Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Mahiwagang mga Mangangabayo ng Apocalipsis
    Ang Bantayan—1986 | Enero 1
    • Talagang hanga tayo sa gayong mga mangangabayo at sa kanilang mga kabayo. Gayumpaman, ang mga kabayo at mga mangangabayo na nasaksihan ng manunulat ng aklat ng Apocalipsis (the Apocalypse) ay kawili-wiling pagmasdan! Sila’y mahiwaga at totoong kakila-kilabot din. Ang mga mangangabayong ito ay naging tanyag na at nakikilala bilang ang mga Mangangabayo ng Apocalipsis.

      Gunigunihin ninyo ngayon, samantalang parang kulog na palapit nang palapit sa inyo, ang apat na mga bihasang mangangabayo, na mayroon pang dalang tabak ang isa sa kanila! Pansinin ang kulay ng kanilang mga kabayo. Ang bawat isa ay may naiibang kulay. Ang isang kabayo ay puti, ang isa’y pula, ang isa’y itim, at ang isa’y berdeng naninilaw na anyong maysakit. Tunay na sila’y isang mahiwagang tanawin.

      Sundin natin ang mabilis-ang-galaw na paglalahad ng nasaksihan ng manunulat ng Bibliya, ang apostol na si Juan. Sinasabi niya: “At tumingin ako, at narito, ang isang kabayong maputi, at yaong nakasakay rito ay may isang busog. Siya’y binigyan ng isang korona, at siya’y yumaong nagtatagumpay. . . . At isang kabayo ang lumabas, matingkad na pula, at ang mangangabayo nito ay binigyan ng kapangyarihan upang mag-alis ng kapayapaan sa lupa, at pangyarihin na magpatayan ang mga tao sa isa’t isa; siya’y binigyan ng isang malaking tabak. . . . At nakita ko ang isang itim na kabayo, at ang mangangabayo nito ay mayroong timbangan sa kaniyang kamay, at narinig ko ang isang tinig . . . na nagsasabi, ‘Sa isang dinaryo [kita sa maghapon] ay isang takal na trigo, at sa isang dinaryo [kita sa maghapon] ay tatlong takal na sebada’ . . . At nakita ko ang isang kabayong maputla, at ang nakasakay rito ay may pangalang Kamatayan, at kasunod niya ang Hades. Sila’y binigyan ng kapangyarihan sa isang ikapat na bahagi ng lupa, upang patayin ang mga tao sa pamamagitan ng tabak, gutom, kamatayan, at ng mababangis na hayop sa lupa.”​—Apocalipsis 6:2-8, An American Translation.

      Sapol nang ang pangitaing ito ay unang isinulat, ang kahulugan nito ay nagsilbing hiwaga sa maraming mambabasa. Anu-ano ba ang kinakatawan ng mahiwagang mga kabayong ito at ang mga nakasakay sa mga ito? Kailan nagsimula ang kanilang pagsakay? Ang kanila bang pagsakay ay may kaugnayan sa buhay ngayon? Napakaraming iba’t ibang paliwanag ang naibigay na tungkol sa kung ano ang isinasagisag ng mga kabayo at ang mga nakasakay sa mga ito, at kung kailan ang kanilang pagsakay ay nagkaroon ng katuparan.

      Ang pinakamalaking pagkakaiba-iba ay matatagpuan sa interpretasyon ng maputing kabayo at sa nakasakay rito. Halimbawa, sang-ayon sa New Catholic Encyclopedia ang maputing kabayo ay kumakatawan daw sa ‘tagumpay ng ebanghelyo o dili kaya ay sa imperialismo.’

      Sa aklat na Daniel and the Revelation, ganito ang ibinigay na interpretasyon ni Uriah Smith: “Ang isang puting kabayo . . . ay isang angkop na sagisag ng pagtatagumpay ng ebanghelyo noong unang siglo . . . Ang kaputian ng kabayo ay nagpapakilala ng kadalisayan ng pananampalataya noong panahong iyon.”

      Sinasabi naman ng The Expositor’s Bible: “Sa ilalim ng unang mangangabayo ang kapakanan imbis na ang pagkapersona ni Kristo ang ipinakikilala sa atin, sa pinakamaagang yugto ng tagumpay nito, at taglay ang pangako ng hinaharap na pagtatagumpay. . . . Napag-aralan natin na ang kapakanang ito ay nasa sanlibutan, na ang kahariang ito ay nasa gitna natin, at silang sumasalansang dito ay magagapi.” Datapuwat, si Woodrow Kroll, ng The Christian Jew Foundation, ay naniniwala na ang nakasakay sa maputing kabayo ay ang Antikristo.

