-
Panatilihin ang Kagalakan Kahit May mga PagsubokAng Bantayan (Pag-aaral)—2021 | Pebrero
-
-
2 Para sa marami, hindi dahilan ang pag-uusig para magsaya. Pero iyan ang sinasabi ng Salita ng Diyos. Halimbawa, isinulat ng alagad na si Santiago na imbes na mawalan ng pag-asa, dapat na ituring nating kagalakan kapag dumaranas tayo ng iba’t ibang pagsubok. (Sant. 1:2, 12) Sinabi rin ni Jesus na dapat tayong maging maligaya kapag pinag-uusig tayo. (Basahin ang Mateo 5:11.) Paano natin mapapanatili ang ating kagalakan kahit may mga pagsubok? Marami tayong matututuhan sa sulat ni Santiago sa mga Kristiyano noon. Pero talakayin muna natin ang mga problemang hinarap nila.
ANONG MGA PAGSUBOK ANG DINANAS NG UNANG-SIGLONG MGA KRISTIYANO?
3. Ano ang nangyari pagkatapos maging alagad ni Jesus si Santiago?
3 Pagkatapos maging alagad ng kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago, pinag-usig ang mga Kristiyano sa Jerusalem. (Gawa 1:14; 5:17, 18) At nang patayin ang alagad na si Esteban, tumakas ang maraming Kristiyano mula sa lunsod at “nangalat sa Judea at Samaria.” Pagkatapos, nakarating sila hanggang sa Ciprus at Antioquia. (Gawa 7:58–8:1; 11:19) Talagang dumanas ng maraming hirap ang mga alagad. Pero masigasig pa rin nilang ipinangaral ang mabuting balita saanman sila mapunta, kaya nakapagtatag ng mga kongregasyon sa buong Imperyo ng Roma. (1 Ped. 1:1) Pero simula pa lang iyan ng mga problema na haharapin nila.
4. Ano pang mga pagsubok ang dinanas ng mga Kristiyano noon?
4 Iba’t iba ang pagsubok na dinanas ng mga Kristiyano noon. Halimbawa, noong mga 50 C.E., iniutos ng Romanong emperador na si Claudio na paalisin ang lahat ng Judio sa Roma. Kaya napilitan ang mga Judio na naging mga Kristiyano na iwan ang kanilang mga bahay at lumipat sa ibang lugar. (Gawa 18:1-3) Noong mga 61 C.E., isinulat ni apostol Pablo na ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano ay inalipusta sa publiko, ibinilanggo, at sapilitang kinuha ang mga pag-aari nila. (Heb. 10:32-34) At gaya ng iba, may mga Kristiyano ding mahihirap at may sakit.—Roma 15:26; Fil. 2:25-27.
-
-
Panatilihin ang Kagalakan Kahit May mga PagsubokAng Bantayan (Pag-aaral)—2021 | Pebrero
-
-
Gaya ng apoy na patuloy na nagniningas sa isang lampara, ang kagalakan na ibinibigay ni Jehova ay patuloy na nagniningas sa puso ng isang Kristiyano (Tingnan ang parapo 6)
6. Ayon sa Lucas 6:22, 23, bakit posibleng maging masaya ang isang Kristiyano kahit may mga pagsubok?
6 Iniisip ng mga tao na magiging masaya lang sila kung maganda ang kalusugan nila, marami silang pera, at maligaya ang pamilya nila. Pero ang kagalakan na isinulat ni Santiago ay kasama sa mga katangian na bunga ng espiritu ng Diyos at hindi ito nakadepende sa kalagayan ng isang tao. (Gal. 5:22) Nagiging maligaya, o tunay na masaya, ang isang Kristiyano kapag alam niyang napapasaya niya si Jehova at nasusunod ang halimbawa ni Jesus. (Basahin ang Lucas 6:22, 23; Col. 1:10, 11) Ang kagalakan natin ay parang apoy na napoprotektahan ng lampara; hindi ito basta-basta namamatay. Hindi agad nawawala ang kagalakan natin kahit magkasakit tayo o kahit kaunti na lang ang pera natin. Hindi rin ito nawawala kahit inaalipusta o pinag-uusig tayo ng mga kapamilya natin o ng iba. Lalo pa nga itong nagniningas, o lalo tayong nagiging masaya habang pinag-uusig tayo. Ang mga pagsubok na dinadanas natin dahil sa ating pananampalataya ay nagpapatunay na mga tunay na alagad tayo ni Kristo. (Mat. 10:22; 24:9; Juan 15:20) Kaya isinulat ni Santiago: “Mga kapatid ko, ituring ninyong malaking kagalakan kapag dumaranas kayo ng iba’t ibang pagsubok.”—Sant. 1:2.
-