-
Mga Saksi ni Jehova—Hamon sa Siruhano at sa EtikaPapaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?
-
-
sangkap ng katawan; kaya, ang indibiduwal na Saksi ang dapat magpasiya sa paglilipat ng cornea, bato, o iba pang sangkap ng katawan.
POSIBLE ANG MASESELANG NA OPERASYON
Bagaman ang mga Saksi ay malimit tanggihan ng mga siruhano palibhasa nadarama nila na “nakatali ang kanilang kamay” dahil sa paninindigan ng mga Saksi sa dugo, naipasiya na ng maraming doktor na ituring ang situwasyon bilang isa pang karagdagang komplikasyon na humahamon sa kanilang kakayahan. Yamang ang mga Saksi ay hindi tutol sa mga panghaliling likido na colloid [maaaring mamuô] at crystalloid [maaaring magbutil-butil], ni sa electrocautery [pagkoryente sa mga himaymay], hypotensive [pagpababa ng presyon] anesthesia,3 o hypothermia [pagpapalamig ng katawan], ang mga ito ay matagumpay nang nagamit. Ang kasalukuyan at hinaharap na paggamit ng hetastarch,4 malalaking-dosis ng iniksiyon ng iron dextran sa ugat,5,6 at ang “sonic scalpel” 7 ay may pangakong kinabukasan at hindi labag sa kanilang relihiyon. At, kung ang kamakailan lamang napaunlad na panghalili sa dugo (Fluosol-DA) ay mapatunayang ligtas at mabisa,8 ang paggamit nito ay hindi magiging labag sa paniniwala ng mga Saksi.
Noong 1977, iniulat nina Ott at Cooley9 ang 542 operasyon sa puso at ugat na isinagawa sa mga Saksi nang walang pagsasalin ng dugo at ipinasiya nila na ang pamamaraang ito ay maaaring gawin “nang may bahagya lamang panganib.” Bilang tugon sa aming kahilingan, kamakailan ay gumawa si Cooley ng isang estadistikal na repaso sa 1,026 operasyon, 22% nito ang sa mga menor-de-edad, at ipinasiya niya “na ang panganib sa pag-opera sa mga pasyenteng Saksi ni Jehova ay hindi masasabing mas mataas kaysa sa iba.” Kaayon nito, sinabi ni Michael E. DeBakey, MD, “na sa kalakhang bahagi ng mga situwasyon [na nagsasangkot sa mga Saksi] ang panganib ng operasyon na hindi ginamitan ng dugo ay hindi hihigit sa mga pasyenteng sinalinan ng dugo” (personal na pag-uulat, Marso 1981). Iniulat din ang tagumpay ng maseselang na operasyong urologic [daanan ng ihi]10 at orthopedic [sa buto].11 Sang-ayon sa isinulat nina G. Dean MacEwen, MD, at J. Richard Bowen, MD, ang posterior spinal fusion [paghuhugpong ng gulugod] “ay matagumpay na naisagawa sa 20 [Saksing] menor-de-edad” (di-nalathalang ulat, Agosto 1981). Isinusog pa nila: “Dapat patatagin ng siruhano ang pilosopiya ng paggalang sa karapatan ng pasyente na tumanggi sa pagsasalin ng dugo at sa kabila nito ay maipagpatuloy ang operasyon sa paraan na magiging ligtas sa pasyente.”
Si Herbsman12 ay nag-uulat ng matagumpay na mga kaso, kasama na ang sa mga kabataan, “na nawalan ng napakaraming dugo.” Inaamin niya na “agrabiyado ang mga Saksi pagdating sa dugo. Gayunman, maliwanag din na tayo’y may mga panghalili sa dugo.” Palibhasa maraming siruhano ang atubiling tumanggap ng mga pasyenteng Saksi dahil sa “pangamba sa legal na kalalabasan,” ipinakita niya na walang saligan upang mabahala rito.
