-
Har-MagedonKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
HAR–MAGEDON
[mula sa Heb., nangangahulugang “Bundok ng Megido”].
Ang pangalang ito ay tuwirang iniuugnay sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Espesipikong tinutukoy ng terminong ito ang kalagayan, o situwasyon, na doo’y tinitipon ang “mga hari ng buong tinatahanang lupa” laban kay Jehova at laban sa kaniyang Kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo. Sa ilang bersiyon, isinalin ito bilang “Armagedon.” (Apo 16:14, 16, AS-Tg; MB; NPV) Ang pangalang Har–Magedon, na hinalaw sa Hebreo, ay nangangahulugang “Bundok ng Megido.”
Lumilitaw na walang literal na lugar na tinatawag na “Bundok ng Megido,” sa loob o sa labas man ng Lupang Pangako, bago o noong panahon ng apostol na si Juan, na nag-ulat ng pangitain. Dahil dito, maliwanag na ang kahulugan ng Har–Magedon ay nauugnay sa mga pangyayaring naganap sa sinaunang lunsod ng Megido.
Ang Megido, na matatagpuan mga ilang milya sa TS ng Bundok Carmel, ay nakatunghay at nangingibabaw sa Kapatagan ng Esdraelon (Jezreel). Kontrolado nito ang pangunahing mga rutang pangkalakalan at pangmilitar sa H-T at S-K. Si Josue ang unang lumupig sa Canaanitang lunsod na ito. (Jos 12:7, 8, 21) Nang maglaon, malapit sa lugar na ito, nalipol ang hukbo ni Jabin na nasa ilalim ng pangunguna ni Sisera. Ginamit ni Jehova ang mga puwersa ng kalikasan upang tulungan ang hukbong Israelita sa ilalim ni Barak. Ang ulat ay kababasahan: “Bumaba si Barak mula sa Bundok Tabor na kasama ang sampung libong lalaki sa likuran niya. At nilito ni Jehova si Sisera at ang lahat ng kaniyang mga karong pandigma at ang buong kampo sa pamamagitan ng talim ng tabak sa harap ni Barak. Nang dakong huli ay bumaba si Sisera mula sa karo at patakbong tumakas. At hinabol ni Barak ang mga karong pandigma at ang kampo hanggang sa Haroset ng mga bansa, anupat ang buong kampo ni Sisera ay bumagsak sa pamamagitan ng talim ng tabak. Walang naiwan kahit isa.”—Huk 4:14-16.
Pagkatapos ng tagumpay, si Barak at ang propetisang si Debora ay umawit nang ganito: “Ang mga hari ay dumating, sila ay nakipaglaban; noon nga ay nakipaglaban ang mga hari ng Canaan sa Taanac sa tabi ng tubig ng Megido. Wala silang dinalang pakinabang na pilak. Mula sa langit ay nakipaglaban ang mga bituin, mula sa kanilang mga landas ay nakipaglaban sila kay Sisera. Tinangay sila ng ilog ng Kison, ng ilog ng sinaunang mga araw, ng ilog ng Kison. Niyapakan mo ang lakas, O kaluluwa ko. Noon dumamba ang mga paa ng mga kabayo dahil sa pagdaluhong at pagdaluhong ng kaniyang mga barakong kabayo.”—Huk 5:19-22.
Sa Megido namatay si Haring Ahazias ng Juda matapos siyang ipapatay ni Jehu. (2Ha 9:27) Dito rin namatay si Haring Josias ng Juda nang makasagupa niya si Paraon Neco. (2Ha 23:29, 30) Ayon sa sekular na kasaysayan, maraming bansa ang nagdigmaan sa palibot ng Megido dahil sa estratehikong posisyon nito. ‘Ang mga Judio, mga Gentil, mga Saraceno, mga krusado, mga Ehipsiyo, mga Persiano, mga Druse, mga Turko, at mga Arabe ay pawang nagtayo ng kanilang mga tolda sa kapatagan ng Esdraelon.’—Word Studies in the New Testament, ni M. R. Vincent, 1957, Tomo II, p. 542.
Sinasabi sa Apocalipsis na ang pinagsama-samang mga hukbo ng mga hari sa lupa ay tinitipon “sa dako [sa Gr., isang anyo ng toʹpos] na sa Hebreo ay tinatawag na Har–Magedon.” (Apo 16:16) Sa Bibliya, ang toʹpos ay maaaring tumukoy sa isang literal na lugar (Mat 14:13, 15, 35); sa oportunidad o “pagkakataong” taglay ng isa (Gaw 25:16); o sa isang makasagisag na dako, kalagayan, o situwasyon (Apo 12:6, 14). Batay sa konteksto, itong huling nabanggit na diwa ang tinutukoy na “dako” na paroroonan ng pinagsama-samang mga puwersang militar sa lupa.
-
-
Har-MagedonKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Samakatuwid, ang Har–Magedon ay hindi basta labanan ng mga tao, kundi isang pakikipaglaban ng di-nakikitang mga hukbo ng Diyos. Tiyak na darating at magaganap ito sa panahong itinakda ng Diyos na Jehova, yamang “ginagawa niya ang ayon sa kaniyang sariling kalooban sa gitna ng hukbo ng langit at ng mga tumatahan sa lupa.”—Dan 4:35; tingnan din ang Mat 24:36.
-