Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Magkaisa sa Pamamagitan ng Dalisay na Wika
    Ang Bantayan—1991 | Mayo 1
    • Magkaisa sa Pamamagitan ng Dalisay na Wika

      “Kung magkagayon, akin ngang sasaulian ang mga bayan ng dalisay na wika, upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.”​—ZEFANIAS 3:9.

      1. Narinig na ba ng mga tao na nagsalita ang Diyos na Jehova?

      ANG wika ng Diyos na Jehova ay dalisay. Subalit siya ba’y narinig na ng mga tao na magsalita? Aba, oo! Iyan ay nangyari nang ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo ay nasa lupa 19 na siglo na ngayon ang nakalipas. Halimbawa, nang si Jesus ay bautismuhan, ang Diyos ay narinig na nagsabi: “Ito ang aking sinisintang Anak, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:13-17) Iyan ay isang pangungusap ng dalisay na katotohanan, na narinig ni Jesus at ni Juan Bautista sa wika ng mga tao.

      2. Ano ang ipinakikita ng pagkabanggit ni apostol Pablo na “ang mga wika ng . . . mga anghel”?

      2 Mga ilang taon pagkaraan binanggit ng Kristiyanong apostol Pablo “ang mga wika ng mga tao at ng mga anghel.” (1 Corinto 13:1) Ano ang ipinakikita ito? Aba, ipinakikita nito na hindi lamang mga tao kundi pati mga personang espiritu ay may wika at nakapagsasalita! Mangyari pa, ang Diyos at ang mga anghel ay hindi nakikipag-usap sa isa’t isa sa pamamagitan ng paggamit ng mga tinig at wika na naririnig at nauunawaan natin. Bakit hindi? Sapagkat isang kapaligiran na gaya ng nakapalibot sa lupa ang kinakailangan upang mapalaganap ang mga alon ng tunog ng boses na maaaring marinig at maunawaan ng mga tao.

      3. Papaano nagsimula ang wika ng tao?

      3 Papaano nagsimula ang wika ng tao? Sinasabi ng iba na ang ating mga ninuno ay nagpunyagi na makipagtalastasan sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga pag-ungol at paghalinghing. Ang sabi ng aklat na Evolution (Life Nature Library): “Ang isang taong bakulaw noong mga isang milyong taon na ngayon ang nakalipas . . . ay posibleng nakapagsaulo ng ilang tunog sa pagsasalita.” Subalit ang kilalang lexicograpong si Ludwig Koehler ay nagsabi: “Ang pagsasalita ng tao ay isang lihim; ito ay isang banal na kaloob, isang himala.” Oo, ang wika ng tao ay isang banal na kaloob, sapagkat ang Diyos ang nagbigay sa unang tao, si Adan, ng isang wika. Maliwanag na ito ang sa wakas tinawag na Hebreo. Ang wikang iyan ang ginamit ng Israelitang mga inapo ni “Abram na Hebreo,” isang tapat na patriarkang ang ninunong si Sem ay isang anak ng tagapagtayo ng daong na si Noe. (Genesis 11:10-26; 14:13; 17:3-6) Dahilan sa makahulang pagpapala ng Diyos kay Sem, makatuwirang manghinuha na ang kaniyang wika ay hindi naapektuhan ng bagay na makahimalang ginawa ng Diyos na Jehova 43 siglo na ngayon ang nakalipas.​—Genesis 9:26.

      4. Sino si Nimrod, at papaano siya ginamit ni Satanas na Diyablo?

      4 Nang panahong iyon ‘ang buong lupa ay iisa ang wika at iisa ang salita.’ (Genesis 11:1) Noon ay nabubuhay ang taong si Nimrod, “isang makapangyarihang mangangaso na salungat kay Jehova.” (Genesis 10:8, 9) Ang di-nakikitang pusakal na kaaway ng tao, si Satanas, ay si Nimrod ang pangunahing ginamit upang itayo ang makalupang bahagi ng organisasyon ng Diyablo. Nais ni Nimrod na siya’y mapatanyag, at ang gayong mapagmataas na saloobin ay lumaganap sa kaniyang mga tagasunod, na naglunsad ng isang pantanging proyekto ng pagtatayo sa lupain ng Sinar. Sang-ayon sa Genesis kabanata 11, talatang 4, sinabi nila: “Halikayo! Magtayo tayo ng isang lunsod natin at ng isang moog na ang taluktok niyaon ay aabot hanggang sa langit, at gumawa tayo ng isang tanyag na pangalan para sa ating sarili, baka tayo mangalat sa ibabaw ng buong lupa.” Ang proyektong iyon na salungat sa utos ng Diyos na “kalatan ang lupa” ay natapos nang guluhin ni Jehova ang wika ng mga rebelde. “Kaya,” iniulat ng Bibliya, “pinanabog sila ni Jehova sa ibabaw ng buong lupa, at kanilang unti-unting iniwan ang pagtatayo ng lunsod.” (Genesis 9:1; 11:2-9) Ang lunsod na iyon ay pinanganlang Babel, o Babilonya (nangangahulugan, “Pagkakagulo”), “sapagkat doon ay ginulo ni Jehova ang wika ng buong lupa.”​—Byington.

      5. (a) Ano ang nahadlangan nang guluhin ng Diyos ang wika ng tao? (b) Ano ang masasabi tungkol sa wika ni Noe at ni Sem?

      5 Ang himalang iyan​—na gumulo sa kaisa-isang wika ng tao​—​ay humantong sa iniutos ng Diyos kay Noe na punuin ang lupa, at hinadlangan niyan ang anumang plano ni Satanas na magtatag ng nagkakaisang karumal-dumal na pagsamba sa kaniya ng mga tao na nagrebelde sa Soberanong Panginoon ng langit at lupa. Totoo, sa pamamagitan ng pagsunod sa anumang anyo ng huwad na relihiyon, ang mga tao ay mga biktima ng Diyablo, at sila’y naglilingkod sa mga demonyo nang sila’y gumawa ng mga diyos at mga diyosa, bigyan nila ito ng mga pangalan sa kani-kanilang iba’t ibang wika, at sinamba nila. (1 Corinto 10:20) Subalit ang ginawa ng tanging tunay na Diyos sa Babel ang humadlang sa pagkabuo ng isang nagkakaisang huwad na relihiyon na nagbibigay sa Diyablo ng pagsamba na kaniyang maliwanag na hinahangad. Mangyari pa, ang matuwid na si Noe at ang kaniyang anak na si Sem ay hindi naparamay sa pagkakagulong iyon sa lupain ng Sinar. Kaya makatuwirang masasabi na ang kanilang wika ay nanatiling yaong kaisa-isa na ginamit ng tapat na si Abram (o Abraham)​—ang wika na ginamit ng Diyos sa pakikipag-usap sa taong si Adan sa halamanan ng Eden.

