Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Hamon ng Pagsunod sa Kaniyang mga Yapak
    Ang Bantayan—1988 | Mayo 1
    • Ang Hamon ng Pagsunod sa Kaniyang mga Yapak

      “Sapagkat si Kristo ay nagtiis alang-alang sa inyo at iniwanan kayo ng sariling halimbawa niya, upang kayo ay sumunod sa kaniyang mga yapak.”​—1 PEDRO 2:21, Phillips.

      1, 2. (a) Ano ang maaaring maging isang tunay na hamon, at bakit interesado rito ang mga Kristiyano? (b) Anong mga tanong ang ibinabangon dito?

      IKAW ba’y nakapaglakad na sa buhanginan sa tabing-dagat o bumagtas sa isang bukid na nalalatagan ng niyebe at nabighani ka sa sunud-sunod na mga yapak na naiwan ng isang tao na naglakad doon nang una sa iyo? Pumili ka pa mandin kaya ng sunud-sunod na mga yapak at sinubukan mong sundin ang mga iyon, anupa’t tinitingnan mo kung kabagay na kabagay iyon ng mga bakas ng iyong sariling yapak? Kung gayon, natuklasan mo na hindi madali iyon. Ang totoo, ang maingat na pagsunod sa mga yapak ng iba​—maging sa literal man o sa makatalinghagang paraan​—ay isang tunay na hamon. Gayunman, sapagkat tinatawag nating mga Kristiyano ang ating sarili, ating ipinakikilala ang ating pagnanasa na iyang-iyan ang gawin, na buong ingat na sumunod sa mga yapak ni Kristo.

      2 Handa ka bang gumugol ng lakas na kinakailangan upang matugunan nang matagumpay ang hamong ito? Higit sa riyan, ikaw ba ay determinado na gawin iyan, anuman ang mangyari? Kung gayon, dahil sa lubusang pagkaunawa sa mga hirap ng pagsunod sa literal na mga yapak ikaw ay magiging higit na matagumpay sa pagsunod sa makatalinghagang mga yapak ni Kristo.

      Matutong Umayon

      3. Bakit ang pagsunod sa yapak ng iba ay sa simula waring di-natural?

      3 Bawat isa ay may kani-kaniyang paraan ng paglakad. Halimbawa, ang haba ng hakbang ay iba-iba sa bawat isa, at gayundin ang anggulo ng bagsak ng paa ng isang tao. Ang mga daliri ng kaniyang paa ay marahil nakaturo nang diretso sa harap, o maaaring pabagu-bago ng anggulo, baka ang isang anggulo ay lalong litaw sa isang paa kaysa roon sa kabilang paa. Nakikita mo na ba ang hamon? Upang maingat na makasunod sa yapak ng isang tao, kailangang ang haba ng iyong hakbang at ang posisyon ng iyong paa ay dapat na kaayon ng sa kaniya. Sa simula ito ay magiging waring di-natural, subalit kailangang gawin. Wala nang ibang paraan.

      4. Bakit ang pagsunod sa mga yapak ni Jesus ay isang natatanging hamon?

      4 Ang paraan ng paglakad ni Kristo, sa makatalinghagang pangungusap, ay pambihira, palibhasa sa mga tao noong panahon niya, siya lamang ang taong sakdal, “isa na hindi nakakilala ng kasalanan.” (2 Corinto 5:21) Yamang ang mga tao ay likas na mga di-sakdal na makasalanan, ang paglakad sa yapak ni Jesus ay hindi siyang kanilang karaniwang paraan ng paglakad. Sa mga Kristiyano sa Corinto ay ipinaalaala ito ni Pablo, na ang sabi: “Sapagkat kayo’y makalaman pa. Sapagkat samantalang sa inyo’y may panibugho at pagtatalu-talo, hindi baga kayo makalaman at hindi baga kayo nagsisilakad ayon sa kaugalian ng mga tao?” Ang hilig na manibugho at magtalu-talo, “mga gawa ng laman,” ay karaniwan na para sa di-sakdal na mga tao, ngunit si Jesus ay lumakad sa daan ng pag-ibig, at ang “pag-ibig ay hindi naninibugho, . . . hindi nayayamot.” Samakatuwid ang paglakad sa mga yapak ni Jesus ay naghaharap ng hamon na lalong higit na malaki kaysa kung tayo ay hihilingan lamang na sumunod sa mga yapak ng isang taong di-sakdal.​—1 Corinto 3:3; 13:4, 5; Galacia 5:19, 20; tingnan din ang Efeso 5:2, 8.

      5, 6. (a) Bakit maraming mga tao ang bigo ng pagsunod sa mga yapak ni Kristo, na umakay kay Pablo na magbigay ng anong payo? (b) Paanong ang mga tao ay hinihimok na lumakad sa mga yapak ni Kristo sa ngayon, at ano ang resulta para sa kanila?

      5 Bukod sa di-kasakdalan, ang kawalang-alam sa kalooban ng Diyos ay maaaring makahadlang din sa isang tao sa paglakad sa mga yapak ni Kristo. Kaya naman ipinayo ni Pablo sa mga Kristiyano sa Efeso na huwag nang “lumakad na gaya ng mga bansa sa kawalang-kawawaan ng kanilang mga isip, samantalang nasa kadiliman sila ng pag-iisip, at hiwalay sa buhay na nauukol sa Diyos, dahil sa kanilang kawalang-alam, dahil sa kawalan ng pakiramdam ng kanilang mga puso.”​—Efeso 4:17, 18.

      6 Sa pamamagitan ng gawaing pangangaral ng Kaharian, ang mga tao sa ngayon ay hinihimok na huminto na sa kanilang karaniwang paraan, na walang alam sa mga layunin ng Diyos, nasa kadiliman ng pag-iisip, pinakikilos ng mga pusong walang pakiramdam na ang layuni’y makarating sa mga tunguhing walang kawawaan. Sila’y hinihimok na umayon sa sakdal na halimbawa ni Kristo, na “lumakad na kaisa niya,” sa ganoo’y “binibihag ang bawat kaisipan upang gawing masunurin sa Kristo.” (Colosas 2:6, 7; 2 Corinto 10:5) Ang mga taong handang tumugon sa hamong ito ay matatag sa kanilang pananampalataya. Sa patuloy na pamimihasa ng paglakad ayon sa lakad ni Kristo, iyon ay unti-unting nagiging madali para sa kanila.

