Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ikalawang Kaabahan—Mga Hukbong Mangangabayo
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 6. Paano inilalarawan ni Juan ang mga hukbong mangangabayo na sumunod niyang nakita?

      6 “At ang bilang ng mga hukbong mangangabayo ay dalawang laksa ng mga laksa: narinig ko ang kanilang bilang. At ganito ko nakita ang mga kabayo sa pangitain, at yaong mga nakaupo sa kanila: sila ay may mga baluting pula na gaya ng apoy at asul na gaya ng jacinto at dilaw na gaya ng asupre; at ang mga ulo ng mga kabayo ay gaya ng mga ulo ng mga leon, at mula sa kanilang mga bibig ay lumalabas ang apoy at usok at asupre. Sa pamamagitan ng tatlong salot na ito ay napatay ang isang katlo ng mga tao, dahil sa apoy at sa usok at sa asupre na lumalabas mula sa kanilang mga bibig.”​— Apocalipsis 9:16-18.

      7, 8. (a) Sino ang pumapatnubay sa dumadaluhong na hukbong mangangabayo? (b) Sa anu-anong paraan magkatulad ang mga hukbong mangangabayo at ang mga balang na nauna rito?

      7 Maliwanag na dumadaluhong ang mga hukbong mangangabayong ito sa ilalim ng patnubay ng apat na anghel. Anong kasindak-sindak na tanawin! Ano kaya kung ikaw ang sasalakayin ng mga hukbong mangangabayong ito? Hitsura pa lamang ng mga ito ay nakasisindak na. Subalit napansin mo ba ang pagkakahawig ng mga hukbong ito ng mangangabayo sa mga balang na nauna rito? Ang mga balang ay gaya ng mga kabayo; sa hukbong mangangabayo ay may mga kabayo. Kaya kapuwa sila sangkot sa teokratikong digmaan. (Kawikaan 21:31) Ang mga balang ay may ngiping gaya niyaong sa mga leon; ang mga kabayo ng mga hukbong mangangabayo ay may mga ulong gaya niyaong sa mga leon. Kaya kapuwa sila nauugnay sa may lakas-loob na Leon mula sa tribo ni Juda, si Jesu-Kristo, na kanilang Lider, Kumander, at Uliran.​—Apocalipsis 5:5; Kawikaan 28:1.

      8 Ang mga balang at ang mga hukbong mangangabayo ay kapuwa nakikibahagi sa gawaing paghatol ni Jehova. Ang mga balang ay lumabas mula sa usok na nagbabadya ng kaabahan at mapangwasak na apoy para sa Sangkakristiyanuhan; mula sa bibig ng mga kabayo ay lumalabas ang apoy, usok, at asupre. Ang mga balang ay may mga baluting bakal, na nagpapahiwatig na ang mga puso nila’y ipinagsasanggalang ng di-matitinag na katapatan sa katuwiran; ang hukbong mangangabayo ay may suot na mga baluting kulay pula, asul, at dilaw, na gaya ng apoy, usok, at asupre ng nakamamatay na mga mensahe ng kahatulan na lumalabas sa bibig ng mga kabayo. (Ihambing ang Genesis 19:24, 28; Lucas 17:29, 30.) Ang mga balang ay may mga buntot na gaya ng sa alakdan upang magpahirap; ang mga kabayo ay may mga buntot na gaya ng ahas upang pumatay! Waring ang pinasimulan ng mga balang ay ipagpapatuloy naman ng mga hukbong mangangabayo sa mas matinding antas hanggang sa matapos ito.

      9. Ano ang isinasagisag ng mga hukbong mangangabayo?

      9 Kaya ano ang isinasagisag ng mga hukbong ito ng mangangabayo? Kung paanong pinasimulan ng pinahirang uring Juan, na may awtoridad na ‘manakit,’ ang tulad-trumpetang paghahayag ng kahatulan ni Jehova ukol sa banal na paghihiganti laban sa Sangkakristiyanuhan, aasahan natin na ang nabubuhay na grupo ring iyon ang gagamitin sa ‘pagpatay,’ samakatuwid nga, sa paghahayag na ang Sangkakristiyanuhan at ang kaniyang klero ay lubusang patay sa espirituwal, itinakwil ni Jehova at malapit nang ihagis sa “nag-aapoy na hurno” ng walang-hanggang pagkalipol. Oo, dapat mapuksa ang buong Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 9:5, 10; 18:2, 8; Mateo 13:41-43) Pero bago siya puksain, gagamitin muna ng uring Juan ang “tabak ng espiritu, samakatuwid nga, ang salita ng Diyos,” upang ilantad ang tulad-patay na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan. Ang apat na anghel at ang mga mangangabayo ang nangunguna sa makasagisag na pagpatay na ito sa “isang katlo ng mga tao.” (Efeso 6:17; Apocalipsis 9:15, 18) Nagpapahiwatig ito ng wastong pag-oorganisa at teokratikong patnubay sa ilalim ng pangangasiwa ng Panginoong Jesu-Kristo habang dumadaluhong sa pakikipagdigma ang nakasisindak na grupong ito ng mga tagapaghayag ng Kaharian.