      6. Noong araw ng Pentecostes 33 C.E., papaano ipinakita ni Jehova na siya’y makapagbibigay ng kakayahan na magsalita ng mga wika?

      6 Si Jehova, na gumulo sa orihinal na wika ng tao, ay makapagkakaloob din ng kakayahan na magsalita ng mga wika. Oo, iyang-iyan ang ginawa niya noong araw ng Pentecostes ng taóng 33 ng ating Panlahatang Panahon! Sang-ayon sa Gawa 2:1-11, mga 120 tagasunod ni Jesu-Kristo ang noon ay nagkakatipon sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. (Gawa 1:13, 15) Biglang-bigla, nagkaroon ng ugong buhat sa langit na “gaya ng isang humahagibis na hanging malakas.” “Mga dilang kawangis ng apoy” ang nakita at nagkabaha-bahagi. At ang mga alagad ay “napuspos ng banal na espiritu at nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob ng espiritu na kanilang salitain.” Sa pamamagitan ng ipinagkaloob ng Diyos na mga wikang iyon, sila’y nagsalita “tungkol sa maririlag na mga bagay ng Diyos.” At anong laking himala iyon, samantalang mga Judio at mga proselita na may iba’t ibang wika, buhat sa pagkalalayong lugar na gaya baga ng Mesopotamia, Ehipto, Libya, at Roma, ang nakaunawa ng pabalitang nagbibigay-buhay!

      Isang Bigay-Diyos na Wika Ngayon!

      7. Ano ang mga maaasahan kung isa lamang wika ang gagamitin at mauunawaan sa buong daigdig?

      7 Yamang ang Diyos ay makahimalang nakapagkakaloob ng iba’t ibang wika, hindi ba magiging kamangha-mangha kung kaniyang pangyayarihin na isa lamang wika ang gamitin at maunawaan sa buong daigdig? Iyan ay magdudulot ng lalong malaking pagkakaunawaan sa sangkatauhan. Ganito ang pagkasabi sa The World Book Encyclopedia: “Kung lahat ng mga bayan ay may iisang wika, ang pangkultura at pangkabuhayang mga ugnayan ay magiging lalong malapit, at magkakaroon ng lalong mabuting ugnayan sa pagitan ng mga bansa.” Bueno, sa lumipas na mga taon ay binanggit na may humigit-kumulang 600 wika sa buong daigdig. Dito, ang Esperanto ang nagkaroon ng pinakamalaking impluwensiya sapagkat mga 10,000,000 katao ang natuto nito sapol nang ito’y likhain noong taóng 1887. Gayunman, ang pagsisikap ng tao na pagkaisahin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng isang pandaigdig na wika ay hindi kailanman nagtagumpay. Sa katunayan, parami nang paraming suliranin ang sanhi ng pagkakabaha-bahagi sa daigdig na ito habang ‘ang balakyot na mga tao ay lalong nagpapakasama.’​—2 Timoteo 3:13.

      8. Kahit na isang pandaigdig na wika ang ginagamit sa daigdig sa ngayon, ano ang iiral pa rin, at bakit?

      8 Kung relihiyon ang pag-uusapan, umiiral ang malaking kaguluhan. Ngunit hindi ba ganito ang dapat nating asahan, yamang sa Bibliya sa aklat ng Apocalipsis ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ay tinatawag na “Babilonyang Dakila”? (Apocalipsis 18:2) Oo, sapagkat ang ibig sabihin ng “Babilonya” ay “Pagkakagulo.” Kahit na kung isang artipisyal na wika o isang katutubong wika na gaya baga ng Ingles, Pranses, Aleman, o Ruso ang ginagamit bilang isang pandaigdig na wika sa daigdig ngayon, ang di-pagkakaisa ay iiral pa rin sa relihiyon at sa mga iba pa. Bakit? Sapagkat “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng isang balakyot,” si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Siya ang mismong larawan ng pag-iimbot, at buong-kasakimang hinahangad niya na siya’y sambahin ng lahat ng tao, gaya ng kaniyang ginawa noong mga kaarawan ni Nimrod at ng Tore ng Babel. Oo, ang isang pandaigdig na wika na ginagamit ng makasalanang mga tao ay makapagbibigay pa kay Satanas ng pagkakataon na magtayo ng isang nagkakaisang pagsamba sa Diyablo! Ngunit kailanman ay hindi papayagan iyan ni Jehova; ang totoo nga, kaylapit-lapit nang wakasan niya ang lahat ng huwad na relihiyon, na kinasihan ng Diyablo.

      9. Papaano pinagkakaisa ngayon ang mga tao ng lahat ng bansa at lahi?

      9 Datapuwat, ang isang kagila-gilalas na pangyayari ay na pinagkakaisa sa mismong sandaling ito ang mabubuting tao ng lahat ng bansa at lahi. Ito’y nagaganap batay sa mga kondisyon na ibinibigay ng Diyos at alang-alang sa pagsamba sa kaniya. Sa ngayon, pinapangyayari ng Diyos na ang mga tao ay matuto at magsalita ng tanging dalisay na wika sa lupa. At ito talaga ay isang pandaigdig na wika. Tunay nga, ang dalisay na wikang ito ay itinuturo ng Diyos na Jehova sa maraming tao buhat sa lahat ng bansa sa lupa ngayon. Ito ay katuparan ng inihulang pangako ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang propeta at saksing si Zefanias: “Kung magkagayon, akin ngang sasaulian ang mga bayan ng dalisay na wika [sa literal, “isang malinis na labi”], upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.” (Zefanias 3:9) Ano ba itong dalisay na wika?

