Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Nanghahawakang Mahigpit sa Pangalan ni Jesus
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • ‘Nakatagong Manna at Isang Maliit na Batong Puti’

      17. Anong gantimpala ang naghihintay sa mga pinahirang Kristiyano na ‘mananaig,’ at ano ang kailangang pagtagumpayan ng mga Kristiyano sa Pergamo?

      17 Dakilang gantimpala ang naghihintay sa lahat ng makikinig sa payo ni Jesus na ibinibigay sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu ni Jehova. Pakinggan! “Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon: Sa kaniya na nananaig ay magbibigay ako ng bahagi ng nakatagong manna, at bibigyan ko siya ng isang maliit na batong puti, at sa maliit na bato ay nakasulat ang isang bagong pangalan na walang sinumang nakaaalam maliban sa tumatanggap nito.” (Apocalipsis 2:17) Kaya ang mga Kristiyano sa Pergamo, tulad ng mga Kristiyano sa Smirna, ay pinatitibay-loob na ‘manaig.’ Upang magtagumpay ang mga Kristiyano sa Pergamo, na kinaroroonan ng trono ni Satanas, dapat silang umiwas sa idolatriya. Dapat nilang mapagtagumpayan ang imoralidad, sektaryanismo, at ang apostasyang nauugnay kay Balak, Balaam, at sa sekta ni Nicolas. Sa paggawa nito, ang mga pinahirang Kristiyanong iyon ay aanyayahang kumain ng “nakatagong manna.” Ano ang kahulugan nito?

      18, 19. (a) Ano ang manna na inilaan ni Jehova sa mga Israelita? (b) Anong manna ang nakatago? (c) Ano ang isinasagisag ng pagkain ng nakatagong manna?

      18 Noong panahon ni Moises, naglaan si Jehova ng manna upang tustusan ang mga Israelita sa kanilang paglalakbay sa ilang. Hindi nakatago ang manna na iyon, sapagkat tuwing umaga​—maliban na kung Sabbath​—makahimala itong lumilitaw, gaya ng maninipis na piraso ng nagyelong hamog na tumatakip sa lupa. Paglalaan ito ng Diyos upang manatiling buháy ang mga Israelita. Bilang alaala, iniutos ni Jehova kay Moises na magtago ng kaunting “tinapay” na ito sa isang ginintuang banga sa loob ng sagradong kaban ng tipan ‘sa lahat ng mga salinlahi ng Israel.’​—Exodo 16:14, 15, 23, 26, 33; Hebreo 9:3, 4.

      19 Angkop na sagisag nga! Ang manna na ito ay nakatago sa Kabanal-banalang silid ng tabernakulo, kung saan sumisinag ang makahimalang liwanag sa takip ng Kaban bilang sagisag ng mismong presensiya ni Jehova. (Exodo 26:34) Walang sinuman ang pinahintulutang makapasok sa sagradong dakong iyon upang kumain ng nakatagong manna. Gayunman, sinabi ni Jesus na ang kaniyang pinahirang mga alagad na mananaig ay makakakain ng “nakatagong manna.” Gaya ni Kristo na nauna sa kanila, makapapasok sila, “hindi sa isang dakong banal na ginawa ng mga kamay, na isang kopya ng katunayan, kundi sa langit mismo.” (Hebreo 9:12, 24) Sa kanilang pagkabuhay-muli, magbibihis sila ng kawalang-kasiraan at imortalidad​—isang kamangha-manghang paglalaan ni Jehova, na isinasagisag ng pagbibigay sa kanila ng di-nasisirang “nakatagong manna.” Kaylaki ng pribilehiyo ng maliit na grupong ito ng mga mananaig!​—1 Corinto 15:53-57.

      20, 21. (a) Ano ang isinasagisag ng pagbibigay sa mga pinahirang Kristiyano ng isang maliit na batong puti? (b) Yamang mayroon lamang 144,000 maliliit na batong puti, ano ang pag-asa ng malaking pulutong?