      Dalawang Laksa ng mga Laksa

      10. Sa anong diwa may dalawang laksa ng mga laksang hukbo ng mangangabayo?

      10 Paano aabot nang dalawang laksa ng mga laksa ang mga hukbong ito ng mangangabayo? Ang isang laksa ay literal na 10,000. Kaya ang dalawang laksa ng mga laksa ay aabot nang 200 milyon.a Nakagagalak, milyun-milyon na ngayon ang tagapaghayag ng Kaharian, subalit ang kanilang bilang ay napakalayo pa sa daan-daang milyon! Ngunit alalahanin ang mga salita ni Moises sa Bilang 10:36: “Bumalik ka, O Jehova, sa laksa-laksang mga libo ng Israel.” (Ihambing ang Genesis 24:60.) Literal na nangangahulugan iyon na, ‘Bumalik ka sa sampu-sampung milyon ng Israel.’ Gayunman, mga dalawa o tatlong milyon lamang ang bilang ng Israel noong panahon ni Moises. Ano kung gayon ang ibig sabihin ni Moises? Walang-alinlangang iniisip niya na ang mga Israelita ay magiging gaya ng “mga bituin sa langit at tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat,” na hindi mabibilang. (Genesis 22:17; 1 Cronica 27:23) Kaya ginamit niya ang salitang katumbas ng “laksa” upang ipahiwatig ang isang malaki subalit di-tiyak na bilang. Iyan ang dahilan kung bakit ganito ang salin ng The New English Bible sa talatang ito: “Mamahinga ka, PANGINOON ng di-mabilang na libu-libo ng Israel.” Kasuwato ito ng ikalawang kahulugan ng salitang katumbas ng “laksa” na masusumpungan sa mga diksyunaryong Griego at Hebreo: “isang di-mabilang na karamihan,” isang “karamihan.”​—The New Thayer’s Greek-English Lexicon of the New Testament; A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, ni Gesenius, na isinalin ni Edward Robinson.

      11. Upang maging laksa-laksa ang uring Juan kahit sa makasagisag na diwa lamang, ano ang kakailanganin?

      11 Gayunman, ang mga kabilang sa uring Juan na naririto pa sa lupa ay wala pang 10,000​—mas kaunti kaysa sa isang literal na laksa. Paano sila maihahalintulad sa di-mabilang na libu-libo ng mga hukbong mangangabayo? Upang maging laksa-laksa kahit na sa makasagisag na diwa lamang, hindi ba nila kakailanganin ang karagdagang mga katulong? Ito nga ang kinailangan nila, at sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, ito ang tinanggap nila! Saan nagmula ang mga ito?

      12, 13. Anong makasaysayang mga pangyayari mula noong 1918 hanggang 1935 ang nagpapakita kung saan nagmula ang karagdagang mga katulong?

      12 Mula 1918 hanggang 1922, sinimulang iharap ng uring Juan sa namimighating sangkatauhan ang maligayang pag-asa na “angaw-angaw na ngayo’y nabubuhay ay hindi na mamamatay kailanman.” Noong 1923, ipinagbigay-alam din na ang mga tupa ng Mateo 25:31-34 ay magmamana ng buhay sa lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Ganito ring pag-asa ang iniharap sa buklet na Freedom for the Peoples, na inilabas sa internasyonal na kombensiyon noong 1927. Sa unang mga taon ng dekada ng 1930, ipinaliwanag na ang matuwid na uring Jehonadab at ang “mga taong nagbubuntunghininga at dumaraing” dahil sa kalunus-lunos na espirituwal na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan ay siya ring makasagisag na mga tupa na may pag-asang mabuhay sa lupa. (Ezekiel 9:4; 2 Hari 10:15, 16) Sa pag-akay sa mga ito sa makabagong-panahong mga “kanlungang lunsod,” sinabi ng The Watchtower ng Agosto 15, 1934: “Narinig ng uring Jonadab ang tunog ng trumpeta ng Diyos at sinunod nila ang babala sa pamamagitan ng pagtakas tungo sa organisasyon ng Diyos at pakikisama sa bayan ng Diyos, at doon sila dapat manatili.”​—Bilang 35:6.