      7. Anong katiyakan mayroon tayo na, bagama’t malimit na ito’y isang hamon, posible naman ang sumunod sa mga yapak ni Jesus?

      7 Gayunman, malimit na ito’y isang hamon. Ang pagkakaiba ng isang sakdal na nilikha at ng isang di-sakdal na nilikha ay malaki. Kaya naman ang di-sakdal na mga nilikha ay kailangang gumawa ng malalaking pagbabago upang makapagsikap na sumunod sa isang sakdal na halimbawa. Ang ibang mga tao, dahilan marahil sa pagmamana o sa kapaligiran, ay mas nahihirapan kaysa iba na umayon sa isang Kristiyanong paraan ng buhay. Subalit si Jehova ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na sinuman na talagang handang magsumikap ay makagagawa nito. “Para sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay-lakas sa akin,” ang sabi ni apostol Pablo. (Filipos 4:13; tingnan din ang 2 Corinto 4:7; 12:9.) Iyan ay totoo tungkol sa lahat ng Kristiyano.

      Magbigay-Pansin

      8, 9. (a) Bakit kailangang magbigay ng buong pansin at magbuhos ng buong pag-iisip sa pagsunod sa mga yapak ng iba? (b) Ang pagsunod sa anong payo ng Bibliya ang tutulong sa atin upang tayo’y huwag mapalihis ng pagsunod sa mga yapak ni Jesus?

      8 Hindi tayo makasusunod sa literal na mga yapak nang hindi tayo maingat na nakatingin sa kung saan tayo yayapak. Kung ang ating mata ay pagala-gala​—nakatutok sa mga bagay na nangyayari sa palibot natin o sa iba pang mga bagay​—tayo ay malamang na magkabisala sa ating pagyapak sa malao’t madali. Malibang sa tayo’y magbigay ng buong pansin at magbuhos ng buong pag-iisip, tayo ay malilihis sa mga bakas ng yapak na dapat nating sundin. Samakatuwid, sa tuwina’y kailangan na tayo’y maging mapagbantay, lalung-lalo na pagka mayroong mga biglaang ingay o iba pang di-inaasahang pang-abala na maaaring maglihis sa kinatututukan ng ating isip.​—Ihambing ang Job 18:10, 11.

      9 Sa isang makatalinghagang paraan, ito ay totoo rin naman sa mga sumusunod sa mga yapak ni Jesus. Si Jesus ay nagbabala sa kaniyang mga tagasunod na matamang bigyang pansin ang kanilang sarili, sapagkat baka ang kanilang mga puso’y “malugmok sa katakawan at sa kalasingan at sa pagsusumakit ukol sa buhay na ito.” (Lucas 21:34) Ginagamit ni Satanas ang pang-araw-araw na mga pang-abalang ito upang ang ating mga mata ay maalis sa pagsunod sa mga yapak ni Jesus. Siya’y mabilis at huhulihin tayo sa mga sandaling hindi tayo nagbabantay at kaniyang sinasamantala ang di-inaasahang mga pagkakataon, tulad halimbawa ng pananalansang, sakit, o kakapusan sa pananalapi. Upang masiguro natin na tayo’y “huwag maanod,” kailangang “magbigay tayo ng higit kaysa karaniwang pansin sa mga bagay na pinakikinggan natin,” sa ibang pananalita, panatilihin na ang ating mga mata ay buong ingat na nakatutok sa mga yapak ni Kristo higit kailanman.​—Hebreo 2:1; tingnan din ang 1 Juan 2:15-17.

      Huwag Lilihis

      10. (a) Ano ang panganib pagka may iba-ibang mga bakas ng mga yapak na bumabagtas sa mga bakas na ating sinusundan? (b) May kaugnayan sa espirituwalidad, bakit mapanganib ang mga resulta ng pagsunod sa mga maling yapak?

      10 Sa isang siksikang dalampasigan, baka doo’y maraming parehas ng mga yapak sa namamasa-masang buhanginan, at ang ilang mga bakas ng yapak ay baka bumabagtas sa mga bakas na ating sinusundan. Maraming bakas ng yapak ang baka, sa biglang tingin, pare-pareho. Anong pagkahala-halaga nga na masiguro natin na tayo’y sumusunod sa mga tamang yapak! Kung hindi gayon ay baka tayo maligaw at mapapunta sa maling patutunguhan. May kaugnayan sa espirituwalidad, ito’y maaaring magkaroon ng malubhang resulta. Ang panganib sa pagsunod sa mga yapak na marahil tinging siyang tamang mga yapak ngunit sa totoo’y hindi naman ay ipinakikita sa kawikaan na nagbibigay-babala: “May daan na tila matuwid sa paningin ng tao, ngunit ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan pagkatapos.”​—Kawikaan 16:25.

      11. Anong babala ang ibinigay ni Pablo sa mga unang Kristiyano, na nagpapakita ng anong halimbawa para kanino sa ngayon?

      11 Dahilan sa mismong tunay na panganib na ito, si Pablo ay napilitan na magbigay-babala sa kaniyang mga kapatid sa sinaunang kongregasyong Kristiyano: “Ako’y namamangha na kaydali ninyong nagsilipat sa ibang uri ng mabuting balita at hiwalay sa Kaniya na tumawag sa inyo sa di-sana-nararapat na awa ni Kristo. . . . Mayroong mga ilan diyan na sa inyo’y lumiligalig at ibig na pasamain ang mabuting balita tungkol sa Kristo. . . . Kung sinuman ay nangangaral sa inyo ng mabuting balita na iba kaysa inyong tinanggap na, siya’y itakwil ninyo.” (Galacia 1:6-9) Bilang pagtulad sa halimbawa ni Pablo, ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nagbibigay-babala sa atin tungkol sa mga apostata at sa mga nagkukunwaring mga kapatid na naglalatag, wika nga, ng mga maling bakas ng yapak. Ang mga tunay na Kristiyano ay walang nais na lumihis sa landas na inilagay ni Kristo sa harap nila at ang Diyos ang siyang pumapatnubay.​—Awit 44:18.