LEGAL NA MGA SULIRANIN AT MGA MENOR-DE-EDAD
Handang lumagda ang mga Saksi sa porma ng American Medical Association na nagpapalaya sa mga doktor at ospital mula sa pananagutan,13 at karamihan ng Saksi ay nagdadala ng isang may-petsa at may-lagdang tarheta na Medical Alert na inihanda makaraang konsultahin ang mga doktor at abogado. Ang mga dokumentong ito ay may-bisa sa pasyente (o sa kaniyang kondisyon) at nag-aalok ng proteksiyon sa mga doktor sapagkat ipinasiya ni Hukom Warren Burger na ang isang demanda ng malpractice [pag-aabuso sa tungkulin] ay “magiging walang saligan” minsang lagdaan ang ganitong pagpapalaya. At, bilang komento kaugnay ng isang pagsusuri sa “sapilitang paggamot at kalayaan sa pagsamba,” ay sumulat si Paris14: “Nag-ulat ang isang komentarista na bumasa ng literatura, ‘Hindi ako nakasumpong ng anomang autoridad para sabihin na ang doktor ay magkakaroon ng . . . kriminal . . . na pananagutan dahil sa pagkabigong ipaggiitan ang pagsasalin sa isang tumatangging pasyente.’ Waring ang panganib ay mas masasabing isang legal na kathang-isip sa halip na isang tunay na posibilidad.”
Ang higit na nakakabahala ay ang mga menor-de-edad, at ito’y madalas humantong sa paghahabla sa mga magulang salig sa mga batas sa pagpapabaya sa mga anak. Subalit ang gayong paghahabla ay kinukuwestiyon ng maraming doktor at abogado na pamilyar sa kaso ng mga Saksi, na naniniwalang ang mga magulang na Saksi ay naghahangad ng mabisang lunas para sa kanilang anak. Sa pagtangging talikuran ang kanilang pananagutan bilang magulang o ipasa ito sa isang hukom o ibang tao, humihiling ang mga Saksi ng konsiderasyon sa relihiyosong paniwala ng pamilya. Si Dr. A. D. Kelly, dating Kalihim ng Canadian Medical Association, ay nagsabi na15 “ang pagpapaliwanag sa kalooban ng pasyente ay karapatan ng mga magulang ng mga menor-de-edad at pinakamalapit na kamag-anak ng mga pasyenteng walang malay-tao. . . . Hindi ako humahanga sa isang kahinahinalang hukuman na tinipon nang alas-2 ng madaling araw para agawin ang isang bata sa kaniyang mga magulang.”
Hindi dapat pagtalunan ang bagay na mga magulang ang may karapatan sa pangangalaga sa mga anak, gaya kung napapaharap sa potensiyal na panganib o pakinabang ng operasyon, radyasyon, o chemotherapy. Sa mga kadahilanang moral na mas matimbang kaysa panganib sa pagsasalin,16 hinihiling ng mga magulang na Saksi ang paggamit ng mga panlunas na hindi bawal sa kanilang relihiyon. Kasuwato ito ng patakarang medikal na paggamot sa “buong tao,” na hindi kinaliligtaan ang posibleng permanenteng psychosocial na pinsala na ibubunga ng isang mapanghimasok na pamamaraan na labag sa saligang paniniwala ng pamilya. Malimit, ang malalaking ospital sa bansa na nagkaroon na ng karanasan sa mga Saksi ay tumatanggap ng mga pasyenteng lumilipat mula sa mga institusyon na ayaw gumamot ng mga Saksi, kasali na rito ang mga batang pasyente.
ANG HAMON SA DOKTOR
Mauunawaan natin na ang pag-aasikaso sa mga Saksi ni Jehova ay baka waring magharap ng suliranin sa isang doktor na nakatalaga sa pagliligtas ng buhay at kalusugan kung gagamitin niya ang lahat ng pamamaraan na bukas sa kaniya. Sa isang editoryal sa pasimula ng isang serye ng mga artikulo tungkol sa maseselang na operasyon sa mga Saksi, ganito ang inamin ni Harvey17, “Naiinis ako sa mga paniwala na nakakasagabal sa aking trabaho.” Ngunit, isinusog niya: “Marahil ay agad nating nalilimutan na ang operasyon ay isang kakayahan na nasasalig sa personal na pamamaraan ng mga indibiduwal. Maaari pang mapasulong ang pamamaraan.”
Napansin ni Propesor Bolooki18 ang nakababahalang balita na isa sa pinaka-abalang ospital sa Dade County, Florida, ay may “mahigpit na patakaran ng hindi paggamot” sa mga Saksi. Ipinakita niya na “karamihan ng mga pamamaraan ng operasyon sa mga pasyenteng ito ay hindi mas mapanganib kaysa karaniwan.” Idinagdag pa niya: “Bagaman nadarama ng mga siruhano na pinagkakaitan sila ng isang kasangkapan ng makabagong medisina . . . kumbinsido ako na malaki ang matututuhan nila kung ooperahan nila ang mga pasyenteng ito.”
