-
Wala Nang Hihigit Pa sa KatotohananAng Bantayan—1998 | Enero 1
-
-
Wala Nang Hihigit Pa sa Katotohanan
Ayon Sa Pagkalahad Ni G. N. Van Der Bijl
Noong Hunyo 1941, ibinigay ako sa Gestapo at dinala sa kampong piitan ng Sachsenhausen malapit sa Berlin, Alemanya. Doon, bilang preso na may numerong 38190, ako’y nanatili hanggang sa kasumpa-sumpang death march noong Abril 1945. Ngunit bago ko ilarawan ang mga pangyayaring iyon, hayaan ninyong ipaliwanag ko kung paano ako naging isang bilanggo.
ISINILANG ako sa Rotterdam, Netherlands, di-nagtagal pagkatapos magsimula ang Digmaang Pandaigdig I, noong 1914. Nagtatrabaho si Itay sa daang-bakal, at ang aming maliit na apartment ay malapit lamang sa riles. Sa pagtatapos ng digmaan noong 1918, marami akong nakitang humahagibis na tinaguriang ambulansiyang tren. Tiyak na punung-puno ang mga ito ng sugatang mga sundalo na iniuuwi mula sa lugar ng labanan.
Nang ako’y 12 anyos, huminto ako sa pag-aaral upang magtrabaho. Pagkaraan ng walong taon ay pumasok ako bilang isang tagapaglingkod sa isang pampasaherong bapor, at sa loob ng sumunod na apat na taon, naglakbay ako sa pagitan ng Netherlands at ng Estados Unidos.
Nang dumaong kami sa New York noong tag-araw ng 1939, nagbabanta ang isa pang digmaang pandaigdig. Kaya nang isang lalaki ang umakyat sa aming bapor at nag-alok sa akin ng aklat na Government, na bumabanggit tungkol sa isang matuwid na pamahalaan, malugod kong tinanggap iyon. Pagkabalik sa Rotterdam, sinimulan kong maghanap ng trabaho sa lupain, yamang waring hindi na ligtas ang buhay sa dagat. Noong Setyembre 1, sinalakay ng Alemanya ang Poland at ang mga bansa ay bumulusok sa Digmaang Pandaigdig II.
Pagkatuto ng Katotohanan sa Bibliya
Isang umaga ng Linggo noong Marso 1940, dinadalaw ko ang kapatid kong may asawa nang tumimbre sa pinto ang isa sa mga Saksi ni Jehova. Sinabi ko sa kaniya na mayroon na akong aklat na Government at tinanong ko siya tungkol sa langit at kung sino ang pumupunta roon. Gayon na lamang ang linaw at katuwiran ng natanggap kong sagot anupat sinabi ko sa aking sarili, ‘Ito ang katotohanan.’ Ibinigay ko sa kaniya ang aking direksiyon at inanyayahan siyang dalawin ako sa aking tahanan.
Pagkaraan lamang ng tatlong pagdalaw, na sa panahong iyon ay pinag-usapan naming mabuti ang Bibliya, sinimulan ko nang samahan ang Saksi sa gawaing pangangaral sa bahay-bahay. Nang marating namin ang teritoryo, itinuro niya sa akin kung saan magsisimula, at mag-isa akong gumawa. Ganoon ang pasimula ng maraming baguhan sa gawaing pangangaral nang mga panahong iyon. Upang hindi makita sa lansangan, pinayuhan ako na dapat ay laging nasa loob ako ng mga pasilyo kapag naghaharap ng literatura. Kailangang mag-ingat noong mga unang araw ng digmaan.
Pagkaraan ng tatlong linggo, noong Mayo 10, 1940, sinalakay ng hukbong Aleman ang Netherlands, at noong Mayo 29, ipinahayag ng komisyonado ng Reich na si Seyss-Inquart na ipinagbabawal ang organisasyon ng mga Saksi ni Jehova. Nagtitipon lamang kami sa maliliit na grupo, at nag-iingat upang manatiling lihim ang aming mga dakong pulungan. Lalo nang nakapagpalakas sa amin ang mga pagdalaw ng mga naglalakbay na tagapangasiwa.