      12. (a) Paano tutulong sa atin ang 2 Timoteo 1:13 upang maiwasan natin na tayo’y iligaw para sumunod sa mga huwad na yapak? (b) Ano ang pagkakakilanlan sa mga ibang uri ng mabuting balita?

      12 Sa pamamagitan ng pagbibigay ng matamang pansin sa mapagkakakilanlang tanda ng mga yapak ni Kristo, iniiwasan natin na tayo’y iligaw. Ang tumpak na kaalaman tungkol kay Jesus, tungkol sa kaniyang mga turo, at tungkol sa paraan ng pag-andar ng kongregasyong Kristiyano ay tumutulong sa atin upang makilala “ang uliran ng magagaling na salita” na nagbibigay sa atin ng proteksiyon buhat sa mga taong “nagpapasamá sa mabuting balita tungkol sa Kristo.” (2 Timoteo 1:13) Ang mga ibang uri ng umano’y mabuting balita​—sa katunayan, huwad na mga bakas ng yapak​—ay hindi bumabagay sa uliran ng katotohanan. Ito’y nagpapangit lamang ng hitsura, ang larawan ay nawawala sa pagkapokus. Imbis na liwanagin ang saligang mga katotohanan at mga simulain ng Bibliya, ito’y sumasalungat pa roon. Imbis na tayo’y patibayin-loob sa higit na paglilingkuran kay Jehova, pinababagal pa tayo. Ang kanilang mensahe ay hindi positibo at hindi lumuluwalhati sa pangalan at organisasyon ni Jehova; ito’y negatibo, humahanap ng kasiraan, at mapamintas. Tiyak na tiyak, hindi ito ang mga yapak na ibig nating sundin.

      Manatili sa Tamang Bilis

      13. Paano nasasangkot ang bilis kung tayo’y sumusunod sa mga yapak ng iba?

      13 Pagka tayo’y naglalakad, ang haba ng ating hakbang ay depende ang isang bahagi sa bilis ng ating paglakad. Pangkaraniwan, mientras mabilis tayong lumakad, lalong mahaba ang ating hakbang; mientras mabagal tayong lumakad, lalo namang maikli ang hakbang natin. Samakatuwid, mas madali na sumunod tayo sa literal na mga yapak ng isang tao kung ang ating bilis sa paglakad ay ibabagay natin sa kaniyang bilis. Sa ganoon ding paraan, upang tayo’y matagumpay na makalakad ayon sa makasagisag na mga yapak ng ating Lider, si Jesu-Kristo, tayo’y kailangang manatiling bumabagay sa kaniyang bilis ng paglakad.

      14. (a) Sa paanong hindi natin matutularan marahil ang bilis ng lakad ni Jesus? (b) Bakit kamangmangan na subuking magmabilis pa kaysa “tapat at maingat na alipin”?

      14 Ang hindi pagsabay sa bilis ng paglakad ni Kristo ay mangangahulugan ng alin sa dalawang bagay. Tayo’y lumalakad nang mas mabilis, nagpapauna sa “tapat at maingat na alipin” na ginagamit ni Jesus upang tuparin ang layunin ni Jehova, o dili kaya’y napag-iiwanan tayo sa pagsunod sa pangunguna ng ‘alipin.’ (Mateo 24:45-47) Bilang halimbawa nitong una, noong nakalipas na mga panahon may mga Kristiyano na naging mainipin tungkol sa mga pagbabago o pagpapakinis sa doktrina o sa organisasyon na inaakala nilang kinakailangan at dapat na sanang nagawa noon pa. Palibhasa’y naghihinanakit dahilan sa inaakala nilang mabagal ang pagkilos ng mga bagay-bagay, sila’y humiwalay sa bayan ni Jehova. Anong laking kamangmangan at anong laking kaiklian ng isip! Malimit ang mismong bagay na lumigalig sa kanila ay nabago noong bandang huli​—sa takdang panahon ni Jehova.​—Kawikaan 19:2; Eclesiastes 7:8, 9.

      15. Paanong si Haring David at si Jesus ay mabubuting halimbawa ng pananatili sa tamang bilis?

      15 Ang landasin ng karunungan ay ang hintayin na si Jehova ang kumilos imbis na subuking idikta kung gaano kabilis dapat mangyari ang mga bagay-bagay. Ang sinaunang si Haring David ay nagpakita ng wastong halimbawa. Siya’y tumanggi na makipagsabwatan laban kay Haring Saul sa isang pagtatangka na angkinin ang paghahari bago dumating ang takdang panahon ni Jehova na ibigay ito sa kaniya. (1 Samuel 24:1-15) Gayundin naman, natalos ng “Anak ni David,” si Jesus, na siya’y kailangang maghintay upang lubusang matamo ang kaniyang makalangit na paghahari. Batid niya ang makahulang mga salita na kapit sa kaniya: “Maupo ka sa aking kanan hanggang sa aking gawing tuntungan mo ang iyong mga kaaway.” Kaya nang isang grupo ng mga Judio ang ibig na “sunggaban siya upang gawin siyang hari,” agad umurong si Jesus. (Mateo 21:9; Awit 110:1; Juan 6:15) Makalipas ang mga 30 taon, sang-ayon sa Hebreo 10:12, 13, hinihintay pa rin noon ni Jesus ang kaniyang paghahari. Sa katunayan, siya’y naghintay nang halos 19 na siglo bago iniluklok bilang matuwid na Hari ng Kaharian ng Diyos nang ito’y matatag noong 1914.

      16. (a) Ipaghalimbawa kung paano tayo ay marahil kumikilos nang mas mabagal kaysa nararapat nating ikilos. (b) Ano ang layunin ng pagtitiis ni Jehova, at paano dapat nating iwasan ang pag-aabuso sa pagtitiis na iyan?

