-
“Sino ang Karapat-dapat na Magbukas ng Balumbon?”Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
14. (a) Paano tumugon ang apat na nilalang na buháy at ang 24 na matatanda nang kunin ni Jesus ang balumbon? (b) Paano nakatulong ang impormasyong tinanggap ni Juan hinggil sa 24 na matatanda upang matiyak kung sino sila at kung ano ang kanilang tungkulin?
14 Paano tumutugon ang ibang nasa harap ng trono ni Jehova? “At nang kunin niya ang balumbon, ang apat na nilalang na buháy at ang dalawampu’t apat na matatanda ay sumubsob sa harap ng Kordero, na ang bawat isa ay may alpa at mga ginintuang mangkok na punô ng insenso, at ang insenso ay nangangahulugan ng mga panalangin ng mga banal.” (Apocalipsis 5:8) Gaya ng apat na kerubing nilalang na buháy sa harap ng trono ng Diyos, nagsiyukod kay Jesus ang 24 na matatanda bilang pagkilala sa kaniyang awtoridad. Subalit ang matatandang ito lamang ang may mga alpa at mga mangkok ng insenso.a At sila lamang ang umaawit ngayon ng bagong awit. (Apocalipsis 5:9) Kaya katulad sila ng 144,000 ng banal na “Israel ng Diyos,” na may dala ring mga alpa at umaawit ng isang bagong awit. (Galacia 6:16; Colosas 1:12; Apocalipsis 7:3-8; 14:1-4) Karagdagan pa, ang 24 na matatanda ay ipinakikitang tumutupad sa isang makalangit at maka-saserdoteng tungkulin, na inilarawan ng mga saserdote sa sinaunang Israel na nagsusunog ng insenso sa tabernakulo para kay Jehova—isang tungkuling nagwakas sa lupa nang pawiin ng Diyos ang Kautusang Mosaiko sa pamamagitan ng pagpapako nito sa pahirapang tulos ni Jesus. (Colosas 2:14) Sa anong konklusyon tayo inaakay ng lahat ng ito? Na dito’y inilalarawan ang mga pinahirang mananagumpay sa kanilang pinakamataas na tungkulin bilang ‘mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, na mamamahala bilang mga hari na kasama niya sa loob ng isang libong taon.’—Apocalipsis 20:6.
-
-
“Sino ang Karapat-dapat na Magbukas ng Balumbon?”Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
Isang Bagong Awit
17. (a) Anong bagong awit ang inaawit ng 24 na matatanda? (b) Paano karaniwang ginagamit sa Bibliya ang pananalitang “bagong awit”?
17 Isang magandang awit ang naririnig ngayon. Inaawit ito ng mga kasamang saserdote, ang 24 na matatanda, para sa Kordero: “At umaawit sila ng isang bagong awit, na nagsasabi: ‘Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa balumbon at magbukas ng mga tatak nito, sapagkat ikaw ay pinatay at sa pamamagitan ng iyong dugo ay bumili ka ng mga tao para sa Diyos mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa.’” (Apocalipsis 5:9) Lumilitaw nang ilang ulit sa Bibliya ang pananalitang “bagong awit” at karaniwan nang tumutukoy sa pagpuri kay Jehova para sa isang makapangyarihang pagliligtas. (Awit 96:1; 98:1; 144:9) Kaya ang awit ay bago sapagkat maaaring ipahayag ngayon ng mang-aawit ang karagdagang kagila-gilalas na mga gawa ni Jehova at muling maipadama ang pagpapahalaga sa Kaniyang maluwalhating pangalan.
18. Bakit pinupuri ng 24 na matatanda si Jesus sa pamamagitan ng kanilang bagong awit?
18 Subalit dito, umaawit ang 24 na matatanda ng isang bagong awit sa harap ni Jesus sa halip na sa harap ni Jehova. Ngunit pareho rin ang simulain. Pinupuri nila si Jesus para sa mga bagong bagay na nagawa niya, bilang Anak ng Diyos, sa kanilang kapakanan. Sa pamamagitan ng kaniyang dugo, naging tagapamagitan siya ng bagong tipan at sa gayo’y nailuwal ang isang bagong bansa bilang pantanging pag-aari ni Jehova. (Roma 2:28, 29; 1 Corinto 11:25; Hebreo 7:18-25) Ang mga miyembro ng bagong espirituwal na bansang ito ay literal na nagmula sa maraming bansa, subalit pinagkaisa sila ni Jesus sa isang kongregasyon bilang iisang bansa.—Isaias 26:2; 1 Pedro 2:9, 10.
19. (a) Anong pagpapala ang hindi naranasan ng Israel sa laman dahil sa kanilang kawalang-katapatan? (b) Anong pagpapala ang tatamasahin ng bagong bansa ni Jehova?
19 Nang itatag ni Jehova ang mga Israelita bilang isang bansa noong panahon ni Moises, nakipagtipan siya sa kanila at ipinangako na kung mananatili silang tapat sa tipang iyon, magiging kaharian sila ng mga saserdote sa harap niya. (Exodo 19:5, 6) Hindi naging tapat ang mga Israelita, kaya hindi nila kailanman naranasan ang katuparan ng pangakong iyon. Sa kabilang dako, nanatiling tapat ang bagong bansa na itinatag sa bisa ng bagong tipan na si Jesus ang tagapamagitan. Kaya ang mga miyembro nito ay makapamamahala sa ibabaw ng lupa bilang mga hari at makapaglilingkod din bilang mga saserdote, na tumutulong sa tapat-pusong mga tao na makipagkasundong-muli kay Jehova. (Colosas 1:20) Ganitung-ganito ang ipinahahayag ng bagong awit: “At ginawa mo silang isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.” (Apocalipsis 5:10) Kaylaking kagalakan para sa 24 na matatandang iyon na awitin ang bagong awit na ito ng papuri sa niluwalhating si Jesus!
-