Sa halip na ituring na problema ang pasyenteng Saksi, parami nang paraming doktor ang nagtuturing sa kanila bilang isang medikal na hamon. Sa pagharap sa hamon nakabuo sila ng isang pamantayan para sa grupong ito ng mga pasyente na tinatanggap ng maraming ospital sa buong bansa. Kasabay nito nailalaan ang pinakamahusay na pangangalaga na nababagay sa ganap na ikabubuti ng pasyente. Gaya ng naobserbahan ni Gardner at ng kaniyang mga kasama19: “Sino ang makikinabang kung mapagagaling ang katawan ng pasyente ngunit, sa pangmalas ng pasyente, ang espirituwal na buhay sa harap ng Diyos ay naikokompromiso, na hahantong sa isang buhay na walang-kabuluhan at marahil ay mas masahol pa sa kamatayan mismo.”
Kinikilala ng mga Saksi na, sa medisina, ang matatag nilang paninindigan ay waring nagdudulot ng panganib at maaaring maging sagabal sa pangangalaga sa kanila. Kaya, lubos silang nagpapasalamat sa pag-aasikaso sa kanila. Bukod sa pagtataglay ng masidhing pananampalataya at ng matinding pagnanasang mabuhay, sila ay malugod na nakikipagtulungan sa mga doktor at mga tauhan sa ospital. Kaya, kapuwa ang pasyente at doktor ay nagkakaisa sa pagharap sa pambihirang hamon na ito.
[MGA REPERENSIYA]
1. Jehovah’s Witnesses and the Question of Blood. Brooklyn, NY, Watchtower Bible and Tract Society, 1977, pp. 1-64.
2. The Watchtower 1978;99 (June 15):29-31.
3. Hypotensive anesthesia facilitates hip surgery, MEDICAL NEWS. JAMA 1978;239:181.
4. Hetastarch (Hespan)—a new plasma expander. Med Lett Drugs Ther 1981;23:16.
5. Hamstra RD, Block MH, Schocket AL:Intravenous iron dextran in clinical medicine. JAMA 1980;243:1726-1731.
6. Lapin R: Major surgery in Jehovah’s Witnesses. Contemp Orthop 1980;2:647-654.
7. Fuerst ML: ‘Sonic scalpel’ spares vessels. Med Trib 1981;22:1,30.
8. Gonzáles ER: The saga of ‘artificial blood’: Fluosol a special boon to Jehovah’s Witnesses. JAMA 1980;243:719-724.
9. Ott DA, Cooley DA: Cardiovascular surgery in Jehovah’s Witnesses. JAMA 1977;238:1256-1258.
10. Roen PR, Velcek F: Extensive urologic surgery without blood transfusion. NY State J Med 1972;72:2524-2527.
11. Nelson CL, Martin K, Lawson N, et al: Total hip replacement without transfusion. Contemp Orthop 1980;2:655-658.
12. Herbsman H: Treating the Jehovah’s Witness. Emerg Med 1980;12:73-76.
13. Medicolegal Forms With Legal Analysis. Chicago, American Medical Association, 1976, p. 83.
14. Paris JJ: Compulsory medical treatment and religious freedom: Whose law shall prevail? Univ San Francisco Law Rev 1975;10:1-35.
15. Kelly AD: Aequanimitas Can Med Assoc J 1967;96:432.
16. Kolins J: Fatalities from blood transfusion. JAMA 1981;245:1120.
17. Harvey JP: A question of craftsmanship. Contemp Orthop 1980;2:629.
18. Bolooki H: Treatment of Jehovah’s Witnesses: Example of good care. Miami Med 1981;51:25-26.
19. Gardner B, Bivona J, Alfonso A, et al: Major surgery in Jehovah’s Witnesses. NY State J Med 1976;76:765-766.
-
-
Dugo: Kaninong Pasiya at Kaninong Budhi?Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?
-
-
Apendise
Dugo: Kaninong Pasiya at Kaninong Budhi?
ni J. Lowell Dixon, M.D.