Malakas akong manigarilyo, at nang alukin ko ng sigarilyo ang Saksi na nakipag-aral sa akin at nalamang hindi siya naninigarilyo, nasabi ko: “Hindi ako kailanman makahihinto sa paninigarilyo!” Subalit di-nagtagal, habang naglalakad ako sa kalye, naisip ko, ‘Kung ako’y magiging isang Saksi, ibig ko na maging isang tunay na Saksi.’ Kaya hindi na ako nanigarilyo pang muli.
Nanindigan sa Katotohanan
Noong Hunyo 1940, wala pang tatlong buwan mula nang makilala ko ang Saksi sa pintuan ng aking kapatid, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova at ako’y nagpabautismo. Pagkaraan ng ilang buwan, noong Oktubre 1940, pumasok ako sa buong-panahong ministeryo bilang isang payunir. Noon, binigyan ako ng tinatawag na dyaket ng payunir. Mayroon itong maraming bulsa para sa mga aklat at mga buklet, at maisusuot ito bilang panloob sa isang amerikana.
Halos mula nang manakop ang mga Aleman, sistematikong tinugis at inaresto ang mga Saksi ni Jehova. Isang umaga noong Pebrero 1941, ako’y nasa ministeryo sa larangan kasama ng ilan sa iba pang Saksi. Habang dumadalaw sila sa mga tao sa isang panig ng bloke ng mga bahay, gumawa naman ako sa kabilang panig ng bloke upang salubungin sila. Nang maglaon, tiningnan ko kung ano ang nakaaantala sa kanila at nakatagpo ko ang isang lalaki na nagtanong, “Mayroon ka rin ba ng maliliit na aklat na ito?”
“Oo,” ang sagot ko. Nang magkagayo’y inaresto niya ako at dinala ako sa himpilan ng pulis. Ikinulong ako sa loob ng halos apat na linggo. Karamihan sa mga opisyal ay palakaibigan. Hangga’t hindi ibinibigay sa Gestapo ang isang tao, maaari siyang makalaya sa pamamagitan lamang ng paglagda sa isang nasusulat na kapahayagan na hindi na siya mamamahagi ng literatura sa Bibliya. Nang pinalalagda ako sa gayong kapahayagan, sumagot ako: “Kahit na alukan ninyo ako ng isa o dalawang milyong gulden, hindi pa rin ako lalagda.”
Pagkatapos na ikulong pa nang sandaling panahon, ibinigay ako sa Gestapo. Noon ay dinala ako sa kampong piitan ng Sachsenhausen sa Alemanya.
Ang Buhay sa Sachsenhausen
Nang dumating ako noong Hunyo 1941, naroon na sa Sachsenhausen ang mga 150 Saksi—karamihan ay Aleman. Kaming mga bagong bilanggo ay dinala sa isang bahagi ng kampo na tinatawag na Isolation. Doon ay inalagaan kami ng ating mga Kristiyanong kapatid at inihanda kami sa inaasahang mangyayari. Pagkaraan ng isang linggo ay isa pang grupo ng mga Saksi mula sa Netherlands ang dumating. Sa simula ay inatasan kaming tumayo sa iisang lugar sa harap ng mga kuwartel mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-sais ng gabi. Kung minsan ay kailangang gawin ito ng mga bilanggo sa araw-araw sa loob ng isang linggo o higit pa.
Sa kabila ng malupit na pagtrato, natanto ng mga kapatid ang apurahang pangangailangan na manatiling organisado at kumain sa espirituwal. Araw-araw ay may inatasan na maghanda ng mga kaisipan tungkol sa isang teksto sa Bibliya. Pagkaraan, sa bakuran na pinagtitipunan, bawat isa sa mga Saksi ay lalapit sa isang iyon at pakikinggan ang inihanda niya. Sa iba’t ibang paraan, regular na naipupuslit sa loob ng kampo ang literatura, at kami’y aktuwal na nagtitipon tuwing Linggo at magkakasamang pinag-aaralan ang literaturang ito sa Bibliya.
