-
“Sino ang Karapat-dapat na Magbukas ng Balumbon?”Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
Mga Awit ng Papuri
14. (a) Paano tumugon ang apat na nilalang na buháy at ang 24 na matatanda nang kunin ni Jesus ang balumbon? (b) Paano nakatulong ang impormasyong tinanggap ni Juan hinggil sa 24 na matatanda upang matiyak kung sino sila at kung ano ang kanilang tungkulin?
14 Paano tumutugon ang ibang nasa harap ng trono ni Jehova? “At nang kunin niya ang balumbon, ang apat na nilalang na buháy at ang dalawampu’t apat na matatanda ay sumubsob sa harap ng Kordero, na ang bawat isa ay may alpa at mga ginintuang mangkok na punô ng insenso, at ang insenso ay nangangahulugan ng mga panalangin ng mga banal.” (Apocalipsis 5:8) Gaya ng apat na kerubing nilalang na buháy sa harap ng trono ng Diyos, nagsiyukod kay Jesus ang 24 na matatanda bilang pagkilala sa kaniyang awtoridad. Subalit ang matatandang ito lamang ang may mga alpa at mga mangkok ng insenso.a At sila lamang ang umaawit ngayon ng bagong awit. (Apocalipsis 5:9) Kaya katulad sila ng 144,000 ng banal na “Israel ng Diyos,” na may dala ring mga alpa at umaawit ng isang bagong awit. (Galacia 6:16; Colosas 1:12; Apocalipsis 7:3-8; 14:1-4) Karagdagan pa, ang 24 na matatanda ay ipinakikitang tumutupad sa isang makalangit at maka-saserdoteng tungkulin, na inilarawan ng mga saserdote sa sinaunang Israel na nagsusunog ng insenso sa tabernakulo para kay Jehova—isang tungkuling nagwakas sa lupa nang pawiin ng Diyos ang Kautusang Mosaiko sa pamamagitan ng pagpapako nito sa pahirapang tulos ni Jesus. (Colosas 2:14) Sa anong konklusyon tayo inaakay ng lahat ng ito? Na dito’y inilalarawan ang mga pinahirang mananagumpay sa kanilang pinakamataas na tungkulin bilang ‘mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, na mamamahala bilang mga hari na kasama niya sa loob ng isang libong taon.’—Apocalipsis 20:6.
15. (a) Sa Israel, sino lamang ang may pribilehiyong pumasok sa Kabanal-banalan ng tabernakulo? (b) Para sa mataas na saserdote, bakit buhay o kamatayan ang nasasangkot sa pagsusunog ng insenso bago pumasok sa Kabanal-banalan?
15 Sa sinaunang Israel, ang mataas na saserdote lamang ang pinahihintulutang makapasok sa Kabanal-banalan sa mismong makasagisag na presensiya ni Jehova. Para sa kaniya, buhay o kamatayan ang nasasangkot sa pagdadala ng insenso. Sinabi ng kautusan ni Jehova: “Kukunin [ni Aaron] ang lalagyan ng apoy na punô ng nagniningas na baga ng apoy mula sa altar sa harap ni Jehova, at ang mga palad ng kaniyang dalawang kamay na punô ng pinong mabangong insenso, at dadalhin niya ang mga iyon sa loob ng kurtina. Ilalagay rin niya ang insenso sa ibabaw ng apoy sa harap ni Jehova, at ang usok ng insenso ay kakalat sa ibabaw ng takip ng Kaban, na nasa ibabaw ng Patotoo, upang hindi siya mamatay.” (Levitico 16:12, 13) Imposibleng matagumpay na makapasok ang mataas na saserdote sa Kabanal-banalan malibang magsunog siya ng insenso.
16. (a) Sa Kristiyanong sistema ng mga bagay, sino ang makapapasok sa antitipikong Kabanal-banalan? (b) Bakit kailangang ‘magsunog ng insenso’ ang mga pinahirang Kristiyano?
16 Sa Kristiyanong sistema ng mga bagay, hindi lamang ang antitipikong Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo, kundi ang bawat isa rin naman sa 144,000 katulong na saserdote, ang makapapasok sa antitipikong Kabanal-banalan, ang mismong presensiya ni Jehova sa langit. (Hebreo 10:19-23) Imposibleng makapasok sa Kabanal-banalan ang mga saserdoteng ito, na isinasagisag dito ng 24 na matatanda, malibang ‘magsunog sila ng insenso,’ samakatuwid nga, palaging maghandog ng panalangin at pagsusumamo kay Jehova.—Hebreo 5:7; Judas 20, 21; ihambing ang Awit 141:2.
-
-
“Sino ang Karapat-dapat na Magbukas ng Balumbon?”Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
[Buong-pahinang larawan sa pahina 86]
-