-
AsiaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Sa paglalarawan ni Lucas sa mga rehiyong pinanggalingan ng mga Judiong pumaroon sa Jerusalem noong panahon ng Pentecostes ng taóng 33 C.E., itinala niya ang Asia kasama ng mga probinsiya ng Capadocia, Ponto, at Pamfilia. (Gaw 2:9, 10; ihambing ang 1Pe 1:1.) Itinala niya roon ang Frigia nang hiwalay sa Asia, gaya ng ginawa niyang muli sa Gawa 16:6. Ganito rin ang ginawa ni Pliny na Nakatatanda, isang Romanong awtor na nabuhay noong unang siglo C.E. (Natural History, V, XXVIII, 102) Sinasabi ng ulat sa Gawa 16:6, 7 na si Pablo ay ‘pinagbawalan ng banal na espiritu na salitain ang salita sa distrito ng Asia’ noong naglalakbay siya nang pakanluran sa kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero (mga 49-52 C.E.). Kaya dumaan siya sa Frigia at Galacia nang pahilaga patungo sa probinsiya ng Bitinia, ngunit muli siyang inilihis ng espiritu ni Jesus patungong kanluran na dumaraan sa Misia hanggang sa daungang-dagat ng Troas, kung saan maaaring lumulan patungong Macedonia. Dito tinanggap ni Pablo ang pangitain kung saan inanyayahan siyang ‘tumawid sa Macedonia at tulungan kami.’ (Gaw 16:9) Kaya bagaman aktuwal na dumaan si Pablo sa hilagang bahagi ng probinsiya ng Asia, gumugol lamang siya ng panahon doon noong pabalik na siya nang matapos na niya ang kaniyang gawain sa Macedonia at Acaya. Pagkatapos ay gumugol siya ng maikling panahon sa Efeso, anupat nangaral siya sa sinagoga at bago lumisan ay nangakong babalik siya.—Gaw 18:19-21.
-