Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Sagradong Lihim ng Diyos—Ang Maluwalhating Kasukdulan Nito!
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • 8. (a) Ano ang naging epekto sa mga bansa ng paghihip sa ikapitong trumpeta? (b) Laban kanino ipinahayag ng mga bansa ang kanilang poot?

      8 Sa kabilang dako, hindi nagdudulot ng kagalakan para sa mga bansa ang paghihip sa ikapitong trumpeta. Panahon na upang danasin nila ang poot ni Jehova. Isinalaysay ni Juan: “Ngunit ang mga bansa ay napoot, at ang iyong sariling poot ay dumating, at ang takdang panahon upang hatulan ang mga patay, at upang ibigay ang kanilang gantimpala sa iyong mga alipin na mga propeta at sa mga banal at doon sa mga natatakot sa iyong pangalan, sa maliliit at sa malalaki, at upang ipahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Mula noong 1914, mabangis na ipinahayag ng mga bansa sa daigdig ang kanilang poot laban sa isa’t isa, laban sa Kaharian ng Diyos, at lalung-lalo na laban sa dalawang saksi ni Jehova.​—Apocalipsis 11:3.

      9. Paano ipinapahamak ng mga bansa ang lupa, at ano ang ipinasiya ng Diyos na gawin hinggil dito?

      9 Sa buong kasaysayan, ipinapahamak ng mga bansa ang lupa sa pamamagitan ng kanilang walang-lubay na pagdidigmaan at masamang pangangasiwa. Gayunman, mula noong 1914, tumindi ang pagpapahamak na ito sa nakatatakot na antas. Dahil sa kasakiman at katiwalian, lumawak ang mga disyerto at malubhang nasira ang mabubungang lupain. Pininsala ng asidong ulan at mga ulap na radyoaktibo ang malalawak na bahagi ng lupa. Naging kontaminado ang mga pinagkukunan ng pagkain, ang hangin na ating nilalanghap, at tubig na ating iniinom. Nanganganib ang buhay sa lupa at maging sa dagat dahil sa mga duming nagmumula sa mga pabrika. Minsan nang nagbanta ang mga superpower ng lubos na pagkalipol sa pamamagitan ng nuklear na pagkatupok ng buong sangkatauhan. Mabuti na lamang at ‘ipapahamak ni Jehova ang mga nagpapahamak sa lupa’; ilalapat niya ang hatol sa palalo at di-makadiyos na mga taong responsable sa kalunus-lunos na kalagayan ng lupang ito. (Deuteronomio 32:5, 6; Awit 14:1-3) Dahil dito, inihahanda ni Jehova ang ikatlong kaabahan upang panagutin ang mga nagkasalang ito.​—Apocalipsis 11:14.

      Kaabahan sa mga Mapagpahamak!

      10. (a) Ano ang ikatlong kaabahan? (b) Sa anong paraan higit pa kaysa pagpapahirap lamang ang idudulot ng ikatlong kaabahan?

      10 Paparating na ang ikatlong kaabahan. Nagmamadali ito! Ito ang gagamitin ni Jehova upang ipahamak ang mga lumalapastangan sa kaniyang “tuntungan,” ang napakagandang lupang ito na ating tinatahanan. (Isaias 66:1) Pinasimulan ito ng Mesiyanikong Kaharian​—ang sagradong lihim ng Diyos. Ang mga kaaway ng Diyos, partikular na ang mga lider ng Sangkakristiyanuhan, ay napahirapan ng unang dalawang kaabahan​—na pangunahin nang idinulot ng salot ng mga balang at ng mga hukbong mangangabayo; subalit higit pa kaysa pagpapahirap lamang ang idudulot ng ikatlong kaabahan, na ilalapat ng Kaharian mismo ni Jehova. (Apocalipsis 9:3-19) Magdudulot ito ng nakamamatay na dagok na papalis sa mapagpahamak na lipunan ng tao at sa mga tagapamahala nito. Ito ang magiging kasukdulan ng paghatol ni Jehova sa Armagedon. Gaya ito ng inihula ni Daniel: “At sa mga araw ng mga haring iyon [mga tagapamahalang nagpapahamak sa lupa] ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” Gaya ng isang matayog na bundok, mamamahala ang Kaharian ng Diyos sa ibabaw ng lupa na ginawang maluwalhati, anupat ipagbabangong-puri ang pagkasoberano ni Jehova at magdudulot ng walang-hanggang kagalakan sa sangkatauhan.​—Daniel 2:35, 44; Isaias 11:9; 60:13.

