Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Apat na Mangangabayong Kumakaripas!
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 14. Anong kabayo at sakay nito ang sumunod na nakita ni Juan, at ano ang inilalarawan ng pangitaing ito?

      14 Paano, kung gayon, tinugon ang ikalawang utos na “Halika!”? Ganito: “At may isa pang lumabas, isang kabayong kulay-apoy; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay pinagkaloobang mag-alis ng kapayapaan mula sa lupa upang magpatayan sila sa isa’t isa; at isang malaking tabak ang ibinigay sa kaniya.” (Apocalipsis 6:4) Talagang isang malagim na pangitain! At hindi mapag-aalinlanganan kung ano ang inilalarawan nito: digmaan! Hindi ito tumutukoy sa matuwid at matagumpay na pakikipagdigma ng nananaig na Haring itinalaga ni Jehova kundi sa malulupit na digmaan ng iba’t ibang bansa, na kagagawan ng tao at nagbubunga ng di-kinakailangang pagbububo ng dugo at kapighatian. Angkop na angkop nga na nakasakay ang isang ito sa kabayong simpula ng apoy!

      15. Bakit hindi natin nanaising makisangkot sa paghayo ng ikalawang mangangabayo?

      15 Tiyak na hindi nanaisin ni Juan na makisangkot sa mangangabayong ito at sa kaniyang napakabilis na pagpapatakbo, sapagkat ganito ang inihula tungkol sa bayan ng Diyos: “Ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” (Isaias 2:4) Bagaman si Juan noon, at ang uring Juan at ang malaking pulutong din naman sa ngayon, ay “nasa sanlibutan” pa, “hindi sila bahagi” ng sistemang ito na tigmak sa dugo. Ang mga sandata natin ay espirituwal at “makapangyarihan sa pamamagitan ng Diyos” para sa aktibong paghahayag ng katotohanan, at hindi para sa literal na pakikipagdigma.​—Juan 17:11, 14; 2 Corinto 10:3, 4.

      16. Kailan at paano binigyan ng “isang malaking tabak” ang nakasakay sa kabayong pula?

      16 Marami nang digmaang naganap bago pa ang 1914, ang taon nang tanggapin ng Sakay ng kabayong puti ang kaniyang korona. Subalit binibigyan ngayon ng “isang malaking tabak” ang nakasakay sa kabayong pula. Ano ang ipinahihiwatig nito? Buhat nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I, ang digmaan ng mga tao ay lalo pang naging madugo at mapamuksa kaysa sa dati. Noong madugong panahon ng 1914-18, mga tangke, nakalalasong gas, eroplano, submarino, malalaking kanyon, at mga sandatang awtomatiko ang ginamit, kung hindi man sa kauna-unahang pagkakataon, sa isang lawak na wala pang nakakatulad. Sa humigit-kumulang 28 bansa, buong mga populasyon, hindi lamang propesyonal na mga kawal, ang sapilitang isinabak sa digmaan. Kalagim-lagim ang bilang ng mga nasawi at napinsala. Mahigit siyam na milyong sundalo ang napatay, at di-mabilang na mga sibilyan ang napinsala o namatay. At kahit tapos na ang digmaan, hindi pa rin nanumbalik ang tunay na kapayapaan sa lupa. Mahigit 50 taon pagkaraan ng digmaang ito, nagkomento ang estadistang Aleman na si Konrad Adenauer: “Naglaho na ang katiwasayan at katahimikan sa buhay ng mga tao mula noong 1914.” Tunay ngang ipinahintulot sa nakasakay sa kabayong kulay-apoy na mag-alis ng kapayapaan sa lupa!

      17. Paano nagpatuloy ang paggamit sa “malaking tabak” pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig I?

      17 Pagkatapos nito, yamang uháw na uháw sa dugo ang sakay ng kabayong pula, sumabak ito sa Digmaang Pandaigdig II. Higit pang naging makahayop ang mga sandatang pamuksa, at ang bilang ng mga napinsala at namatay ay mas marami nang apat na ulit kaysa noong Digmaang Pandaigdig I. Noong 1945, dalawang bomba atomika ang pinasabog sa Hapon, bawat isa sa mga ito ay lumipol​—sa isang iglap lamang​—ng sampu-sampung libong biktima. Noong ikalawang digmaang pandaigdig, ang sakay ng kabayong pula ay kumitil ng mahigit 55 milyong buhay, pero hindi pa rin siya nasiyahan. Isang maaasahang ulat ang nagsasaad na mahigit pa sa 20 milyong buhay ang kinitil ng “malaking tabak” mula noong Digmaang Pandaigdig II.