Sa paano man ay naipuslit sa loob ng Sachsenhausen ang isang kopya ng aklat na Children, na inilabas sa kombensiyon sa St. Louis sa Estados Unidos noong tag-araw ng 1941. Upang mabawasan ang panganib na matuklasan at masira ang aklat, pinaghiwa-hiwalay namin ito, at ang mga bahagi ay inilibot sa mga kapatid upang ang lahat ay maghali-halili sa pagbasa nito.
Pagkaraan, natuklasan ng pangasiwaan ng kampo ang tungkol sa mga pulong na idinaraos namin. Kaya ang mga Saksi ay pinaghiwa-hiwalay at inilagay sa iba’t ibang kuwartel. Iyon ay nagbigay sa amin ng napakainam na pagkakataon upang mangaral sa ibang bilanggo, at bunga nito, maraming Polako, Ukrainiano, at iba pa ang tumanggap ng katotohanan.
Hindi inilihim ng mga Nazi ang kanilang layunin na sugpuin o patayin ang Bibelforscher, gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova. Dahil dito, gayon na lamang katindi ang panggigipit sa amin. Sinabihan kami na makalalaya kami kung lalagda kami sa isang kapahayagan na nagtatakwil sa aming pananampalataya. Nangatuwiran ang ilang kapatid, “Kung ako’y malaya, mas marami akong magagawa sa paglilingkod kay Jehova.” Bagaman may ilang lumagda, karamihan sa ating mga kapatid ay nanatiling tapat sa kabila ng lahat ng pagkakait, panghihiya, at masamang pagtrato. Wala nang nabalitaan tungkol sa ilan sa mga nakipagkompromiso. Ngunit mabuti na lamang, ang iba ay nakabalik nang dakong huli at aktibo pa rin bilang mga Saksi.
Kami ay laging sapilitang pinapagmamasid habang ang mga bilanggo ay buong-lupit na pinaparusahan, tulad ng 25 hampas sa pamamagitan ng kahoy. Minsan, pinilit kaming manood sa pagbitay sa apat na lalaki. Ang gayong mga karanasan ay may seryosong epekto sa isang tao. Ganito ang sabi sa akin ng isang kapatid, isang matangkad at magandang lalaki na kasama kong nakatira sa isang kuwartel: “Bago ako mapunta rito, hinihimatay ako kapag nakakakita ako ng dugo. Pero ngayon ay naging matigas na ako.” Gayunpaman, bagaman maaaring naging matigas na kami, hindi kami naging manhid. Masasabi ko na hindi ako kailanman nagtanim ng galit o napoot sa mga umusig sa amin.
Pagkatapos gumawa kasama ng isang kommando (mga trabahador) sa loob ng ilang panahon, ipinasok ako sa ospital dahil sa mataas na lagnat. Tinulungan ako ng isang mabait na Norwegong doktor at isang nars na taga-Czechoslovakia, at marahil ang kanilang kabaitan ang siyang nagligtas sa aking buhay.
Ang Death March
Pagsapit ng Abril 1945, maliwanag na natatalo sa digmaan ang Alemanya. Mabilis na umaabante ang magkakaanib mula sa kanluran at ang mga Sobyet naman mula sa silangan. Imposible para sa mga Nazi na paslangin ang daan-daan libong nasa mga kampong piitan at itapon ang kanilang mga bangkay sa loob lamang ng ilang araw nang hindi nag-iiwan ng anumang bakas. Kaya ipinasiya nilang patayin ang mga maysakit at ilipat ang nalalabing mga bilanggo sa pinakamalalapit na daungan. Doon ay balak nilang isakay sila sa mga barko at palubugin ang mga barko sa dagat.
Ang paglalakad ng mga 26,000 bilanggo mula sa Sachsenhausen ay nagsimula noong gabi ng Abril 20. Bago kami lumisan sa kampo, ang aming may-sakit na mga kapatid ay sinagip mula sa pagamutan. Nakakuha ng isang kariton na masasakyan nila. Lahat-lahat, 230 kami mula sa anim na iba’t ibang bansa. Kabilang sa mga maysakit ay si Brother Arthur Winkler, na nakatulong ng malaki sa paglawak ng gawain sa Netherlands. Kaming mga Saksi ang nasa hulihan ng martsa, at patuloy naming pinatibay-loob ang isa’t isa upang magpatuloy sa paglakad.
