-
Tuluyan Na Bang Sisirain ng Tao ang Lupa?Ang Bantayan—2014 | Setyembre 1
-
-
Tuluyan Na Bang Sisirain ng Tao ang Lupa?
“Isang salinlahi ang yumayaon, at isang salinlahi ang dumarating; ngunit ang lupa ay nananatili maging hanggang sa panahong walang takda.”—HARING SOLOMON, IKA-11 SIGLO B.C.E.a
Para sa sinaunang manunulat ng Bibliya, napakaikli ng buhay ng tao kumpara sa pag-iral ng lupa. Sa loob ng napakaraming taon, sali’t salinlahi ang dumating at nagdaan, pero narito pa rin ang planetang Lupa, matatag at kaya pa ring suportahan ang buhay hanggang ngayon.
Ang mga taon mula noong Digmaang Pandaigdig II ay tinawag ng ilan na Great Acceleration dahil sa lawak at bilis ng pagbabagong naganap. Sa loob lang ng mga 70 taon, napakalaki na ng isinulong sa transportasyon, komunikasyon, at iba pang teknolohiya, na nagdala ng walang-katulad na mga pagbabago sa ekonomiya. Natikman ng marami ang maalwang buhay na akala nila noon ay imposibleng mangyari. Samantala, halos natriple ang populasyon ng lupa.
Gayunman, ang lahat ng ito ay may kabayaran. Masyado nang napinsala ng tao ang lupa at baka hindi na masuportahan ng mga siklo ng kalikasan ang buhay. Sinasabi ng ilang siyentipiko na sa nakalipas na ilang daang taon, napakalaki na ng naging epekto sa planeta ng mga ginagawa ng tao.
Inihula ng Bibliya na darating ang panahon na ‘ipapahamak ng tao ang lupa.’ (Apocalipsis 11:18) Iniisip ng ilan kung ito na ang panahong iyon. Ano pa kayang pinsala ang gagawin ng tao sa lupa? May solusyon pa ba? Tuluyan na bang sisirain ng tao ang lupa?
WALA NA BANG PAG-ASA ANG LUPA?
Tuluyan na bang masisira ang lupa? Nahihirapan ang ilang siyentipiko na kalkulahin ang magiging epekto ng mga nangyayaring pagbabago. Dahil dito, nag-aalala sila na baka tuluyan na ngang masira ang planeta, at dumating ang bigla at di-inaasahang mga pagbabago sa klima na magiging kapaha-pahamak.
Kuning halimbawa ang West Antarctic Ice Sheet. Naniniwala ang ilan na kung magpapatuloy ang global warming, o ang pag-init ng lupa, tuluyan nang matutunaw ang mga yelo sa karagatan. Karaniwan nang nasasangga ng suson ng yelo ang sinag ng araw. Pero habang numinipis at lumiliit ang mga yelo, mas nalalantad sa araw ang karagatan. Miyentras umiinit ang karagatan, lalong natutunaw ang mga yelo. Ang siklong ito ay magtutuloy-tuloy. At dahil dito, tataas ang level ng tubig sa dagat na maaaring maging kapaha-pahamak sa daan-daang milyong tao.
-