Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Isang Panahon ng Pagsubok (1914-1918)
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
    • Nang matapos ang eleksiyon, papaano tinanggap ang bagong presidente? Ang The Watch Tower na binanggit sa itaas ay nag-ulat: “Ang mga kaibigan sa lahat ng dako ay nanalangin nang buong taimtim para sa patnubay at pag-akay ng Panginoon sa kapakanan ng eleksiyon; at nang ito’y matapos, ang bawat isa ay nasiyahan at naligayahan, anupat naniniwalang pinatnubayan ng Panginoon ang kanilang masusing pag-iisip at sinagot ang kanilang mga panalangin. Ganap na pagkakaisa ang namayani sa lahat ng naroroon.”

      Gayunman, ang “ganap na pagkakaisa,” na iyon ay hindi gaanong nagtagal. Ang bagong presidente ay mainit na tinanggap ng marami ngunit hindi ng lahat.

      Kumilos Na ang Bagong Presidente

      Ang naisin ni Brother Rutherford ay, hindi upang baguhin ang takbo ng organisasyon, kundi upang ipagpatuloy ang pasulong na paraan na itinatag ni Russell. Ang naglalakbay na mga kinatawan ng Samahan (kilala bilang mga pilgrim) ay pinarami mula 69 tungo sa 93. Pinalawak ang pamamahagi ng libreng mga pulyeto ng Samahan sa harap ng mga simbahan kung Linggo at sa regular na gawaing pagbabahay-bahay.

      Ang “gawaing pagpapastol,” na pinasimulan na bago mamatay si Russell, ay higit pang pinagbuti. Ito ay ang gawaing pagbabalik-muli, na katulad din ng gawaing pagdalaw-muli na isinasagawa ngayon ng mga Saksi ni Jehova. Upang higit pang mapasigla ang gawaing pangangaral, pinalawak ng bagong presidente ng Samahan ang gawain ng mga colporteur. Ang mga colporteur (mga unang katumbas ng mga payunir sa ngayon) ay dumami mula 372 tungo sa 461.

      “Ang taóng 1917 ay nagsimula na may nakasisira-ng-loob na pananaw,” ang sabi ng The Watch Tower ng Disyembre 15, 1917. Oo, nang mamatay si C. T. Russell, nagkaroon ng mga pag-aagam-agam, mga pag-aalinlangan, at mga pangamba. Gayunman, nakapagpapasigla ang ulat sa katapusan ng taon; lumawak ang gawain sa larangan. Maliwanag, ang gawain ay sumusulong. Ang mga Estudyante ba ng Bibliya ay nakalampas sa isa pang pagsubok​—ang kamatayan ni C. T. Russell​—nang matagumpay?

      Mga Pagtatangkang Agawin ang Pamamahala

      Hindi lahat ay sumuporta sa bagong presidente. Sina C. T. Russell at J. F. Rutherford ay magkaibang-magkaiba. Magkaiba ang kanilang personalidad at nagbuhat sa magkaibang kapaligiran. Ang pagkakaibang ito ay hindi naging madali para sa ilan na tanggapin. Para sa kanila, ‘wala nang makakatulad si Brother Russell.’

      May ilan, lalo na sa punong-tanggapan, ang tahasang galít kay Brother Rutherford. Ang bagay na ang gawain ay sumusulong at na sinisikap niyang sundin ang mga kaayusan na itinatag ni Russell ay waring hindi nakasiya sa kanila. Dumami ang oposisyon. Apat na miyembro sa lupon ng mga direktor ng Samahan ang nagsikap pa man din na agawin ang pangangasiwa sa mga kamay ni Rutherford. Ito’y umabot sa sukdulan noong tag-araw ng 1917, sa paglalabas ng The Finished Mystery, ang ikapitong tomo ng Studies in the Scriptures.

      Nabigo si Brother Russell na ilabas ang tomong ito bago siya namatay, bagaman umasa siyang magagawa niya ito. Pagkamatay niya, ang Komiteng Tagapagpaganap ng Samahan ay nagsaayos sa dalawang kasama, sina Clayton J. Woodworth at George H. Fisher, na ihanda ang aklat na ito, na isang komentaryo sa Apocalipsis, Awit ni Solomon, at Ezekiel. Sa ilang bahagi, iyon ay batay sa isinulat ni Russell tungkol sa mga aklat na ito ng Bibliya, at nagdagdag ng iba pang mga komento at paliwanag. Ang natapos na manuskrito ay sinang-ayunan ng mga opisyales ng Samahan upang malimbag at ipinamahagi sa pamilyang Bethel sa hapag-kainan noong Martes, Hulyo 17, 1917. Nang pagkakataon ding iyon, isang nakagigitlang patalastas ang ipinahayag​—ang apat na sumasalungat na direktor ay inalis, at nag-atas si Brother Rutherford ng iba pang apat upang punan ang bakante. Ano kaya ang naging reaksiyon?