Sa pasimula, naglakad kami sa loob ng 36 na oras nang walang hinto. Habang naglalakad ako, talagang nakatulog ako dahil sa labis na kahapisan at pagod. Ngunit hindi puwedeng magpaiwan o magpahinga dahil sa panganib na mabaril ng mga guwardiya. Sa gabi ay natutulog kami sa mga parang o sa mga kakahuyan. Halos walang pagkain. Nang hindi ko na matiis ang hapdi ng pagkagutom, hinimod ko ang toothpaste na ibinigay sa amin ng Red Cross ng Sweden.
Minsan, dahil sa nalilito ang mga guwardiyang Aleman kung nasaan ang mga tropa ng Russia at ng Estados Unidos, nagkampo kami sa kakahuyan sa loob ng apat na araw. Mabuti na lamang at nangyari ito sapagkat, dahil dito, hindi kami nakarating sa Lübeck Bay nang nasa tamang oras para sumakay sa mga barko na nilayong maglibing sa amin sa tubig. Sa wakas, pagkaraan ng 12 araw at paglalakad nang mahigit sa 200 kilometro, narating namin ang Crivitz Wood. Hindi ito kalayuan sa Schwerin, isang lunsod na 50 kilometro ang layo mula sa Lübeck.
Ang mga Sobyet ay nasa gawing kanan namin, at nasa aming kaliwa naman ang mga Amerikano. Dahil sa dagundong ng malalaking baril at walang-tigil na mga putok ng riple, alam namin na malapit kami sa lugar ng labanan. Natakot ang mga guwardiyang Aleman; tumakas ang ilan, at pinalitan ng iba ang kanilang unipormeng militar ng kasuutan ng bilanggo na hinubad nila sa mga patay, sa pag-asang hindi sila makikilala. Sa gitna ng pagkakagulo, kaming mga Saksi ay nagtipon upang humingi ng patnubay sa pamamagitan ng panalangin.
Nagpasiya ang mga kapatid na nangunguna na dapat kaming lumisan sa madaling araw kinabukasan at pumunta sa direksiyon ng mga sundalong Amerikano. Bagaman halos kalahati sa mga bilanggo na nagsimula sa death march ang namatay o pinatay habang nasa daan, nakaligtas ang lahat ng Saksi.
Pinasakay ako ng ilang taga-Canadang tauhan ng militar hanggang sa lunsod ng Nijmegen, kung saan dating nakatira ang isa kong kapatid na babae. Ngunit nang makarating ako roon, natuklasan ko na lumipat na siya. Kaya nagsimula akong maglakad patungong Rotterdam. Mabuti na lamang, habang daan ay inalok akong sumakay sa isang pribadong sasakyan na tuwirang nagdala sa akin sa aking pupuntahan.
Ang Katotohanan ang Naging Aking Buhay
Nang mismong araw na makarating ako sa Rotterdam, muli akong nagpatala sa gawaing pagpapayunir. Pagkaraan ng tatlong linggo ay naroon na ako sa aking atas sa lunsod ng Zutphen, kung saan ako naglingkuran sa loob ng sumunod na isa at kalahating taon. Nang panahong iyon, lumakas na muli ang aking katawan. Pagkatapos ay naatasan ako bilang tagapangasiwa ng sirkito, gaya ng tawag sa mga naglalakbay na ministro. Pagkaraan ng ilang buwan, inanyayahan ako sa Watchtower Bible School of Gilead sa South Lansing, New York. Nang makatapos mula sa ika-12 klase ng paaralang iyan noong Pebrero 1949, inatasan ako sa Belgium.
Naglingkod ako sa iba’t ibang bahagi ng ministeryo sa Belgium, kasali na ang halos walong taon sa tanggapang pansangay at mga dekada sa gawaing paglalakbay kapuwa bilang isang tagapangasiwa ng sirkito at tagapangasiwa ng distrito. Noong 1958, nagpakasal ako kay Justine, na naging kasama ko sa paglalakbay. Ngayon, sa aking katandaan, taglay ko pa rin ang kagalakan na maglingkod sa isang limitadong paraan bilang isang kahaliling naglalakbay na tagapangasiwa.