      20 Tumatanggap din sila ng “isang maliit na batong puti.” Sa mga hukumang Romano, ginagamit ang maliliit na bato sa pagbibigay ng hatol. Ang maliit na batong puti ay nangangahulugan ng pagpapawalang-sala, samantalang ang maliit na batong itim ay nangangahulugan ng paghatol, madalas ay hatol na kamatayan. Ang pagkakaloob ni Jesus ng “isang maliit na batong puti” sa mga Kristiyano sa Pergamo ay nagpapahiwatig na nasumpungan niya silang walang-sala, dalisay, at malinis. Subalit maaaring may higit pang kahulugan ang mga salita ni Jesus. Noong mga panahong Romano, ginagamit din na parang mga tiket ang maliliit na bato para makapasok sa mahahalagang pagtitipon. Kaya ang maliliit na batong puti ay maaaring mangahulugan ng isang bagay na napakaespesyal para sa nananaig na pinahirang Kristiyano​—ang pagpapahintulot sa kaniya na makapasok sa marangal na dako sa langit sa kasalan ng Kordero. Mayroon lamang 144,000 gayong maliliit na bato na nakalaan.​—Apocalipsis 14:1; 19:7-9.

      21 Nangangahulugan ba ito na hindi ka mahalaga kung kabilang ka sa malaking pulutong ng mga kasamang mananamba? Hindi naman! Bagaman hindi ka tumatanggap ng maliit na batong puti upang makapasok sa langit, kung magbabata ka, maaari kang makaligtas sa malaking kapighatian upang makibahagi sa nakagagalak na gawaing pagsasauli ng Paraiso sa lupa. Makakasama mo sa gawaing ito ang binuhay-muling mga tapat bago ang panahong Kristiyano at ang mga ibang tupa na kamakailan pa lamang namatay. Sa wakas, ang lahat ng patay na tinubos ay bubuhaying-muli sa paraisong lupa.​—Awit 45:16; Juan 10:16; Apocalipsis 7:9, 14.

      22, 23. Ano ang kahulugan ng pangalan na nakasulat sa maliit na bato na ipinagkakaloob sa mga pinahirang Kristiyano, at anong pampatibay-loob ang dapat idulot nito?

      22 Ano ang bagong pangalan na nakasulat sa maliit na bato? Ang pangalan ay isang paraan para makilala at mapatangi sa iba ang isang tao. Natatanggap ng pinahirang mga Kristiyanong ito ang maliit na bato kapag natapos na nila ang kanilang makalupang landasin bilang mga nanaig. Kaya ang pangalan na nakasulat sa maliit na bato ay maliwanag na may kinalaman sa kanilang pribilehiyo na makasama ni Jesus sa langit​—isang pantanging posisyon sa maharlikang paglilingkod na lubusang mauunawaan at makakamit lamang ng mga magmamana ng makalangit na Kaharian. Kaya iyon ay isang pangalan, o designasyon ng tungkulin, “na walang sinumang nakaaalam maliban sa tumatanggap nito.”​—Ihambing ang Apocalipsis 3:12.

      23 Kaylaking pampasigla nito sa uring Juan na “makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon” at ikapit ito! At talagang napatitibay-loob nito ang kanilang mga kasamahan, ang malaking pulutong, upang tapat na maglingkod kasama nila samantalang naririto pa sila sa lupa at makibahaging kasama nila sa paghahayag ng Kaharian ni Jehova!

  • Nanghahawakang Mahigpit sa Pangalan ni Jesus
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • May nakatagong kaunting manna sa kaban ng tipan. Ang pagkakaloob ng makasagisag na nakatagong manna sa nananaig na mga pinahiran ay nangangahulugang tatanggap sila ng imortalidad

      [Larawan sa pahina 45]

      Ang maliit na batong puti ay para sa mga papapasukin sa kasalan ng Kordero

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share