      Parang isang bomba ang sumabog! Sinamantala ng apat na naalis na direktor ang pagkakataong iyon at pinasimulan ang isang limang-oras na pagtatalo sa harap ng pamilyang Bethel tungkol sa pangangasiwa sa mga gawain ng Samahan. Ang ilan sa pamilyang Bethel ay sumang-ayon sa mga mananalansang. Ang pagtutol ay nagpatuloy nang ilang linggo, anupat ang mga manggugulo ay nagbabantang “ibagsak ang nangyayaring paniniil,” gaya ng sabi nila. Subalit may mainam na batayan si Brother Rutherford sa kaniyang ginawa. Papaano?

      Lumabas na bagaman ang apat na salungat na mga direktor ay hinirang ni Brother Russell, ang mga paghirang na ito ay hindi kailanman napagtibay sa pamamagitan ng pagboto ng mga miyembro ng korporasyon sa taunang pagpupulong ng Samahan. Samakatuwid, silang apat ay hindi naman legal na mga miyembro ng lupon ng mga direktor! Alam na ito noon pa ni Rutherford subalit hindi niya ito binanggit sa pasimula. Bakit? Ayaw niya na isipin nilang siya’y sumasalungat sa mga kagustuhan ni Brother Russell. Gayunman, nang makitang sila’y hindi titigil sa panggugulo, kumilos si Rutherford ayon sa kaniyang karapatan at pananagutan bilang presidente na palitan sila ng iba na ang mga paghirang ay papagtitibayin sa susunod na taunang pagpupulong, na gaganapin sa Enero 1918.

      Noong Agosto 8, umalis mula sa pamilyang Bethel ang di-nasisiyahang mga dating direktor at ang kanilang mga tagapagtaguyod; sila’y pinaalis dahil sa kanilang nililikhang kaguluhan. Sinimulan nilang ikalat ang kanilang pagsalungat sa pamamagitan ng malawakang pagtatalumpati at kampanya sa pamamagitan ng panulat sa buong Estados Unidos, Canada, at Europa. Bilang resulta, pagkaraan ng tag-araw ng 1917, ang ilang kongregasyon ng mga Estudyante ng Bibliya ay nahati sa dalawang grupo​—yaong mga tapat sa Samahan at yaong mga madaling naging biktima ng matatamis na salita ng mga mananalansang.

      Subalit sa pagtatangkang mahawakan ang organisasyon, hindi kayâ sisikapin ng mga napalayas na mga direktor na maimpluwensiyahan ang mga dadalo sa taunang pagpupulong? Sa paniniwalang ganito nga ang maaaring mangyari, inisip ni Rutherford na makabubuting gumawa ng pagsusuri sa lahat ng kongregasyon. Ang resulta? Sang-ayon sa ulat na nalathala sa The Watch Tower ng Disyembre 15, 1917, yaong mga boboto ay nagpakita ng kanilang puspusang pagsuporta kay J. F. Rutherford at sa mga direktor na nakikipagtulungan sa kaniya! Ito’y napatunayan noong taunang pagpupulong.d Ang pagsisikap ng mga mananalansang na agawin ang pamamahala ay nabigo!

      Ano ang nangyari sa mga mananalansang na iyon at sa kanilang tagapagtaguyod? Pagkatapos ng taunang pagpupulong noong Enero 1918, ang mga mananalansang ay nagkawatak-watak, anupat piniling ipagdiwang ang Memoryal, noong Marso 26, 1918, nang kani-kaniya. Anumang pagkakaisa na kanilang natamo ay panandalian lamang, at hindi nga nagtagal sila’y nagkahiwa-hiwalay sa iba’t ibang sekta. Kalimitan ang kanilang bilang ay umunti at ang kanilang gawain ay lumiit o lubusan nang napahinto.

      Maliwanag, kasunod ng pagkamatay ni Brother Russell, ang mga Estudyante ng Bibliya ay napaharap sa isang tunay na pagsubok sa katapatan. Gaya ng pagkasabi ni Tarissa P. Gott, nabautismuhan noong 1915: “Marami sa mga inakalang malalakas, totoong tapat sa Panginoon, ay nagsimulang lumayo. . . . Lahat ng ito ay waring hindi tama, ngunit nagaganap at ito’y bumabalisa sa amin. Subalit sinabi ko sa aking sarili: ‘Hindi ba ang organisasyong ito ang ginamit ni Jehova upang tayo’y palayain mula sa gapos ng maling relihiyon? Hindi ba natikman na natin ang kaniyang kabaitan? Kung tayo’y aalis ngayon, saan tayo pupunta? Hindi kaya tayo mapasadlak sa pagsunod lamang sa kung sinong tao?’ Wala kaming makitang dahilan upang sumama sa mga apostata, kaya nanatili kami.”​—Juan 6:66-69; Heb. 6:4-6.