Kapag ginugunita ko ang aking ministeryo, tunay na masasabi ko: “Wala nang hihigit pa sa katotohanan.” Sabihin pa, hindi ito laging madali. Natuklasan ko ang pangangailangan na matuto mula sa aking mga pagkakamali at kahinaan. Kaya kapag kinakausap ko ang mga kabataan, madalas kong sabihin sa kanila: “Kayo rin naman ay magkakamali at marahil magkakasala nang malubha, ngunit huwag kayong magsinungaling tungkol dito. Ipakipag-usap ito sa inyong mga magulang o sa isang matanda, at pagkatapos ay gawin ang kinakailangang pagtutuwid.”
Sa aking halos 50 taon sa buong-panahong ministeryo sa Belgium, nagkapribilehiyo ako na makita ang mga dati kong kilala na mga bata pa noon na naglilingkod bilang matatanda at mga tagapangasiwa ng sirkito. At nakita kong lumago ang mga 1,700 tagapaghayag ng Kaharian sa bansa tungo sa mahigit na 27,000.
Itinatanong ko, “Mayroon pa kayang higit na pinagpalang paraan ng pamumuhay kaysa sa paglilingkod kay Jehova?” Wala noon, wala ngayon, at hindi magkakaroon kailanman. Idinadalangin ko na kaming mag-asawa ay patuloy nawang akayin at pagpalain ni Jehova upang patuloy namin siyang mapaglingkuran magpakailanman.
[Larawan sa pahina 26]
Kasama ng aking kabiyak di-nagtagal pagkatapos ng aming kasal noong 1958
-
-
“Gumawa ng mga Alagad sa mga Tao ng Lahat ng mga Bansa”Ang Bantayan—1998 | Enero 1
-
-
“Gumawa ng mga Alagad sa mga Tao ng Lahat ng mga Bansa”
“HUMAYO kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” Ganito ang pagkakasalin ng New World Translation sa utos ni Jesus na nasa Mateo 28:19. Gayunman, ang salin na ito ay pinupuna. Halimbawa, ganito ang sinabi ng isang relihiyosong pamplet: “Ang tanging salin na ipinahihintulot ng Griegong teksto ay: ‘Gumawa ng mga alagad sa lahat ng mga bansa!’ ” Totoo ba ito?
Ang salin na ito, “Gumawa ng mga alagad sa lahat ng mga bansa,” ay lumilitaw sa maraming bersiyon ng Bibliya at ito ay isang literal na salin ng Griego. Kaya, anong saligan mayroon sa pagbasa na, “Gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila”? Ang konteksto. Ang pananalitang “na binabautismuhan sila” ay malinaw na tumutukoy sa mga indibiduwal, hindi sa mga bansa. Ganito ang sabi ng iskolar na Aleman na si Hans Bruns: “Ang [salita] na ‘sila’ ay hindi tumutukoy sa mga bansa (sa Griego ay may malinaw na pagkakaiba), kundi sa mga tao ng mga bansa.”
Karagdagan pa, ang paraan ng pagsasakatuparan sa utos ni Jesus ay dapat ding isaalang-alang. Ganito ang mababasa natin hinggil sa ministeryo nina Pablo at Bernabe sa Derbe, isang lunsod sa Asia Minor: “Pagkatapos na maipahayag ang mabuting balita sa lunsod na iyon at makagawa ng ilang alagad, nagbalik sila sa Listra at sa Iconio at sa Antioquia.” (Gawa 14:21) Pansinin na ginawang mga alagad nina Pablo at Bernabe, hindi ang lunsod ng Derbe, kundi ang ilan sa mga mamamayan ng Derbe.
Gayundin naman, may kinalaman sa panahon ng kawakasan, inihula ng aklat ng Apocalipsis na hindi naman buu-buong bansa ang maglilingkod sa Diyos, kundi na “isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika” ang gagawa ng gayon. (Apocalipsis 7:9) Samakatuwid, ang New World Translation ay nabigyang-katuwiran bilang isang maaasahang salin ng ‘lahat ng Kasulatan, na kinasihan ng Diyos.’—2 Timoteo 3:16.
-