      18, 19. (a) Sa halip na isang tagumpay ukol sa teknolohiyang militar, patunay ng ano ang pagpapatayan mula noong Digmaang Pandaigdig II? (b) Anong panganib ang napapaharap sa sangkatauhan, subalit ano ang gagawin ng Sakay ng kabayong puti upang hadlangan ito?

      18 Maituturing kaya itong tagumpay para sa teknolohiyang militar? Hindi nga, kundi patotoo ito na kumakaripas na ang malupit na kabayong pula. At saan hahantong ang pagkaripas na ito? Bumabanggit ang ilang siyentipiko ng posibilidad na magkaroon ng di-sinasadyang digmaang nuklear​—huwag nang sabihin pa ang isang isinaplanong nuklear na pagkatupok! Subalit nakagagalak na ang nananaig na Sakay ng kabayong puti ay may ibang gagawin tungkol dito.

      19 Habang nangingibabaw sa lipunan ng tao ang nasyonalismo at pagkakapootan, patuloy na manganganib ang sangkatauhan sa nuklear na pagkalipol. Mapilitan man ang mga bansa na ibasura ang lahat ng kanilang sandatang nuklear, may kakayahan pa rin silang gumawa nito. Sa loob ng maikling panahon, muli silang makagagawa ng nakamamatay na mga sandatang nuklear; kaya alinmang digmaan na ginagamitan ng kombensiyonal na mga sandata ay madaling hahantong sa pagkalipol. Ang pagmamataas at pagkakapootan na namamayani sa mga bansa sa ngayon ay mauuwi lamang sa pagpapatiwakal ng sangkatauhan, maliban​—oo, malibang pahintuin ng Sakay ng kabayong puti ang baliw na pagkaripas ng kabayong kulay-apoy. Kaya lubusan tayong magtiwala na ang Kristong Hari ay hahayo, kapuwa upang lubusin ang kaniyang pananaig sa sanlibutan na kontrolado ni Satanas at itatag ang isang bagong makalupang lipunan na nasasalig sa pag-ibig​—pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa​—isang puwersa ukol sa kapayapaan na lubhang nakahihigit sa di-magtatagumpay na mga sandatang nuklear na ginagamit na panakot sa ating hibang na mga panahon.​—Awit 37:9-11; Marcos 12:29-31; Apocalipsis 21:1-5.

  • Apat na Mangangabayong Kumakaripas!
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • [Kahon sa pahina 94]

      “Pinagkaloobang Mag-alis ng Kapayapaan Mula sa Lupa”

      Saan patungo ang teknolohiya? Iniulat ng The Globe and Mail ng Toronto, Canada, noong Enero 22, 1987, ang sumusunod na halaw sa talumpati ni Ivan L. Head, pangulo ng International Development Research Centre:

      “Mapanghahawakan ang pagtaya na isa sa bawat apat na siyentipiko at teknologo sa daigdig na nakikibahagi sa pagsasaliksik at pagpapaunlad ay nakatuon sa paggawa ng mga sandata. . . . Batay sa halaga noong 1986, umabot ang gastusin sa mahigit $1.5-milyon bawat minuto. . . . Magiging mas tiwasay kaya tayong lahat dahil sa pagtutuon ng pansin sa ganitong teknolohiya? Ang nuklear na mga arsenal ng mga superpower ay kasinlakas ng pinagsama-samang munisyon na ginamit ng lahat ng nakipagdigma noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig​—na pinarami pa ng 6,000 ulit. Anim na libong Ikalawang Dig- maang Pandaigdig. Mula noong 1945, wala pang pitong linggong natahimik ang daigdig sa mga gawaing militar. Nagkaroon ng mahigit na 150 digmaan, internasyonal man o sibil, na tinatayang kumitil ng 19.3 milyong buhay, karamihan nito ay resulta ng magaling at ba- gong mga teknolohiya na lumitaw sa panahong ito ng Nagkakaisang mga Bansa.”

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share