      Ang iba na humiwalay mula sa organisasyon ay nagsisi pagkaraan at nakisamang muli sa mga Estudyante ng Bibliya sa pagsamba. Ang karamihan, kagaya ni Sister Gott, ay nagpatuloy na makipagtulungan sa Samahang Watch Tower at kay Brother Rutherford. Ang pag-ibig at pagkakaisa na nagbigkis sa kanila ay higit pang tumibay sa pagdaan ng maraming taon ng pagsasamahan sa mga pagpupulong at mga kombensiyon. Hindi nila pahihintulutan ang anuman na pumatíd sa bigkis ng pagkakaisang iyan.​—Col. 3:14.

      Napagtagumpayan ng mga Estudyante ng Bibliya ang pagsubok mula sa mga nasa loob noong 1918. Ngunit, ano kung ang pag-uusig ay magmula sa mga nasa labas?

      Tampulan ng Pag-uusig

      Sa pagtatapos ng 1917 at sa pagpasok ng 1918, masigasig na ipinamahagi ng mga Estudyante ng Bibliya ang bagong aklat na The Finished Mystery. Sa katapusan ng 1917, ang mga tagalimbag ay abala sa 850,000 edisyon. Nag-ulat ang The Watch Tower ng Disyembre 15, 1917: “Ang benta ng Ikapitong Tomo ay hindi maitutulad sa benta ng ano pa mang kilalang aklat, sa parehong haba ng panahon, maliban sa Bibliya.”

      Subalit hindi lahat ay natuwa sa tagumpay ng The Finished Mystery. Ang aklat ay may ilang pagbanggit sa mga klero ng Sangkakristiyanuhan na totoong matatalim. Gayon na lamang ang galit ng mga klero anupat sinulsulan nila ang gobyerno na pigilin ang mga publikasyon ng mga Estudyante ng Bibliya. Bilang bunga ng pinasigla-ng-klerong pag-uusig na ito, maaga noong 1918, ipinagbawal ang The Finished Mystery sa Canada. Di-nagtagal at sumiklab din ang pag-uusig laban sa mga Estudyante ng Bibliya sa Estados Unidos.

      Upang ihantad ang pinasigla-ng-klerong panggigipit na ito, noong Marso 15, 1918, inilabas ng Watch Tower Society ang pulyeto na Kingdom News Blg. 1. Ang mensahe nito? Ang may sukat na anim-na-pitak na pamagat ay kababasahan ng ganito: “Di-pagpaparaya sa Relihiyon​—Inusig ang mga Tagasunod ni Pastor Russell Sapagkat Sinasabi Nila sa mga Tao ang Katotohanan.” Sa ibaba ng pamagat na “Mababakas ang ‘mga Panahon ng Kadiliman’ sa Pakikitungo sa mga Estudyante ng Bibliya” ay inilahad ang mga pangyayari tungkol sa pag-uusig at pagbabawal na nagsimula sa Canada. Sino ang mga manunulsol? Buong pagsisiwalat na itinuro ng pulyeto ang mga klero, na inilarawan bilang “isang panatikong uri ng mga tao na sadyang pinagsisikapang hadlangan ang mga tao na maunawaan ang Bibliya at pigilin ang lahat ng pagtuturo ng Bibliya maliban na lamang kung nagmumula sa kanila.”e Tunay na isang napakasakit na pabalita!

      Papaano tumugon ang mga klero sa ganitong pagbubunyag? Dati na silang nanggugulo sa Samahang Watch Tower. Ngunit ngayon sila’y lalo pang naging malupit! Noong tagsibol ng 1918, isang daluyong ng malupit na pag-uusig ang inilunsad laban sa mga Estudyante ng Bibliya kapuwa sa Hilagang Amerika at Europa. Umabot sa sukdulan ang pinasigla-ng-klerong pag-uusig noong Mayo 7, 1918, nang magpalabas ng mandamyento ang pederal ng E. U. para sa pagdakip kay J. F. Rutherford at ilan sa kaniyang malapít na mga kasama. Noong kalagitnaan ng 1918, si Rutherford at ang pitong kasama ay ibinilanggo sa Atlanta, Georgia.

      Ano ang nangyari sa pagpapatakbo ng punong-tanggapan ngayong si Rutherford at ang kaniyang mga kasama ay nakabilanggo?

