Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Si Jehova ay Makatuwiran!
    Ang Bantayan—1994 | Agosto 1
    • Ang Pagka-makatuwiran Isang Tanda ng Banal na Karunungan

      6. Ano ang literal na kahulugan at ipinahihiwatig ng salitang Griego na ginamit ni Santiago sa paglalarawan sa banal na karunungan?

      6 Gumamit ang alagad na si Santiago ng isang kawili-wiling salita upang ilarawan ang karunungan ng Diyos na ito na lubhang madaling makibagay. Siya ay sumulat: “Ang karunungan mula sa itaas ay . . . makatuwiran.” (Santiago 3:17) Ang salitang Griego na ginamit niya rito (e·pi·ei·kesʹ) ay mahirap isalin. Ginamit ng mga tagapagsalin ang mga salitang gaya ng “malumanay,” “di-mahigpit,” “matiisin,” at “makonsiderasyon.” Isinalin ito ng Bagong Sanlibutang Salin bilang “makatuwiran,” may kasamang talababa na nagpapakitang ang literal na kahulugan ay “mapagbigay.”a Ang salita ay nagpapahiwatig din ng diwa na hindi iginigiit ang bawat maliit na detalye ng batas, hindi labis-labis na istrikto o mahigpit. Ganito ang komento ng iskolar na si William Barclay sa New Testament Words: “Ang saligan at mahalagang bagay tungkol sa epieikeia ay na ito’y nagmumula sa Diyos. Kung iginiit ng Diyos ang kaniyang mga karapatan, kung ang ikinapit sa atin ng Diyos ay tanging ang mahihigpit na pamantayan ng batas, nasaan kaya tayo? Ang Diyos ang pinakamatayog na halimbawa ng isa na epieikēs at isa na nakikitungo sa iba taglay ang epieikeia.”

      7. Papaano nagpakita si Jehova ng pagka-makatuwiran sa halamanan ng Eden?

      7 Isaalang-alang ang panahon nang ang sangkatauhan ay maghimagsik laban sa soberanya ni Jehova. Anong dali nga para sa Diyos na lipulin yaong tatlong walang utang-na-loob na mga rebelde​—sina Adan, Eva, at Satanas! Anong laking dalamhati ang sa ganoo’y naiwasan sana niya para sa kaniyang sarili! At sino ang makapangangatuwiran na siya’y walang karapatan na ikapit ang gayong mahigpit na katarungan? Gayunman, hindi kailanman pinangyari ni Jehova na ang kaniyang makalangit na tulad-karong organisasyon ay manghawakan sa isang mahigpit, di-naibabagay na pamantayan ng katarungan. Kaya hindi nangyari na walang-awang magulungan ng karong iyon ang pamilya ng tao at lahat ng pag-asa ng sangkatauhan para sa maligayang kinabukasan. Sa kabaligtaran, minaneobra ni Jehova ang kaniyang karo taglay ang tulad-kidlat na bilis. Karaka-raka pagkatapos ng paghihimagsik, bumalangkas ang Diyos na Jehova ng isang pangmatagalang layunin na naghandog ng awa at pag-asa para sa lahat ng inapo ni Adan.​—Genesis 3:15.

      8. (a) Papaano ang maling pangmalas ng Sangkakristiyanuhan sa pagka-makatuwiran ay naiiba sa tunay na pagka-makatuwiran ni Jehova? (b) Bakit masasabi natin na ang pagka-makatuwiran ni Jehova ay hindi nagpapahiwatig na maaaring ikompromiso niya ang banal na mga simulain?

      8 Gayunman, ang pagka-makatuwiran ni Jehova ay hindi nagpapahiwatig na kaniyang ikokompromiso ang banal na mga simulain. Maaaring isipin ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon na sila ay makatuwiran kapag ipinagkikibit-balikat nila ang imoralidad upang makakuha ng pabor mula sa kanilang masuwaying mga kawan. (Ihambing ang 2 Timoteo 4:3.) Hindi kailanman nilalabag ni Jehova ang kaniyang sariling mga batas, ni ikinokompromiso man niya ang kaniyang mga simulain. Sa halip, siya ay handang magparaya, upang umangkop sa mga kalagayan, upang ang mga simulaing iyon ay maikapit sa makatarungan at maawaing paraan. Laging nasa isip niya ang balanseng paggamit ng katarungan at kapangyarihan kaugnay ng kaniyang pag-ibig at makatuwirang karunungan. Isaalang-alang natin ang tatlong paraan kung papaano ipinakikita ni Jehova ang pagka-makatuwiran.

      “Handang Magpatawad”

      9, 10. (a) Ano ang kaugnayan ng pagiging “handang magpatawad” sa pagka-makatuwiran? (b) Papaano nakinabang si David buhat sa pagiging handang magpatawad ni Jehova, at bakit?

      9 Sumulat si David: “Sapagkat ikaw, Oh Jehova, ay mabuti at handang magpatawad; at ang maibiging-kabaitan sa lahat ng tumatawag sa iyo ay sagana.” (Awit 86:5) Nang ang Kasulatang Hebreo ay isinasalin sa Griego, ang salita para sa “handang magpatawad” ay isinalin bilang e·pi·ei·kesʹ, o “makatuwiran.” Oo, ang pagiging handang magpatawad at magpakita ng awa ay marahil ang mahalagang paraan upang maipakita ang pagka-makatuwiran.

      10 Alam na alam ni David kung gaano ang pagka-makatuwiran ni Jehova hinggil dito. Nang si David ay makiapid kay Bath-sheba at isaayos na mapatay ang kaniyang asawa, kapuwa siya at si Bath-sheba ay maaaring hatulan ng parusang kamatayan. (Deuteronomio 22:22; 2 Samuel 11:2-27) Kung mahihigpit na mga taong hukom ang humawak sa kaso, baka sila kapuwa ay nawalan ng kanilang buhay. Subalit nagpakita si Jehova ng pagka-makatuwiran (e·pi·ei·kesʹ), na, gaya ng pagkasaad sa Vine’s Expository Dictionary of Biblical Words, “nagpapahayag ng pagka-makonsiderasyon na tumitingin nang ‘makatao at makatuwiran sa mga bagay tungkol sa isang kaso.’ ” Malamang na kasali sa mga bagay na nakaimpluwensiya sa maawaing desisyon ni Jehova ay ang taimtim na pagsisisi ng mga nagkasala at ang awa na dati’y ipinakita ni David alang-alang sa iba. (1 Samuel 24:4-6; 25:32-35; 26:7-11; Mateo 5:7; Santiago 2:13) Gayunman, kasuwato ng paglalarawan ni Jehova sa kaniyang sarili sa Exodo 34:4-7, makatuwiran na itutuwid ni Jehova si David. Isinugo niya si propeta Nathan kay David taglay ang isang matinding mensahe, na nagkikintal kay David ng katotohanan na hinamak niya ang salita ni Jehova. Si David ay nagsisi kung kaya siya’y hindi namatay dahil sa kaniyang pagkakasala.​—2 Samuel 12:1-14.

  • Si Jehova ay Makatuwiran!
    Ang Bantayan—1994 | Agosto 1
    • a Noong 1769, binigyan ng katuturan ng leksikograpong si John Parkhurst ang salita bilang “mapagparaya, may mapagparayang kalooban, malumanay, maamo, matiyaga.” Iminungkahi rin ng ibang iskolar ang “mapagparaya” bilang isang katuturan.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share