      Ang Ibig Sabihin ng Dalisay na Wika

      10. Ano ba ang dalisay na wika?

      10 Ang dalisay na wika ay ang katotohanan ng Diyos na masusumpungan sa kaniyang sariling salita, ang Banal na Kasulatan. Ito lalo na ang katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos, na magdadala ng kapayapaan at iba pang mga pagpapala sa sangkatauhan. Sa dalisay na wika ay wala na nga ang maling mga turo ng relihiyon at ang huwad na pagsamba. Lahat ng nagsasalita nito ay pinagkakaisa nito sa dalisay, malinis, kaaya-ayang pagsamba sa buháy at tunay na Diyos, si Jehova. Sa ngayon, mga 3,000 wika ang nagiging isang hadlang sa pang-unawa, at daan-daang huwad na mga relihiyon ang lumilito sa tao. Kaya kaylaki ng ating kagalakan na isinasauli ng Diyos sa mga bayan ang kahanga-hangang dalisay na wikang ito!

      11. Ano ang nagawa ng dalisay na wika para sa mga tao ng lahat ng bansa at lahi?

      11 Oo, ang mga tao sa lahat ng bansa at lahi ay nagpapakadalubhasa sa dalisay na wika. Bilang ang tanging espirituwal at dalisay na salita sa lupa, ito’y nagsisilbing isang mabisang puwersa sa pagkakaisa. Pinapangyayari nito na lahat ng nagsasalita nito ay “makatawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan,” o sa literal, “nang may isang balikat.” Sila kung gayon ay naglilingkod sa Diyos “na may iisang pagsang-ayon,” “na may iisang pagsang-ayon ng lahat at isang nagkakaisang balikat.” (The New English Bible; The Amplified Bible) Ang salin ni Steven T.Byington ay kababasahan: “Pagkatapos ako [si Jehovang Diyos] ang maglilinis sa mga labi ng lahat ng mga tao, upang sila’y makatawag na lahat sa pangalan ni Jehova at mangagkatulungan sa paglilingkod sa kaniya.” Ang ganiyang pambuong-daigdig na pagtutulungan ng mga may iba’t ibang wika sa paglilingkod sa Diyos ay umiiral tangi lamang sa gitna ng mga Saksi ni Jehova. Sa 212 bansa ngayon, mahigit na apat na milyon ng mga tagapagbalitang ito ng Kaharian ang nangangaral ng mabuting balita sa maraming wika ng tao. Gayunman, ang mga Saksi ay “nagsasalita nang may pagkakaisa” at sila’y may “lubos na pagkakaisa sa iisang isip at sa iisang takbo ng kaisipan.” (1 Corinto 1:10) Ito’y dahilan sa saanman sila naroroon sa lupa, lahat ng mga Saksi ni Jehova ay nagsasalita ng isang dalisay na wika, sa ikapupuri at sa ikaluluwalhati ng kanilang makalangit na Ama.

      Matuto ng Dalisay na Wika Ngayon!

      12, 13. (a) Bakit ka dapat mabahala tungkol sa pagsasalita ng dalisay na wika? (b) Bakit ang mga salita sa Zefanias 3:8, 9 ay lubhang mahalaga ngayon?

      12 Bakit ka dapat mabahala tungkol sa pagsasalita ng dalisay na wika? Unang-una, sapagkat ang iyong buhay ay depende sa pagkatuto at pagsasalita nito. Kahit na bago ipinangako ng Diyos na kaniyang “sasaulian ang mga bayan ng dalisay na wika,” siya’y nagbabala: “ ‘Hintayin ninyo ako,’ sabi ni Jehova, ‘hanggang sa kaarawan na ako’y bumangon sa panghuhuli, sapagkat ang aking ipinasiya ay pisanin ang mga bansa, upang aking matipong sama-sama ang mga kaharian, upang maibuhos ko sa kanila ang aking galit, lahat ng aking mabangis na galit; sapagkat ang buong lupa ay sasakmalin ng silakbo ng aking paninibugho.’ ”​—Zefanias 3:8.

      13 Ang mga salitang iyon ng Soberanong Panginoong Jehova ay unang sinalita 26 na siglo na ngayon ang nakalipas sa Juda, na ang kabisera ay ang Jerusalem. Subalit ang pangungusap na iyan ay lalong higit na ukol sa ating kaarawan sapagkat ang Jerusalem ay isang tipo ng Sangkakristiyanuhan. At ang ating panahon, sapol nang itatag noong 1914 ang makalangit na Kaharian ng Diyos, ang araw ni Jehova para sa pagtitipon sa mga bansa at pagpipisan sa mga kaharian. Kaniyang tinipon silang lahat upang kaniyang mabigyang-pansin sa pamamagitan ng isang dakilang gawaing pagpapatotoo. Sa kabilang panig, ito’y pumukaw sa kanila sa pagsalansang sa kaniyang layunin. Gayunman, ang mga tao buhat sa lahat ng mga bansang ito ay maawaing pinapangyayari ng Diyos na Jehova na magkaisa-isa sa pagsasalita ng dalisay na wika. Sa pamamagitan nito, lahat ng naghahanap ng buhay sa kaniyang ipinangakong bagong sanlibutan ay makapaglilingkod sa kaniya nang may pagkakaisa bago ang lahat ng bansa ay matupok sa maapoy na pagbubuhos ng galit ng Diyos sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” na karaniwang tinatawag na Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16; 2 Pedro 3:13) Nakagagalak naman, yaong mga nagsasalita ng dalisay na wika at tumatawag sa pangalan ni Jehova nang may pananampalataya bilang nagkakaisa sa tunay na pagsamba ay magtatamasa ng proteksiyon ng Diyos sa kainitan ng kapahamakang iyan ng sanlibutan. Sila’y ililigtas ng Diyos tungo sa bagong sanlibutan, na kung saan tanging ang dalisay na wika ang sa wakas mamumutawi sa labi ng lahat ng tao.

      14. Sa pamamagitan ni Zefanias, papaano ipinakita ng Diyos na upang makaligtas sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay ay kailangang agad-agad kumilos?