  • Paglutas sa Hiwaga ng mga Mangangabayo
    Ang Bantayan—1986 | Enero 1
    • SINO ang makalulutas sa hiwaga ng mga mangangabayo ng Apocalipsis? Sa Bibliya, sa Daniel 2:47, ang Diyos na Jehova ay tinatawag na “isang Tagapaghayag ng mga lihim.” Yamang siya ang kumasi ng Bibliya, kasali na ang pangitain tungkol sa mga mangangabayo, siya ang makapagbibigay ng sagot na kailangan natin. Samakatuwid, sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa kaniyang isiniwalat na Salita para sa pagkakaroon ng impormasyon, ating natutuklasan ang kahulugan ng may iba’t ibang kulay na mga kabayo at ng mga mangangabayo.​—Amos 3:7; 2 Timoteo 3:16; 2 Pedro 1:21.

      Ang tatlong pambungad na mga talata ng Apocalipsis 1:1-3, o the Apocalypse, ay nagbibigay ng pinakasusi upang matulungan tayo na matuklasan ang hiwaga. Ipinakikita na ang sunud-sunod na mga pangitain ay may kinalaman sa panghinaharap na mga pangyayari, samakatuwid nga, pagkatapos ng taóng 96 C.E. nang masaksihan ni apostol Juan ang lahat ng mga bagay na ito at kaniyang isulat. Ito’y kasuwato ng kaniyang pangungusap sa Apocalipsis 1:10 na ang mga bagay na nakita sa mga pangitaing ito ay magaganap pagkatapos lamang na magsimula “ang araw ng Panginoon.”​—Ihambing ang 1 Corinto 1:8; 5:5.

      Samantalang isinasaisip ito, ating susuriin ang mga kabayo at ang kani-kanilang mga mangangabayo. Sa pasimulang-pasimula, mahalaga na magkaroon ng tamang pagkaunawa sa maputing kabayo at sa mangangabayo nito. Pagkatapos ay mauunawaan na ang kahulugan ng mga ibang mangangabayo.

      Pagsusuri sa mga Interpretasyon

      Sa naunang artikulo, napansin natin na ang isang interpretasyon sa maputing kabayo at sa mangangabayo nito ay na sila’y kumakatawan sa ‘tagumpay ng ebanghelyo o dili kaya’y sa imperialismo.’ Subalit ang daigdig ay hindi pa nakukumberte sa ebanghelyo (mabuting balita) tungkol kay Kristo at sa mga layunin ng Diyos may kaugnayan sa kaniya. At, tiyak, ang imperialismo ay hindi naman nagtatagumpay pa. Bagkus, ito’y gumuguho, nagkakawatak-watak, sa siglong ito.

      Kumusta naman ang interpretasyon na ang maputing kabayo ay kumakatawan sa tagumpay ng ebanghelyo at sa kadalisayan ng pananampalataya noong unang siglo? Ipinagwawalang-bahala nito ang katotohanan na ang pangitain ay tungkol sa mga bagay na mangyayari sa hinaharap. At yamang isinulat ni Juan ang pangitain nang siya’y isang bilanggo na itinapon sa isla ng Patmos noong taóng 96 ng ating Common Era, hindi mangyayaring kumakatawan ito sa anumang bagay na may kinalaman sa unang siglo.

      Ang isa pang paliwanag ay na ang maputing kabayo’y nagpapakilala ng kapakanan imbis na ng pagkapersona ni Kristo at na ang kaniyang Kaharian ‘ay nasa gitna’ natin, alalaong baga, nasa ating mga puso. Subalit ang kapakanan ni Jesu-Kristo at ng Kristiyanismo ay hindi nagsimula sa isang panahon sa hinaharap pa kung may kaugnayan sa pagsulat ng Apocalipsis. Bagkus, ang kapakanang ito ay pinatutunayan na ng malaking ebidensiya sa gitna ng unang siglong mga Kristiyano bago sumulat si Juan.

      Gayundin, nang sabihin ni Jesus na “ang kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo,” siya’y nakikipag-usap noon sa mapagpaimbabaw na mga relihiyosong Fariseo bilang sagot sa isang tanong na kanilang ibinangon. Si Jesus ay hindi nakikipag-usap noon sa kaniyang tapat na mga tagasunod at sinasabi sa kanila na ang Kaharian ay isang bagay na ‘nasa gitna nila’ sa diwa na ito’y nasa kanilang mga puso. Sa halip, kaniyang sinasabi sa walang sampalatayang mga Fariseo na siya, si Jesus, bilang kinatawan ng darating pang Kaharian ng Diyos, ay presente o naroon sa gitna nila noong okasyong iyon.​—Lucas 17:21; tingnan din ang The Jerusalem Bible at The New English Bible.

