyo?
TINGNAN DIN
Sinabi ng Bibliya na kung mag-aasawa ang isa, “dapat na tagasunod ito ng Panginoon.” Ano ang ibig sabihin nito?
“Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” (Ang Bantayan, Hulyo 1, 2004)
Panoorin ang video na may dalawang bahagi. Makakatulong ito sa iyo na magdesisyon tungkol sa pakikipag-date at pag-aasawa.
Alamin kung bakit nadama ng isang brother na mas mahalaga ang mga ibinigay ni Jehova sa kaniya kaysa sa mga iniwan niya.
Ano ang mga dapat pag-isipan ng isang tao bago makipagdiborsiyo o makipaghiwalay?
“Parangalan ang ‘Pinagtuwang ng Diyos’” (Ang Bantayan, Disyembre 2018)
a Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 4 tungkol sa pakikipaghiwalay kapag walang nangyaring pangangalunya.
b Sa ilang kultura, magulang ang pumipili ng mapapangasawa ng anak nila. Sa ganitong sitwasyon, dapat na ang pangunahin sa mapagmahal na magulang ay kung may magandang kaugnayan kay Jehova ang pipiliin nila para sa anak nila at hindi ang pera o katayuan nito sa buhay.
c Kung hindi pa kayo kasal ng kinakasama mo, personal mong desisyon kung magpapakasal kayo o maghihiwalay.
-