      14 Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Zefanias, niliwanag ni Jehova na ang mga umaasang makaligtas sa katapusan ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay ay kailangang agad-agad kumilos. Sang-ayon sa Zefanias 2:1-3, sinasabi ng Diyos: “Kayo’y magpipisan, oo, gumawa kayo ng pagpipisan-pisan, Oh bansang hindi tinatablan ng kahihiyan. Bago magbunga ng ano pa man ang batas, bago dumaang parang dayami ang araw na iyon, bago dumating sa inyo ang mabangis na galit ni Jehova, bago dumating sa inyo ang araw ng galit ni Jehova, hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsigawa ng ayon sa Kaniyang sariling ipinasiyang kahatulan. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaipala ay makukubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”

      15. (a) Ano ang unang katuparan ng Zefanias 2:1-3? (b) Sino ang nakaligtas nang isagawa ng Diyos ang inihatol sa Juda, at ano ang katulad ng pagkaligtas na ito sa ating kaarawan?

      15 Ang mga salitang iyon ay nagkaroon ng unang katuparan sa sinaunang Juda at Jerusalem. Ang makasalanang mga tao sa Juda ay hindi tumugon nang naaayon sa panawagan ng Diyos, gaya ng ipinakikita ng kaniyang pagsasagawa ng inihatol sa kanila sa kamay ng mga taga-Babilonya noong taóng 607 B.C.E. Kung papaanong ang Juda ang “bansang hindi tinatablan ng kahihiyan” sa harap ng Diyos, gayon ang Sangkakristiyanuhan ay naging isang “bansang” walang kahihiyan sa harap ni Jehova. Gayunman, dahilan sa pakikinig sa salita ng Diyos, ang ibang mga taga-Juda at ang iba pa ay nangakaligtas, kabilang sa kanila ang tapat na propeta ni Jehova na si Jeremias. Ang iba pang nangakaligtas ay isang Etiopeng nagngangalang Ebed-melek at ang mga inapo ni Jehonadab. (Jeremias 35:18, 19; 39:11, 12, 16-18) Katulad din ngayon, “isang malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ni Jesus na tinipon buhat sa lahat ng mga bansa ang makaliligtas sa Armagedon tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Apocalipsis 7:9; Juan 10:14-16) Tanging yaon lamang natuto at nagsasalita ng dalisay na wika ang makaliligtas na taglay ang kagalakan.

      16. Ano ang kailangang gawin ng isang tao upang makubli “sa araw ng galit ni Jehova”?

      16 Kung papaanong iniutos ng batas ni Jehova na ang Juda at Jerusalem ay dapat na malipol, ganoon kailangang malipol ang Sangkakristiyanuhan. Oo, ang pagkapuksa ng lahat ng huwad na relihiyon ay malapit na, at yaong mga naghahangad makaligtas ay kailangang kumilos agad-agad. Kailangang gawin nila iyan ‘bago ang araw ay dumaang parang dayami,’ na agad inililipad ng hangin, tulad ng kung ang ipa ay itinatahip sa hangin sa isang giikan. Upang maligtas sa galit ng Diyos, tayo’y kailangang magsalita ng dalisay na wika at tumugon sa babala ng Diyos bago dumating sa atin ang araw ng mabangis na galit ni Jehova. Noong kaarawan ni Zefanias at sa ngayon, ang mga maaamo ay humahanap sa Diyos na Jehova, taglay ang katuwiran at kaamuan. Ang paghanap kay Jehova ay nangangahulugan ng pag-ibig sa kaniya nang ating buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. (Marcos 12:29 ,30) “Kaipala [yaong mga gumagawa nang gayon] ay makukubli sa araw ng galit ni Jehova.” Subalit bakit sinasabi ng hula na “kaipala”? Sapagkat ang kaligtasan ay depende sa katapatan at pagtitiis. (Mateo 24:13) Yaong mga sumusunod sa matuwid na pamantayan ng Diyos at patuloy na nagsasalita ng dalisay na wika ay makukubli sa araw ng galit ni Jehova.

      17. Anong mga tanong ang natitira pa para ating isaalang-alang?

      17 Yamang ang araw ng galit ni Jehova ay malapit na at ang kaligtasan ay depende sa pagkatuto at paggamit ng dalisay na wika, ngayon ang panahon na kailangang puspusang mag-aral at magsalita nito. Subalit papaano matututuhan ng isang tao ang dalisay na wika? At papaano ka makikinabang sa pagsasalita nito?

      Papaano Mo Sasagutin?

      ◻ Papaano nagsimula ang wika ng tao?

      ◻ Ano ba ang dalisay na wika?

      ◻ Bakit ang mga salita sa Zefanias 3:8, 9 ay lubhang mahalaga ngayon?

      ◻ Ano ang kailangan nating gawin upang makubli “sa araw ng galit ni Jehova”?

  • Magsalita ng Dalisay na Wika at Mabuhay Magpakailanman!
    Ang Bantayan—1991 | Mayo 1
    • Magsalita ng Dalisay na Wika at Mabuhay Magpakailanman!

      “Hanapin ninyo si Jehova . . . Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaipala ay makukubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”​—ZEFANIAS 2:3.

      1. (a) Anong mga paraan ang ginagamit ng mga mag-aarál upang matuto ng isang wikang banyaga? (b) Bakit kailangang magsalita ng dalisay ng wika?

      ANG mga mag-aarál ay maaaring matuto ng isang bagong wika sa pamamagitan ng paggamit ng paraang pambalarila o ng paraang pagsasalita-ng-wika. Sa paraang pambalarila, karaniwan nang sila’y gumagamit ng mga aklat-aralan at natututo ng mga alituntunin sa balarila. Sa paraang pagsasalita-ng-wika, kanilang ginagaya ang tunog at parisang mga salita na ginagamit ng kanilang guro. Ang mga paraan ay kapuwa magagamit sa pagkatuto ng “dalisay na wika.” At kailangang tayo’y magsalita ng wikang ito kung tayo’y umaasang “makukubli sa araw ng galit ni Jehova.”​—Zefanias 2:1-3; 3:8, 9.