      Kumusta naman ang paniwala na ang nakasakay sa maputing kabayo ay ang Antikristo? Saanman ay walang sinasabi ang Bibliya na gagawa ng gayong mga pagkilos ang Antikristo na anupa’t masasabi tungkol sa kaniya na “siya’y humayo na nagtatagumpay at upang lubusin ang kaniyang tagumpay,” gaya ng sinabi tungkol sa nakasakay sa maputing kabayo. (Apocalipsis 6:2) Maliwanag nga na sinuman ang nakaupo sa maputing kabayo ay sasakay at lubusang magtatagumpay. Hindi mabibigo ang kaniyang pagtatagumpay. Lahat ng kaniyang mga kaaway ay lilipulin.

      Tumutulong sa Pagkakilala ang mga Pahiwatig ng Bibliya

      Tiyakang ipinakikilala ang nakasakay sa maputing kabayo ng “Tagapaghayag ng mga lihim” sa may dakong huli ng nasabing sunud-sunod na mga pangitain. Sa Apocalipsis 19:11-16, makikita na naman ang isang maputing kabayo, ngayon naman ay malinaw na ipinakikilala ang nakasakay roon.

      Ang bagay na isang maputing kabayo ang nakikitang makalawa sa makahulang mga pangitaing ito ay nagpapakita na ito rin ang binanggit na kabayo at na inilalarawan ang iba’t ibang tungkulin o mga gawain ng mangangabayo. Sa nahuhuling tanawin, ang mangangabayo ay ipinakilala sa pangalan. Siya ay tinatawag na “Tapat at Totoo,” “Ang Salita ng Diyos,” ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”

      Ang mga titulong iyan ay tumitiyak sa atin ng kung sino ang nakasakay sa maputing kabayo. Iyon ay walang iba kundi ang Panginoong Jesu-Kristo mismo! (Ihambing ang Apocalipsis 17:14.) Subalit sa anong panahon ng kaniyang buhay iyon? Iyon ay kailangang mangyari pagkatapos ng wakas ng unang siglo, nang ibigay ang pangitain ng Apocalipsis. Pansinin din na ngayon isang koronang-hari ang ibinigay sa kaniya. Kaya’t sa isang panghinaharap na panahon si Jesu-Kristo ay magsisimula ng isang natatanging tungkulin bilang Hari, o Tagapamahala. At sa ganiyang tungkulin, siya’y inilalarawan din naman bilang isang mandirigma na may taglay na isang busog, upang mangabayo na “nagtatagumpay at upang lubusin ang kaniyang tagumpay.”

      At nagpapakita rin na sa hinaharap pa magaganap ang bagay na ito ay nang ibigay ang pangitain sa Apocalipsis, mahigit nang 60 taon ang lumipas sapol nang matapos ni Jesus ang kaniyang buhay sa lupa, pagkatapos ay binuhay siyang muli sa mga patay, at umakyat sa langit. Nang siya’y bumalik sa langit, si Jesus ay pinagsabihan na maghintay sa kanan ng Diyos hanggang sa hinaharap na panahon na ang kaniyang mga kaaway ay gagawing “tungtungan para sa kaniyang mga paa.”​—Hebreo 10:12, 13.

      Nagsisimula ang Pagsakay

      Samakatuwid ang pagsakay sa maputing kabayo ay magsisimula sa isang panahong panghinaharap pa pagka si Jesu-Kristo ay iluluklok bilang ang makalangit na Hari ng Kaharian ng Diyos. Sa panahong iyon siya’y payayaunin ng Diyos taglay ang utos: “Manupil ka sa gitna ng iyong mga kaaway.” (Awit 110:2) Subalit kailan nagaganap ito?

      Ang pagluluklok kay Jesu-Kristo bilang makalangit na Hari ay inilalarawan sa Awit 45:3-7. At sa Hebreo 1:8, 9 si apostol Pablo ay sumisipi buhat sa Awit na ito at ikinakapit ang mga talatang 6 at 7 sa Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. Detalyadong impormasyon at mga patotoo buhat sa Kasulatan ang inilathala ng mga Saksi ni Jehova at nagpapakita na ang pagluluklok kay Jesu-Kristo sa langit ay naganap nang matapos ang mga Panahong Gentil, “ang itinakdang mga panahon sa mga bansa,” noong taóng 1914.​—Lucas 21:24.a

      Samakatuwid, ang anumang interpretasyon na ang pagsakay ng mga mangangabayo ay itinatakda nang mas maaga pa kaysa taóng 1914 ay hindi magiging tama. Gayundin, yamang ang nakasakay sa maputing kabayo ang nangunguna, ang mga ibang kabayo at mga mangangabayo na nakasunod ay sasagisag sa mga pangyayari na magaganap kasabay, o pagkatapos, na magsimula ang kaniyang pagsakay. Ang pagsakay ng apat na mga mangangabayong ito, samakatuwid, ay nagaganap mula at pagkatapos ng pasimula ng “panahon ng kawakasan” noong 1914. Sapol na noon ay kitang-kita ang ebidensiya ng “mga huling araw.”​—Daniel 12:4; 2 Timoteo 3:1-5, 13.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share