Muling inilalathala sa pahintulot ng New York State Journal of Medicine, 1988; 88:463-464, copyright ng Medical Society of the State of New York. (Isinalin mula sa orihinal.)
ANG mga doktor ay nakatalaga sa paggamit ng kanilang kaalaman, kasanayan, at karanasan sa pagsugpo sa sakit at kamatayan. Ngunit, papaano kung ang pasyente ay tumututol sa iminungkahing lunas? Malamang na mangyari ito kapag ang pasyente ay isang Saksi ni Jehova at ang lunas ay kompletong dugo, mga pulang selula ng dugo, plasma, o mga platelet.
Pagdating sa dugo, maaaring madama ng doktor na nakatali ang kamay ng taimtim na mga mediko sapagkat ipinasiya ng pasyente na umiwas sa dugo. Gayunman, dapat tandaan na ang mga pasyenteng hindi Saksi ni Jehova ay malimit na hindi rin sumusunod sa mungkahi ng doktor. Ayon kay Appelbaum at Roth,1 19% ng mga pasyente sa mga ospital na may paaralan ay tumanggi sa isang lunas o paraan, bagaman 15% ng mga pagtanggi “ay posibleng magsapanganib ng buhay.”
Karamihan ng pasyente ay kumikilala sa kasanayan at kaalaman ng kanilang doktor dahil sa karaniwang pangmalas na “alam ng doktor kung ano ang pinakamabuti.” Subalit lubhang mapanganib na magpatuloy ang doktor at gamutin ang pasyente na waring ang kasabihang ito ay isa nang maka-siyentipikong katotohanan. Totoo, ang ating medikal na pagsasanay, lisensiya, at karanasan ay nagkakaloob sa atin ng pambihirang mga pribilehiyo sa tanghalang medikal. Gayunman, ang ating mga pasyente ay mayroon namang mga karapatan. At, gaya ng alam natin, ang batas (maging ang Konstitusyon) ay higit na nagpapahalaga sa mga karapatan.
Sa dingding ng maraming ospital ay makikitang nakapaskel ang “Patient’s Bill of Rights.” Isa sa mga karapatang ito ay ang may-kabatirang pagsang-ayon, mas wastong matatawag na may-kabatirang pasiya. Matapos ipagbigay-alam sa pasyente ang ibubunga ng sarisaring lunas (o ng hindi pagbibigay-lunas), sariling pasiya ang susundin nito. Sa Albert Einstein Hospital sa Bronx, Nueba York, isang balangkas ng patakaran sa pagsasalin ng dugo at mga Saksi ni Jehova ay nagsasaad: “Karapatan ng sinomang pasyente na may-hustong gulang at may ganap na kakayahan na tumanggi sa isang lunas gaano man kalaki ang magiging pinsala sa kalusugan dahil sa pagtangging ito.”2
Bagaman nababahala ang mga doktor dahil sa moralidad at pananagutan, idiniin ng mga hukuman ang pananaig ng pasiya ng pasyente.3 Sinabi ng New York Court of Appeals na “mahalaga sa lahat [ay] ang karapatan ng pasyente na magpasiya sa paraan ng paggamot sa kaniya . . . [Ang] doktor ay hindi lalabag sa kaniyang legal o propesyonal na pananagutan kung igagalang niya ang karapatan ng isang may-kakayahan at may-hustong gulang na pasyente na tumanggi.”4 Sinabi din ng hukuman na “ang moral na integridad ng propesyong medikal, bagaman mahalaga, ay hindi maaaring manaig sa saligang indibiduwal na karapatan na ipinapahayag dito. Ang mahalaga sa lahat ay ang pangangailangan at hangarin ng indibiduwal, hindi ang mga kahilingan ng institusyon.”5
Kapag ang isang Saksi ay tumanggi sa dugo, maaaring madama ng mga doktor na sinusurot sila ng budhi sa di paggawa ng pinakamalaking magagawa nila. Gayunman, ang hinihiling ng Saksi sa taimtim na mga doktor ay ang paglalaan ng pinakamahusay na panghalili na posible sa situwasyong umiiral. Malimit ay kailangang baguhin ang ating paraan upang makabagay sa ilang sitwasyon, gaya ng alta-presyon, pagiging di-hiyang sa mga antibayotiko, o kakulangan ng ilang mamahaling kasangkapan. Sa kaso ng pasyenteng Saksi, ang mga doktor ay hinihilingang humarap sa suliraning medikal o surhikal kasuwato ng pasiya at budhi ng pasyente, ng kaniyang moral at relihiyosong pasiya na umiwas sa dugo.