      2. Papaano tayo matututo ng matatawag na mga alituntunin ng balarila ukol sa dalisay na wika?

      2 Ang pangunahing aklat-aralan na ginagamit upang matuto ng dalisay na wika ay ang Bibliya. Ang masigasig na pag-aaral nito at ng mga publikasyong salig-sa-Bibliya ay nagtuturo sa iyo ng tinatawag na mga alituntunin ng balarila para sa dalisay na wika. Ang isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya na idinaraos ng isa sa mga Saksi ni Jehova ay mabuting pasimula. Para sa mga nag-alay na sa Diyos, ang palagian at masigasig na pag-aaral ng Kasulatan ay kailangan. Subalit mayroon bang natatanging epektibong mga paraan upang matutuhan ang dalisay na wika? At anong mga pakinabang ang resulta ng pagsasalita niyaon?

      Kung Papaano Matututo ng Dalisay na Wika

      3. Ano ang isang pamamaraan upang matuto ng dalisay na wika?

      3 Ang isang pamamaraan upang matuto ng dalisay na wika ay ang pag-uugnay ng mga katotohanang iyong natututuhan at ng mga punto na alam mo na, kung papaanong pasulong na pinag-uugnay-ugnay ng isang mag-aarál ng wika ang sarisaring mga alituntunin sa balarila. Halimbawa, dati nang alam mo na si Jesu-Kristo ay Anak ng Diyos, ngunit bahagya lamang ang alam mo tungkol sa kaniyang mga tungkulin. Mula noon, sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya ay natutuhan mo na si Kristo’y nagpupunò na ngayon bilang isang makalangit na Hari at sa kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari, ang masunuring sangkatauhan ay pauunlarin tungo sa kasakdalan. (Apocalipsis 20:5, 6) Oo, ang pag-uugnay ng mga bagong kaisipan at ng mga kaisipang alam mo na ay nagpapalawak ng iyong kaalaman sa dalisay na wika.

      4. (a) Ano ang isa pang pamamaraan upang matuto ng mga ‘alituntunin ng balarila’ ng dalisay na wika, at anong ulat sa Bibliya ang ginagamit upang ipaghalimbawa ito? (b) Ano ang nangyari nang si Gideon at ang kaniyang tatlong daang lalaki ay kumilos na? (c) Ang ulat tungkol kay Gideon ay nagtuturo ng anong aralin?

      4 Ang isa pang pamamaraan upang matuto ng mga ‘alituntunin ng balarila’ ng dalisay na wika ay ang ilarawan sa isip ang mga pangyayari sa Bibliya. Bilang halimbawa: Sa pangyayaring iniuulat sa Hukom 7:15-23 subukin mong ‘magmasid at makinig.’ Tingnan mo! Ang kaniyang mga kawal ay hinati-hati ng Israelitang Hukom na si Gideon sa tatlong pangkat na tig-iisang daang lalaki. Sa kadiliman, sila’y tahimik na lumabas sa Bundok Gilboa at pinalibutan ang kampamento ng natutulog na mga Midianita. Nasasangkapan ba sila ng mahuhusay na armas, ang tatlong daang ito? Hindi, kung sa mga armas ng hukbo. Oo, sila’y tutuyain at tatawanan ng hambog na mga kawal ng militar! Bawat lalaki ay mayroon lamang isang pakakak, isang malaking banga ng tubig, at isang sulô sa loob ng banga. Ngunit pakinggan mo! Sa isang hudyat, ang isang daang lalaking kasama ni Gideon ay humihip ng kanilang mga pakakak at binasag ang kanilang mga banga ng tubig. Ganoon din ang ginawa ng dalawang daan pa na kasama nila. Kasabay ng pagtataas nilang lahat ng nagniningas na mga sulô, maririnig mo ang kanilang sigawan: “Ang tabak ni Jehova at ni Gideon!” Kaylaking pangingilabot ang nagawa nito sa mga Midianita! Sila’y pupungas-pungas na nagsilabas sa kanilang mga tolda, ang kanilang mga matang hayok pa sa tulog ay nandididilat dahil sa takot sa pagkakita ng lumalaganap na mga apoy na nagpatingkad na lalo sa mga anino at nagpaalab ng pamahiin at takot. Samantalang nagsisimulang tumakas ang mga Midianita, ang mga tauhan naman ni Gideon ay patuloy na humihihip ng kanilang mga pakakak, at ang kanilang mga kaaway ay pinaglaban-laban ng Diyos. Kaytindi ng araling iyon sa dalisay na wika! Maililigtas ng Diyos ang kaniyang mga lingkod kahit walang sandatahang lakas ng tao. At, “hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan alang-alang sa kaniyang dakilang pangalan.”​—1 Samuel 12:22.

      5. Papaanong ang mga pulong Kristiyano ay makatutulong upang dalisayin ang ating pananalita?

      5 Pagka ang mga mag-aarál ay tinuturuan ng isang wikang banyaga sa pamamagitan ng paraang pagsasalita-ng-wika, kanilang sinisikap na ulitin nang tama ang mga tunog at parisán ng mga salita na itinuturo ng guro. Kay-inam ang mga pagkakataon sa mga pulong Kristiyano upang doon ay salitain ang dalisay na wika! Doon ay ating maririnig ang iba sa pagpapahayag ng kanilang sarili sa wikang iyon ng katotohanan sa Kasulatan, at tayo’y maaaring magkapribilehiyo na magkomento rin. Tayo ba’y natatakot na baka tayo makapagsalita ng isang bagay na mali? Huwag hayaan na iyan ang maging pangunahing ikinababahala natin, sapagkat ang isang pagkakamali na may kabaitang itinutuwid ng matanda na nangunguna sa gayong pulong na gaya baga ng lingguhang Pag-aaral sa Bantayan ay makatutulong upang dalisayin ang ating pananalita. Kung gayon, dumalo at makibahagi nang palagian sa mga pulong Kristiyano.​—Hebreo 10:24, 25.

      Nakasalingit ang mga Dumi

      6. Bakit may napakalaking pagkakaiba ang mga Saksi ni Jehova at ang mga organisasyong relihiyoso ng Sangkakristiyanuhan?

      6 Ang mga naghahayag ng layunin ni Jehova at nagbabalita ng kaniyang makalangit na Kaharian ay nagsasalita ng dalisay na wika bilang kaniyang mga Saksi. Kanilang ipinakikilala ang kaniyang pangalan at naglilingkod sa kaniya “nang balikatan,” o nang may pagkakaisa. (Zefanias 3:9) Bagaman ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay may Bibliya, sila’y hindi nagsasalita ng dalisay na wika o tumatawag man sa pangalan ng Diyos nang may pananampalataya. (Joel 2:32) Sila’y walang nagkakasuwatong mensahe na nakasalig sa Kasulatan. Bakit? Sapagkat ang relihiyosong mga tradisyon, makasanlibutang mga pilosopya, at pagtataguyod sa pulitika ang iniuuna nila sa Salita ng Diyos. Ang kanilang mga layunin, pag-asa, at mga paraan ay bahagi ng balakyot na sanlibutang ito.

