-
Mapagtatagumpayan Natin ang Anumang Pagsubok!Ang Bantayan—2005 | Hunyo 15
-
-
“Di-sana-nararapat na Kabaitan ng Diyos na Ipinamamalas sa Iba’t Ibang Paraan”
Binanggit ni apostol Pedro na ang mga Kristiyano ay ‘pinipighati ng iba’t ibang pagsubok.’ (1 Pedro 1:6) Nang maglaon, sa kaniyang kinasihang liham, sinabi niya na ang “di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos” ay “ipinamamalas sa iba’t ibang paraan.” (1 Pedro 4:10) Ang pariralang “sa iba’t ibang paraan” ay may anyo ng gayunding orihinal na salita sa Griego. Sa pagkokomento sa pananalitang ito, ganito ang sinabi ng isang iskolar sa Bibliya: “Kamangha-manghang isipin ito. . . . Ang paglalarawan sa kagandahang-loob [o, di-sana-nararapat na kabaitan] ng Diyos bilang poikilos ay nangangahulugang walang situwasyon sa buhay ng tao ang hindi kayang lunasan ng kagandahang-loob ng Diyos.” Binanggit pa niya: “Walang anumang kalagayan, walang anumang krisis, kagipitan o biglaang pangangailangan na hindi mabibigyang-solusyon ng kagandahang-loob ng Diyos . . . Walang anumang bagay sa buhay ang hindi kayang lunasan ng kagandahang-loob ng Diyos. Ang makahulugang salitang ito na poikilos ay malinaw na nagpapaalaala sa atin sa maraming-kulay na kagandahang-loob ng Diyos na talagang sapat upang maharap natin ang lahat ng bagay.”
Tinutulungan Tayo ng Di-sana-nararapat na Kabaitan ng Diyos na Mabata ang mga Pagsubok
Ayon kay Pedro, ang isang paraan na ipinamamalas ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay sa pamamagitan ng iba’t ibang indibiduwal na bumubuo sa kongregasyong Kristiyano. (1 Pedro 4:11) Bawat lingkod ng Diyos ay may espirituwal na mga kaloob, o kakayahan, na maaaring pagmulan ng pampatibay-loob ng mga napapaharap sa mga pagsubok. (Roma 12:6-8) Halimbawa, ang ilang miyembro ng kongregasyon ay mahuhusay na guro ng Bibliya. Ang kanilang may-kaunawaang mga salita ay nagpapasigla at gumaganyak sa iba na magbata. (Nehemias 8:1-4, 8, 12) Ang iba ay regular na dumadalaw bilang mga pastol sa tahanan ng mga nangangailangan ng tulong. Nakapagpapatibay-loob ang gayong mga pagdalaw, anupat ‘nakaaaliw sa puso.’ (Colosas 2:2) Kapag ang mga tagapangasiwa ay gumagawa ng gayong mga pagdalaw na nakapagpapatibay ng pananampalataya, nagbabahagi sila ng espirituwal na kaloob. (Juan 21:16) Ang iba naman ay kilala sa kongregasyon sa kanilang kasiglahan, pagkamahabagin, at pagkamagiliw sa pakikitungo sa mga kapananampalatayang nalulumbay dahil sa mga pagsubok. (Gawa 4:36; Roma 12:10; Colosas 3:10) Ang empatiya at aktibong pag-alalay ng gayong maibiging mga kapatid ay mahalagang kapahayagan, o “kulay,” ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.—Kawikaan 12:25; 17:17.
-
-
Mapagtatagumpayan Natin ang Anumang Pagsubok!Ang Bantayan—2005 | Hunyo 15
-
-
Oo, anuman ang “kulay,” o anyo, ng ating pagsubok, lagi itong may katapat na “kulay,” o kapahayagan, ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. (Santiago 1:17) Ang napapanahon at angkop na suportang inilalaan ni Jehova sa kaniyang mga lingkod—gaanuman karami ang anyo ng nakakaharap nilang tukso o hamon—ay isang patunay lamang ng “malawak na pagkakasari-sari ng karunungan ng Diyos.” (Efeso 3:10) Sang-ayon ka ba?
-