-
“Lubos Niyang Napalugdan ang Diyos”Ang Bantayan (Pampubliko)—2017 | Blg. 1
-
-
SI ENOC AY ‘NANGHULA MAY KINALAMAN SA KANILA’
Maaaring nadama ni Enoc na nag-iisa siyang nanampalataya sa Diyos sa isang daigdig na walang pananampalataya. Pero napansin kaya siya ng Diyos na Jehova? Oo. Dumating ang panahon na nakipag-usap si Jehova sa tapat na lingkod niyang ito. Isinugo ng Diyos si Enoc para sabihin sa mga tao ang isang mensahe. Kaya ginawa niyang propeta si Enoc, ang unang propeta na ang mensahe ay isiniwalat sa Bibliya. Nalaman natin ang mensaheng ito dahil maraming taon pagkaraan nito, isinulat ni Judas, kapatid sa ina ni Jesus, ang hulang ito ni Enoc.a
Ano ang inihula ni Enoc? Ganito iyon: “Narito! Si Jehova ay dumating na kasama ang kaniyang laksa-laksang banal, upang maglapat ng hatol laban sa lahat, at upang hatulan ang lahat ng di-makadiyos may kinalaman sa lahat ng kanilang di-makadiyos na mga gawa na kanilang ginawa sa di-makadiyos na paraan, at may kinalaman sa lahat ng nakapangingilabot na mga bagay na sinalita ng di-makadiyos na mga makasalanan laban sa kaniya.” (Judas 14, 15) Siguro ang una mong napansin ay na sinabi ito ni Enoc sa panahunang pangnagdaan, na para bang tinupad na ng Diyos ang nakahula. Ganiyan din ang maraming iba pang hula na kasunod nito. Ito ang punto: Sinasabi ng propeta ang isang bagay na walang kaduda-dudang mangyayari anupat mailalarawan niya ito na parang nangyari na!—Isaias 46:10.
Walang-takot na inihayag ni Enoc ang mensahe ng Diyos sa mga taong di-makadiyos
Ano kaya ang nadama ni Enoc nang utusan siyang ihatid ang mensaheng iyon, marahil sa pamamagitan ng pangangaral sa lahat ng tao? Matindi ang babala—apat na beses na binanggit ang salitang “di-makadiyos” para hatulan ang mga tao, ang kanilang mga gawa, at maging ang paraan ng pagsasagawa nila nito. Isang babala ang hulang ito sa lahat ng tao na naging sukdulan na ang kasamaan mula nang mapalayas ang unang tao sa hardin ng Eden. Kapaha-pahamak ang magiging wakas ng lipunang iyon kapag dumating na si Jehova kasama ang kaniyang “laksa-laksang banal”—hukbo ng makapangyarihang mga anghel na handang makipagdigma—para puksain sila. Walang-takot na inihayag ni Enoc ang babalang iyon, at mag-isa lang niya itong ginawa! Malamang na hangang-hanga si Lamec na makita ang lakas ng loob ng kaniyang lolo. At hindi naman iyon kataka-taka.
Ang halimbawa ni Enoc ay maaaring mag-udyok sa atin na pag-isipan kung ang pananaw natin sa sanlibutang ito ay kagaya ng pananaw ng Diyos. Ang hatol na buong-tapang na inihayag noon ni Enoc ay totoo pa rin sa ngayon. Gaya ng babala ni Enoc, nagpasapit si Jehova ng malaking Baha sa mga taong di-makadiyos noong panahon ni Noe. Pero may darating na mas malaking pagkapuksa. (Mateo 24:38, 39; 2 Pedro 2:4-6) Gaya noon, handang-handa na rin ang Diyos ngayon, kasama ang kaniyang laksa-laksang banal, para hatulan ang di-makadiyos na sanlibutan. Dapat isapuso ng bawat isa sa atin ang babala ni Enoc at sabihin ito sa iba. Maaaring iba ang maging paninindigan ng ating pamilya at mga kaibigan. Kung minsan, baka madama nating nag-iisa tayo. Pero hindi iniwan ni Jehova si Enoc; hindi rin niya iiwan ang tapat na mga lingkod niya ngayon!
-
-
“Lubos Niyang Napalugdan ang Diyos”Ang Bantayan (Pampubliko)—2017 | Blg. 1
-
-
a Iginigiit ng ilang iskolar ng Bibliya na sumipi si Judas sa apokripal na akda na tinatawag na Aklat ni Enoc, pero ang aklat na iyon na sinasabing isinulat ni Enoc ay kathang-isip lang at hindi alam ang pinagmulan. Tumpak na binanggit doon ang tungkol sa hula ni Enoc, pero maaaring nagmula iyon sa isang sinaunang reperensiya na wala na ngayon—isang nasusulat na dokumento o bibigang ipinasa bilang tradisyon. Maaaring ang sinaunang reperensiyang iyon ang pinagkunan ni Judas ng impormasyon, o maaaring nalaman niya ang tungkol kay Enoc mula kay Jesus, na nakakita mismo sa buhay ni Enoc mula sa langit.
-