-
Ano ang Masasaksihan sa Araw ni Jehova?Ang Bantayan—2010 | Hulyo 15
-
-
2 Sumulat si apostol Pedro: “Ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw, na dito ang mga langit ay lilipas na may sumasagitsit na ingay, ngunit ang mga elemento na nag-iinit nang matindi ay mapupugnaw, at ang lupa at ang mga gawang naroroon ay mahahantad.” (2 Ped. 3:10) Ano ang “mga langit” at “lupa” na binanggit dito? Ano ang “mga elemento” na mapupugnaw? At ano ang ibig sabihin ni Pedro nang banggitin niyang “ang lupa at ang mga gawang naroroon ay mahahantad”? Ang sagot sa mga tanong na ito ay tutulong sa atin na mapaghandaan ang kakila-kilabot na mga pangyayaring malapit nang maganap.
Ang mga Langit at ang Lupa na Lilipas
3. Ano ang “mga langit” na binabanggit sa 2 Pedro 3:10? Paano lilipas ang mga ito?
3 Sa Bibliya, ang makasagisag na paggamit sa pananalitang “mga langit” ay karaniwan nang tumutukoy sa mga tagapamahala na nakatataas sa kanilang sakop. (Isa. 14:13, 14; Apoc. 21:1, 2) Ang “mga langit [na] lilipas” ay kumakatawan sa pamamahala ng tao sa di-makadiyos na sanlibutang ito. Ang paglipas na ito nang may “sumasagitsit na ingay”—“nakapangingilabot na ugong,” sa ibang salin—ay maaaring nagpapahiwatig ng dagliang paglipol sa mga langit na ito.
4. Ano ang “lupa”? Paano ito lilipulin?
4 Ang “lupa” ay kumakatawan sa sanlibutan ng mga taong hiwalay sa Diyos. Ganiyan ang mga tao noong panahon ni Noe kung kaya nilipol sila ng Diyos sa Baha. “Sa pamamagitan ng gayunding salita ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” (2 Ped. 3:7) Noong Baha, sabay-sabay na nilipol ang mga taong di-makadiyos. Pero sa “malaking kapighatian,” yugtu-yugto ang magaganap na pagpuksa. (Apoc. 7:14) Sa unang yugto, uudyukan ng Diyos ang mga tagapamahala ng daigdig na wasakin ang “Babilonyang Dakila,” anupat ipinapakita ang galit Niya sa relihiyosong patutot. (Apoc. 17:5, 16; 18:8) Pagkatapos, sa digmaan ng Armagedon—ang huling yugto ng malaking kapighatian—si Jehova mismo ang tatapos sa natitirang bahagi ng sanlibutan ni Satanas.—Apoc. 16:14, 16; 19:19-21.
“Ang mga Elemento . . . ay Mapupugnaw”
5. Ano ang kabilang sa makasagisag na mga elemento?
5 Ano ang “mga elemento” na “mapupugnaw”? Sa isang diksyunaryo sa Bibliya, ang terminong “mga elemento” ay nangangahulugang “mga panimulang simulain,” o “mga saligang tuntunin.” Ayon dito, para itong mga titik ng alpabeto na bumubuo ng mga salita ng isang wika. Kaya ang “mga elemento” na binanggit ni Pedro ay tumutukoy sa pinakaugat na mga dahilan kung bakit napakasama ng sanlibutang ito. Kabilang sa ‘mga elementong’ ito ang “espiritu ng sanlibutan” na “kumikilos . . . sa mga anak ng pagsuway.” (1 Cor. 2:12; basahin ang Efeso 2:1-3.) Ang espiritung ito, o “hangin,” ay laganap sa sanlibutan ni Satanas. Ito ang nagtutulak sa mga tao na mag-isip, magplano, magsalita, at kumilos sa paraang naaaninag ang kaisipan ni Satanas—ang hambog at palabang “tagapamahala ng awtoridad ng hangin.”