      11. (a) Anong sunud-sunod na maliligayang pangyayari na patuloy na nagaganap ang inilalarawan ng hula? (b) Anong di-sana-nararapat na kabaitan ang matutupad, paano, at sino ang tutupad nito?

      11 Ang ikatlong kaabahan ay may kasamang sunud-sunod na maliligayang pangyayari na patuloy na magaganap sa araw ng Panginoon. Panahon iyon ‘upang hatulan ang mga patay, at upang ibigay ng Diyos ang kanilang gantimpala sa kaniyang mga alipin na mga propeta at sa mga banal at doon sa mga natatakot sa kaniyang pangalan.’ Nangangahulugan ito ng pagkabuhay-muli mula sa mga patay! Para sa pinahirang mga banal na natulog na sa kamatayan, nagsimula ito sa maagang bahagi ng araw ng Panginoon. (1 Tesalonica 4:15-17) Sa takdang panahon, makikisama sa kanila ang nalabi sa mga banal sa pamamagitan ng kagyat na pagkabuhay-muli. May iba pa ring dapat gantimpalaan, kasali na rito ang mga propetang alipin ng Diyos noong sinaunang panahon at ang lahat ng iba pa sa sangkatauhan na natutong matakot sa pangalan ni Jehova, sila man ay kabilang sa malaking pulutong na makaliligtas sa malaking kapighatian o sa “mga patay, ang malalaki at ang maliliit,” na bubuhaying muli sa Milenyong Paghahari ni Kristo. Yamang hawak ng Mesiyanikong Haring itinalaga ng Diyos ang mga susi ng kamatayan at ng Hades, ang kaniyang pamamahala sa Kaharian ay magbubukas ng daan upang mabigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng nagsisikap na makamit ang mahalagang paglalaang ito. (Apocalipsis 1:18; 7:9, 14; 20:12, 13; Roma 6:22; Juan 5:28, 29) Ang kaloob na ito na buhay, imortal na buhay man sa langit o walang-hanggang buhay sa lupa, ay isang di-sana-nararapat na kabaitan mula kay Jehova, na walang-hanggang pasasalamatan ng sinumang tatanggap nito!​—Hebreo 2:9.

  • Ang Sagradong Lihim ng Diyos—Ang Maluwalhating Kasukdulan Nito!
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
    • [Kahon sa pahina 175]

      Ipinapahamak ang Lupa

      “Bawat tatlong segundo, isang bahagi ng orihinal na maulang kagubatan na kasinlaki ng isang palaruan ng football ang naglalaho. . . . Libu-libong uri ng halaman at hayop ang nalilipol dahil sa pagkasira ng malalaking kagubatan.”​—Illustrated Atlas of the World (Rand McNally).

      “Sa loob ng dalawang-siglong paninirahan ng tao, [ang Great Lakes] ay naging pinakamalaki ring imburnal sa daigdig.”​—The Globe and Mail (Canada).

      Noong Abril 1986, ang pagsabog at sunog na naganap sa nuklear na planta ng kuryente sa Chernobyl, U.S.S.R., “ang pinakamalaking nuklear na sakuna . . . mula nang bombahin ang Hiroshima at Nagasaki,” at nagkalat ng “radyasyon na may pangmatagalang epekto sa hangin, lupa at tubig sa daigdig na kasintindi ng lahat ng ginawang pagsubok at pagpapasabog ng bombang nuklear.”​—JAMA; The New York Times.

      Sa Minamata, Hapon, isang planta ng kemikal ang nagtapon ng methylmercury sa lawa. Ang pagkain ng kontaminadong isda at mga kabibi ay nagdulot ng Minamata disease (MD), isang “malalang sakit sa sistema ng nerbiyo. . . . Sa kasalukuyan [1985], 2578 katao sa buong Hapon ang opisyal na natuklasang may MD.”​—International Journal of Epidemiology.

      [Kahon sa pahina 176]

      Ang mabibigat na kapahayagan sa Apocalipsis 11:15-19 ay pambungad sa mga pangitaing kasunod nito. Ang Apocalipsis kabanata 12 ay isang pagbabalik-tanaw na detalyadong nagpapaliwanag hinggil sa dakilang mga kapahayagan sa Apocalipsis 11:15, 17. Ang kabanata 13 ay naglalaan ng higit na detalye hinggil sa 11:18, sa pamamagitan ng paglalarawan nito sa pasimula at paglago ng pulitikal na organisasyon ni Satanas na nagdulot ng kapahamakan sa lupa. Ang kabanata 14 at 15 ay detalyadong tumatalakay sa higit pang kahatulan ng Kaharian na nauugnay sa paghihip sa ikapitong trumpeta at sa ikatlong kaabahan.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share