Ipinakikita ng mabibigat na operasyon sa mga pasyenteng Saksi na ang kahilingan nila sa dugo ay taimtim at matagumpay na nasusunod ng maraming doktor. Halimbawa, noong 1981, nirepaso ni Cooley ang 1,026 operasyon sa puso at ugat, 22% nito ay mga menor-de-edad. Natuklasan niya “na ang panganib sa pag-oopera ng mga pasyenteng Saksi ni Jehova ay hindi masasabing mas mataas kaysa sa iba.”6 Nag-ulat si Kambouris7 sa maseselang na operasyon sa mga Saksi, na ang ilan ay “pinagkaitan ng lubhang kinakailangang operasyon dahil sa pagtanggi nila sa dugo.” Aniya: “Bago gamutin, lahat ng pasyente ay binigyang-katiyakan na ang kanilang paniwalang relihiyoso ay igagalang, anoman ang situwasyon sa silid-operasyon. Ang patakarang ito ay hindi nagkaroon ng masamang mga epekto.”
Kapag ang pasyente ay isang Saksi ni Jehova, dapat isaalang-alang ang budhi, hindi lamang ang pasiya. Hindi puwedeng budhi lamang ng doktor ang isasaalang-alang. Kumusta ang sa pasyente? Para sa mga Saksi ni Jehova ang buhay na isinasagisag ng dugo ay kaloob ng Diyos. Naniniwala sila sa utos ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay dapat “umiwas sa dugo.” (Gawa 15:28, 29).8 Kaya, kung iisipin ng doktor na para siyang ama na maaaring sumalungat sa masidhi at matatag na paninindigan ng pasyente, mapanganib ang magiging resulta. Sinabi ni Papa Juan Pablo II na ang pagpilit sa tao na lumabag sa sariling budhi “ay ang pinakamasaklap na dagok sa dangal ng tao. Sa isang paraan, masahol pa ito sa aktuwal na pagpatay, o pagpaslang.”9
Bagaman tutol sa dugo ang mga Saksi ni Jehova salig sa relihiyosong dahilan, parami-nang-paraming di-Saksing pasyente ang umiiwas sa dugo dahil sa mga panganib na gaya ng AIDS, non-A non-B na hepatitis (pamamaga ng atay), at mga reaksiyong imunolohikal. Maihaharap natin sa kanila ang ating pangmalas hinggil sa kung baga ang mga panganib ay tila mas magaang kung ihahambing sa mga pakinabang. Subalit, gaya ng ipinakikita ng American Medical Association, ang pasyente ang “huling tagahusga kung siya ay dapat magsapalaran sa paggamot o operasyon na iminumungkahi ng doktor o harapin ang panganib na mabuhay nang wala nito. Ito’y likas na karapatan ng indibiduwal, na kinikilala naman ng batas.”10
Kaugnay nito, ibinangon ni Macklin11 ang suliranin ng panganib at pakinabang sa kaso ng isang Saksi “na nanganib maubusan ng dugo dahil sa di pagpapasalin.” Sinabi ng isang estudyante sa medisina: “Malinaw ang kaniyang isip. Ano ang gagawin kapag ang mga paniwalang relihiyoso ay tutol sa nalalabing lunas?” Nangatuwiran si Macklin: “Baka kumbinsido tayo na ang taong ito ay nagkakamali. Subalit naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang pagpapasalin . . . ay [maaaring] magbunga ng walang-hanggang paghatol. Sinasanay tayo na magsuri sa panganib at pakinabang ayon sa medisina ngunit kung titimbangin ninyo ang walang-hanggang paghatol at ang nalalabing buhay sa lupa, nag-iiba na ng anggulo ang pagsusuri.”11
Sa isyung ito ng Journal ay tinutukoy nina Vercillo at Duprey12 ang In re Osborne upang tiyakin ang kaligtasan ng mga anak, subalit papaano nalutas ang kasong yaon? Tungkol ito sa isang nasa-malubhang-kalagayang ama ng dalawang menor-de-edad na bata. Ipinasiya ng hukuman na kung mamamatay siya, mga kamag-anak niya ang mag-aasikaso sa materyal at espirituwal na pangangailangan ng kaniyang mga anak. Kaya, gaya ng ibang di-pa-natatagalang kaso,13 ang hukuman ay walang natuklasang mahigpit na kapakanang pang-estado upang ipagmatuwid ang pananaig sa paraan ng panggagamot na napili ng pasyente; hindi maipagpapaumanhin ang paggigiit ng hukuman ng isang paraan na lubusan niyang tinututulan.14 Sa tulong ng kahaliling paggamot ay gumaling ang pasyente at patuloy na nakapangalaga sa kaniyang pamilya.