      13 Noong 1935, ang mga kabilang sa uring Jonadab na ito ay pantanging inanyayahan sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Washington, D.C., E.U.A. Doon, noong Biyernes, Mayo 31, binigkas ni J. F. Rutherford ang kaniyang tanyag na pahayag na “Ang Lubhang Karamihan,” kung saan buong-linaw niyang ipinakita na ang grupong ito sa Apocalipsis 7:9 (King James Version) ay siya ring mga tupa ng Mateo 25:33​—isang nakaalay na grupo na may makalupang pag-asa. Bilang tanda ng mga bagay na darating, 840 bagong mga Saksi ang nabautismuhan sa kombensiyong iyon, na karamihan ay kabilang sa malaking pulutong.b

      14. Magkakaroon ba ng bahagi ang malaking pulutong sa makasagisag na pagsalakay ng mga hukbong mangangabayo, at anong kapasiyahan ang ipinahayag noong 1963?

      14 Nagkaroon ba ng bahagi ang malaking pulutong sa pagsalakay ng mga hukbong mangangabayo na nagsimula noong 1922 at pantanging idiniin sa kombensiyon sa Toronto noong 1927? Tiyak ngang may bahagi sila, sa ilalim ng patnubay ng apat na anghel, ang mga pinahirang uring Juan! Sa “Walang-Hanggang Mabuting Balita” na Asamblea na ginanap sa buong daigdig noong 1963, nakiisa sila sa uring Juan sa nakapagpapasiglang resolusyon. Ipinahayag nito na “napapaharap [ang sanlibutan] sa isang lindol ng pandaigdig na kaligaligan na hindi pa nito kailanman naranasan, at ang lahat ng pulitikal na institusyon at makabagong relihiyosong Babilonya nito ay yayanigin hanggang sa magkadurug-durog.” Ipinahayag ang kapasiyahan na “patuloy nating ihahayag sa lahat ng tao nang walang pagtatangi ang ‘walang-hanggang mabuting balita’ hinggil sa Mesiyanikong kaharian ng Diyos at sa kaniyang mga kahatulan, na gaya ng mga salot sa kaniyang mga kaaway subalit isasagawa upang mapalaya ang lahat ng taong naghahangad na sumamba sa Diyos na Maylalang sa wastong paraan sa espiritu at katotohanan.” Ang resolusyong ito ay buong-siglang pinagtibay ng kabuuang bilang na 454,977 dumalo sa 24 na asamblea sa palibot ng daigdig, at mahigit 95 porsiyento sa mga kombensiyonistang ito ay kabilang sa malaking pulutong.

      15. (a) Noong 2005, ilang porsiyento ng mga manggagawang ginagamit ni Jehova sa larangan ang kabilang sa malaking pulutong? (b) Paano ipinahahayag ng panalangin ni Jesus sa Juan 17:20, 21 ang pakikiisa ng malaking pulutong sa uring Juan?

      15 Patuloy na inihahayag ng malaking pulutong ang kanilang ganap na pakikiisa sa uring Juan sa pagbubuhos ng mga salot sa Sangkakristiyanuhan. Noong 2005, ang malaking pulutong na ito ang bumubuo sa mahigit 99.8 porsiyento ng mga manggagawang ginagamit ni Jehova sa larangan. Ang mga miyembro nito ay buong-pusong nakikiayon sa uring Juan, na siyang tinutukoy ni Jesus nang manalangin siya sa Juan 17:20, 21: “Humihiling ako, hindi lamang may kinalaman sa mga ito, kundi may kinalaman din sa mga nananampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita; upang silang lahat ay maging isa, kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako ay kaisa mo, upang sila rin ay maging kaisa natin, upang ang sanlibutan ay maniwala na isinugo mo ako.” Habang nangunguna ang pinahirang uring Juan sa ilalim ni Jesus, ang masigasig na malaking pulutong naman ay nakikibahagi sa kanila sa pinakamapangwasak na pagsalakay ng mga hukbong mangangabayo sa buong kasaysayan ng tao!c

  • Ikalawang Kaabahan—Mga Hukbong Mangangabayo
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • a Ganito ang binabanggit ng Commentary on Revelation, ni Henry Barclay Swete, hinggil sa bilang na “dalawang laksa ng mga laksa”: “Hindi natin mahahanapan ng literal na katuparan ang napakalaking bilang na ito, at ang paglalarawang kasunod nito ay sumusuporta sa ganitong konklusyon.”

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share