      16 Datapuwat, ang hindi pananatili sa wastong bilis ay maaaring mangahulugan din ng pagmamabagal, nahuhuli. Kung gayon, pagka ipinakikita ng Salita ng Diyos na kailangan tayong gumawa ng pagbabago sa ating buhay, tayo ba’y kumikilos nang walang pagpapaliban? O tayo ba ay nangangatuwiran na yamang ang Diyos ay matiisin, maaari nating ipagpaliban ang gayong mga pagbabago hanggang sa may bandang huli na, baka umaasa tayo na iyon ay magagawang mas madali sa panahong iyon? Totoo, si Jehova ay matiisin. Subalit ito’y hindi dahilan upang tayo’y maging maluwag tungkol sa paggawa ng kinakailangang mga pagbabago. Bagkus, “siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya ibig na ang sinuman ay mapahamak kundi ang ibig niya’y magsisi ang lahat.” (2 Pedro 3:9, 15) Lalong maigi, kung gayon, na tularan ang salmista na nagsabi: “Ako’y nagmadali, at hindi ako nagmabagal ng pagsunod sa iyong mga utos.”​—Awit 119:60.

      17. Tungkol sa pananatili sa tamang bilis, ano ang kaugnayan nito sa pangangaral, na umaakay sa atin na tanungin ng ano ang ating sarili?

      17 Sa pagkamabagal ay maaaring kasangkot din ang pangangaral ng Kaharian. Sang-ayon sa Mateo 25, si Jesus sa kasalukuyan ay humahatol sa sangkatauhan, ibinubukod “ang mga tupa” sa “mga kambing.” Ang malaking bahagi nito ay nagaganap sa pamamagitan ng pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mateo 24:14; 25:31-33; Apocalipsis 14:6, 7) Ang panahong takda sa paggawa ng pagbubukud-bukod na ito ay tunay na limitado. (Mateo 24:34) Habang ang natitirang panahon ay paikli nang paikli, inaasahan nating pabibilisin ni Jesus ang gawain. Sa paggawa ng gayon, siya’y kumikilos bilang isang instrumento ng Diyos, na, sa pagtukoy sa gawaing pagtitipon, ay nangangako: “Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis niyaon sa takdang kapanahunan.” (Isaias 60:22) Bilang mga kamanggagawa ng Diyos, na maingat na sumusunod sa mga yapak ng kaniyang Anak, atin bang pinabibilis ang ating pagsasagawa ng pangangaral ng Kaharian sa sukdulan na ipinahihintulot ng ating pisikal na kalagayan at maka-Kasulatang mga pananagutan? Ipinakikita ng mga ulat ng paglilingkod sa larangan na milyun-milyong mga Saksi ni Jehova ang gumagawa ng ganiyan!

      Iwasan ang Labis na Pagtitiwala, Labanan ang Panghihina ng Loob

      18. Bakit baka ang isang tao’y magkaroon ng labis na pagtitiwala, at paano nagbababala ang Bibliya tungkol sa panganib na ito?

      18 Mientras tayo’y matagal na nagtitiyaga sa pagsunod sa mga yapak ng sinuman, lalo nating nakakasanayan ang kaniyang paraan ng paglakad. Subalit, kung tayo’y magiging kampante, sa malao’t madali ay magkakamali tayo ng hakbang. Kung gayon, sa pagsunod sa makasagisag na mga yapak ni Jesus, kailangang kilalanin natin ang panganib ng pagiging labis na mapagtiwala, na nagiging pabaya at umaasa sa ating sariling lakas at mga kakayahan, anupa’t inaakala na kabisadung-kabisado natin ang kaniyang sakdal na paraan ng paglakad. Ang karanasan ni Pedro na nakasulat sa Lucas 22:54-62 ay nagsisilbing isang napapanahong babala. Idiniriin din nito ang katotohanan na sinasabi sa 1 Corinto 10:12: “Ang may akalang siya’y nakatayo ay mag-ingat na baka mabuwal.”

      19. (a) Ano ang nangyayari sa bawat Kristiyano paminsan-minsan? (Santiago 3:2) (b) Paano natin dapat malasin ang mga salita ni Pablo sa Roma 7:19, 24?

      19 Dahilan sa di-kasakdalan, ang bawat Kristiyano ay magkakamali ng hakbang paminsan-minsan. Baka ang pagkakamaling ito ay maliit lamang, halos hindi mapansin ng iba. O kaya naman ay baka ito isang halatang-halatang pagsala sa pamantayan na anupa’t ito’y makikita ng lahat. Sa alinman diyan, anong laking kaaliwan na alalahanin ang ganitong ginawang pag-amin ni Pablo: “Sapagkat ang mabuti na aking ibig ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko ibig ay siya kong ginagawa sa tuwina. Miserableng tao nga ako!” (Roma 7:19, 24) Mangyari pa, ang mga salitang ito ay hindi dapat ituring na isang dahilan para sa paggawa ng masama. Bagkus, ang mga ito ay pampatibay-loob sa nakatalagang mga Kristiyano na nakikipagpunyagi sa mga di-kasakdalan nila, at tumutulong sa kanila na manatili sa kanilang pagsisikap na harapin ang hamon ng paglakad sa sakdal na mga yapak ni Jesus.

      20. (a) Paano tayo tinutulungan ng Kawikaan 24:16 sa ating pagtakbo sa takbuhan sa buhay? (b) Tayo’y dapat maging determinado na gawin ang ano?

      20 “Ang matuwid ay baka mabuwal nang kahit makapito, at tunay na siya’y babangon,” ang sabi ng Kawikaan 24:16. Sa ating takbuhan ukol sa buhay, walang sinuman na dapat mag-isip na siya’y dapat nang magbitiw. Ang takbuhang ito ay katulad ng isang marathon, isang takbuhan para sa mga matiisin, hindi ito isang daang yardang dash. Ang bahagyang-bahagyang pagkabisala ng isang mananakbo ay posibling-posible na magbigay sa kaniya ng pagkatalo sa takbuhan. Subalit, ang mananakbo sa marathon, kahit na siya matisod, ay may panahon pa na makahabol at makarating sa finish line. Kaya kung sakaling ikaw ay magkabisala at ibulalas mo, “Miserableng tao nga ako!” alalahanin mo na mayroon ka pang panahon na makahabol. Mayroon ka pang pagkakataon na bumawi upang makasunod sa mga yapak ng iyong Lider, si Jesu-Kristo. Walang dahilan na mawalan ng pag-asa! Walang dahilan na sumuko! Maging determinado ka, sa tulong ng Diyos, na pagtagumpayan mo ang hamon na ‘sumunod nang maingat sa mga yapak ni Jesus.’​—1 Pedro 2:21.