      7. Anong mga pagkakaiba ng mga Saksi ni Jehova at ng huwad na mga relihiyon ang tinutukoy sa 1 Juan 4:4-6?

      7 Ang Sangkakristiyanuhan​—sa katunayan, ang buong daigdig ng imperyo ng huwad na relihiyon​—​ay hindi nagsasalita ng iisang wika na sinasalita ng mga Saksi ni Jehova. Kapana-panabik, sa mga nagsasalita ng dalisay na wika, si apostol Juan ay sumulat: “Kayo’y sa Diyos, . . . at inyong dinaig sila, sapagkat siyang kaisa ninyo ay lalong dakila kaysa kaniya na kaisa ng sanlibutan. Sila’y sa sanlibutan; kaya naman sila nagsasalita ng nanggagaling sa sanlibutan at ang sanlibutan ay nakikinig sa kanila. Tayo’y sa Diyos. Ang nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa atin; ang hindi sa Diyos ay hindi nakikinig sa atin.” (1 Juan 4:4-6) Dinaig ng mga lingkod ni Jehova ang mga bulaang guro sapagkat ang Diyos, na kaisa ng kaniyang bayan, “ay lalong dakila kaysa [Diyablo, na] kaisa ng sanlibutan,” ang di-matuwid na lipunan ng tao. Yamang ang mga apostata ay “sa sanlibutan” at taglay ang balakyot na espiritu nito, “sila’y nagsasalita ng nanggagaling sa sanlibutan at ang sanlibutan ay nakikinig sa kanila.” Subalit ang tulad-tupang mga tao ay nakikinig sa mga nasa panig ng Diyos, sa pagkatanto na ang bayan ni Jehova ang nagsasalita ng dalisay na wika ng katotohanan ng Bibliya na inilaan sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon.

      8. Ano ang pagkakakilanlan sa taong tampalasan?

      8 Inihula ang isang malaganap na apostasya, at ang isang ‘hiwaga ng katampalasanan’ ay gumagawa na noong unang siglo C.E. Sa paglakad ng panahon, mga taong tumanggap​—o umagaw​—​ng mga puwesto sa pagtuturo sa kongregasyon ang nagturo ng maraming doktrinang walang katotohanan. Ang kanilang wika ay malayo sa pagkadalisay. Kaya may bumangon na isang maramihang-bahaging “taong tampalasan,” ang klero ng Sangkakristiyanuhan, na nakagapos sa mga tradisyon ng huwad na relihiyon, makasanlibutang mga pilosopya, at mga turo na hindi maka-Kasulatan.​—2 Tesalonica 2:3, 7.

      Ang Dalisay na Wika ay Narinig sa Buong Daigdig

      9. Ano ang mga pangyayari sa relihiyon noong ika-19 na siglo?

      9 Tanging isang maliit na bilang ng mga taong may takot sa Diyos ang ‘puspusang nakipaglaban ukol sa pananampalatayang ibinigay sa mga banal.’ (Judas 3) Saan masusumpungan ang gayong mga mananampalataya? Sa loob ng mga daan-daang taon, ang karamihan ng mga tao ay pinamalagi ng huwad na relihiyon sa espirituwal na kadiliman, ngunit alam ng Diyos kung sino ang ilan na mayroon ng kaniyang pagsang-ayon. (2 Timoteo 2:19) Pagkatapos, sa gitna ng mga pagbabago noong ika-19 na siglo sa komersiyo, sa industriya, at sa lipunan, may bumangong mga tinig na nangibabaw sa pangkaraniwang babel ng nagkakagulong huwad na relihiyon. May mga maliliit na grupong sumubok na basahin ang palatandaan ng panahon at hulaan ang ikalawang pagparito ni Jesus, subalit hindi lahat ay nagsalita ng dalisay na wika.

      10. Aling grupo na nagtataguyod ng “ikalawang pagparito” ang pinili ng Diyos upang magsalita ng dalisay na wika, at bakit maliwanag na ang kamay ni Jehova ay sumasakanila?

      10 Gayunman, noong 1879, ay nagliwanag kung aling tinig na nagtataguyod ng “ikalawang pagparito” ang pinipili ni Jehova upang magsalita ng dalisay na wika bilang kaniyang mga Saksi. Noon ay isang maliit na grupo sa pag-aaral sa Bibliya na pinangungunahan ni Charles Taze Russell ang nagtitipon sa Pittsburgh, Pennsylvania, E.U.A. Kanilang natiyak na ang ikalawang pagparito ni Jesus ang pasimula ng kaniyang di-nakikitang presensiya (pagkanaririto), na isang panahon ng kahirapan sa daigdig ang dumarating, at na ito’y susundan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo na magsasauli ng Paraiso sa lupa, taglay ang buhay na walang-hanggan para sa masunuring mga tao. Noong Hulyo 1879 ang mga Estudyante ng Bibliya ay nagsimula ng paglalathala ng magasin na ngayo’y kilala bilang Ang Bantayan. Sa unang labas ay 6,000 lamang na mga kopya ang ipinamahagi. Subalit, “ang kamay ni Jehova” ay sumusubaybay sa mga Saksing iyon, sapagkat ang magasing ito ay inilalathala na ngayon sa 111 wika, na ang pamantayang nililimbag ay mahigit na 15,000,000 para sa bawat labas.​—Ihambing ang Gawa 11:19-21.

      11, 12. Ano ang ilan sa mga katotohanan ng Kasulatan na nauunawaan ng mga nagsasalita ng dalisay na wika?