      Patuloy na Pinagliliyab ang Apoy

      Sa Brooklyn isang Komiteng Tagapagpaganap ang itinatag upang mangalaga sa gawain. Ang pangunahing tungkulin ng mga kapatid na hinirang ay ang ipagpatuloy ang paglalathala ng The Watch Tower. Tiyak na kailangan ng mga Estudyante ng Bibliya saanman ang lahat ng espirituwal na pagpapatibay na maibibigay sa kanila. Sa katunayan, sa buong “panahon ng pagsubok” na ito, walang isa mang isyu ng The Watch Tower ang hindi napalimbag!f

      Ano ang kalagayan sa punong-tanggapan? Si Thomas (Bud) Sullivan, na nang maglaon ay naglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay nakagunita: “Naging pribilehiyo ko na madalaw ang Brooklyn Bethel noong magtatapos ang tag-araw ng 1918 sa panahong nakabilanggo ang mga kapatid. Ang mga kapatid na nangangasiwa sa gawain sa Bethel ay hindi man lamang natatakot o nasisiraan ng loob. Sa katunayan, nabaligtad ang pangyayari. Sila’y umaasa at nagtitiwala na pananagumpayin ni Jehova ang kaniyang bayan sa katapusan. Nagkapribilehiyo ako na nasa hapag almusalan noong Lunes ng umaga nang ang mga kapatid na ipinadala sa dulong-sanlinggong atas ay magbigay ng kanilang mga ulat. Nakita ang isang mainam na paglalarawan ng kalagayan. Sa bawat pagkakataon ang mga kapatid ay nananalig, naghihintay kay Jehova na ituro pa ang nararapat na gawin.”

      Gayunman, maraming suliranin ang napaharap. Naglalagablab pa rin ang Digmaang Pandaigdig I. Nagkaroon ng kakulangan sa mga suplay ng papel at gatong, na kailangang-kailangan para sa gawain sa punong-tanggapan. Dahil sa kasidhian ng pagkamakabayan, nagkaroon ng matinding pagkapoot sa Samahan; itinuring na taksil ang mga Estudyante ng Bibliya. Sa ilalim ng maselan na mga kalagayang ito, waring imposible na magpatuloy pa ang gawain sa Brooklyn. Kaya, pagkatapos na kumunsulta ang Komiteng Tagapagpaganap sa ibang mga kapatid, ipinagbili nila ang Brooklyn Tabernacle at isinara ang Tahanang Bethel. Noong Agosto 26, 1918, ang gawain ay inilipat muli sa Pittsburgh sa isang gusaling pang-opisina sa mga kalyeng Federal at Reliance.

      Gayunman, nangibabaw ang mahusay na espiritu. Nagunita ni Martha Meredith: “Kami na nasa Pittsburgh ay nagsama-sama at nagpasiyang patuloy na ‘pagliyabin ang apoy’ hanggang sa makalaya ang mga kapatid mula sa bilangguan. Nang panahong iyan ang opisina sa Brooklyn ay inilipat sa Pittsburgh, kaya ang mga kapatid ay naging abala sa pagsulat at pagpapalimbag ng mga artikulo para sa The Watch Tower. Kapag handa nang ipadala ang The Watch Tower, binabalot naming mga sister ang mga iyon at ipinadadala sa mga tao.”

      Mula nang matapos ang Panahon ng mga Gentil noong taglagas ng 1914, ang mga Estudyante ng Bibliya ay dumanas na ng mahihigpit na pagsubok. Patuloy kaya silang makapananagumpay? Taglay ba nila ‘ang pag-ibig sa Diyos sa kanilang mga puso’ o hindi? Patuloy ba silang manghahawakang matibay sa “Panginoon at sa Kaniyang Katotohanan,” gaya ng ibinabala ni Russell, o sila kaya’y bibitaw?

  • Ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian! (1919-1941)
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
    • Kabanata 7

      Ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian! (1919-1941)

      “Naniniwala ba kayo na ang Hari ng kaluwalhatian ay nagsimula nang mamahala? Kung gayon bumalik sa larangan, Oh kayong mga anak ng kataas-taasang Diyos! Isakbat ang baluti! Maging taimtim, maging mapagbantay, maging masipag, maging matapang. Maging tapat at tunay na mga saksi para sa Panginoon. Sulong sa labanan hanggang ang bawat bakas ng Babilonya ay lubusang mapawi. Ipahayag ang balita sa lahat ng lugar. Dapat malaman ng buong daigdig na si Jehova ang Diyos at na si Jesu-Kristo ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Ito ang araw ng mga araw. Masdan, namamahala na ang Hari! Kayo ang kaniyang mga kinatawang tagapagbalita. Kung gayon ay ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.”

      ANG nakapupukaw na panawagang iyan na binigkas ni J. F. Rutherford sa internasyonal na kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, noong 1922, ay nagkaroon ng matinding impluwensiya sa mga naroroon. Nilisan ng mga Estudyante ng Bibliya ang kombensiyon taglay ang nag-aalab na pagnanais na ianunsiyo ang Kaharian. Ngunit noong ilang mga taon lamang, ang pagkakataon na maglingkod bilang mga kinatawang tagapagbalita ng Kaharian ay waring totoong mapanglaw. Si J. F. Rutherford at ang pito sa kaniyang mga kasama ay nakabilanggo, at ang kanilang magiging tungkulin sa loob ng organisasyon sa hinaharap ay waring di-tiyak. Papaano napagtagumpayan ang mga suliraning ito?