  • Isang Bayan na Lumalakad sa mga Yapak ni Jesus
    Ang Bantayan—1988 | Mayo 1
    • Isang Bayan na Lumalakad sa mga Yapak ni Jesus

      “Kami’y lumakad sa magkaparehong espiritu, di ba? Sa ganoon ding mga yapak, di ba?”​—2 CORINTO 12:18.

      1. Bakit kadalasa’y hindi mahirap makilala ang isa sa mga Saksi ni Jehova?

      “BILANG isang grupo, sila’y magagalang, responsable, at mahusay sa paaralan. Ito’y hindi masasabi kung tungkol sa mga ibang grupo.” Ganiyan ang sabi ng prinsipal ng isang paaralang elementarya sa Estados Unidos. Sino ba ang kaniyang tinutukoy? Ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova na nag-aaral sa kaniyang paaralan. Oo, marami ang nakakapuna na ang mga Saksi ni Jehova, kasali na ang kanilang mga anak, ay kadalasan, nakakahawig ng mga ibang Saksi sa mga ilang paraan. Sa lumipas na mga taon ay patuloy na nahahalata na sila’y may natatanging pagkakaisa kung tungkol sa paniniwala at asal. Kaya’t ang mga Saksi ay hindi mahirap makilala.

      2. Ano ang isang katangian ng sinaunang kongregasyong Kristiyano, at ano ang sinabi ni Pablo tungkol dito?

      2 Ang pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova ay isang bagay na di-karaniwan sa baha-bahaging sanlibutang ito. Subalit hindi mahirap maunawaan ito kung ating tatandaan na silang lahat ay nagsisikap na lumakad sa mga yapak ni Jesus. (1 Pedro 2:21) Ang gayong pagkakaisa ay isa ring katangian ng mga Kristiyano noong unang siglo. Minsan, si Pablo ay nagpayo sa kongregasyon sa Corinto: “Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay magsalita nang may pagkakaisa, at huwag magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi, kundi kayo’y magkaroon ng lubos na pagkakaisa sa iisang isip at sa iisang takbo ng kaisipan.” (1 Corinto 1:10) Si Pablo ay nagbigay rin ng kinasihang payo tungkol sa kung paano makikitungo sa mga taong ayaw manatili sa pagkakaisang Kristiyano.​—Tingnan ang Roma 16:17; 2 Tesalonica 3:6.

      3, 4. Paano inilarawan ni Pablo ang pagkakaisa niya at ni Tito, at ano ang saligan ng pagkakaisang ito?

      3 Noong humigit-kumulang taóng 55 C.E., si Tito ay pinapunta ni Pablo sa Corinto upang tumulong sa paglikom ng isang abuluyan para sa nangangailangang mga kapatid sa Judea at kung maaari’y upang tingnan kung paanong nagkakaepekto sa kongregasyon ang payo ni Pablo. Nang sumulat sa mga taga-Corinto noong bandang huli, binanggit ni Pablo ang di pa natatagalang pagdalaw ni Tito at ang tanong niya: “Hindi kayo pinagsamantalahan ni Tito, di ba? Kami’y lumakad sa magkaparehong espiritu, di ba? Sa ganoon ding mga yapak, di ba?” (2 Corinto 12:18) Ano ba ang ibig sabihin ni Pablo ng kanilang paglakad “sa magkaparehong espiritu” at “sa ganoon ding mga yapak”?

      4 Kaniyang ipinahahayag ang pagkakaisa na umiral sa pagitan niya at ni Tito. Si Tito ang paminsan-minsan ay kasama ni Pablo sa paglalakbay, at walang alinlangan na malaki ang natutuhan niya kay Pablo sa ganitong paraan. Subalit ang pagkakaisa ng dalawang ito ay salig sa isang bagay na mas matibay kaysa riyan. Ito ay salig sa kanilang mainam na kaugnayan kay Jehova at sa bagay na sila kapuwa ay mga tagasunod-yapak ni Kristo. Tinularan ni Tito si Pablo gaya kung paano tinularan naman ni Pablo si Kristo. (Lucas 6:40; 1 Corinto 11:1) Kaya sa espiritu ni Jesus at sa kaniyang mga yapak sila lumalakad noon.

      5. Ano ang maaasahan sa mga tao sa ngayon na tumutulad kay Pablo at kay Tito samantalang sila’y lumalakad “sa magkaparehong espiritu” at “sa ganoon ding mga yapak”?

      5 Kung gayon, hindi kataka-taka na ang mga Kristiyano sa ika-20 siglong ito, na lumalakad “sa magkaparehong espiritu” at “sa ganoon ding mga yapak” na gaya nina Pablo at Tito, ay magtamasa ng walang kapantay na pagkakaisa. Sa katunayan, ang di pagkakaisa ng naturingang mga Kristiyano ay nagpapakilala sa kanila bilang mga palsipikadong Kristiyano, na hindi lumalakad sa mga yapak ng Lider na inaangkin nilang sinusunod nila. (Lucas 11:17) Ang lubhang pagkakaibang ito ng tunay na mga Kristiyano at ng naturingang mga Kristiyano ay maipaghahalimbawa sa iba’t ibang paraan. Bumanggit tayo ng apat.

      Ang Kabanalan ng Dugo

      6, 7. (a) Anong tamang pagkakilala sa dugo ang may kaugnayan sa paglakad sa mga yapak ni Jesus? (b) Ano ang kaibahan ng mga Saksi ni Jehova sa mga iba ngayon na tumatangging pasalin ng dugo?

      6 Humigit-kumulang noong taóng 49 C.E., ang lupong tagapamahala ng unang-siglong kongregasyon ay nagpadala ng isang liham na sumagot sa tanong: Ang mga di-Judiong Kristiyano ba ay dapat sumunod sa Kautusan ni Moises? Ang liham ay nagsabi ng ganito: “Ang banal na espiritu at kami na rin ay sumang-ayong huwag nang dagdagan pa ang pasanin ninyo, maliban sa kailangang mga bagay na ito, na patuloy na layuan ninyo ang mga bagay na inihain sa mga idolo at ang dugo at ang mga binigti at ang pakikiapid.” (Gawa 15:28, 29) Pansinin na kabilang sa “kailangang mga bagay” ang pag-iwas sa dugo. Ang paglakad sa mga yapak ni Jesus ay nangangahulugan ng hindi pagpapasok ng dugo sa katawan maging sa pamamagitan man ng pagkain nito o sa anumang ibang paraan.