      11 Sa pamamagitan ng Bibliya at ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, lalo na sa pamamagitan ng masigasig na paghahayag ng mga Kristiyano ng mabuting balitang ito, ang dalisay na wika ay nakilala sa buong lupa. At kaydakilang mga kapakinabangan ang tinatamasa ng mga nagsasalita nito! Sa halip na sabihing ‘ang Diyos ay Diyos, si Kristo ay Diyos, at ang Espiritu Santo ay Diyos’ sa mahiwagang diyalekto ng Trinitaryanismo, sila’y sumasang-ayon sa itinuturo ng Bibliya na si Jehova ang Kataas-taasan, si Jesu-Kristo na isang nakabababa ay Kaniyang Anak, at ang banal na espiritu ang kamangha-manghang aktibong puwersa ng Diyos. (Genesis 1:2; Awit 83:18; Mateo 3:16, 17) Ang mga nagsasalita ng dalisay na wika ay nakababatid na ang tao ay hindi bunga ng ebolusyon buhat sa nakabababang anyo ng buhay kundi nilalang ng isang maibiging Diyos. (Genesis 1:27; 2:7) Kanilang natatanto na ang kaluluwa ay hindi na umiiral pagkamatay​—isang katotohanan na nag-aalis ng takot sa mga patay. (Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4) Ang impiyerno ang karaniwang libingan ng sangkatauhan sa pagkaunawa nila, hindi isang dako ng maapoy na pagpaparusa na ginawa ng isang napakalupit na diyos. (Job 14:13) Batid din nila na ang pagkabuhay-muli ang bigay-Diyos na pag-asa ng mga patay.​—Juan 5:28, 29; 11:25; Gawa 24:15.

      12 Yaong mga nagsasalita ng dalisay na wika ay nagpapakita ng paggalang sa dugo at sa buhay. (Genesis 9:3, 4; Gawa 15:28, 29) Batid nila na ang makalupang buhay ni Jesus ang haing pantubos na ibinayad para sa masunuring mga tao. (Mateo 20:28; 1 Juan 2:1, 2) Sila’y hindi nananalangin sa “mga santo,” palibhasa’y alam nila na ang kanilang mga panalangin ay kailangang maipahatid sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Juan 14:6, 13, 14) Yamang hinahatulan ng Salita ng Diyos ang idolatriya, sila’y hindi gumagamit ng mga imahen sa kanilang pagsamba. (Exodo 20:4-6; 1 Corinto 10:14) At sila’y umiiwas sa mga panganib ng demonismo sapagkat kanilang tinatanggihan ang espiritismo, na hinahatulan din sa Bibliya.​—Deuteronomio 18:10-12; Galacia 5:19-21.

      13. Bakit yaong mga nagsasalita ng dalisay na wika ay hindi naguguluhan?

      13 Ang mga lingkod ni Jehova, na nagsasalita ng dalisay na wika, ay hindi naguguluhan tungkol sa kung nasaan na sila sa agos ng panahon. Sila’y tinuruan ni Jehova na sila ay nasa “panahon ng kawakasan,” at si Jesus ay naririto na bilang isang maluwalhating di-nakikitang espiritu. (Daniel 12:4; Mateo 24:3-14; 2 Timoteo 3:1-5; 1 Pedro 3:18) Samantalang makapangyarihang makalangit na mga hukbo ang nasa likuran niya, si Kristo ay halos sasakay na lamang patungo sa labanan upang isagawa ang inihatol ng Diyos laban sa sistemang ito ng mga bagay. (Daniel 2:44; Apocalipsis 16:14, 16; 18:1-8; 19:11-21) Oo, at yaong mga nagsasalita ng dalisay na wika ay abala ng paghahayag ng mabuting balita na ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ang malapit nang magdala ng dakilang mga pagpapala sa lahat ng masunuring tao sa isang lupang paraiso. (Isaias 9:6, 7; Daniel 7:13, 14; Mateo 6:9, 10; 24:14; Lucas 23:43) Lahat na iyan, at nahapaw lamang natin ang ibabaw! Tiyak, ang dalisay na wika ang pinakamayaman, pinakamahalagang wika sa lupa!

      14. Ano ang iba pang mga pakinabang na tinatamasa ng mga nagsasalita ng dalisay na wika?

      14 Sa pinakapakinabang na tinatamasa niyaong mga nagsasalita ng dalisay na wika ay kasali “ang kapayapaan ng Diyos” na nag-iingat sa mga puso at mga pag-iisip. (Filipos 4:6, 7) Sila’y sumusunod sa mga kautusan ng Bibliya, na nagdudulot ng kalusugan, kaligayahan, at ng kasiyahan na nanggagaling sa pagbibigay-lugod kay Jehova. (1 Corinto 6:9, 10) Oo, at ang mga nagsasalita ng dalisay na wika ay may pag-asang buhay na walang-hanggan sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos.​—2 Pedro 3:13.

      Gamitin Ito o Iwala Ito

      15. Papaano ka makikinabang sa isang mainam na unawa sa dalisay na wika?

      15 Kung nais mong gamitin ang dalisay na wika sa bagong sanlibutan, kailangang alam na alam mo ito na anupa’t ito ang wika na ginagamit mo sa pag-iisíp. Pagka ang isang tao ay nag-aaral ng isang wika, sa simula’y nag-iisip siya sa kaniyang katutubong wika at isinasalin ang kaniyang mga kaisipan sa bagong wika. Subalit habang siya’y nagiging mahusay sa bagong wika, siya’y nagsisimulang mag-isip sa wikang iyon na hindi na nangangailangang isalin pa. Sa katulad na paraan, sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral, ikaw ay makakakuha ng gayong mainam na unawa sa dalisay na wika na anupa’t malalaman mo kung papaano ikakapit ang mga kautusan at mga simulain sa Bibliya upang lutasin ang mga suliranin na naroroon pa sa “landas ng buhay.”​—Awit 16:11.

      16. Ano ang maaaring mangyari kung hindi mo palagiang gagamitin ang dalisay na wika?

      16 Kailangang gamitin mong palagian ang dalisay na wika, o kung hindi ay maiwawala mo ang kakayahan na salitain ito nang may kahusayan. Bilang halimbawa: Mga taon na ang nakalipas, ang iba sa atin ay natuto ng isang wikang banyaga. Maaaring maalaala pa natin ang ilang salita sa wikang iyon ngunit malamang na hindi na natin gaanong kabisado iyon dahil sa hindi natin palaging ginagamit. Ganiyan din ang maaaring mangyari sa dalisay na wika. Kung hindi natin palagiang gagamitin, maaaring hindi na natin maging kabisado iyon, at iyan ay hahantong sa malungkot na ibubunga sa ating espirituwalidad. Kaya salitain natin itong palagian sa mga pulong at sa ministeryong Kristiyano. Ang mga gawaing ito, kalakip ng personal na pag-aaral, ay tutulong sa atin sa tamang pagsasalita ng mga bagay-bagay sa dalisay na wika. At anong pagkahala-halaga nga iyan!