      “May Nalalaman Ako Tungkol sa Batas ng Tapat”

      Ang isang kombensiyon ay itinakda sa Pittsburgh, Pennsylvania, Enero 2-5, 1919, sa panahong si Brother Rutherford at ang kaniyang mga kasama ay nakabilanggo. Subalit ito ay hindi ordinaryong kombensiyon​—ito’y isinabay sa taunang pagpupulong ng Samahang Watch Tower, noong Sabado, Enero 4, 1919. Alam na alam ni Brother Rutherford ang kahalagahan ng miting na iyon. Noong Sabadong iyon ng hapon ay hinanap niya si Brother Macmillan at nakita niya siya sa tennis court ng bilangguan. Sang-ayon kay Macmillan, ganito ang nangyari:

      “Ang sabi ni Rutherford, ‘Mac, gusto kitang makausap.’

      “‘Ano ang ibig mong pag-usapan natin?’

      “‘Gusto kong ipakipag-usap sa iyo ang nagaganap ngayon sa Pittsburgh.’

      “‘Tatapusin ko muna ang larong ito.’

      “‘Hindi ka ba interesado sa nagaganap ngayon? Hindi mo ba alam na ngayon ang paghahalal ng mga opisyal? Baka waling-bahala ka na at alisin at manatili na lamang tayo rito habang panahon.’

      “‘Brother Rutherford,’ ang sabi ko, ‘may isang bagay akong sasabihin sa iyo na baka nakakaligtaan mo. Ito ang kauna-unahang pagkakataon mula nang gawing korporasyon ang Samahan na magiging maliwanag kung sino ang pipiliin ng Diyos na Jehova bilang presidente.’

      “‘Ano ang ibig mong sabihin?’

      “‘Ang ibig kong sabihin ay na si Brother Russell ang kumontrol ng boto at siya ang humirang ng iba’t ibang opisyales. Ngayon na hindi tayo maaaring makilahok, iba na ang kalagayan. Ngunit, kung tayo’y makalalaya upang makadalo sa asambleang iyon sa business meeting na iyon, tayo’y darating doon at tatanggapin bilang kapalit ni Brother Russell taglay ang gayon ding paggalang na ipinakita sa kaniya. Magiging mukhang gawa ng tao iyon sa halip na gawa ng Diyos.’

      “Si Rutherford ay umalis na lamang na nag-iisip.”

      Nang araw na iyon isang maigtingang miting ang nagaganap sa Pittsburgh. “Kaguluhan, pagtatalo, at pagpapaliwanagan ang namayani nang ilang sandali,” nagunita ni Sara C. Kaelin, na lumaki sa lugar ng Pittsburgh. “Ang ilan ay ibig ipagpaliban ang miting ng anim na buwan; ang iba naman ay pinag-aalinlanganan ang legalidad ng paghahalal ng mga opisyal na nasa bilangguan; ang iba ay nagmungkahi na palitan lahat ang opisyales.”

      Pagkatapos ng mahabang pag-uusap, binasa ni W. F. Hudgings, isang direktor ng Peoples Pulpit Associationa sa mga naroroon ang isang sulat mula kay Brother Rutherford. Doon ay nagpahatid siya ng pag-ibig at pagbati sa mga nagkakatipon. “Ang pangunahing mga sandata ni Satanas ay ang PAGMAMATAAS, AMBISYON at PAGKATAKOT,” ang kaniyang babala. Bilang pagpapakita ng kaniyang pagnanais na pasakop sa kalooban ni Jehova, buong-pagpapakumbabang nagmungkahi pa siya ng karapat-dapat na mga lalaking maaaring piliin kung sakaling ang mga miyembro ay magpasiyang maghalal ng bagong mga opisyales para sa Samahan.

      Nagpatuloy pa ang pag-uusap, at pagkatapos si E. D. Sexton, na nahirang na chairman ng komite para sa pagmumungkahi ng mga kandidato, ay nagpahayag ng ganito:

      “Kadarating-rating ko lamang. Ang aking sinasakyang tren ay náhulí nang apatnapu’t walong oras, dahil nahadlangan ng yelo. May sasabihin ako at para sa ikaluluwag ng aking dibdib makabubuti na sabihin ko na ngayon. Mahal na mga kapatid, pumunta ako rito, tulad ng iba sa inyo, na may kaniyang sariling mga idea​—may sumasang-ayon at may sumasalungat. . . . Walang anumang humahadlang kung tungkol sa legalidad. Kung nais nating ihalal-muli ang ating mga kapatid sa Timog sa anumang tungkulin na kanilang hahawakan, wala akong makitang dahilan, o maapuhap mula sa anumang [legal] na payo na aking tinanggap, kung papaano ito, sa anumang paraan, ay makaaapekto sa kanilang kaso sa harap ng Korte Pederal o sa harap ng publiko.

