-
“Ang Inyong Katubusan ay Nalalapit Na”!Ang Bantayan—2015 | Hulyo 15
-
-
16, 17. Ano muna ang dapat mangyari bago ang kasal ng Kordero sa langit?
16 Kapag nasa langit na ang lahat ng 144,000, maaari nang gawin ang pangkatapusang mga paghahanda para sa kasal ng Kordero. (Apoc. 19:9) Pero may magaganap pa bago ang masayang okasyong iyon. Tandaan na bago umakyat sa langit ang mga nalabi ng 144,000, sasalakayin ni Gog ang bayan ng Diyos. (Ezek. 38:16) Ano ang magiging reaksiyon dito? Sa lupa, ang bayan ng Diyos ay magmumukhang walang anumang depensa. Susundin nila ang mga tagubiling ibinigay noong panahon ni Haring Jehosapat: “Hindi ninyo kakailanganing lumaban sa pagkakataong ito. Lumagay kayo sa inyong dako, manatili kayong nakatayo at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova para sa inyo. O Juda at Jerusalem, huwag kayong matakot o masindak man.” (2 Cro. 20:17) Matapos magsimula ang pagsalakay ni Gog, ang lahat ng pinahirang nalabi sa lupa ay dadalhin sa langit. Sinasabi ng Apocalipsis 17:14 ang magiging reaksiyon sa langit sa pagsalakay ni Gog. Ang mga kaaway ng bayan ng Diyos ay “makikipagbaka sa Kordero, ngunit, dahil sa siya ay Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, dadaigin sila ng Kordero. Gayundin, yaong mga tinawag at pinili at tapat na kasama niya ay mananaig din.” Kaya ililigtas ni Jesus at ng 144,000 kasama niyang tagapamahala sa langit ang bayan ng Diyos dito sa lupa.
17 Hahantong ito sa digmaan ng Armagedon, na dadakila sa banal na pangalan ni Jehova. (Apoc. 16:16) Sa panahong iyon, lahat ng tulad-kambing ay “magtutungo sa walang-hanggang pagkalipol.” Sa wakas, mawawala na ang lahat ng kasamaan sa lupa, at ang malaking pulutong ay makaliligtas sa huling bahagi ng malaking kapighatian. Kapag natapos na ang lahat ng paghahanda, maaari nang maganap ang kasukdulan ng aklat ng Apocalipsis—ang kasal ng Kordero. (Apoc. 21:1-4)d Ang lahat ng nakaligtas sa lupa ay magtatamasa ng pabor ng Diyos at ng saganang kapahayagan ng kaniyang pag-ibig. Isa ngang napakasayang kasalan! Hindi ba’t sabik na sabik na tayong mangyari iyon?—Basahin ang 2 Pedro 3:13.
-