-
Nasa Aklat Ba ng Buhay ang Pangalan Mo?Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
3. (a) Bakit dapat bigyan ng pantanging pansin ng “anghel ng kongregasyon sa Sardis” ang katotohanan na si Jesus ang may “pitong bituin”? (b) Anong seryosong payo ang ibinibigay ni Jesus sa kongregasyon ng Sardis?
3 Ipinaaalaala rin ni Jesus sa “anghel ng kongregasyon sa Sardis” na Siya ang may “pitong bituin.” Nasa kanang kamay niya ang matatandang ito sa kongregasyon, at awtorisado siya na pangasiwaan sila sa kanilang gawaing pagpapastol. Dapat na sabik silang ‘alamin ang kaanyuan ng kawan.’ (Kawikaan 27:23) Kaya dapat silang makinig nang mabuti sa susunod na mga salita ni Jesus: “Maging mapagbantay ka, at palakasin mo ang mga bagay na nalalabi na malapit nang mamatay, sapagkat ang iyong mga gawa ay hindi ko nasumpungang lubusang naisagawa sa harap ng aking Diyos. Kung gayon, patuloy mong isaisip kung paano mo tinanggap at kung paano mo narinig, at patuloy mong tuparin ito, at magsisi ka. Tiyak nga na malibang gumising ka, darating ako na gaya ng magnanakaw, at hindi mo na malalaman pa kung anong oras ako darating sa iyo.” —Apocalipsis 3:2, 3.
4. Paano makatutulong ang mga salita ni Pedro sa kongregasyon ng Sardis upang ‘mapalakas ang mga bagay na nalalabi’?
4 Dapat alalahanin ng matatanda sa Sardis ang nadama nilang kagalakan nang una nilang marinig ang katotohanan at ang mga pagpapalang tinanggap nila nang panahong iyon. Subalit patay sila ngayon sa espirituwal na gawain. Aandap-andap ang lampara ng kanilang kongregasyon dahil wala silang mga gawa ng pananampalataya. Maraming taon pa bago nito, sumulat si apostol Pedro sa mga kongregasyon sa Asia (malamang na kabilang dito ang Sardis) upang patibayin ang kanilang pagpapahalaga sa maluwalhating mabuting balita na tinanggap ng mga Kristiyano at na ipinahayag “taglay ang banal na espiritu na ipinadala mula sa langit”—na siyang kinakatawan ng pitong espiritu sa pangitain ni Juan. Ipinaalaala rin ni Pedro sa mga Kristiyanong iyon sa Asia na kabilang sila sa ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, upang ipahayag nila nang malawakan ang mga kagalingan ng isa na tumawag sa kanila mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.’ (1 Pedro 1:12, 25; 2:9) Ang pagbubulay-bulay sa espirituwal na mga katotohanang ito ay tutulong sa kongregasyon ng Sardis na magsisi at “palakasin . . . ang mga bagay na nalalabi.”—Ihambing ang 2 Pedro 3:9.
5. (a) Ano ang nangyari sa pagpapahalaga ng mga Kristiyano sa Sardis? (b) Ano ang mangyayari kung hindi tutugon sa payo ni Jesus ang mga Kristiyano sa Sardis?
5 Nang panahong iyon, ang kanilang pagpapahalaga at pag-ibig sa katotohanan ay gaya ng apoy na malapit nang mamatay. Iilang baga na lamang ang nagniningas. Pinasisigla sila ni Jesus na paningasin ang kaunting baga na iyon, gatungan ang apoy, pagsisihan ang mga pagkakasalang dulot ng kanilang pagpapabaya, at muling maging buháy sa espirituwal bilang isang kongregasyon. (Ihambing ang 2 Timoteo 1:6, 7.) Kung hindi, mabibigla na lamang ang kongregasyon ng Sardis kapag dumating si Jesus nang di-inaasahan—“gaya ng magnanakaw”—upang maglapat ng hatol.—Mateo 24:43, 44.
-
-
Nasa Aklat Ba ng Buhay ang Pangalan Mo?Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
7. Bakit kailangang manatiling gising ang mga Kristiyano ngayon?
7 Kahit nagsimula na ang araw ng Panginoon, kailangan pa ring manatiling alisto ang mga Kristiyano. Sa kaniyang dakilang hula hinggil sa magiging “tanda kapag ang lahat ng mga bagay na ito ay nakatalagang sumapit na sa katapusan,” inilakip ni Jesus ang seryosong babalang ito: “May kinalaman sa araw na iyon o sa oras ay walang sinuman ang nakaaalam . . . Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon. Ngunit ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, Patuloy kayong magbantay.” (Marcos 13:4, 32, 33, 37) Oo, hanggang sa mga sandaling ito, bawat isa sa atin, kabilang man tayo sa mga pinahiran o sa malaking pulutong, ay nararapat na manatiling alisto at paglabanan ang tendensiyang makatulog sa espirituwal. Kapag dumating ang araw ni Jehova na ‘gaya ng isang magnanakaw sa gabi,’ masumpungan nawa tayong gising na gising upang makamit ang kaayaayang hatol.—1 Tesalonica 5:2, 3; Lucas 21:34-36; Apocalipsis 7:9.
8. Paano pinasisigla ng uring Juan sa ngayon ang bayan ng Diyos upang manatiling buháy sa espirituwal?
8 Ang uring Juan mismo sa ngayon ay gising sa pangangailangang pasiglahin ang bayan ng Diyos na manatiling buháy sa espirituwal. Sa layuning ito, isinasaayos sa buong lupa ang pantanging mga pagtitipon nang ilang beses sa bawat taon. Kamakailan, ang bilang ng dumalo sa 2,981 pandistritong kombensiyon ay may kabuuang 10,953,744, at 122,701 bagong mananampalataya ang nabautismuhan. Mahigit sandaang taon nang ginagamit ng uring Juan ang magasing Bantayan sa paghahayag ng pangalan at layunin ni Jehova. Bilang tugon sa matinding pag-uusig noong dalawang digmaang pandaigdig, pinasigla ng Ang Bantayan ang mga Saksi ni Jehova na panumbalikin ang kanilang sigasig anupat inilathala ang mga artikulong gaya ng “Maligaya ang mga Walang Takot” (1919), “Isang Panawagan Upang Kumilos” (1925), at “Pagkabigo ng Pag-uusig” (1942).
9. (a) Ano ang dapat itanong ng lahat ng Kristiyano sa kanilang sarili? (b) Anong pampatibay-loob ang ibinigay ng Ang Bantayan?
9 Gaya sa Sardis, ang patuloy na pagsusuri sa sarili ay napakahalaga sa lahat ng Kristiyano sa mga kongregasyon ngayon. Dapat na lagi nating itanong sa ating sarili: Ang atin bang ‘mga gawa ay lubusang naisagawa’ sa harap ng ating Diyos? Personal ba tayong naglilinang ng mapagsakripisyong saloobin at nagsisikap ba tayong mag-ukol ng buong-kaluluwang paglilingkod sa Diyos, nang hindi hinahatulan ang iba? Kaugnay nito, ang magasing Bantayan ay nakapaglaan ng pampatibay-loob sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga paksang gaya ng “Patuloy na Patunayan Kung Ano Nga Kayo” at “Huwag Nang Mamuhay Pa Para sa Ating Sarili.”a Sa pamamagitan ng maka-Kasulatang tulong na ito, siyasatin natin ang ating panloob na pagkatao samantalang sinisikap nating maging mapagpakumbaba at mapanalanginin habang lumalakad nang tapat kay Jehova.—Awit 26:1-3; 139:23, 24.
-