      “Naniniwala ako na ang pinakamagaling na maigaganti natin sa ating kapatid na si Rutherford ay ang muling-paghahalal sa kaniya bilang presidente ng W[atch] T[ower] B[ible] & T[ract] S[ociety]. Sa palagay ko’y hindi na nag-aalinlangan ang publiko hinggil sa ating paninindigan sa kaso. Kung ang ating mga kapatid sa anumang paraan ay teknikal na lumabag sa batas na hindi nila nauunawaan, alam natin na wala silang masamang motibo. At sa harap ng Kataas-taasan [Diyos] wala silang nilalabag na batas ng Diyos o batas man ng tao. Maipakikita natin ang lubos na pagtitiwala kung ating ihahalal na muli si Brother Rutherford bilang presidente ng Asosasyon.

      “Hindi ako isang abogado, subalit kung tungkol sa legalidad ng mga pangyayari may nalalaman ako tungkol sa batas ng tapat. Katapatan ang hinihingi ng Diyos. Wala akong maisip na ano pa mang paraan upang ipakita ang ating lubos na pagtitiwala kundi ang isagawa ang eleksiyon AT MULING-IHALAL SI BROTHER RUTHERFORD BILANG PRESIDENTE.”

      Buweno, maliwanag na naipahayag ni Brother Sexton ang damdamin ng halos lahat ng mga naroroon. Ipinasok ang mga pangalan ng kandidato; nagbotohan; at si J. F. Rutherford ang nahalal na presidente, si C. A. Wise ang bise presidente, at si W. E. Van Amburgh ang kalihim at ingat-yaman.

      Nang sumunod na araw kinatok ni Brother Rutherford ang pader ng selda ni Macmillan at sinabi: “Ilawit mo ang kamay mo.” Pagkatapos ay iniabot niya ang isang telegrama kay Macmillan na sinasabing si Rutherford ay nahalal-muli bilang presidente. “Masayang-masaya siya,” nagunita ni Macmillan, “na makita ang pagtatanghal na ito ng katiyakan na si Jehova ang nagpapatakbo ng Samahan.”

      Tapos na ang eleksiyon, subalit si Brother Rutherford at ang pito pang iba ay nananatili sa piitan.

      “Isang Pambansang Kilusan” sa Kapakanan ng mga Bilanggo

      “Nitong mga nakaraang linggo isang pambansang kilusan ang nagsimula sa kapakanan ng mga kapatid na ito,” ang sabi sa The Watch Tower ng Abril 1, 1919. Ang ilang mga pahayagan ay nananawagan na pakawalan si Brother Rutherford at ang kaniyang mga kasama. Ang mga Estudyante ng Bibliya sa lahat ng bahagi ng Estados Unidos ay nagpakita ng kanilang pagtangkilik sa pamamagitan ng pagpapadala ng liham sa mga patnugot ng pahayagan, mga kongresista, mga senador, at mga gobernador, na nakikiusap na gumawa ng hakbang sa kapakanan ng walong bilanggo. Maliwanag, ang mga Estudyante ng Bibliya ay hindi tutugot hangga’t hindi napapalaya ang kanilang walong kapatid.

      Noong Marso 1919, ang mga Estudyante ng Bibliya sa Estados Unidos ay nagpalabas ng isang petisyon na doo’y hinihilingan nila si Presidente Woodrow Wilson na gamitin ang kaniyang impluwensiya na maisagawa ang isa sa mga sumusunod alang-alang sa mga kapatid na nakabilanggo:

      “UNA: Isang lubusang pagpapawalang-sala, kung iyon ay posible na ngayon, O

      “IKALAWA: Na inyong utusan ang Kagawaran ng Paglilitis na mapawalang-saysay ang pag-uusig laban sa kanila, at na sila’y lubusang palayain, O

      “IKATLO: Na agad silang pahintulutan na magpiyansa habang hinihintay ang huling desisyon mula sa nakatataas na hukuman may kinalaman sa kanilang kaso.”

      Sa loob ng dalawang linggo, nakakuha ang mga Estudyante ng Bibliya ng 700,000 pirma. Gayunman, ang petisyon ay hindi na naiharap sa presidente o sa gobyerno. Bakit hindi? Dahil sa bago ito nagawa, ang walong lalaki ay pinalaya na sa bisa ng piyansa. Kung gayon, ano ang nagawa ng petisyon? Ang The Watch Tower ng Hulyo 1, 1919, ay nagsabi: “Napakaliwanag ng katibayan na ninais ng Panginoon na ang petisyong ito ay isagawa, hindi lamang upang mapalaya ang mga kapatid sa bilangguan, kundi upang maging patotoo sa katotohanan.”