      7 Ang simulaing ito ay tahasang nilabag sa Sangkakristiyanuhan sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo. Totoo, noong nakaraang mga taon, mayroong mga tao na nakapuna sa mga panganib na idinudulot sa kalusugan ng pagsasalin ng dugo at sila’y tumanggi rito nang dahil sa ibinubunga nitong mga sakit. Ito’y lalung-lalo nang totoo sapol noong marami ang magkasakit ng AIDS dahil sa pagpapasalin ng dugo. Subalit sino ang nagtataguyod sa kabanalan ng dugo nang dahil sa paggalang sa kautusan ng Diyos.

      8. Paanong ang isang Saksi sa Italya ay pinagpala dahilan sa kaniyang determinasyon na sumunod sa kautusan ng Diyos sa bagay na ito?

      8 Si Antonietta ay sa Italya naninirahan. Mga walong taon na ngayon ang nakaraan siya’y nagkasakit nang malubha, at ang bilang ng kaniyang dugo ay naging napakababa na anupa’t iginiit ng mga doktor na kailangan ang pagsasalin ng dugo upang mailigtas ang kaniyang buhay. Siya’y tumanggi at sinalungat ng kapuwa mga doktor at mga kamag-anak. Maging ang kaniyang dalawang maliliit na mga anak na lalaki ay namanhik: “Mama, kung talagang mahal mo kami, magpasalin ka na ng dugo.” Subalit si Antonietta ay determinado na manatiling tapat, at nakagagalak naman na siya’y hindi namatay. Gayunman, ang kaniyang kalagayan ay naging totoong malubha noon kung kaya’t isang doktor ang nagsabi: “Hindi namin maipaliwanag kung bakit siya’y buhay pa.” Ngunit nang gamitin sa kaniya ang isang uri ng paggamot na hindi naman tinututulan, ganiyan na lang kabilis ang kaniyang paggaling na anupa’t isa pang doktor ang nagsabi: “Hindi ko mapaniwalaan iyon​—talagang hindi ka maaaring gumaling sa ganoon kaikling panahon, kahit na ikaw ay binombahan namin ng dugo nang maghapon.” Sa kasalukuyan, siya ay isang regular payunir, at ang kaniyang dalawang anak, ngayo’y 12 at 14 anyos, ay mabilis ang pagsulong sa katotohanan. Buong tibay-loob na sinunod ni Antonietta ang ‘kailangang bagay’ na iyon, ang kabanalan ng dugo. Lahat ng mga Saksi ni Jehova ay may iisang pagkakilala habang sila’y lumalakad sa yapak ni Jesus.

      Kalinisang-Asal

      9. Ano ang isa pang ‘kailangang bagay’ na may kaugnayan sa pagsunod sa yapak ni Jesus, at ano ang nangyayari sa mga hindi sumusunod sa utos na ito?

      9 Isa pang ‘kailangang bagay’ na itinampok sa liham na iyon buhat sa unang-siglong lupong tagapamahala ay ang “patuloy na layuan. . . ang pakikiapid.” Sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto, ito’y pinalawak pa ni Pablo, na ang sabi: “Ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping ng paghiga sa mga kapuwa lalaki . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. (1 Corinto 6:9, 10) Ang mga Kristiyano’y tumutulong sa mga taong ibig na maglingkod kay Jehova upang malinis sila buhat sa mga karumal-dumal na gawaing ito. Maging ang mga miyembro man ng kongregasyon na nasisilo sa mga ito ay tinutulungan upang maglinis ng kanilang sarili kung sila’y magbalik-loob at magsisi. (Santiago 5:13-15) Subalit kung ang sinumang Kristiyano’y mahulog sa gayong maruruming gawain at ayaw nang magsisi, isang tuwirang alituntunin sa Bibliya ang kumakapit. Si Pablo ay kinasihan ng Diyos na magsabi: “Huwag kayong makisama sa kaninumang tinatawag na kapatid kung siya’y mapakiapid. . . . Alisin nga ninyo sa gitna ninyo ang taong balakyot.”​—1 Corinto 5:11, 13.

      10, 11. (a) Sino ang masisisi sa mababang mga pamantayang-asal sa Sangkakristiyanuhan, at bakit? (b) Paanong ang karanasan ng isang lalaki sa Pilipinas ay nagpapakita na, bilang isang grupo, ang mga Saksi ni Jehova ay nananatiling sumusunod sa matataas na pamantayang-asal?

      10 Sa kabila ng malinaw na turong ito, palasak sa Sangkakristiyanuhan ang imoralidad. Mga klerigong gumagawa ng pagbabago sa mga pamantayan ng Diyos na nagpapahina sa mga ito ang masisisi sa ganitong kalagayan, pati na rin ang mga taong kunwa’y pumupuri sa kabutihan ng mga pamantayan ng Bibliya ngunit hindi naman naglalakas-loob na ipatupad ito sa kanilang mga kongregasyon. Gayunman, dito, rin naman, ang mga Saksi ni Jehova bilang isang bayan ay lumalakad sa mga yapak ni Jesus.

      11 Nariyan si Jose, taga-Pilipinas. Sa edad na 17 anyos pa lamang siya’y kilala bilang isang basag-ulero at isang sugarol. Malimit na siya’y lasing, namumuhay nang imoral, at malimit na nakukulong dahilan sa pagnanakaw. Nang magkagayo’y nakilala niya ang mga Saksi ni Jehova. “Ang pag-aaral ng Bibliya ang lubusang bumago ng aking buhay,” aniya. “Ako’y hindi na umiinom at naninigarilyo, at natuto akong magpigil ng aking galit. Ako ngayon ay may malinis na budhi, may iisa lamang asawa. Nakamit ko rin ang paggalang ng aking mga kapuwa-tao, na dati-rati’y ang tawag sa akin ay si ‘Jose, na bantog sa kasamaan’ at si ‘Jose, ang multo.’ Ngayon ang tawag nila sa akin ay si ‘Jose, ang Saksi ni Jehova.’ Ang aking anak na lalaki at ang aking pamangkin ay mga ministeryal na lingkod sa kongregasyon na kung saan ako sa kasalukuyan ay naglilingkod bilang isang matanda at regular payunir.” Si Jose at ang angaw-angaw na mga iba pang kristiyanong mga Saksi ni Jehova ay lumalakad sa mga yapak ni Jesus bilang mga Kristiyanong may kalinisang-asal.