      17. Anong halimbawa ang nagpapakita na ang pagsasalita ay maaaring maging tagapagligtas-buhay o nagdudulot-kamatayan?

      17 Ang pagsasalita ay maaaring maging tagapagligtas-buhay o nagdudulot-kamatayan. Ito’y ipinakita sa isang pag-aalitan ng tribong Israelita ng Efraim at ni Hukom Jephte ng Galaad (Gilead). Upang makilala kung sino ang mga Efraimita na tumatakas patungo sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan, ang mga taga-Galaad ay gumamit ng hudyat na “Shibboleth,” na ang tunog ng unang dalawang letra ay “sh.” Ang mga lalaki ng Efraim ay nakilala ng taga-Galaad na mga bantay sa mga katubigan ng Jordan sa kanilang pagsasabi ng “Sibboleth” sa halip na “Shibboleth,” anupa’t mali ang bigkas nila sa nauunang tunog ng dalawang letra ng salita. Ang resulta, 42,000 Efraimita ang napaslang! (Hukom 12:5, 6) Sa katulad na paraan, ang tunog na itinuturo ng klero ng Sangkakristiyanuhan ay marahil malapit sa tunog ng dalisay na wika sa mga hindi gaanong maalam sa katotohanan ng Bibliya. Subalit ang pagsasalita ayon sa paraan ng huwad na relihiyon ay magdadala ng kamatayan sa araw ng galit ni Jehova.

      Tayo’y Nananatiling Nagkakaisa

      18, 19. Ano ang kahulugan ng Zefanias 3:1-5?

      18 Ang tinutukoy ay ang di-tapat na Jerusalem noong una at ang kaniyang modernong kahalintulad, ang Sangkakristiyanuhan, sinasabi ng Zefanias 3:1-5: “Sa aba niya na mapanghimagsik at nadumhan, ang bayang mapang-api! Siya’y hindi nakinig sa isang tinig; siya’y hindi tumanggap ng disiplina. Kay Jehova’y hindi siya nagtiwala. Siya’y hindi lumapit sa kaniyang Diyos. Ang kaniyang mga prinsipe sa gitna niya ay mga leong umuungal. Ang kaniyang mga hukom ay mga lobo sa gabi na walang inilalabi hanggang sa kinaumagahan. Ang kaniyang mga propeta ay magagaspang, mga taong taksil. Nilapastangan ng kaniyang mga saserdote ang santuwaryo; sila’y gumawa ng karahasan sa kautusan. Si Jehova ay matuwid sa gitna niya; siya’y hindi gumagawa ng kasamaan. Tuwing umaga’y kaniyang patuloy na ibinibigay ang kaniyang sariling makatarungang kahatulan. Sa maghapong araw ay hindi ito nagkukulang. Ngunit ang di-matuwid ay walang nakikilalang kahihiyan.” Ano ba ang kahulugan ng mga salitang iyan?

      19 Ang sinaunang Jerusalem at modernong-panahong Sangkakristiyanuhan ay kapuwa naghimagsik kay Jehova at dinumhan ang kanilang sarili ng huwad na pagsamba. Ang masamang gawa ng kanilang mga pinunò ay nagbunga ng pang-aapi. Sa kabila ng paulit-ulit na mga babala ng Diyos, sila’y hindi nakinig at nagsilapit sa kaniya. Ang kanilang mga prinsipe ay naging mistulang masasakim na mga leon, mga arogante na nagwalang-bahala sa katuwiran. Tulad ng dayukdok na mga lobo, ang katarungan ay pinagpilas-pilas ng kanilang mga hukom. Ang kanilang mga saserdote ang ‘lumapastangan sa santuwaryo at gumawa ng karahasan sa kautusan’ ng Diyos. Kaya si Jehova ay halos kikilos na lamang ‘upang pisanin ang mga bansa at tipuning sama-sama ang mga kaharian, upang maibuhos sa kanila ang kaniyang galit, lahat ng kaniyang mabangis na galit.’​—Zefanias 3:8.

      20. (a) Ano ang kailangang gawin upang makaligtas sa araw ng galit ni Jehova? (b) Papaano ka makaaasang magtatamasa ng walang-hanggang mga pagpapala mula sa Diyos?

      20 Ang araw ng galit ni Jehova ay mabilis na dumarating. Samakatuwid, upang makaligtas tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos, huwag nang ipagpaliban pa ang pagkatuto at pagsasalita ng dalisay na wika. Tanging sa paggawa ng ganiyan makasusumpong ka ng kaligtasan buhat sa espirituwal na kapahamakan ngayon at buhat sa mabilis-na-dumarating na pambuong-lupang kasakunaan. Ang mga Saksi ni Jehova ay nagbabalita ng araw ng galit ng Diyos at ng nakapagpapasayang balita ng kaniyang Kaharian. Kaylaki ng kanilang kaluguran na magsalita tungkol sa kaluwalhatian ng kaniyang paghahari! (Awit 145:10-13) Kayo’y makipagkaisa sa kanila, at kayo’y makaaasang magtatamasa ng buhay na walang-hanggan at ng iba pang mga pagpapala buhat sa Pinagmulan ng dalisay na wika, ang Soberanong Panginoong Jehova.

      Papaano Mo Sasagutin?

      ◻ Ano ang ilan sa mga pamamaraan upang matuto ng dalisay na wika?

      ◻ Bakit kapaki-pakinabang na magsalita ng dalisay na wika?

      ◻ Ano ang maaaring mangyari kung hindi mo ginagamit nang palagian ang dalisay na wika?

      ◻ Papaano makaliligtas ang isang tao sa araw ng galit ni Jehova at magtatamasa ng walang-hanggang mga pagpapala?

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share