      “Maligayang Pagbabalik, mga Kapatid”

      Noong Martes, Marso 25, ang walong kapatid ay lumisan sa Atlanta patungo sa Brooklyn. Mabilis na kumalat ang balita ng kanilang pagkapalaya. Tunay na iyon ay isang makabagbag-damdaming tanawin​—nagkalipumpon ang mga Estudyante ng Bibliya sa mga istasyon ng tren na daraanan sa pag-asang makita sila at maipahayag ang kagalakan sa kanilang pagkapalaya. Ang iba ay sumugod sa Tahanang Bethel sa Brooklyn, na isinara, upang ihanda ang isang piging ng pagsalubong. Sa Brooklyn, noong Marso 26, ang mga kapatid ay pinahintulutang magpiyansa ng $10,000 bawat isa, at sila’y pinalaya.

      “Kaagad sila’y sinamahan ng ilang mga kaibigan sa Tahanang Bethel, kung saan mga lima o anim na raang mga kaibigan ang nagkakatipon upang batiin sila,” ang ulat ng The Watch Tower ng Abril 15, 1919. Sa silid-kainan, ay may malaking banner na may nakasulat na, “Maligayang Pagbabalik, mga Kapatid.” Halos 50 taon na ang nakaraan, nagunita ni Mabel Haslett, na naroroon sa piging na iyon: “Naaalaala ko pa na ako’y gumawa ng isandaang doughnut, na waring nagustuhan ng mga kapatid pagkalipas ng siyam na buwang pagkain sa piitan. Nakikini-kinita ko pa si Brother Rutherford na umaabot sa mga iyon. Iyon ay isang di-malilimot na okasyon habang inilalahad niya at ng iba pa ang kanilang mga karanasan. Natatandaan ko pa rin ang maliit na si Brother DeCecca na nakatayo sa isang silya para makita siya at marinig ng lahat.”

      Noong Martes ng umaga, Abril 1, dumating si Brother Rutherford sa Pittsburgh, na kinaroroonan ngayon ng mga opisina ng punong-tanggapan. Dito man, nang malaman ng mga kapatid na siya’y nakatakdang dumating, ay nagsaayos ng isang piging, na ginanap nang gabing iyon sa Hotel Chatham. Gayunman, ang kalagayan sa bilangguan ay may masamang naidulot kay Brother Rutherford. Humina ang kaniyang baga, at bilang resulta, pagkatapos na siya’y palayain siya’y nagkaroon ng malubhang sakit na pulmonya. Kaya, di-nagtagal dahil sa paghina ng kaniyang katawan kinailangan na siya’y tumungo sa California, kung saan naroroon ang ilan sa kaniyang mga kamag-anak.

      Ang Pagsubok sa Los Angeles

      Ngayong malaya na si Brother Rutherford at ang iba pa, bumangon ang katanungan, Kumusta naman ang gawaing paghahayag ng Kaharian ng Diyos? Sa panahong nakabilanggo ang mga kapatid na ito, ang pang-organisasyong pamamahala sa gawaing pagpapatotoo ay halos napahinto. Ang Brooklyn Tabernacle ay ipinagbili at isinara ang Tahanang Bethel. Ang mga opisina ng punong-tanggapan sa Pittsburgh ay maliit, at limitado ang pondo. Bukod doon, gaano kayang interes mayroon sa mensahe ng Kaharian? Mula sa California, nagpasiya si Brother Rutherford na magsaayos ng isang pagsubok.

      Ang isang pagpupulong ay isinaayos sa Clune’s Auditorium sa Los Angeles, noong Linggo, Mayo 4, 1919. “Ang Pag-asa Para sa Namimighating Sangkatauhan” ang pamagat ng pahayag na ipinag-anyaya sa madla. Ngunit ang pahayag ay ibibigay ni J. F. Rutherford​—isang lalaki na kapapalaya lamang mula sa bilangguan. Sa pamamagitan ng malawakang pag-aanunsiyo sa pahayagan, nangako si Rutherford ng isang tapatang paglalahad ng mga pangyayari, kasali na ang isang paliwanag sa mga dahilan ng ilegal na paghatol sa mga opisyales ng Samahan. May magkakainteres kayang dumalo?

      Nakatutuwa ang pagtugon. Sa katunayan, 3,500 ang dumating upang makinig sa pahayag, at mga 600 pa ang hindi nakapasok. Tuwang-tuwa si Brother Rutherford! Sumang-ayon siya na magpahayag sa mga hindi nakapasok noong Lunes ng gabi, at 1,500 ang dumating. Gayunman, masamang-masama pa ang kaniyang pakiramdam, kung kaya hindi niya natapos ang pahayag na iyon. Pagkaraan ng isang oras siya’y kinailangang palitan ng isang kasamahan. Gayunpaman, ang pagsubok sa Los Angeles ay isang tagumpay. Nakumbinsi si Brother Rutherford na may malaking interes sa mensahe ng Kaharian, at siya’y determinadong tiyakin na ito’y ipahahayag.