6. Paano nakikita sa mga tao ang espiritu ng sanlibutan?
6 Namamalayan man nila o hindi, hinahayaan ng mga nahawahan ng espiritu ng sanlibutan na maimpluwensiyahan ni Satanas ang kanilang isip at puso. Kaya naman nakikita sa kanila ang kaniyang kaisipan at saloobin. Ang resulta? Ginagawa nila ang gusto nila, at wala silang pakialam sa kalooban ng Diyos. Puro pride o kasakiman ang pinaiiral nila, ayaw nilang magpasakop sa awtoridad, at nagpapadala sila sa ‘pagnanasa ng laman at pagnanasa ng mga mata.’—Basahin ang 1 Juan 2:15-17.a
7. Bakit dapat nating ‘ingatan ang ating puso’?
7 Mahalagang ‘ingatan ang ating puso,’ at magagawa natin ito kung magiging maingat tayo sa pagpili ng mga kasama, babasahín, libangan, at mga binubuksang Web site sa Internet. (Kaw. 4:23) Sumulat si apostol Pablo: “Mag-ingat: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.” (Col. 2:8) Habang papalapit ang araw ni Jehova, mas dapat nating seryosohin ang babalang iyan dahil ang lahat ng “elemento” ng sistema ni Satanas ay pupugnawin ng ‘init’ ng galit ng Diyos—init na hinding-hindi matatagalan ng mga ito. Maaalala natin ang sinasabi sa Malakias 4:1: “Ang araw ay dumarating na nagniningas na parang hurno, at ang lahat ng pangahas at ang lahat ng gumagawa ng kabalakyutan ay magiging tulad ng pinaggapasan. At lalamunin nga sila niyaong araw na dumarating.”
“Ang Lupa at ang mga Gawang Naroroon ay Mahahantad”
8. Paano “mahahantad” ang lupa at ang mga gawang naroroon?
8 Ano ang ibig sabihin ni Pedro nang isulat niyang “ang lupa at ang mga gawang naroroon ay mahahantad”? Ang salitang “mahahantad” ay maaari ding isaling “masusumpungan” o “malalantad.” Sinasabi ni Pedro na sa malaking kapighatian, ilalantad ni Jehova ang sanlibutan ni Satanas—ang pagsalansang nito sa Kaniya at sa Kaniyang Kaharian—kung kaya dapat itong lipulin. Inihula sa Isaias 26:21: “Si Jehova ay lumalabas mula sa kaniyang dako upang hingan ng sulit ang kamalian ng tumatahan sa lupain laban sa kaniya, at tiyak na ilalantad ng lupain ang kaniyang pagbububo ng dugo at hindi na tatakpan ang mga napatay sa kaniya.”
9. (a) Ano ang dapat nating iwasan, at bakit? (b) Ano ang dapat nating linangin, at bakit?
9 Sa araw ni Jehova, lalabas ang totoong kulay ng mga naimpluwensiyahan ng sanlibutan at ng espiritu nito, magpapatayan pa nga sila. Sa katunayan, masasabing ikinukundisyon na ng iba’t ibang mararahas na libangan sa ngayon ang kaisipan ng marami para sa magaganap na paglalabanan nila. (Zac. 14:13) Napakahalaga ngang iwasan ang anumang bagay—pelikula, aklat, video games, at iba pa—na maaaring maging dahilan para magkaroon tayo ng pag-uugaling kinamumuhian ng Diyos, gaya ng pride at pagkahilig sa karahasan! (2 Sam. 22:28; Awit 11:5) Sa halip, linangin natin ang mga bunga ng banal na espiritu ng Diyos—mga katangiang di-matutupok ng makasagisag na init.—Gal. 5:22, 23.
-
-
Ano ang Masasaksihan sa Araw ni Jehova?Ang Bantayan—2010 | Hulyo 15
-
-
Paghandaan ang Dakilang Araw ni Jehova
12. Bakit magugulat ang sanlibutan sa pagdating ng araw ni Jehova?
12 Parehong inihula nina Pablo at Pedro na darating ang araw ni Jehova “gaya ng isang magnanakaw”—di-namamalayan, di-inaasahan. (Basahin ang 1 Tesalonica 5:1, 2.) Maging ang mapagbantay na mga tunay na Kristiyano ay magugulat din sa biglang pagdating nito. (Mat. 24:44) Pero ang sanlibutan ay hindi lang basta magugulat. Sumulat si Pablo: “Kailanma’t kanilang sinasabi [ng mga taong hiwalay kay Jehova]: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay kagyat na mapapasakanila ang biglang pagkapuksa gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao; at sa anumang paraan ay hindi sila makatatakas.”—1 Tes. 5:3.
-