      Walang Pinapanigan

      12. Anong saloobin ng tunay na mga Kristiyano ang itinampok ni Jesus sa kaniyang panalangin na nakasulat sa Juan kabanata 17?

      12 Sa mahabang panalangin na inihandog ni Jesus noong huling gabi na kasama niya ang kaniyang mga alagad, binanggit niya ang isa pang paraan kung paanong ang kaniyang mga tagasunod ay ‘lumalakad sa kaniyang mga yapak.’ Tungkol sa kaniyang mga alagad, sinabi niya: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Ito’y nangangahulugan na ang mga Kristiyano ay walang pinapanigan. Imbis na may panig na itinataguyod sa pulitika o sa pambansang mga alitan, kanilang ibinabalita sa iba ang Kaharian ng Diyos, ang tanging lunas sa mga suliranin ng daigdig na ito.​—Mateo 6:9, 10; Juan 18:36.

      13, 14. (a) Paanong ang Sangkakristiyanuhan ay naiiba sa mga Saksi ni Jehova kung tungkol sa pagkawalang-pinapanigan? (b) Paanong dahil sa pananatiling walang pinapanigan sa pulitika ng isang Saksi sa Hapón ang buong kapatiran ay nakinabang?

      13 Ang simulaing ito ng pagkawalang-pinapanigan ay nakalimutan ng karamihan ng mga miyembro ng Sangkakristiyanuhan, na para sa kanila ang kanilang bansa ay karaniwan nang mas mahalaga kaysa relihiyon nila. Binanggit ng kolumnistang sindikato na si Mike Royko na ang “mga Kristiyano” ay hindi kailanman naging “maselan tungkol sa pagbabangon ng mga digmaan laban sa mga ibang Kristiyano,” at isinusog pa: “Kung sila lamang ay naging maselan, disin sana’y hindi naganap ang karamihan ng pinakamatitinding digmaan sa Europa.” Alam na alam na ang mga Saksi ni Jehova ay palaging naninindigan bilang mga Kristiyanong walang pinapanigan kung mga panahon ng digmaan. Subalit bilang mga tagasunod-yapak ni Jesus, sila rin naman ay walang pinapanigan kung tungkol sa mga suliraning panlipunan at pampulitika. Sa gayon, walang anuman na gumagambala sa kanilang kahanga-hangang pagkakaisa sa buong daigdig.​—1 Pedro 2:17.

      14 Ang kanilang kawalang-pinapanigan kung minsan ay nagdadala ng di-inaasahang mga resulta. Sa distritong Tsugaru ng hilagang Hapón, halimbawa, ang mga eleksiyon ay lubhang dinidibdib. Subalit si Toshio, katulong na manedyer sa Kagawaran ng Pananalapi ng isang lokal na opisina ng gobyerno, ay tumanggi dahil sa tutol ang kaniyang budhi na mapasangkot sa kampaniya ng reeleksiyon ng alkalde. Ang resulta nito ay ang pagbababa sa kaniya sa puwesto at paglalagay sa kaniya sa Kagawaran ng Basura sa Imburnal. Subalit, makalipas ang isang taon ay naaresto ang alkalde at napilitan na magbitiw dahilan sa katiwalian. Isang bagong alkalde ang inihalal. Nang kaniyang mabalitaan ang tungkol sa pagkababa ni Toshio sa tungkulin, kaniyang ibinalik ito sa isang mataas na puwesto sa pangasiwaan, at ito’y nagdulot ng mga pagpapala sa mga kapatid ni Toshio na Kristiyano. Paano? Sinabi ni Toshio na napakahirap na kumuha ng permiso upang magamit ang himnasyo para sa mga pagtitipon maliban sa mga laro. Subalit sa kaniyang kasalukuyang posisyon, “nagagamit ako ni Jehova”​—bilang pagsipi sa sariling mga pananalita ni Toshio​—“upang magamit ang gayong mga himnasyo para sa tatlong pandistritong mga kombensiyon at apat na pansirkitong mga asamblea.” Ganito ang kaniyang pagtatapos: “Kung tayo’y mananatiling tapat, si Jehova ay magbubukas ng di pa maguniguning mga paraan upang magamit tayo.”

      Sa Tahanan

      15. Paanong si Jesus ay nag-iwan ng isang huwaran para sa kaniyang mga tagasunod-yapak tungkol sa relasyon sa pamilya?

      15 Ang isa pang larangan na kung saan ang mga Kristiyano’y ‘sumusunod sa yapak ni Jesus’ ay sa tahanan. Ipinakikita ng Bibliya ang halimbawa ni Jesus bilang ang huwaran para sa relasyon sa pamilya nang sabihin nito: “Pasakop kayo sa isa’t isa nang may takot kay Kristo. Ang mga babae ay pasakop sa kani-kanilang asawa gaya sa Panginoon, sapagkat ang lalaki ang ulo ng kaniyang asawa gaya ng Kristo na siya ring ulo ng kongregasyon . . . Sa katunayan, kung paanong ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo, gayundin na ang mga babae ay magpasakop sa kani-kanilang asawa sa lahat ng bagay. Mga lalaki, patuloy na ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, kung paanong inibig din ni Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili alang-alang doon.”​—Efeso 5:21-25.

      16, 17. (a) Anong masamang kalagayan ang umiiral sa Sangkakristiyanuhan kung tungkol sa pampamilyang mga relasyon? (b) Sa papaano lamang mapahuhusay ang pampamilyang mga relasyon, gaya ng ipinakikita ng karanasan ng isang mag-asawa sa Brazil?

