-
Pagtatatak sa Israel ng DiyosApocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
Ang Apat na Hangin
3. (a) Anong pantanging paglilingkod ang nakikita ni Juan na ginagawa ng mga anghel? (b) Ano ang isinasagisag ng “apat na hangin”?
3 Bago pakawalan ni Jehova ang mainit na galit na ito, may pantanging paglilingkod na dapat munang gawin ang mga anghel sa langit. Ito ngayon ang namamasdan ni Juan sa pangitain: “Pagkatapos nito ay nakakita ako ng apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na hinahawakang mahigpit ang apat na hangin ng lupa, upang walang hanging humihip sa lupa o sa dagat o sa anumang punungkahoy.” (Apocalipsis 7:1) Ano ang kahulugan nito para sa atin sa ngayon? Ang “apat na hangin” na ito ay isang buháy na buháy na sagisag ng mapamuksang kahatulan na malapit nang pakawalan sa balakyot na lipunan sa lupa, sa dumadaluyong na “dagat” ng tampalasang sangkatauhan, at sa matatayog na tulad-punungkahoy na mga tagapamahala na umaasa sa suporta at panustos mula sa mga tao sa lupa.—Isaias 57:20; Awit 37:35, 36.
4. (a) Ano ang kinakatawan ng apat na anghel? (b) Ano ang magiging epekto sa makalupang organisasyon ni Satanas kapag pinakawalan ang apat na hangin?
4 Walang alinlangan, ang apat na anghel na ito ay kumakatawan sa apat na grupo ng mga anghel na ginagamit ni Jehova upang pigilan ang paglalapat ng hatol hanggang sa itinakdang panahon. Kapag pinakawalan na ng mga anghel ang mga hangin na ito ng poot ng Diyos upang humihip nang sabay-sabay mula sa hilaga, timog, silangan, at kanluran, katakut-takot ang magiging pinsala. Magiging katulad ito, bagama’t sa higit na kagila-gilalas na paraan, ng paggamit ni Jehova sa apat na hangin nang pangalatin niya ang sinaunang mga Elamita, upang durugin at lipulin sila. (Jeremias 49:36-38) Dambuhalang buhawi iyon na higit pang mapamuksa kaysa sa “unos” na ginamit ni Jehova sa paglipol sa bansang Ammon. (Amos 1:13-15) Walang anumang bahagi ng organisasyon ni Satanas sa lupa ang makatatagal sa araw ng mainit na galit ni Jehova, kapag ipinagbangong-puri na niya ang kaniyang soberanya magpakailan-kailanman.—Awit 83:15, 18; Isaias 29:5, 6.
5. Paano tayo tinutulungan ng hula ni Jeremias na maunawaang saklaw ng mga kahatulan ng Diyos ang buong lupa?
5 Makatitiyak ba tayo na magdudulot ng pinsala sa buong lupa ang mga kahatulan ng Diyos? Makinig muli sa kaniyang propetang si Jeremias: “Narito! Isang kapahamakan ang humahayo sa bansa at bansa, at isang malakas na unos ang pupukawin mula sa pinakamalalayong bahagi ng lupa. At ang mga mapapatay ni Jehova sa araw na iyon ay tiyak na mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa.” (Jeremias 25:32, 33) Matatakpan ng kadiliman ang sanlibutan sa panahon ng nagngangalit na bagyong ito. Ang mga tagapamahala nito ay uugain hanggang lubusan silang mapuksa. (Apocalipsis 6:12-14) Subalit hindi magiging madilim ang hinaharap para sa lahat ng tao. Kung gayon, para sa kapakanan nino pinipigilan ang apat na hangin?
Ang Pagtatatak sa mga Alipin ng Diyos
6. Sino ang nag-uutos sa mga anghel na pigilin ang apat na hangin, at nagbibigay ito ng panahon ukol sa ano?
6 Patuloy na inilalarawan ni Juan kung paano mamarkahan ang ilan ukol sa kaligtasan: “At nakakita ako ng isa pang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na may tatak ng Diyos na buháy; at sumigaw siya sa malakas na tinig sa apat na anghel na pinagkaloobang puminsala sa lupa at sa dagat, na nagsasabi: ‘Huwag ninyong pinsalain ang lupa o ang dagat o ang mga punungkahoy, hanggang sa matapos naming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Diyos.’”—Apocalipsis 7:2, 3.
7. Sino talaga ang ikalimang anghel, at anong katibayan ang tumutulong sa atin na matiyak ang kaniyang pagkakakilanlan?
7 Bagaman hindi pinanganlan ang ikalimang anghel na ito, ipinakikita ng lahat ng katibayan na siya ang niluwalhating Panginoong Jesus. Kasuwato ng pagiging Arkanghel ni Jesus, inilalarawan siya rito na may awtoridad sa iba pang mga anghel. (1 Tesalonica 4:16; Judas 9) Umaakyat siya mula sa silangan, gaya ng “mga haring mula sa sikatan ng araw”—si Jehova at ang kaniyang Kristo—na dumarating upang maglapat ng hatol, gaya ng ginawa ng mga haring sina Dario at Ciro nang ibagsak nila ang sinaunang Babilonya. (Apocalipsis 16:12; Isaias 45:1; Jeremias 51:11; Daniel 5:31) Ang anghel na ito ay katulad din ni Jesus na pinagkatiwalaang magtatak sa mga pinahirang Kristiyano. (Efeso 1:13, 14) Bukod dito, kapag pinakawalan na ang mga hangin, si Jesus ang mangunguna sa makalangit na mga hukbo sa paglalapat ng hatol sa mga bansa. (Apocalipsis 19:11-16) Makatuwiran, kung gayon, na si Jesus ang mag-utos na ipagpaliban muna ang pagpuksa sa makalupang organisasyon ni Satanas hanggang sa matatakan ang mga alipin ng Diyos.
-
-
Pagtatatak sa Israel ng DiyosApocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
-
-
[Buong-pahinang larawan sa pahina 114]
-