Hindi ba totoo na ang kalakhan ng mga kasong napaharap sa mga doktor, o kakaharapin pa, ay maaaring asikasuhin nang walang dugo? Ang ating napag-aralan at inaakalang pinakamahusay ay may kinalaman sa mga suliraning medikal, ngunit ang mga pasyente ay may sariling pamantayan at tunguhin na hindi maipagwawalang-bahala. Sila ang mas nakababatid sa kanilang mga prayoridad, sariling moralidad at budhi, na siyang nagbibigay ng kahulugan sa kanilang buhay.
Ang paggalang sa relihiyosong budhi ng mga pasyenteng Saksi ay maaaring humamon sa ating kakayahan. Subalit habang hinaharap natin ang hamon na ito, binibigyang-diin natin ang mahahalagang kalayaan na mahal sa ating lahat. Angkop-na-angkop ang isinulat ni John Stuart Mill: “Walang lipunan ang maituturing na malaya kung ang mga kalayaang ito ay hindi iginagalang sa kabuoan, anoman ang uri ng pamahalaan nito . . . Bawat isa ay wastong tagapangalaga ng sariling kalusugan, maging sa katawan, isip at espirituwal. Mas nakikinabang ang sangkatauhan sa pagpaparaya sa isa’t-isa upang mamuhay ayon sa kung ano ang mabuti para sa kanila, kaysa pilitin ang bawat isa na mamuhay ayon sa kung ano ang mabuti sa iba.”15
[MGA REPERENSIYA]
1. Appelbaum PS, Roth LH: Patients who refuse treatment in medical hospitals. JAMA 1983; 250:1296-1301.
2. Macklin R: The inner workings of an ethics committee: Latest battle over Jehovah’s Witnesses. Hastings Cent Rep 1988; 18(1):15-20.
3. Bouvia v Superior Court, 179 Cal App 3d 1127, 225 Cal Rptr 297 (1986); In re Brown, 478 So 2d 1033 (Miss 1985).
4. In re Storar, 438 NYS 2d 266, 273, 420 NE 2d 64, 71 (NY 1981).
5. Rivers v Katz, 504 NYS 2d 74, 80 n 6, 495 NE 2d 337, 343 n 6 (NY 1986).
6. Dixon JL, Smalley MG: Jehovah’s Witnesses. The surgical/ethical challenge. JAMA 1981; 246:2471-2472.
7. Kambouris AA: Major abdominal operations on Jehovah’s Witnesses. Am Surg 1987; 53:350-356.
8. Jehovah’s Witnesses and the Question of Blood. Brooklyn, NY, Watchtower Bible and Tract Society, 1977, pp 1-64.
9. Pope denounces Polish crackdown. NY Times, January 11, 1982, p A9.
10. Office of the General Counsel: Medicolegal Forms with Legal Analysis. Chicago, American Medical Association, 1973, p 24.
11. Kleiman D: Hospital philosopher confronts decisions of life. NY Times, January 23, 1984, pp B1, B3.
12. Vercillo AP, Duprey SV: Jehovah’s Witnesses and the transfusion of blood products. NY State J Med 1988; 88:493-494.
13. Wons v Public Health Trust, 500 So 2d 679 (Fla Dist Ct App) (1987); Randolph v City of New York, 117 AD 2d 44, 501 NYS 2d 837 (1986); Taft v Taft, 383 Mass 331, 446 NE 2d 395 (1983).
14. In re Osborne, 294 A 2d 372 (DC Ct App 1972).
15. Mill JS: On liberty, in Adler MJ (ed): Great Books of the Western World. Chicago, Encyclopaedia Britannica, Inc, 1952, vol 43, p 273.
-