      16 Ang kalakhang bahagi ng payong ito ay ipinagwawalang-bahala ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon at sa gayo’y punó ito ng watak-watak na mga pamilya. Palasak ang mga sirang tahanan, at ang alitan ng magulang at anak ay kalimitang napakalulubha. “Ang pamilya ay nagkakawatak-watak,” ang puna ng isang propesor sa sikolohiya mga ilang taon na ngayon ang nakaraan. Ang mga sikologo ng bata, mga tagapayo sa pag-aasawa, at mga sikayatrista ay nagtamo ng limitado lamang na tagumpay sa pagsisikap na mapagkasundu-sundo ang nanganganib na mga pamilya. Subalit ang mga Saksi ni Jehova ay nagsusumikap na ikapit ang mga simulain ng Bibliya at sila’y makikitaan ng mas magaling-kaysa-karaniwang relasyon sa pamilya.

      17 Halimbawa, si Aldemar ay isang tinyente sa pulisya militar ng Brazil at may mga suliranin sa pamilya. Siya’y iniwan ng kaniyang asawa at ito’y naghain ng demanda para sa legal na paghiwalay. Siya’y naglasing nang husto at nagtangka pa manding magpatiwakal. Nang maglaon, ang kaniyang mga kamag-anak, na mga Saksi ni Jehova, ay nagsalita sa kaniya tungkol sa Bibliya. Nagustuhan niya ang kaniyang narinig at siya’y nagsimulang mag-aral. Sa kagustuhan niya na maiayon ang kaniyang buhay sa paninindigan ng pagkawalang-pinapanigan na ikinabantog ng mga Saksi ni Jehova, siya’y naghain ng kahilingan na putulin na ang kaniyang serbisyo sa militar. Nilutas ni Aldemar at ng kaniyang asawa ang kanilang di pagkakaunawaan sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya na natututuhan noon ni Aldemar. Sa ngayon, sila ay sumusunod sa mga yapak ni Jesus, naglilingkod kay Jehova na magkasama bilang mga regular payunir.

      Masunurin Dahil sa Pag-ibig

      18. (a) Bakit sa ngayo’y pinagpapala sa espirituwal ang mga Saksi ni Jehova? (b) Paano natutupad ngayon ang Isaias 2:2-4?

      18 Maliwanag nga na ang mga Saksi ni Jehova ay nagkakaisang lumalakad sa espiritu at sa mga yapak ni Kristo Jesus. Bilang mga indibiduwal at bilang isang grupo, sila’y pinagpapala sa espirituwal sa paggawa ng gayon. (Awit 133:1-3) Ang maliwanag na ebidensiya ng pagpapala sa kanila ng Diyos ay gumanyak sa karamihan ng tapat-pusong mga tao na kumilos kasuwato ng hula sa Isaias 2:2-4. Sa loob lamang ng nakalipas na limang taon, 987,828 ang kumuha ng kinakailangang mga hakbang ng pag-aalay at pagkatapos ay naghandog ng kanilang sarili para sa bautismo sa tubig. Bilang isang mapagmahal na paglalaan, hindi nilagyan ni Jehova ng limitasyon ang bilang ng mga tao na makagagawa nito bago sumapit “ang malaking kapighatian”!​—Apocalipsis 7:9, 14.

      19. (a) Ano ang nakikitang mga pakinabang na maaaring bunga ng paglilingkod kay Jehova, at paano dapat ituring ang mga iyan? (b) Ano ang ating pangunahing dahilan ng pagsunod sa kautusan ni Jehova?

      19 Gaya ng ipinakikita ng binanggit na mga karanasan, ang espirituwal na mga pagpapala na tinatamasa ng mga lingkod ng Diyos ay kadalasang may kasamang nakikitang mga pakinabang. Halimbawa, sa pamamagitan ng hindi paninigarilyo, pamumuhay nang may kalinisang-asal, at paggalang sa kabanalan ng dugo, sila’y maaaring makaiwas sa pagiging biktima ng mga ilang sakit. O dahilan sa pamumuhay na kasuwato ng katotohanan, sila’y maaaring makinabang sa paraang pangkabuhayan, panlipunan, o pantahanan. Anuman sa gayong nakikitang mga pakinabang ay itinuturing na isang pagpapala buhat kay Jehova, at nagpapatunay na ang mga kautusan ni Jehova ay maaaring sundin. Subalit ang posibilidad ng pagtatamo ng gayong praktikal na mga bentaha ay hindi sa ganang sarili siyang pangunahing dahilan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Ang mga tunay na Kristiyano ay sumusunod kay Jehova sapagkat kanilang iniibig siya, dahil sa siya’y karapat-dapat sa kanilang pagsamba, at dahilan sa ang paggawa ng kaniyang kalooban ang siyang tanging matuwid. (1 Juan 5:2, 3; Apocalipsis 4:11) Si Satanas ang nagbibintang na ang mga tao’y naglilingkod sa Diyos dahil lamang sa mapag-imbot na mga pakinabang.​—Tingnan ang Job 1:9-11; 2:4, 5.

      20. Paanong ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay lumalakad sa kaparehong espiritu na tulad ng sa tatlong tapat na Saksing Hebreo noong sinaunang panahon?

      20 Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay lumalakad sa kaparehong espiritu na tulad ng sa tatlong tapat na mga kabataang saksing Hebreo noong kaarawan ni Daniel. Nang sila’y pagbantaan na ihahagis sa isang nagniningas na hurno, ang mga ito’y nagsabi: “Narito, ang aming Diyos na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin. Sa mabangis na hurnong nagniningas at sa iyong kamay, Oh hari, ililigtas niya kami. Ngunit kung hindi [na ang ibig sabihin, kahit na tulutan niyang kami’y mamatay], talastasin mo, Oh hari, na hindi kami sa iyong mga diyos maglilingkod, at ang larawang ginto na iyong itinayo ay hindi namin sasambahin.” (Daniel 3:17, 18) Anuman ang agad na makitang mga pakinabang o mga resulta, ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy na susunod nang maingat sa mga yapak ni Jesus, sa pagkatanto nila na ang buhay na walang-hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos ay tiyak! Bilang isang nagkakaisang bayan, sila’y patuloy na lalakad “sa magkaparehong espiritu” at “sa ganoon ding mga yapak,” anuman ang dumating!

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share