-
Si Enoc ay Lumakad na Kasama ng Diyos sa Isang Di-makadiyos na SanlibutanAng Bantayan—2001 | Setyembre 15
-
-
Hula Laban sa Di-Makadiyos
Ang pagpapanatili lamang ng matataas na pamantayan ay napakahirap na kapag napalilibutan tayo ng di-makadiyos na mga tao. Ngunit inihayag din ni Enoc ang di-nagmamaliw na mensahe ng paghatol laban sa balakyot. Sa pag-akay ng espiritu ng Diyos, makahulang inihayag ni Enoc: “Narito! Si Jehova ay dumating na kasama ang kaniyang laksa-laksang banal, upang maglapat ng hatol laban sa lahat, at upang hatulan ang lahat ng di-makadiyos may kinalaman sa lahat ng kanilang di-makadiyos na mga gawa na kanilang ginawa sa di-makadiyos na paraan, at may kinalaman sa lahat ng nakapangingilabot na mga bagay na sinalita ng di-makadiyos na mga makasalanan laban sa kaniya.”—Judas 14, 15.
Ano ang magiging epekto ng mensaheng iyon sa tiwaling mga di-mananampalataya? Makatuwirang ipalagay na ang gayong maaanghang na pananalita ay naging dahilan upang kayamutan si Enoc, marahil nagdulot ito ng pangungutya, panunuya, at mga pagbabanta. Tiyak na nais ng ilan na patahimikin na siya nang tuluyan. Gayunman, hindi natakot si Enoc. Alam niya kung ano ang nangyari sa matuwid na si Abel, at tulad niya, determinado si Enoc na paglingkuran ang Diyos, anuman ang mangyari.
-
-
Si Enoc ay Lumakad na Kasama ng Diyos sa Isang Di-makadiyos na SanlibutanAng Bantayan—2001 | Setyembre 15
-
-
[Kahon sa pahina 30]
Sumisipi ba ang Bibliya sa Aklat ni Enoc?
Ang Aklat ni Enoc ay isang tekstong apokripa at pseudepigraphic. Ito ay may-kamaliang ipinalalagay na isinulat ni Enoc. Isinulat marahil noong ikalawa at unang siglo B.C.E., ito ay isang koleksiyon ng labis-labis at di-makasaysayang mga alamat ng Judio, na maliwanag na produkto ng malawak na pagpapaliwanag sa maikling pagtukoy kay Enoc sa Genesis. Ito lamang ay sapat na para iwaksi ito ng mga umiibig sa kinasihang Salita ng Diyos.
Sa Bibliya, tanging ang aklat ni Judas ang naglalaman ng makahulang mga salita ni Enoc: “Narito! Si Jehova ay dumating na kasama ang kaniyang laksa-laksang banal, upang maglapat ng hatol laban sa lahat, at upang hatulan ang lahat ng di-makadiyos may kinalaman sa lahat ng kanilang di-makadiyos na mga gawa na kanilang ginawa sa di-makadiyos na paraan, at may kinalaman sa lahat ng nakapangingilabot na mga bagay na sinalita ng di-makadiyos na mga makasalanan laban sa kaniya.” (Judas 14, 15) Maraming iskolar ang nangangatuwiran na ang hula ni Enoc laban sa di-makadiyos na mga kapanahon niya ay tuwirang sinipi mula sa Aklat ni Enoc. Posible kaya na gumamit si Judas ng isang di-maaasahang aklat na apokripa bilang kaniyang reperensiya?
Hindi isinisiwalat sa Kasulatan kung paano nalaman ni Judas ang hula ni Enoc. Maaaring sumipi lamang siya mula sa isang pamilyar na reperensiya, isang maaasahang tradisyon na ipinasa mula pa noong sinaunang panahon. Maliwanag na gumawa rin ng ganito si Pablo nang tukuyin niya sina Janes at Jambres bilang di-na-sana-nakilala pang mga mahiko sa korte ni Paraon na sumalansang kay Moises. Kung ang manunulat ng Aklat ni Enoc ay may nagamit na ganitong uri ng sinaunang reperensiya, bakit naman natin ipagkakaila na may nagamit ding gayong reperensiya si Judas?a—Exodo 7:11, 22; 2 Timoteo 3:8.
Kung paano tinanggap ni Judas ang impormasyon hinggil sa mensahe ni Enoc sa mga di-makadiyos ay isang maliit na bagay. Ang pagkamaaasahan nito ay pinatutunayan ng katotohanan na si Judas ay sumulat sa ilalim ng pagkasi ng Diyos. (2 Timoteo 3:16) Iningatan siya ng banal na espiritu ng Diyos laban sa pagsasabi ng anumang bagay na di-totoo.
[Talababa]
a Ang alagad na si Esteban ay naglaan din ng impormasyon na hindi matatagpuan sa ibang bahagi ng Hebreong Kasulatan. Ito ay may kinalaman sa edukasyon ni Moises sa Ehipto, sa pagtakas niya sa Ehipto noong siya’y 40 taóng gulang, sa 40-taóng yugto ng kaniyang paglagi sa Midian, at sa papel ng anghel sa pagbibigay ng Kautusang Mosaiko.—Gawa 7:22, 23, 30, 38.
-