      Patuloy sa Gawain!

      Noong Hulyo 1919, nagtrabaho nang muli si Brother Rutherford sa punong-tanggapan sa Pittsburgh. Mabilis na naisagawa ang mga bagay-bagay nang sumunod na ilang buwan. Gumawa ng mga kaayusan para sa isang kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya na gaganapin sa Cedar Point, Ohio, Setyembre 1-8, 1919. Ang mga opisina ng Samahan ay inilipat na muli sa Brooklyn at nagsimulang mamahala noong Oktubre 1.

      Ano kaya ngayon ang kanilang gagawin? Ang kanilang misyon ay maliwanag na idiniin sa kombensiyon sa Cedar Point. Noong Martes, Setyembre 2, si Brother Rutherford ay nagpaliwanag: “Ang misyon ng isang Kristiyano sa lupa . . . ay ang ipahayag ang mensahe ng kaharian ng katuwiran ng Panginoon, na magdadala ng mga pagpapala sa lahat ng nagbubuntung-hininga na mga nilalang.” Pagkalipas ng tatlong araw, noong Biyernes, Setyembre 5, na tinawag na Co-Laborers’ Day, si Brother Rutherford ay nagpatuloy pa: “Sa mga sandaling natitigilan natural lamang na magtanong sa sarili ang isang Kristiyano, Bakit ako naririto sa lupa? At ang kinakailangang sagot ay, Buong pagmamahal na ginawa ako ng Panginoon na kaniyang embahador upang taglayin ang maka-Diyos na mensahe ng pakikipagkasundo sa sanlibutan, at ang aking pribilehiyo at tungkulin ay ang ipatalastas ang mensaheng iyan.”

      Oo, ngayon na ang panahon para ipagpatuloy ang gawaing paghahayag ng Kaharian ng Diyos! At upang makatulong sa pagsasagawa ng komisyong ito, ipinatalastas ni Brother Rutherford: “Sa awa’t tulong ng Panginoon kami’y nagsaayos para sa paglalathala ng isang bagong magasin sa tawag at pamagat na THE GOLDEN AGE.” Hindi alam ng mga kombensiyonista na ang babasahing The Golden Age ay mapatutunayang isang matapang na babasahin.

      “Ang unang-unang kombensiyong iyon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I ay isang malakas na pagpapasigla para sa aming lahat,” nagunita ni Herman L. Philbrick, na naglakbay patungo sa kombensiyon mula sa kaniyang tahanan sa Boston, Massachusetts. Tunay, ang kombensiyong iyon sa Cedar Point ay nagpasigla upang kumilos ang mga Estudyante ng Bibliya. Sila’y handa na upang magsimula sa gawaing paghahayag ng mabuting balita. Para bang sila’y nabuhay-muli mula sa kamatayan.​—Ihambing ang Ezekiel 37:1-14; Apocalipsis 11:11, 12.

      Samantala, mahahalagang bagay ang nagaganap sa tanawin ng sanlibutan. Nilagdaan ang Treaty of Versailles noong Hunyo 28, 1919, at nagkabisa noong Enero 10, 1920. Kasabay ng opisyal na pagwawakas ng kilusang militar laban sa Alemanya noong Digmaang Pandaigdig I, ang kasunduan ay nagtatakda pa rin para sa pagtatatag ng Liga ng mga Bansa​—isang internasyonal na asosasyon na nilikha upang mapanatili ang kapayapaan sa sanlibutan.

      ‘Ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian’

      Noong 1922 ang mga Estudyante ng Bibliya ay bumalik sa Cedar Point para sa isang siyam-na-araw na programa, mula Setyembre 5 hanggang 13. Nangibabaw ang pananabik habang nagdaratingan ang mga delegado para sa internasyonal na kombensiyong ito. Ang pinakasukdulan ng kombensiyon ay naganap noong Biyernes, Setyembre 8, nang bigkasin ni Brother Rutherford ang pahayag na “Ang Kaharian.”

      Nagunita pa ni Thomas J. Sullivan: “Nakikini-kinita pa rin niyaong nagkapribilehiyo na makadalo sa miting na iyon ang marubdob na hangarin ni Brother Rutherford nang sabihan niya ang ilang di-mapakaling mga tao na naglalakaran dahil sa matinding init ng panahon na ‘UMUPO’ at ‘MAKINIG’ sa pahayag anuman ang mangyari.” Yaong mga sumunod ay hindi naman nabigo, sapagkat iyon ang makasaysayang pahayag na doo’y pinasigla ni Brother Rutherford ang mga nakikinig na ‘ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian.’

      Ang nakikinig ay tumugon nang buong sigla. Nag-ulat ang The Watch Tower: “Napatanim sa isipan ng bawat isang naroroon na ang obligasyon ay iniatang sa bawat isang nakatalaga mula ngayon na kumilos bilang kinatawang tagapagbalita

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share